ILANG-ARAW nang nakakalipas nang mag-usap sila ni Kael pero hindi pa rin mawala sa isip ni Maddie ang pinag-usapan nila at ang poot sa mga mata ng dating nobyo habang nakatitig sa kaniya. Ilang-araw na rin siyang hindi pinapatulog ng pangyayaring iyon dahil sobrang kinukurot ang puso niya ng konsensiya sa hindi makakalimutang kasalanang nagawa niya kay Kael.
Nagtanong si Simon kung anong nangyari sa pag-uusap nila ni Kael at sinabi niyang inalok siya ni Kael ng trabaho na pag-iisipan muna niya bago magdesisyon. Nagsinungaling siya kay Simon upang hindi na ito mag-alala para sa kaniya at wala siyang kahit anong sinabing masama sa nangyari.
Hindi sisiraan ni Maddie si Kael kahit kanino dahil nararapat lang ang galit nito sa kaniya, sa pagkakamaling nagawa niya rito.
“Maddie,” tawag ni Sandra sa kaniya habang nasa counter at nagbibigay ng order sa mga customer doon.
“Oh?”
“Ikaw na ang magdala ng order sa table one sa second floor. Gwapo ang mga customer na nandoon at dahil maganda ka ay ikaw na magdala para mas ganahan silang uminom ng alak,” nakangising utos nito sa kaniya.
“Sige,” nakangiting tugon niya.
Inasikaso na niya ang order ng customer sa table one saka siya umalis dala iyon at umakyat sa second floor ng club. Hindi marami ang table sa second floor at kapag doon pupuwesto ang customer ay siguradong mayayaman o may kaya sa buhay ang customer dahil pang-VIP ang second floor ng club at may bayad din ang lamesa na mas mahal pa sa sahod niya sa club na ito.
Kompiyansang naglakad si Maddie palapit sa table one na may grupong nakaupo na nakatalikod banda sa kaniya dahil magkakatabi ang apat na lalake na nakaupo sa sofa patalikod sa kaniya. Inihanda na niya ang magandang ngiti nang tuluyang makalapit sa grupo.
“Good evening, Sir. Here’s your order,” masigla niyang sabi.
Napatingin sa kaniya ang apat na lalake na talagang naggaguwapuhan. Tama si Sandra na ang gagwapo nga nila at kilala niya ang apat na lalaking ito lalong-lalo na ang isang lalake na may seryosong mukha na nakatitig sa kaniya.
Bigla ay umiwas siya ng tingin saka inayos ang mga order na dala niya para sa mga customer.
“Hello, Maddie,” masiglang bati sa kaniya ng isang lalake, na alam niya sa pangalang Conrad.
“So, you are Maddie?” nang-uuyam na tanong ng isa na kilalang-kilala rin niya kahit pa hindi niya ito nakita noong nag-perform siya sa bar ni Falcon kung saan una niyang nakita si Kael.
Si Hance Louie Montevasco. Nagulat din siya na kasama ni Kael at ng mga kaibigan nito si Mr. Montevasco, hindi niya alam na kaibigan din pala ni Kael si Mr. Montevsco.
Ang liit nga naman ng mundo at mukhang hindi lang kasalanan niya mula kay Kael ang mauungkat kundi pati sa lalaking ito at sa asawa nito.
Tumayo na si Maddie nang maayos ang ilang alak at pulutan sa mesa ng customer.
“I-iyong ibang order niyo po ay dadalhin dito after five-minutes,” sabi niya. “Enjoy po,” nakangiti na niyang sabi saka tatalikod na sana nang hablutin ni Kael ang braso niya.
Nagulat siyang napatingin sa seryosong mukha ni Kael at mahigpit ang pagkakahawak nito sa kamay niya na mukhang ayaw siyang pakawalan.
“Sit down and join us. I'll pay for your time as long as you entertain us,” utos ni Klay sa kaniya saka hinila na siya paupo sa sofa at dahil mas malakas ito, ay napaupo na siya sa sofa kahit ayaw niya.
“S-Sir, hindi po kasama sa trabaho ko iyan—“
“Really? Samantalang noong birthday ko ikaw ang dancer noon—“
“One-time lang po iyon. Waitress lang po talaga ako sa club,” mabilis niyang tugon
“But I want you to entertain us!” matigas na utos ni Klay.
“I don't need an entertainer, Klay. So, don't force her!” sabat ni Mr. Montevasco, na may naiiritang boses.
“Oo nga. Saka huwag mong sirain ang gabi natin, Klay. Ang layo pa nang narating natin para lang mag-inuman,” sabat ni Conrad.
Hinila ni Maddie ang braso na napagtagumpayan naman niya saka mabilis na tumayo at nagmamadaling iniwan ang mga ito. Sa iba na niya ipapadala ang ibang order nila Kael dahil siguradong mapag-iinitan na naman siya ni Kael.
Impit na napatili si Maddie nang may humablot sa braso niya at kinaladkad siya kung saan hanggang sa nakarating sila sa banyo at ipinasok siya doon saka tinulak pasandal sa pader dahilan para masaktan siya pero hindi na niya iyon ininda pa dahil nanlaki ang mga mata niya at napuno ng takot ang puso niya nang makilala kung sino ang kumaladkad sa kaniya.
Walang iba kundi si Kael na nagliliyab ang poot sa mga mata.
“Kael,” bulalas niya.
Hinablot ni Kael ang bibig niya saka pinisil nito dahilan para mapasigaw siya sa sakit subalit hindi pa rin nito binitiwan ang bibig niya kahit hinawakan na ng dalawa niyang kamay ang kamay braso nito.
“Could you stop calling me that name? I'm not your stupid Kael anymore!” gigil na sigaw ni Kael sa kaniya.
“S-sorry—“
“—Ahh!” sigaw niya nang sumuntok nang malakas si Kael sa pader na pinagsasandalan niya matapos bitiwan ang bibig niya.
“Paano mong nagagawang mamuhay ng normal at masaya kahit pa nakasira ka ng buhay ng isang inosenteng tao? Paano mo nagagawang humarap sa akin, na wala ka man lang kahit ‘konting konsensiya at nagagawa mong tanggihan ang lahat ng gusto kong ipagawa sa’yo? At paano mo nagagawa iyon samantalang ako, na sinira mo nang sobra-sobra noon, ay hanggang ngayon hindi pa rin magawang buuhin ang sarili?” galit na tanong ni Kael sa kaniya.
Doon ay ay napuno na ng luha ang mga mata ni Maddie at napahikbi na siya dahil sa matinding konsensiyang nadarama sa lahat ng pagkakamali na nagawa niya kay Kael. Ang lalaking tanging ginawa lang noon sa kaniya ay mahalin siya ng totoo, protektahan at pasayahin subalit ang iginanti niya ay pagtatraydor, pananakit at pagsira ng buhay nito.
Hindi alam ni Kael kung gaano nakaapekto iyon sa buhay niya pero kulang ang nararamdaman niyang konsensiya para lang mabawi ang lahat ng mga kasalanan niya rito.
“I’m sorry,” umiiyak niyang hingi ng tawad kay Kael.
Marahas na umangat ang ulo niya dahil hinawakan siya ni Kael sa buhok at madiing sinabunutan iyon saka pinaharap sa mukha nito.
“Even if you shed tears of blood and apologize endlessly, I will never forgive you, Maddie! I will destroy and crush you as you did before, and I will only be happy when I have done what you did to me before!” tugon ni Kael sa kaniya saka binitiwan at iniwan siya.
Nanghihinang napaupo si Maddie sa sahig habang humahagulgol. Sobra ang sakit na nadarama niya ngayon at muli, ay dinudurog na naman ang puso niya dahil sa nakaraan nilang iyon ni Kael, na pakiramdam niya ay hindi nagdaan ang anim na taon at nagkalayo sila nang matagal.
IMBES na natutulog si Maddie ngayong araw dahil buong magdamag ang naging trabaho niya sa club ay nakatulala lang siyang nakaupo sa kama niya. Iniisip pa rin ni Maddie si Kael at ang mga sinabi nito sa kaniya. Kung gaano napopoot si Kael sa kaniya at kung anong gusto nitong gawin sa kaniya.
Napabuntonghininga si Maddie.
Inaantay naman talaga niya na dumating ang pagkakataon na ito, ang magkikita sila muli ni Kael at makahingi siya ng tawad dito. Ano man ang kahinatnan ay hihingi at hihingi pa rin siya ng tawad at gusto niyang maitama ang lahat ng pagkakamali niya. Pero inakala niya noon na sa panahon na magkikita sila ay masaya na ito sa buhay kahit hindi siya patawarin nito ay hinihiling niya ng paulit-ulit sa Dios na sana ay naging masaya na si Kael sa buhay matapos ang masalimuot na nangyari rito noong anim na taon ang lumipas.
Pero nagkamali siya dahil hanggang ngayon ay dala-dala pa rin ni Kael ang nangyari sa nakaraan nito at dahil doon, ay mukhang hindi ito naging masaya.
Nanghihinang humiga si Maddie sa kama at muling napabuntonghininga.
“Magiging masaya ka ba talaga kapag nakaganti ka sa akin, Kael? Ang paghihiganti mo bang iyan ang magiging dahilan para mabuo ka na dati kong nadurog?” bulong niya. “Kung ganoon ay pagbibigyan kita. Papayag na ako sa gusto mo,” aniya.
Hindi niya alam kung anong kakahinatnan sa buhay niya ng paghihiganti ni Kael pero wala na siyang pakealam pa dahil ang tanging nais niya lang, ay makabawi sa mga nagawa niyang kasalanan sa dating nobyo, na kailan man ay hindi niya nakalimutan at patuloy niyang minamahal.
Sa ganoong pag-iisip nakatulog si Maddie at isang panaginip ang gumulo sa pagkakahimbing niya, hindi iyon basta panaginip dahil isa iyong nakaraan niya, nila ni Kael at ang simula kung paano sila nauwi sa pagmamahalan.
“NAKIKITA mo ba ang lalaking iyon na nakasuot ng puting polo-shirt, pants na itim at black na sapatos, nakasuot ng salamin sa mata at mukhang nakapamadang buhok?” tanong ni Gladys sa kaniya saka may itinuro na lalake sa harapan ng mesa nila.
Nasa cafeteria sila ng school at sabay na nag-lunch. Silang dalawa lang dahil wala ang dalawa nilang kaibigan na sina Veronica at Remy rose, na may klase pa ngayon.
Napatingin siya sa lalaking itinuro ni Gladys at nakita niya nga ang lalaking nilarawan ng kaibigan, na abalang kumakain habang nagbabasa ng libro.
Napakunot ang noo ni Maddie saka napatingin kay Gladys. “Bakit? Anong mayroon sa kaniya?” tanong niya sa kaibigan.
“Alam mo bang napakatalino raw ng lalaking iyan. Siya si Klay Mikaelson Lorenzo at kilalang-kilala siya sa campus dahil sa pagiging matalino at masipag niyang mag-aral,” tugon ni Gladys sa kaniya. “Nerd nga lang siya. Nakikita mo naman sa itsura niya, hindi ba?” dagdag pa nito.
Napatingin siya sa abalang binata, na kumakain at nagbabasa ng libro na hindi nalalayo sa mesang kinaroroonan nilang magkaibigan.
Tama si Gladys mukhang nerd talaga ang lalaking iyon pero napansin niya na may itsura ito lalo na ang maganda nitong mga mata, na kahit abala sa pagbabasa ay kapansin-pansin.
“So?” tanong niya kay Gladys.
“Isang-taon na lang ga-graduate na si Lorenzo at habang nandito pa siya ay ito na ang pagkakataon mong humingi ng tulong sa kaniya—“
“What? Bakit naman ako hihingi ng tulong sa kaniya?” tanong niya kaagad sa kaibigan.
“Kaparehas natin ng kurso si Lorenzo pero mas nauna lang siya sa atin dahil mas matanda naman siya sa atin at marami na siyang natulungan lower year. Nagiging tutor ng mga ito, lalo na sa mga major subjects at malaki ang naitulong ni Lorenzo sa mga iyon.
“Ikaw, hindi ba bagsak ang dalawa sa major subject mo ngayong midterm at ang isa naman, ay mukhang makiki-join pa sa dalawang bagsak mo?” tanong ni Gladys sa kaniya.
“Pinaalala mo pa, namroblema na naman tuloy ako!” inis na tugon niya kay Gladys.
Hindi naman niya kasi gusto ang kursong Architecture pero dahil iyon ang gusto ng mga magulang niya, ay wala siyang choice kundi kunin iyon dahil hindi naman napilit ng mga magulang niya ang nakakatandang kapatid niya kaya siya na lang ang kumuha ng kursong gusto ng mga ito.
Kaya lang nahihirapan siya dahil hindi naman siya kasing-talino ng nakakatandang kapatid. Noong first year siya sa College, ay nakapasa pa siya pero mababa ang grades niya at ngayong second year, first semester pa lang ay may bagsak na siya kaagad ngayong preliminary na dalawa pang major subject.
“Lumapit ka kay Lorenzo at magpa-tutor ka sa kaniya. Sabihin mong magbabayad ka naman kagaya ng ibang mga tinuruan niya,” utos ni Gladys sa kaniya na ikinalaki ng mga mata niya. “Bali-balita kasi sa Campus na kapag si Lorenzo raw ang nagtuturo, ay nakakapasa at nagiging matalino raw ang mga tinuturuan niya.
“Halos lahat ng tinuruan niya ay ang tataas daw ng mga nakuhang grades at hanggang ngayon, ay hindi na bumabagsak. Ang sabi nga ay baka may powers si Lorenzo, na nagpapatalino ng isang bobong kagaya mo,” mahabang sabi ni Gladys sa kaniya.
Masama niyang tinignan si Gladys dahil tinawag siya nitong bobo.
“Aminin mo nang bobo ka. Maganda at sexy ka pero wala ka namang utak,” nakangising sabi ni Gladys sa kaniya.
“Sabunutan ko kaya iyang kulot mong buhok at kalbuhin na rin kita, bwiset ka!” inis na tugon niya rito.
“Huwag naman! Ito na nga lang ang maganda sa akin pagtapos sisirain mo pa,” tugon nito. “Sige na, lapitan mo na si Lorenzo saka humingi ka nang tulong,” susog nito sa kaniya.
Marahas siyang napabuntonghininga.
Wala naman mawawawala kung susubukan niyang humingi ng tulong sa matalinong lalaking iyon lalo pa, na kailangan talaga niyang makakuha ng mataas na marka sa midterm para makapasa sa mga binagsak niyang major subjects at sa isang malapit na ring lumagpak. Baka totoo nga ang kasabihan na may powers talaga si Lorenzo, na magpapatalino sa mga tinuturuan nito at mabahagian din siya nang kahit ‘konting katalinuhan.
Tumayo na si Maddie saka naglakas-loob na lumapit sa binatang abalang kumakain at nagbabasa saka huminto sa harapan nito habang nakatitig sa mukha ni Lorenzo.
Ngayon niya nakita nang malapitan ang mukha ni Lorenzo, na gwapo pala kahit napakasimple lang nito at napansin niya ang kulay ng mga mata nito, na kulay brown na bumagay sa binata at malalantik na pilik mata. Matangos din ang ilong ni Lorenzo at pula ang labi, na maliit lang pero bumagay din sa magandang hugis ng mukha ng binata.
Hindi alam ni Maddie pero bumilis bigla ang t***k ng puso niya dahil sa kaharap na lalake, na kahit kumakain habang nagbabasa ay ang lakas ng dating nito para sa kaniya.
Umangat ang mukha ni Lorenzo saka napatuon ang tingin nito sa kaniya at napalitan ng pagtataka ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya.
“H-hi,” bati niya sa kaharap.
Hindi nagsalita si Lorenzo pero nakatitig pa rin ito sa kaniya.
“Ang ganda ng mga mata mo,” sabi niya at napatakip sa bibig dahil sa hindi napigilang sinabi. “Ah, eh—“
Hindi na ni Maddie halos matuloy ang sasabihin dahil sobra na siyang nahihiya at dama niya ang pag-iinit ng mukha sa sobrang kahihiyan na nadarama.
“Bakit?” pormal na tanong ni Lorenzo sa kaniya at titig na titig pa rin sa mukha niya.
“G-gusto ko sanang humingi ng tulong sa’yo. Magpapa-tutor sana ako k-kasi parehas tayo ng kurso k-kaso mas nauna ka ng ilang-taon,” utal niyang tugon saka napayuko. “Magbabayad ako kagaya ng iba mong naging estudyante,” dagdag pa niya at sobra na talaga siyang naiilang.
Hindi nagsalita si Lorenzo kaya mas lalo siyang nakadama ng ilang at nang hindi na makatiis, ay tinalikuran na lang niya ito saka iniwan at bumalik sa pwesto nila ni Gladys.
Hindi na kinakaya ni Maddie ang kahihiyang nadarama at ito ang unang beses, na nagawa niyang tumitig nang malapitan sa isang lalake at hindi napigilan ang bibig na magsabi ng magandang katangian nito.
Kahit kay Gladys ay hindi na siya makatingin ng diretso kaya tinalikuran niya ang kaibigan at nakayukong tumingin sa bag niya na nasa upuan.
“I-ibigay mo ang number ko kay Lorenzo at sabihin mo sa kaniya, na kung pumapayag siyang i-tutor ako ay itext na lang niya ako,” utos ni Maddie sa kaibigan saka kinuha na ang bag at nagmamadaling umalis.