Chapter I

2405 Words
LOST AMIDST DREAM AND REALITY January 12, 2017 Malamyang bumangon si Rainsleth dahil sa nanunuyong lalamunan. Tahimik na ang paligid ngunit nababasag ito sa bawat pagtipa ng kamay ng orasan. Pumipikit-pikit siyang nagtungo sa kusina. Binuksan ang ilaw at nagsalin ng isang baso ng tubig. Pikit-mata niya pang nilagok ang laman niyon. Ngunit agad ding napadilat nang magsitayuan ang mga balahibo niya sa batok. Nanlalamig pa ang bahaging iyon kahit nakalugay naman ang kanyang buhok. Marahas niyang iwinaksi sa balintataw ang mga guni-guning nagsisimula nang maglabasan sa madidilim na parte ng kusina. Pilit nilalabanan ang takot sa pamamagitan ng pag-iisip ng mga nakakat'wang bagay. Dahil ang sobrang pag-iisip daw ng mga bagay-bagay ang lumilikha niyon. Matapos makaubos ng dalawang baso ng tubig, inilapag niya na sa mesa ang basong ginamit. Hindi alintana ang panginginig ng kamay. Dali-daling pinatay ni Rain ang ilaw bago lumabas sa kusina. Tanging liwanag na lamang na nagmumula sa labas ng bahay ang nagsilbi niyang ilaw. Papalapit na siya sa kuwarto nang makarinig siya ng matinis na tunog. Tunog ng isang babasaging bagay na humalik sa semento at agad nawasak. Natigil ang kanyang paghakbang at nilingon ang pinanggalingan niyon. Kumawala ang mahinang singhap sa bibig ni Rain. Kinilabutan at nanlamig ang buo niyang katawan, kasabay ng paglakas ng tahip sa kanyang dibdib dahil sa nakita. Sandali siyang naestatwa sa kinatatayuan at nag-isip kung ano ang dapat gawin. Pero naisip niya na baka dumating lang ang kanyang kuya at sa kusina dumaan kaya nakabukas na ang ilaw roon. "K-kuya Reuben? Ikaw ba 'yan?" Bakas ang nginig sa boses ng dalaga. Bumibilis na rin ang kanyang paghinga. Ilang sandali siyang naghintay. Pero lumipas na yata ang isang minuto, wala pa ring sumagot sa kanyang tanong. Wala ring kahit katiting na ingay mula sa kusina. Kaya mas lalong nadagdagan ang kunot sa kanyang noo. "M-may tao ba r'yan?" Humakbang siya nang dahan-dahan pabalik sa pinanggalingan. Hindi siya takot sa multo dahil mas takot siya sa buhay, lalong-lalo na sa masasamang tao. Pero paano na lang kung magnanakaw ang may likha ng ingay na iyon? Dalawa lang sila ng kapatid niya na nakatira sa bahay. At hindi niya alam kung nakauwi na ba ito galing sa trabaho. Sinubukan niyang maghanap ng bagay na pwedeng ihampas sa kung sino man ang pangahas na nanloob. Nagliwaliw ang kanyang paningin sa kabuuan ng sala hanggang sa dumapo ito sa isang may kalakihang vase. Dali-dali niyang kinuha iyon nang walang nililikhang tunog. Saka siya humakbang muli nang paunti-unti. Subalit, isang pangyayari ang hindi niya inaasahan... Biglang namatay ang ilaw nang makalapit na siya sa bukana ng kusina. Halos lumuwa ang mga mata ni Rain sa natunghayan. Gusto niyang sumigaw pero tila nilamon ang boses niya at nakulong sa loob ng lalamunan. Nanginig ang kanyang mga kamay at lumuwag ang kapit sa vase. Naging sanhi iyon ng nakabibinging ingay sa gitna ng katahimikan. Sariwang-sariwa pa sa kanyang isip at balintataw ang nakita ngayon lang. Nasa gilid lang ng pintuan ang switch para sa ilaw kaya kitang-kita niya ang nangyari. Wala siyang nakitang tao na lumapit sa switch pero nang mamatay ang ilaw, noon lang niya naaninag ang kamay ng isang puting anino, na parang bulang naglaho pagkabasag ng vase. A-ano 'yon? Halos mabingi siya sa kabog ng dibdib. At nagsimulang mangatal ang kanyang mga labi. Wala sa sarili siyang napaatras, hawak-hawak ang dibdib. "Kuya, umuwi ka na, please," mahinang usal ng dalaga. Nahigit niya ang hininga at dagling natigil sa pag-atras nang maramdaman ang lamig na parang kumakapit sa kanyang binti. Mariin niyang kinagat ang pang-ibabang labi. Pilit ikinukulong ang isang impit na iyak. "Tu-long..." Isang malamig na tinig ang narinig niyang dinadala ng hangin. Mahina lang iyon pero parang sa tainga niya ito mismo ibinubulong. "S-sino ka?" pumipiyok niyang tanong. Pinilit niyang magpakatatag sa kabila ng panghihina ng mga binti. Wala na siyang maramdamang lamig sa bahaging iyon, pero nagitla siya nang umakyat iyon sa kanyang leeg. At unti-unting sinasakal ng lamig na iyon ang dalaga. Kinapa ni Rainsleth ang sariling leeg nang magsimula na siyang kapusin ng hininga. Pumikit at sa isip nanalangin. Nabuhayan lamang siya ng loob nang umalingawngaw ang sunod-sunod na katok. Habol ang paghininga, lakad-takbo niyang tinungo ang pinto. Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at agad itong binuksan. "Kuya!" Niyakap niya nang mahigpit ang nakatatandang kapatid at doon na humagulgol ng iyak. "What happened? Are you okay?" nag-aalala nitong tanong habang hinihimas ang kanyang likod. "Kanina pa ako katok nang katok. Hindi mabuksan ng susi ko ang lock." Lalo niyang isiniksik ang sarili dahil sa nalaman. Ang inaakala niyang hindi siya takot sa multo ay huwad lamang pala. Nakakatakot pala talaga kapag ikaw na ang ginambala nila. "Natatakot ako, kuya." Hindi maalis ang nginig sa tinig ni Rain. "Shhh... don't be scared," pang-aalo nito. Agad lumuwag ang kanyang paghinga nang oras na iyon. "Hindi naman kita papatayin, eh..." At nang oras ding iyon, para na naman siyang binuhusan ng nagyeyelong tubig. Mabilis pa sa segundong kinalas ni Rainsleth ang pagkakayakap sa kapatid. At sinilip ang pinagmulan ng tinig. Isang pares ng matang nanlilisik ang nakipagtitigan kay Rain. Singdilim ng gabi at humpak ang magkabila nitong pisngi. Namumuti ang mga labi. At katamtaman lang ang haba ng nanlalagkit nitong buhok dahil sa pulang likido. Hindi na halos mahitsura ang ayos ng babae dahil sa rami ng pasa at nanunuyong dugo. Para itong demonyong ngumingiti ngayon sa dalaga habang nakalutang sa ere. "Dahil kusa kang... mamamatay... sa takot." Nagmistulang bulong ni kamatayan ang pananalita nito. "T-tama na, please," lumuluhang pakiusap ni Rainsleth. Agad naagaw ng nangingintab na bagay ang kanyang paningin. Nakapaloob ito sa magkadaop na palad ng babae. Nakataas at handang-handa na para ibaon sa ulo ni Reuben. Sa kuya niyang nakakunot pa ang noo at nagtatanong ang mga mata sa kanyang inaakto. "Kuya!" nagbabantang sigaw ni Rain. Sigaw na hindi pa man natapos sabihin, pinutol na ng patalim. Natakpan niya ang sariling bibig. At pumalahaw nang walang tinig. Nanlalabo na ang kanyang paningin, pero kitang-kita niya pa ang pagtakas ng pulang likido mula sa ulo ng kapatid, pababa sa tainga nito at leeg. Dilat na dilat ang mga mata nito nang unti-unting bumagsak ang katawan. Nayakap niya pa ang kapatid bago ito tuluyang humandusay sa sahig. "Kuya!" Napabalikwas ng bangon ang dalaga. Humihingal na tinakpan ang mukha at sinabunutan ang sarili. Saka niya lang napagtanto na panaginip lang ang lahat. Panaginip lang pala... But dreams are either a vision of an upcoming event or just a mere delusion; a creation of one's fear. She gasped when she felt the stickiness of her hands. And shuddered at the sight of blood and soil. D-dugo? Saan naman galing ito? Daig niya pa ang nakipag-unahan sa bilis ng kanyang pagkilos papunta sa banyo. At agad itinuon sa rumaragasang tubig ang duguang mga kamay. Wala sa panaginip kong humawak ako ng dugo o lupa man lang, kaya paano ito nangyari? Natulog lang naman ako 'di ba? Sinilip niya ang sariling repleksyon sa katapat na salamin. At gaya ng sa kamay, may bahid din ng dugo at dumi ang kanyang mukha at buhok. Dali-dali siyang naghilamos at paulit-ulit na nagsabon hanggang sa mawala ang malansang amoy ng tila nabubulok na dugo. Gusto niyang umiyak at magsisisigaw, pero hindi niya magawa sa takot na baka balikan siya ng kung sino man ang nanti-trip sa kanya ngayon. Sabi nga nila, masarap manakot kapag alam mong matatakutin ang iyong tinatakot. At mas paglalaruan ka nila kapag nakikita nilang madali kang manghina at sumuko. Napagdesisyunan ni Rain na maligo na kahit alas tres pa lang ng madaling araw. Sa pag-aakalang mabubura sa kanyang katawan ang nakasusulasok na amoy na nanunuot pa sa kanyang ilong. Nasa kwarto na niya kaya si kuya? Paano kung ang ibig sabihin ng panaginip ko'y mapapahamak siya? Sana lang kabaliktaran ang mangyayari. Parang sirang plaka na nagpaulit-ulit sa isipan niya ang mga nangyari sa panaginip. Minsan na rin siyang nanaginip ng nakakatakot, pero kakaiba ang hilakbot na hatid sa kanya ng isang iyon. Para siyang binibitin patiwarik sa isang punong nasa bangin. Matapos magbihis, ini-lock niya ang pinto bago kumuha ng silya at inilagay iyon sa isang sulok, na pader lang ang naroon. Napagdesisyunan niyang doon umupo at magpalipas ng magdamag. Ayaw niyang lumabas at pumunta sa kusina sa takot na mangyari ang lahat ng nasa panaginip niya. Hindi niya rin magawang humiga sa kama at doon hintayin ang paglabas ng araw dahil may mga mantsa rin iyon ng dugo. Saan at kanino ba galing ang dugong 'yan? tanong niya sa isip habang nakatitig sa kulay puting bedsheet na marumi na ngayon. At teka, paano at bakit hindi na naka-lock ang pinto? Napalunok siya sa naisip na baka may napatay siyang tao habang natutulog. 'Di ba nga may kakaibang sakit na naglalakad nang tulog ang isang tao? Paano kung ganoon ang nangyari? Hindi namalayan ni Rainsleth na nakatulog pala siya at nagising lang sa ingay ng malalakas na katok. Si Kuya! "Rain, open this door," dinig niyang utos nito mula sa labas ng kuwarto. "Ano ba, hindi ka ba papasok? Alas nuwebe na, oh!" galit na talagang sigaw ni Reuben. "Magbibihis na po." Bumuga siya ng hangin. Tila nabunutan ng tinik ngayong alam niya na na okay lang ang kapatid. Mabagal ang naging pagkilos ng dalaga. At hindi niya maiwasang paulit-ulit na sulyapan ang bedsheet sa bawat paggalaw niya sa loob ng kuwarto. Mamaya ko na lang siguro papalitan 'yan. Lumabas siya ng kwarto dala ang bag. At hinanap ang nakatatandang kapatid para manghingi ng baon. Naabutan niya ito sa kusina na nagwawalis at sinamaan siya ng tingin pagkakita sa kanya. "Where the hell did you go last night? At bakit wala ka rito pagdating ko?" Halos mag-isang linya ang kilay ng kuya niya. Tiningnan niya ito nang may nagtatanong na mga mata. At tinaasan ito ng kilay. "What? I was in my room soundly sleeping. Wala pang 10 P.M. natulog na ako," pagtatanggol niya sa sarili. Matapang siya sa panlabas pero sa loob-loob, kinakabahan siya. Dahil ngayon niya napagtantong posible ang hinala niya. "Oh, really? Kaya pala bukas ang pinto at pagsilip ko'y wala ka roon?" nanunuyang tanong ng kuya Reuben niya at sarkastikong ngumiti. "Tsk! Baka nagkataon na nagising ako noong time na 'yon at pumunta sa banyo? Mag-isip ka nga. Stop accussing me," pagdadahilan niya kahit batid niyang mas maaga pa sa alas dose dumarating galing sa trabaho ang kuya niya. Tinaasan lang siya nito ng kilay bago siya tinalikuran at lumapit sa sink. Nakahinga siya nang maluwag dahil hindi na ito nag-usisa pa tungkol doon. Pero hindi niya na napaghandaan ang sunod nitong tanong. "At saan mo naman ginamit 'to?" What the hell! Bitbit na nito sa paglingon ang isang kutsilyong nababalot ng dugo. Her heart started to beat hastily while taking a step backward. She unconsciously dropped her jaw. And if her eyes could only popped out from its place, it could have happened a while ago by her sudden awe. "And not only this, nagkalat pa sa buong kusina ang mga bubog ng basag na baso. Ano bang kalokohan ang pinaggagagawa mo, ha?" Napaigtad siya nang bigla nitong itapon ang kutsilyo pabalik sa lababo. "Wala. Wala akong alam diyan!" Sunod-sunod ang naging pag-iling ni Rain, saka pinasadahan ng tingin ang kalat na nililinis ng kapatid bago siya dumating. At katulad nga iyon ng baso na nasa panaginip niya. What's the damn meaning of this? ...an apparition? Or just some kind of a joke? "Look, I-I only had a bad dream last night... a n-nightmare. Hindi ako lumabas, o-okay? At mas lalong w-wala akong kinalaman sa mga iyan," nauutal niyang paliwanag. Itinaas niya pa ang dalawang kamay na parang sumusuko. Nagsalubong ang mga kilay ni Reuben sa narinig at tila hindi makapaniwala. Kung siya nga hindi halos mawari ang mga pinagsasabi niya, ang kuya niya pa kaya? "What the hell, Rain! Naka-drugs ka ba?" bulalas ng kuya niya. Napangiwi siya sa bintang nito. "Hindi ako naka-drugs, okay? Kahit ipa-drug test mo pa ako ngayon, paninindigan ko pa rin ang mga sinabi ko," mariin niyang sabi at padabog na umalis. "Hoy, Rainsleth, saan ka pupunta?" tawag sa kanya ng kapatid. Ano ba kasi'ng nangyari kagabi? Hindi na niya ito pinakinggan pa. Iniwan niya ang bag sa sofa bago lumabas ng bahay. Kapag ganito na hindi sila magkasundo ng kuya niya, pumupunta siya sa bahay ng matalik niyang kaibigan. Pero siguradong wala ito roon dahil may klase pa. Kusa siyang dinala ng mga paa sa lumang parke. Pagdating doon, umupo agad si Rain sa isa sa mga bench na naroon. Nagpalingon-lingon sa paligid at noon niya lang napansin na walang katao-tao roon. Makulimlim ang panahon at nagsisimula nang lumakas ang ihip ng hangin. Tila nagbabanta ang ulan na paparating. Isinandal niya ang likod at batok sa matigas na sandalang gawa sa semento. Doon niya pilit inaanalisa ang mga nangyari habang nakatingin sa mga ulap. Nasa malalim siyang pag-iisip nang may kumalabit bigla sa balikat niya. Isang matandang pulubi. Tiningala niya ito at nakita niyang nakangiti ito sa kanya habang ang isang kamay ay nakataas, namamalimos. Marahan siyang umiling. "Pasensya na po at wala akong maibibigay. Hindi rin po ako binigyan ng kuya ko ngayon, eh." Pero hindi ito kumibo at kusang ibinaba ang kamay. Bulag ang kabila nitong mata, puti ang may kahabaang buhok at uugod-ugod na. Napatingin ito sa katabing espasyo ng inuupuan niya. Akala niya'y uupo ito. Pero iba ang sinabi ng matanda nang magsalita na. "May kasama ka." Hindi iyon tanong o pangungumpirma kundi pagbibigay-alam. Bigla siyang kinilabutan. Hindi niya mailingon ang ulo sa takot na baka may makita nga siyang kasama, kaya nanatili sa matanda ang paningin niya at nagtanong, "Ano po'ng sinasabi ninyo?" "Lumingon ka sa iyong pinanggalingan kagabi, iyon ang pagkakamali mo dahil nakita mo na siya," makahulugan nitong sabi nang hindi sa kanya nakatingin. Kumunot ang noo ni Rain at pilit inintindi ang ibig nitong sabihin. "Nagsisimula na siya at hindi mo na siya matatakasan pa," dugtong pa ng matanda bago humakbang paalis. Biglang sumagi sa isipan niya ang panaginip kagabi. Kung gano'n, posibleng nangyari nga 'yon at hindi isang panaginip lang? Alin ang totoo roon at alin ang hindi? "S-Sandali lang po," pigil niya sa pag-alis ng matanda. "Paano? Paano ko siya matatakasan?" Tumayo si Rain at humakbang palapit sa kausap, nagbabaka sakaling may paraan pa. "Huli na ang lahat. Nakuha mo na ang kailangan niya," sabi nito nang hindi lumilingon sa kanya. "Dugo. Dugo na lang ang kulang upang muli siyang mabuhay." Dugo? Para saan ang dugo? Hindi ba't dugo iyong nasa kamay ko kanina? Biglang tumawa nang nakakaloko ang matanda na siyang humila sa kanya mula sa malalim na pag-iisip. Nagbigay iyon ng kakaibang kilabot. "Kawawang nilalang," napapailing pa ang matanda sa tinuran. "Hindi mo na siya matatakasan. Hindi mo na siya matatakasan. Hindi mo na siya matatakasan," paulit-ulit nitong bulong habang humahakbang palayo. Biglang umihip ang malakas na hangin kasabay ng alikabok na nakakapuwing. Pumikit si Rain para hindi mapasukan ang kanyang mata. Ngunit sa pagdilat niya, wala na ang matanda. At ang mas nakakabigla, nakaupo na siya sa inuupuan niya kanina. Was it also just a dream? A-Again? Pero iba na ang kutob niya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD