Chapter XVIII–1

1236 Words
Malalakas na katok sa pinto ang bumulahaw sa agahan nina Rain. Naudlot ang pagsubo niya ng kanin at napatingin sa kapatid niyang si Reuben. Tumayo agad ito para tingnan kung sino iyon. Naiwan siyang mag-isa sa kusina at kasalukuyang binibingi ng kabog ng puso niya. Nasisiguro na niyang mga pulis ang mga iyon kahit hindi pa niya nakikita. Ilang sandali lang ang lumipas at naroon na nga sa kanyang harapan ang mga lalaking nakasuot ng asul na uniporme. "Teka, ano ba ang nangyari?" naguguluhang tanong ni Reuben. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanya at sa mga bagong dating. "Miss Rainsleth Lavares... Ikaw ay inaaresto sa salang pagpatay. Ikaw ay may karapatang manahimik o magsawalang kibo. Anuman ang iyong sasabihin ay maaaring gamiting pabor o laban sa iyo sa anumang hukuman." Habang binabasa ng isa ang Miranda, kumilos na ang dalawa at ikinulong ang dalawa niyang kamay sa malamig na bakal. "Ikaw ay mayroon ding karapatang kumuha ng tagapagtanggol na iyong pinili at kung wala kang kakayahan, ito ay ipagkakaloob sa iyo ng pamahalaan," pagtatapos nito. "Mawalang galang na ho, pero nagkakamali po yata kayo," awat ni Reuben nang akayin na siya palabas ng bahay. "Sa presinto na po kayo umapila," sabi ng sa tingin niya'y pinakamataas sa tatlo. "Sino ang pinatay?" muling tanong ni Reuben. Nakasunod ito sa kanila hanggang sa makalapit sila sa nakaparadang sasakyan ng mga pulis. Hinarap nito ang kapatid niya habang iginiya naman siya ng dalawa papasok sa kotse. "Ang anak ni Mayor Estrella." "Si Casimir?" Tumaas ang dalawang kilay ni Reuben nang bumaling sa kanya. Iniwasan niya ang tingin nito at pinigilan ang sarili na magsalita sa takot na baka gamitin iyon sa kanya. "Paanong—" Naputol ni Reuben ang tanong bago pa iyon makapagpapalala sa sitwasyon. "May ebidensiya po ba?" baling nito sa kausap na pulis. "Meron po. Mauuna na kami sa presinto, Mr. Lavares. Sumunod na lamang po kayo." Nagpaalam na ito at pumasok na sa passenger's seat. Katabi ni Rainsleth sa likod ang isa pang pulis. "Magbibihis lang ako, ah? Susunod agad ang kuya," pahabol sa kanya ni Reuben bago tuluyang maisara ang pinto ng sasakyan. Tinanguan lang niya ang kapatid. Ano na, Koen? Nasaan na pangako mo na hindi mo 'ko pababayaan? Kumuyom ang dalawang kamao ni Rain sa isiping ito pa ang naglaglag sa kanya sa mga pulis. Ang taong mas pinagkatiwalaan niya kesa sa mga kaibigan niya at sa nag-iisang kapatid. Buong biyahe siyang walang imik at tumitingala sa tuwing magbabadyang lumabas ang kanyang mga luha. Nabuhayan siya ng loob nang may nakasabay silang pumaradang sasakyan sa harapan ng presinto. Pagbaba niya ng kotse, umibis na rin sa sasakyan si Jace at patakbong lumapit sa kanya. "I heard what happened. Are you okay?" tanong agad nito. Nagkibit lang siya ng balikat. Magsisinungaling siya rito kung sasabihin niyang okay siya kahit hindi naman. Wala siyang alam pagdating sa buhay-kulungan. Natatakot siyang baka magtagal siya roon o baka doon na tumandang mag-isa. "Sa loob na kayo mag-usap," sabi ng pulis na nakahawak sa kabilang bisig niya. Sumunod naman si Jace na ikinatuwa niya. "Don't worry. Paparating na ang Daddy ko para tulungan ka," sabi agad ni Jace matapos siyang ipasok ng mga pulis sa isang selda. Nakaharap ito sa kanya habang nakapatong ang dalawang kamay sa mga kamay niyang nakahawak sa malamig na rehas. Hindi niya napigilang mapangiti sa narinig. "Salamat." Mas matamis ang ngiting iginanti ni Jace sa kanya. "Saka ka na magpasalamat kapag nailabas ka na namin dito. Sa ngayon, hihintayin ko na muna si Dad sa labas," paalam nito. Ilang minuto na rin siyang naghintay nang dumating ang kuya niya at may dalang pagkain. Hindi niya ginalaw iyon. Kumakalam na ang sikmura niya pero wala siyang gana lalo na sa ganoong sitwasyon. Ilang oras pa siyang naghintay ng balita mula kay Jace. At sa bawat hintay niya, dahan-dahan namang tumatakbo ang oras. Sa bawat pagtakbo ng oras, unti-unti ring inuubos niyon ang pag-asa niya na makalabas. Dumidilim na rin at wala pa ni isa man ang bumalik. Naimulat niya ang mga mata nang makaabot sa kanyang pandinig ang pagbukas ng bakal na rehas. Kasama ng isang pulis sina Reuben, Jace, at ang isang may edad na na lalaki. "Miss Lavares... laya ka na," anunsiyo ng pulis. Maliksi ang naging pagtayo niya at lakad-takbong lumabas ng selda. Ni yakap niya agad ang kanyang kapatid at ang manliligaw niyang si Jace. "Salamat. Salamat." Huli niyang binalingan ang sa tingin niya'y ama ng lalaki. "Maraming salamat po." Abot hanggang tainga ang ngiti niya sa mga labi. "Huwag kang magpasalamat sa 'kin, hija. Ginawa ko lang ang tungkulin ko." Marahang tinapik nito ang balikat niya. "Magpasalamat na rin tayo at hindi itinuloy ng ama ni Casimir Estrella ang kaso laban sa iyo," dagdag pa nito. "Po?" Umawang ang labi niya sa narinig. Makapangyarihang tao sa bayan nila ang Mayor. At kahit malupit ang trato nito sa anak na si Casimir, imposibleng hindi ito maghahanap ng hustisya bilang ama ng biktima. Kaya paanong inabsuwelto siya nito nang ganoon-ganoon lang? Hindi nagtagal at nagpaalam na ang ama ni Jace. Nagpresenta naman ang huli na ihahatid na muna siya sa bahay nila ni Reuben. Hindi sumama ang kapatid niya sa kanila dahil dala nito ang sariling motor. Nagpaubaya lang din ito kay Jace sa takot na baka mahulog siya sa motor. Nakarating sila sa bahay nang ligtas. Ganoon pa man, pinangangambahan ni Rain na baka kaya siya inabsuwelto ay dahil may ibang plano sa kanya si Mayor Estrella. Pagkapasok sa kwarto, naligo agad siya para mabura ang amoy ng pinagkulungan sa kanya. Nang makapagbihis na'y naisipan naman niyang sumilip saglit sa bintana at lumanghap ng sariwang hangin. Tinanaw niya mula roon ang buwan na papaakyat... ang mga bituing nagniningning katulad ng kanyang mga mata, at ang unti-unting paglamon ng dilim sa paligid. Isang puti at isang itim na pigura ang namataan niya sa di kalayuan. Pigura ng malalaking aso na nakaupo sa may damuhan, sa gilid ng isang malaking puno. Nakaharap ang mga iyon sa gawi niya. Agad hinanap ng mga mata niya ang nagmamay-ari ng mga iyon. Pero wala siyang nakita ni anino nito. Tatlong magkakasunod na katok ang umagaw sa atensiyon niya. Mabilis niyang naisara ang bintana nang pumasok sa kanyang kuwarto si Reuben, bitbit ang isang tray ng pagkain. "Kumain ka na. I cooked your favorite." Inilapag nito ang dala sa ibabaw ng kanyang bedside table. Mabilis niyang nilapitan iyon at tiningnan kung ano ang niluto nito. Umuusok pa ang sabaw ng sinabawang manok na may malalaking hiwa ng luya. Nakamot niya ang kilay sa pag-aakalang adobo ang niluto nito. "Stop that." Kunot na kunot ang noo nito habang nakatitig sa kanya. "Ha? Ang alin?" Nagsalubong ang kilay niya sa kawalan ng maisip kung ano ang tinutukoy ng kaharap. "Iyang galaw mo na iyan..." Turo nito sa kamay niyang nabitin sa ere. Mabilis niya iyong naibaba. "Bakit?" Lumipat ang tingin nito sa pagkaing nakahanda. Halatang umiiwas. "You reminded me of her..." anas nito na hindi nakaligtas sa kanyang pandinig. "Sino?" usisa niya. "Forget it. Kumain ka na at lalamig na ang sabaw." Tumalikod na ito at lumabas na mas lalong ipinagtaka ni Rain. Biglang sumagi sa isipan niya ang mga panaginip na parang totoo sa kanya. Mga bagay at lugar na pamilyar na pamilyar kahit hindi siya sigurado kung nakapunta na siya roon. Maging ang pangalang Xena Erza. Sino ka ba sa buhay ko, Xena?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD