Chapter XIII–2

1369 Words
Bumalik sa dressing room si Rainsleth at doon naghintay kung kailan siya tatawagin para sa talent portion. Kaunti lang ang naroon at pawang mga naghahanda na para sa turn nila. Ilang sandali lang ang lumipas, pumasok roon si Koen dala ang paper bag na bitbit nito kanina at ibinigay iyon sa kanya. Isa-isa namang umalis ang ibang kandidata nang tingnan sila ni Koen. Kinunutan niya ito ng noo nang makita ang laman niyon. Iba't ibang sukat at klase ng brush ang naroon at iba't ibang kulay ng acrylic paint. "Ano ang gagawin ko sa mga ito?" tanong ni Rain. "Obvious naman 'di ba? Painting will be your talent." Humalukipkip ito at sumandal muli sa mahabang misa. Tanging ang likod lang nito ang nakikita niya mula sa salamin. Iniatras niya ang inuupuan para mas makita ang mukha nito para hindi na siya gaanong titingala. "Nakasisiguro ka bang marunong ako? Wala nga akong mga gamit na ganito sa bahay namin, eh." Inirapan niya ito at muling bumaling sa mga gamit na nakakalat na ngayon sa ibabaw ng mesa. "M-hm," tipid na sagot nito. "Ayoko niyan." Pinagtutulak niya ang mga iyon palapit kay Koen. "Baka kapag nag-drawing ako ng mukha, unggoy ang maging hitsura." Napanguso siya nang maalala ang pagkapahiya niya kanina. "So what? You can paint a nature, instead." Itinulak nito pabalik sa kanya ang mga gamit pampinta. "Kapag nature naman, paano kung putik lang ang makayanan kong ipinta? Ayoko nang mapahiya nang ganoon." Napahilamos siya sa kawalan ng pag-asa. "Pwede na rin iyon. May Abstract Painting naman." Kinagat nito ang ibabang labi sa pagpipigil ng tawa. Bagsak ang mga balikat na sinamaan niya ito ng tingin. Kahit ano'ng sabihin niya, nakokontra nito iyon. Napabuntong-hininga na lamang siya at hindi na umimik. Sumeryoso agad ito nang makita ang reaksiyon niya. "Kung ano man ang pumasok sa isip mo, iyon ang gawin mo. I know you can do it." Gumuhit ang sinserong ngiti nito sa mga labi. Napatitig siya kay Koen at unti-unting nagpalamon sa kawalan. Isang mukha ang malinaw niyang nakita mula roon. Naka-side view na mukha ng nakangiting babae ang nagpalayo sa kanya mula sa reyalidad. Wala sa sariling kinabisado niya iyon... mula sa malalantik na pilikmata, perpektong hugis ng ilong, at sa matamis nitong ngiti. Pati ang kulay brown nitong buhok na may magandang alon ay natutukan niya. Marahang pagyugyog ng balikat niya ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. "Are you okay?" tanong ni Koen. Nakahinga ito nang maluwag nang tumango siya. Hindi nagtagal ay tinawag na siya. Bumigat ang mga hakbang niya habang papalapit sa entablado. Bumibilis naman sa pagkabog ang puso niya. Nakasunod sa kanya ang lalaking may dalawang easel stand na kanina pa pala naghihintay na tawagin siya ni Koen mula sa props room. Hinayaan niya ang lalaki na iayos ang mga gamit sa tamang kalagyan. Nang matapos ito, humarap na siya sa canvas na gagamitin niya. Kinuha niya ang palette na naroon at nilagyan ng iba't ibang kulay ng pintura. Nanginginig pa ang kamay niya nang kunin ang palette knife na naroon at nag-mix ng kulay na sa tingin niya'y babagay sa gagawin niya. Kumuha siya ng brush para simulan ang pagpinta. Nabitin sa ere ang kamay niya nang tumugtog ang isang himig gamit ang piano. Kitang-kita nita ang pagbukas ng isang telon mula sa gilid na medyo nakaharap sa gawi niya. Mula roon, namataan niya si Koen na nakatingin sa kanya habang tinutugtog ang kantang "One Call Away". Naengganyo siyang ituloy ang ginagawa at nagsimulang magpinta. Kinabahan siya noong una dahil hindi niya agad nakuha ang tamang porma at kulay. Pero sa bawat pagsasaayos at pagtatama niya, at sa bawat pagpatong niya ng tamang kulay sa iilang lumampas, unti-unting nabuo ang mukhang pilit nagsusumiksik sa kanyang isip. Hindi man iyon ganoon ka perpekto, umaalon sa tuwa ang puso niya na nagawa niya nang maayos iyon sa abot ng kanyang makakaya. Saktong natapos ang tugtugin ni Koen paglapat niya sa brush pabalik sa kinalalagyan niyon. Nginitian niya ang lalaki saka niya iniharap sa lahat ang obrang ginawa niya. Napuno ng palakpakan ang buong silid. May iilang tumayo pa at abot tainga ang ngiti sa kanya. Pero... dalawang pares ng mukha ang nakaagaw sa atensiyon niya. Ang mag-asawang Villania. Titig na titig si Mr. Villania sa painting niya at tila hindi makapaniwala sa nakikita. Hindi naman maipinta ang mukha ng babaeng katabi nito. Matalim ang tingin ni Mrs. Villania habang nagpalipat-lipat ng tingin sa asawa at sa painting niya. Yumukod siya at tumalikod na nang matapos ang emcee. Nakamot niya ang kilay sa kaiisip kung ano ang problema ng dalawa sa ipininta niya. Isang beses pang rumampa nang sabay-sabay ang mga kandidata bago tinapos ng emcee ang programa. Nagpahuli siya nang magsilabasan na ang lahat. Kinuha niya muna sa pinagtaguan niya ang hinubad na damit at pantalo, at muling isinuot iyon. Kinuha niya rin pati ang cellphone na palihim niyang isinuksok sa isa sa mga vase na naroon. Muntik na siyang mapatalon sa gulat nang pagbukas niya ng pinto, nakaabang na sa kanya si Mr. Villania. At wala sa tabi nito ang asawa. "M-may kailangan po kayo?" Nagpalinga-linga siya sa paligid pero wala na siyang makitang ibang tao roon. "Saan mo nakita ang mukhang iyon, hija?" tanong agad nito. "Po? Yung ipininta ko po ba?" balik tanong niya. Iyon lang ang naiisip niyang mukha na tinutukoy nito. Marahan namang tumango ang kanyang kaharap. "Ah, ang totoo po niyan, sa isip ko lang po. Hindi ko pa po siya nakita nang personal." Ngumiti siya na nauwi sa ngiwi sa pagkailang sa titig nito. Titig na pilit inaarok ang katutuhanan mula sa mga mata niya. "Ganoon ba..." Bumagsak ang mga balikat nito kasabay ng pagtungo, pero agad ding ibinalik sa kanya ang tingin. "Pwede ko bang bilhin ang painting na iyon?" Namilog ang mga mata at mutik nang malaglag ang panga  sa tanong ng kaharap. Wala sa isip niya na may magkakainteres niyon, paano pa ang isipin na may bibili. "Ahm... Sa inyo na lang po kung gusto ninyo. Wala rin naman po akong balak na iuwi iyon, eh." Dumapo na naman sa kilay ang mga daliri niya at ginulo ang mga hibla niyon. Mas lalo pang napatitig sa kanya si Mr. Villania dahil doon. "Bes!" Boses ni Selah ang bumasag sa katahimikan ng hallway. Lakad takbo itong lumapit sa kanya. "Kanina pa kita hinahanap, nandito ka lang pala." Natakpan ni Selah ang bibig nang mapansin kung sino ang kausap ni Rain. "Mr. Villania, kayo po pala. Hello po." Yumuko nang bahagya ang kaibigan niya bilang paggalang. Tango lang ang itinugon ng lalaki at nagpaalam na sa kanila. Bago ito tuluyang umalis, hinarap siya nitong muli at nagpasalamat. Anito'y ipakukuha na lamang nito ang painting pagkatapos ng meeting nito sa Alumni Association. "Kailan ka pa natutong magpinta? Ginulat mo 'ko roon, ah?" Panay yugyog ni Selaha sa braso niya kung saan ito nakakapit. "Grabe! All those times na nagpapa-drawing ka sa akin, pagpapanggap lang iyon? Marunong ka talaga?" pangungulit nito. Napakamot na lamang si Rain sa kawalan ng masabi. Maski siya ay wala ring alam sa bagay na iyon. Wala rin naman siyang matandaan sa nakaraan niya. Maski siya ay naguguluhan na rin. Gumugulo pa sa isip niya ang pagkakaroon ng interes ng ama ni Zam sa painting niya. "Sino nga ba ang babaeng iyon? Kilala ko ba siya? Kilala kaya nila?" ang mga tanong na gumugulo sa isip niya hanggang sa pag-uwi. Dali-dali niyang binuksan ang cellphone nang maalala ang video. Pinanuod niya iyong muli at nag-isip kung ano ang susunod na gagawin. Nawaglit iyon sa isip niya nang makaharap ang ama ni Xena. Ngayong may ebidensiya na siya, pwede na niyang isumbong ito sa kinauukulan o di kaya'y ibigay iyon sa mga Villania bilang patunay na totoo ang mga nakasulat sa diary niya. Pwede nila iyong gamitin para mahanap ang iba pang naglapastangan at pumatay sa anak nila. Napangiti siya sa naisip. Pero bago iyon, gusto niya munang ipatikim kay Casimir ang takot. Gusto niyang guluhin pa lalo ang isip nito hanggang sa hindi ito makatulog nang mahimbing. At makitang maglakad ito nang nakalingon sa likod. Muling namutawi sa kanya ang poot sa dibdib. Hindi na niya namalayan ang paghigpit ng hawak niya sa cellphone. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD