PAGOD NA PAGOD na umupo si Humphrey sa bench sa gilid ng court. Naroon siya sa basketball court kasama ang mga kaibigan niya at nagpa-practice para sa darating na liga. Halos dalawang oras na rin silang nag-eensayo. Puspusan ang practice nila. Ayaw nilang masira ang record nilang mga taga-Tanangco sa buong barangay nila na bilang nangungunang team sa basketball. Ilang liga na rin na sila ang champion.
“Break muna, Pare!” anunsiyo niya.
Tumigil ang mga ito sa paglalaro at nagsiupo sa tabi niya.
“Ang dali mo naman mapagod, Phrey.” Ani Jared.
“Asa ka pa. Wala akong tulog halos.” Sagot niya.
“Bakit ka naman napuyat? Sino na naman ang kasama mo kagabi? Bigla ka na lang nawala sa bar ah.” Sabi naman ni Darrel.
“I saved a damsel in distress.”
“Really? Maganda ba?” usisa naman ni Vanni. “Ano? May nangyari?”
He chuckled. “Sobrang ganda. But it’s not what you think.”
“Pare, tayo tayo na lang ang nandito. Hindi mo kailangang magmalinis sa harapan namin,” biro pa ni Dingdong sa kanya.
“Pengkum! Hindi ako nagmamalinis. Totoo lang ang sinabi ko. I just gave her a favor. Naawa ako kasi sa kanya,” wika niya. Then, he imagined Lady’s lovely face again. Ang totoo, hindi siya nakatulog dahil naging abala siya sa pagtitig sa magandang mukha ng dalaga. Para itong anghel sa ganda, and still, she looks beautiful kahit na tulog.
“Hoy!”
Nagulat pa siya dahil sa mismong tenga siya sinigawan ni Justin. Namura niya ito ng wala sa oras. Tinawanan tuloy siya ng mga kaibigan niya.
“Ikaw naman kasi eh, tinanong lang sa’yo kung maganda. Natulala ka na diyan,” tatawa-tawang sabad ni Victor.
“Maganda nga siya,” ulit niya.
“Sino ba kasi ‘tong chick na ‘to?” tanong pa ni Dingdong.
“Lady Castillo.”
“No Way Pare!” halos hindi makapaniwalang reaksiyon ni Ken.
“Yeah. Siya nga ang nakita ko kagabi. Naawa naman ako. She looks so depressed. Eh lasing na lasing, kaya hinatid ko na sa tinutuluyan niyang hotel. Pero hindi rin agad ako pinauwi. Iyak ng iyak eh,” paliwanag niya.
“Talaga? Sabagay, sino ba naman ang hindi made-depressed ng lagay na ‘yon. Halos sunod-sunod ang issue na binato sa kanya,” ani Darrel.
Napailing si Roy. “Mukhang hindi pa tapos ang kalbaryo n’yo,” sabi pa nito.
“N’yo? Bakit nakasama ako?” tanong niya.
“Here. Read this. You’re in a great trouble,” sabad naman ni Leo sabay abot ng isang diyaryo sa kanya.
Ganoon na lang ang pagsalubong ng kilay niya nang makita ang malaking larawan nila na kuha sa parking area ng bar na kinaroroonan nila kagabi. Nakayakap pa sa kanya ang dalaga. Nakatungo ito kaya’t hindi nakita na umiiyak ito.
“Damn!” galit na galit na sigaw niya sabay bato ng bolang hawak niya.
vNapamura siya ng wala sa oras. “Paano nangyari ‘yan?”
“Uy! Congrats! Lalo kang naging sikat.” Pang-aasar pa ni Ken sa kanya.
“Shut up!” napipikon niyang wika. “Anak naman talaga ng talaba! Nagmalasakit na ako sa babaeng ‘yan, nadamay pa ako sa issue n’ya,” reklamo pa niya.
“Talk to her. Tanong mo sa kanya kung paanong nadamay ka.” ani Leo.
“Iyan talaga ang gagawin ko.” Sagot niya.
“Relax lang, Pare. Lilipas din ang issue na ‘yan.” Pagpapalubag ni Ken sa loob niya.
Mayamaya ay tumunog ang cellphone ni Dingdong. Binasa nito ang message. Hindi nagtagal ay tumayo na ito.
“Tapos na ba ang practice?” tanong nito sa coach ng team nila.
“Oo, bukas na lang ulit. Para makapagpahinga na kayo.” sagot naman nito.
“Okay. Good. Una na ako sa inyo, Pare. Hinihintay na ako ng mag-ina ko.” Anito sabay labas ng court. “Nga pala, mga Pare! Ninong kayong lahat sa binyag ni Chin-chin ha?” pahabol pa nito bago tuluyang umalis.
Isang cute and seven pound baby girl ang pinanganak ni Chacha. Pinangalanan ng dalawa ang anak nila ng Natasha Jean or Chin-chin bilang nickname nito.
“Tara na, nawala na rin ako sa mood maglaro.” Aniya.
Habang naglalakad pauwi ay isang red na Toyota vios ang natanaw niyang nakaparada sa bungad ng Tanangco. Pamilyar sa kanya ang kotseng iyon. Mayamaya pa ay nakita niyang may kausap na babae si Panyang at Adelle. Pati ito ay pamilyar sa kanya.
Nang malapit na sila ay saka niya nakilala kung sino ito. Si Lady.
“Ayan na pala siya eh,” ani Adelle.
“Uy Pengkum, may naghahanap sa’yo na magandang binibini dito.” Sabi pa ni Panyang.
“Anong ginagawa mo dito?” naiinis na tanong niya dito.
“Have you read the news?” ganting-tanong naman nito.
“Alin? ‘Yung pagdamay mo sa akin sa issue mo?” naiinis na sagot niya.
“Look, I’m sorry about it. Hindi ko naman alam na may sumusubaybay pala sa akin eh.” Paliwanag nito. “And I hope we can talk in private.”
Bumuntong-hininga siya. “Okay. Doon sa bahay.” Sagot niya.
KINAKABAHAN si Lady habang naglalakad papunta sa bahay ni Humphrey. Dahil sa ginawa niya kagabi, nadamay ang isang taong walang malay sa issue ng buhay niya. Pati ang pangalan nito ay nakaladkad sa mga diyaryo. Ito na nga ang matiyagang nakinig sa lahat ng mga sentimiyento niya sa buhay, ito pa ang nadamay. Kaya hindi niya masisisi ito kung magalit man ito sa kanya. Bigla tuloy siyang nag-alangan na sabihin dito ang pakay niya. Ang tanging hiling niya ay pagbigyan siya nito.
“Come in,” anyaya nito sa kanya. “Have a seat.”
“Thank you,” usal niya. Naupo siya sa black leather sofa nito sa sala.
“Do you want anything? Juice or coffee?”
“No. Thanks. Hindi rin naman ako magtatagal.” Sagot niya.
“Ano ba ‘yung sasabihin mo?”
“First, I’m sorry kung nadamay ka sa issue. Hindi ko talaga akalain. I’m sorry talaga.”
“Nandiyan na ‘yan eh. Pero huwag mo nang isipin ‘yun. Huhupa din ‘yan. Anyway, ano bang sadya mo sa akin? At paano mo nalaman kung saan ako nakatira?”
“Yeah, I badly need your help. I need a hiding place. About your last question, I have my ways.” Sagot niya.
“A hiding place? Paano kita matutulungan sa parteng ‘yan?”
“Kailangan ko munang mawala sa mata ng media. Para matahimik na ang lahat. Ayoko nang may madamay pang iba.” Paliwanag nito.
“And?”
“Hindi ko alam kung saan pupunta. Ayoko na sa America. Sawang-sawa na ako doon.”
“Tapos?”
“Baka puwedeng magtago ako dito sa lugar n’yo.”
“What?! Are you out of your mind? Kapag nalaman ng lahat lalo na ang taga-media na dito ka nagtatago mas lalo silang hindi maniniwala na wala tayong relasyon.”
“I’m helpless. Kapag nag-abroad ako, makikita nila ako sa airport. Ang gusto ko bigla na lang akong mawawala sa mga mata nila. Simple as that.”
Napabuntong-hininga ito. “Teka, pag-iisipan ko muna.”
Lady crossed her fingers. Abot hanggang langit ang dalangin niya na sana’y pumayag ito. Wala na siyang ibang malalapitan. Sa nangyari sa kanya, nakilala niya kung sino ang mga tunay niyang kaibigan. At nakakalungkot isipin na konti lamang sa mga ito ang totoo sa kanya. Bukod doon, wala na siyang ibang mapapagkatiwalaan pa.
“Alam ba ng parents mo ang tungkol sa desisyon mong ‘to?” tanong nito.
“Yeah. They knew. Pagdating naman sa mga ganitong pagkakataon, they let me decide for myself.” Paliwanag niya.
Hindi ito kumibo. Nag-isip ng malalim. Mayamaya ay kinuha nito ang cellphone nito at nag-dial doon.
“Pengkum, puwede ka bang pumunta dito sa bahay sandali? I need help. Thanks!” kausap pa nito sa kabilang linya. Tapos ay siya naman ang binalingan nito. “Hintayin natin si Panyang.”
Ito marahil ang babaeng maliit pero may berdeng mata. Narinig niyang tinawag ito sa binanggit na pangalan. Hindi rin natagal ay dumating ang sinasabi ni Humphrey. “Yes Pengkum, what can I do for you?” bungad nito pagpasok nito ng bahay ng una. “Oh hi Lady!” bati nito sa kanya.
“Hi!”
“Kailangan ko ng tulong mo.” Ani Humphrey. Nilahad nito ang problema niya sa babae. Pinag-aralan niya ang mukha ng nagngangalang Panyang. Nakakunot ang noo nito tapos ay bigla itong ngumiti.
“Iyon lang ba? Akala ko naman sobrang seryoso ng problema mo. Eh di magtago ka dito. Hindi uubra ang media dito. Alam mo naman ang kapitan natin dito na kapatid mo. Mahigpit pa sa inuyat ‘yun.” Sagot naman nito.
“She can’t stay here,” ani Humphrey.
“Huwag mong alalahanin ang tutuluyan mo. May bakante pa sa bahay ni Chacha. Makakasama mo doon sina Myca at si Cassy.”
“Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ako sa inyo. Hayaan n’yo, makakabawi din ako.” wika niya.
“Sus! Huwag mong isipin ‘yun. Kami dito sa Tanangco, talagang matulungin. Lalo na’t girlfriend ng kaibigan namin.” Sagot ni Panyang.
“Hoy! Tumahimik ka diyan! Anong girlfriend?” saway ni Humphrey dito.
Ngumisi lang ang una sabay nag-peace sign. “Joke lang, ‘to naman.”
“Lumayas ka na nga, sinasabi na nga ba’t wala kang sasabihin matino eh. Bakit ba ikaw ang nahingan ko ng tulong? Kalalabas mo lang pala ng Mental.” Ani Humphrey.
“Ganoon talaga, kapag kapwa baliw. Nakalimutan mo na? Share pa nga tayo ng room sa loob ng mental eh.” Pakikisakay nito sa pang-aasar ng binata.
“Hindi ako ‘yung kasama mo, baka kamukha ko lang. Nasa serious case ka kaya.” Ganti naman ni Humphrey.
Hindi na niya napigilan pang tumawa. Nakakalibang kasi panoorin ang biruan ng dalawa. Kung ganito ang makakasama niya sa pagtatago niya. Malamang na mag-enjoy siya.
“Kung anu-ano ang pinagsasabi mo. Natawa tuloy si Miss Castillo.” Ani Panyang.
“Huwag naman masyadong pormal. You can call me Lady.” Pagtatama niya dito.
“Okay, Lady.” Ulit nito sa pangalan niya. Binalingan naman nito ang kaibigan. “O? Paano? Kung sure ka nang dito siya titira sa atin. Sabihin mo na ngayon, para masabi ko na kay Chacha.”
“Ikaw, sigurado ka bang gusto mong dito ka magtago?” tanong ulit ni Humphrey sa kanya.
“Yes. I’m sure. Sa tingin ko ay magugustuhan ko ang lugar n’yo.”
“Okay. You heard her.”
“Kung ganoon. Ayos na pala. Gora na aketch! Babush! See you when I see you.” ani Panyang. Tumalikod na ito at pakendeng-kendeng na lumakad palabas ng bahay.
Nakita niyang napailing ang binata. “Pagpasensiyahan mo na ang isang ‘yun. Saksakan talaga ng kulit ang babaeng ‘yun.”
“It’s okay. Nakakatuwa nga siya eh.”
“Oo. Abnormal ‘yun eh. Ewan ko ba kung bakit pinakasalan ‘yan ng kaibigan ko.”
Nagulat siya sa sinabi nito. “Really? She’s married? Hindi halata.”
“Yup. Mukha kasi siyang fetus.”
Natawa na naman siya. “Palabiro ka rin pala.” Ngumiti lang ito.
Magaan ang pakiramdam ni Lady habang nagmamaneho palabas ng Tanangco. Alam niyang kahit paano’y matatahimik siya sa lugar na iyon. At hindi rin niya itatanggi na excited na siyang tumira doon. Sa isiping iyon, sumiksik sa utak niya ang guwapong mukha ni Humphrey at kasabay niyon ay ang tila pagtalon ng puso niya.
Huminga siya ng malalim. Saka pilit na kinundisyon ang puso niya. Ang tanging pakay niya sa lugar na iyon ay upang magtago at makalimot ng problema pansamantala. At para malibang siya, naisipan niyang dumaan muna sa mall mapalit lang sa lugar na iyon upang kahit paano’y malibang naman siya.
Nasa parking area pa lamang siya ay napansin na niyang napapatingin na sa kanya ang ibang naroon. Narinig pa niya ang mga ito na nagbubulungan. Bago siya naglakad palayo ay bumuntong-hininga muna siya saka taas-noong naglakad papasok ng mall.
Pakialam ko ba sa sasabihin n’yo!
Nasa department store na siya at abala sa pamimili ng mga printed blouse nang makuha ang atensiyon niya ng isang magnobyong nasa malapit lang. Ganoon na lang tila pagsipa ng kaba sa dibdib niya nang makilala kung sino ang magnobyong iyon. It’s none other than her jerk ex-boyfriend at ang babaeng pinalit nito sa kanya. Umahon ang pamliyar na kirot at galit sa puso niya.
Bago siya mawala ng tuluyan sa sarili niya at masugod niya ang dalawang ito. Tumalikod na siya bago pa siya makilala. Pero talagang minamalas yata siya ng mga oras na ‘yun dahil mukhang nakita na siya nito dahil tinawag nito ang pangalan niya.
Napapikit siya sabay buntong-hininga. Talaga nga naman…
Wala siyang nagawa kung hindi ang mag-plaster ng isang pekeng ngiti. Kailangan niyang ipakita na hindi na siya apektado dito o sa kahit na anong issue ngayon na ibinabato sa kanya. Maraming nag-aakala na isa siyang babaeng laging walang magawa kung hindi ang umiyak.
It’s high time na ipakita niya sa mga ito na hindi siya mahina. Na kaya niyang lumaban sa kahit na anong oras at sa kahit na sinong tao.
Ginawa na niyang natural ang ngiti niya bago hinarap ang dalawa.
“Lady,” ani Dave.
“Oh hi,” bati niya.
“How are you?” tanong nito.
“I’m good. Ikaw? Kayo?”
“We’re okay,” sagot ng lalaki.
Sinulyapan niya ang girlfriend nito. Animo isang basura siya kung tingnan nito mula ulo hanggang paa. Nakataas pa ang kilay nito at mahigpit ang pagkakakapit nito sa braso ng nobyo. Base sa nakikita niya, daig pa nito ang batang takot maagawan ng candy.
Kung maaari lang niyang barahin at ipamukha dito na wala na siyang interes kay Dave. Kaya lang, hindi siya ganoong klaseng tao.
“By the way, she’s Maxene.”
Nilahad niya ang kamay dito ngunit parang wala itong nakita.
“Siya ba ‘yung babaeng sinasabi mo, Dave?” anito sa nobyo. Tumawa pa ito ng pagak. “Kawawa naman. Iniwan ka na ng ani Dave, nakunan ka pa. Tapos ngayon sa sobrang desperada, nagpakalasing sa isang bar at nag-check in sa isang hotel kasama ang isang hindi rin kilalang lalaki. Ganoon ka ba talaga kasabik sa lalaki? O baka naman palabas lang ‘yon para makuha mo ang atensiyon ni Dave para balikan ka? You’re such a pathethic loser b***h. Kunwari’y mahinhin ka iyon pala nasa loob ang kulo mo. Huwag ka nang umasa na babalik sa’yo si Dave, in your dreams!”
“Maxene! Shut up!” saway dito ni Dave.
Nagpanting ang tenga niya sa mga sinabi nito.
“No. It’s okay, Dave. Wala rin naman akong pakialam sa mga pinagsasabi niya dahil alam naman natin dalawa na hindi totoo ‘yon. Pero hindi ko alam na bad breath pala ang pinalit mo sa akin. Ang sama ng hangin na lumalabas sa bibig, take her to the dentist, baka mabigyan pa ng lunas ‘yan,” sagot niya saka tila nakakalokong tumawa sabay tingin sa babae.
Tumawa pa siya ulit ng nakakaloko bago tiningnan din ito simula ulo hanggang paa. “Alam mo Miss, kung sino ka man. Hindi ako mag-e-explain sa’yo dahil hindi mo ako palamunin. Saka sino ka ba? Who the hell are you to judge me?! And why should I explain myself to you?! But I pity you, kasi ganyang kababa ang pagkatao mo. At hanggang ganyan ka na lang, ang kumapit na parang linta sa mga may pera gaya ni Dave! Kaya huwag kang magsalita sa akin na akala mo kung sino ka. I can buy you if I want too, b***h!” matapang na sagot ni Lady.
“Anong sabi mo?!” galit na galit na sigaw nito. Kaya nakuha na nila ang atensiyon ng mg tao sa paligid nila.
“From one b***h to another, and I want you to listen carefully. Kung inaakala mong aagawin ko ang boyfriend mo sa’yo. Well, magpa-piyesta ka na dahil iyong-iyon na ‘yan. Isaksak mo pa sa apat na layer mong bilbil kung gusto mo. Now, if you’ll excuse me at kung wala nang maruming basurang lalabas diyan sa bibig mo. I’ll go ahead. Dahil mas marami pa akong mas importanteng gagawin.”
Gusto niyang koronahan ang sarili dahil hindi niya akalain na masasabi niyang lahat ‘yun. At bago pa siya tuluyang umalis. Nagpahabol pa siya.
“By the way, Dave. Pakisabi diyan sa girlfriend mo. Palitan ang brand ng toothpaste na ginagamit niya. Kasi hindi effective sa bunganga niya. Paki-toothbrush na rin pati ang utak n’yan. Para luminis naman kahit paano.”
Ngumisi siya saka tumalikod. Hindi na niya pinansin ang sinabi ng mga taong nakarinig sa lahat ng sinabi niya. Wala na siyang pakialam sa sasabihin ng mga ito. Pagod na siyang patunayan ang sarili sa mga taong wala naman kinalaman sa buhay niya.
Ngunit nang makalagpas na siya sa mga tao. Bigla ay tumulo ang mga luha niya. Dahil ang totoo. Kahit na nilabanan niya ang lahat ng sinabi ng babaeng iyon. Pilit pa rin iyong tumagos sa puso niya. Siya na nga ang agrabiyado sa issue, siya pa ngayon ang pilit na ginagawang tanga ng mga ito.
Nagtago siya sa isang sulok at pilit na pinalis ang mga luha sa mata niya.
“Tumahan ka, Lady. Tibayan mo ang loob mo. Sila rin ang maka-karma sa pang-aapi nila sa’yo. Hindi mo sila dapat iniiyakan,” kausap niya sa sarili.
Lord, ano ba naman ‘to? Lagi na lang ba akong masasaktan? Kailan kaya darating ang panahon na sasaya naman ako? Simula pagkabata ay wala ng oras ang mga magulang ko sa akin. Sa lovelife, niloko lang ako ni Dave. Akala ko isang anghel na ang dumating sa akin dahil sa baby ko, pero nawala din siya. Tibayan N’yo po ang loob ko. Labis na akong nasasaktan.
Hanggang sa hindi na niya napigilan ang emosyon niya at tuluyan na siyang impit na napahagulgol sa isang sulok ng mall na iyon.