TL Chapter 3 : The Black Sheep

3059 Words
STACY IVY BARMEDA POV  Masaya at libang na libang kami nina Lola, Kenzo at Andie habang naglalaro ng Uno Card sa sala. Naging libangan na namin iyon ngayong bakasyon para magpalipas ng oras. ‘Kahit simpleng laro ay ito iyong naging bonding moments namin.’ Napatigil kami sa paglalaro ng marinig ang boses ni Papa mula sa bakuran. Sumisigaw siya. Nang makapasok sa bahay ay hawak-hawak niya sa braso si Ate Airene, galit na galit. Kasunod naman nila ang tahimik na si Mama. Baba ang kaniyang balikat at halatang may dinadalang problema. “Ano ba ang pinaggagawa mo sa eskwelahan?” Narinig ko ang isang malaki at galit na boses ng lalaki. Nagkatinginan kami nina Kenzo at Andie. Si Lola naman ay tumayo at pinuntahan si Papa. Sandali kaming nanatili sa aming kinauupuan. “Siguradong may ginawa na naman kasalanan si Ate Airene kaya nagalit si Papa.” bulong ni Kenzo kay Andie. “Sssh!” senyas ko para tumigil sila. Hinimas ni Lola Salve ang balikat ni Papa para kumalma ngunit hindi nagpatinag si Papa at patuloy na pinapagalitan si Ate. ‘Kanina ay nagpaalam lang siya na aalis at pupunta sa kaibigan. Kaya nakakapagtaka na magkakasama silang tatlo nina Mama at Papa.’ Patuloy naman na naglakad si Mama papunta sa aming magkakapatid. Iniwan niya sina Papa, Ate Airene at Lola banda sa may pintuan. Napabuntong hininga siya at nanghihinang umupo sa sofa. Hinihilot ang kaniyang sentido habang nakapikit. “Laging problema na lang ba ang ibibigay mo sa amin, Airene?” tanong ni Papa. “Bakit ba palagi ka na lang nasasangkot sa g**o kapag kasama mo ang mga barkada mo? Pinagbigyan na kita ng makipag-away ka sa school, pero sumosobra ka na!” “Sumosobra?” tanong niya. “Ako pa ang sumosobra samantalang kayo ang sumosobra na!” pabalang na sagot ni Ate kay Papa. “Palagi na lang pagkakamali ko ang nakikita niyo! Sa akin niyo binubuntot ang lahat ng galit at pagod niyo!” “Kasi wala ka naman nagawang tama! Itinatama lang namin ang pagkakamali na ginagawa mo para matuto ka at maisip mo na mali ang ginagawa mo. Pero parang wala lahat sa iyo ang mga salita namin. Papasok sa kabilang tenga, lalabas sa kabila! Kailan ka ba magtitino at magbabago? Hindi ka naman dati ganiyan pero nang makasama mo ang mga barkada mo, natuto ka ng magbulakbol. Pati kaming magulang mo ay nakalimutan mo ng irespeto.” “Huwag niyong isisi sa mga kaibigan ko ang mga nangyayari sa buhay ko. Dahil kayo ang may kasalanan kaya ganito ako. Mabuti pa nga sila ay may oras na pakinggan ako. Sa kanila ko lang nararamdaman ang magmamahal at oras na dapat kayo ang nagbibigay sa akin…sa amin!” Nagulat kami ng lumandas ang palad ni Papa sa mukha ni Ate. “Hindi ka namin pinalaki para bastusin ako o kahit na sinuman sa pamilyang ito. Nagkakanda hirap-hirap kami sa pagtatrabaho para mabigay ang masaganang buhay na tinatamasa niyo ngayon. Kaunting pang-unawa lang ang kailangan namin sa iyo Airene.” Paliwanag ni Papa. "Para sa inyo ang lahat ng ginagawa namin. Gusto namin makatapos kayo sa magandang paaralan para maging maganda ang kinabukasan niyo. Wala kaming hinangad kun'di ang mapabuti ang kinabukasan niyo." Natahimik si Ate Airene sa mga sinabi ni Papa. Ilang sandali pa at si Mama na ang nagsalita. Umiiyak siya. “Nagtatrabaho kami para mabigay ang pangangailangan niyong magkakapatid. Ginagawa namin ang lahat ng ito para maibigay ang mga bagay na maibigan niyo. Hindi namin iniinda ang pagod at lungkot nang hindi kayo kasama dahil para sa inyo lahat ng sakripisyo na ginagawa namin. Ayaw namin maranasan niyo ang hirap ng buhay kaya nagsusumikap kaming magulang niyo. Oo may pagkukulang kami. Pero bumabawi kami Airene." sambit ni Mama. "Airene nasa tamang edad at pag-iisip ka na para malaman ang tama at mali ngunit mas pinili mo pa rin gumawa ng mali. Hindi kami nagkulang ng pangaral sa inyong magkakapatid. Akala ko ay ikaw ang unang makakaintindi sa amin ng Papa mo, pero mali kami.” "Oo mali kayo! Si Ivy lang naman kasi laging magaling sa inyo." Matalim na tinitigan ni Ate ang aming mga magulang bago tumakbo paakyat sa hagdanan. Hindi nakatiis si Kenzo at Andie na puntahan si Mama para yakapin at patahanin siya. “Mama, huwag na po kayong umiyak.” saad ng dalawa kong kapatid. Nang makalapit si Papa ay hinimas niya ang aking ulo. “Thank you for helping us take care of your siblings.” sabi ni Papa. Ngumiti siya sa akin pero halata ang lungkot sa kaniyang mga mata. “Sorry mga anak! Alam naming malaki ang pagkukulang namin sa inyo. Sana pahalagahan niyo ang ginagawa namin. Hayaan niyo, makakabawi rin si Mama at Papa sa inyo.” “Ano po ba ang nangyari, Papa?” tanong ko. Sumulyap pa ako sa second floor at nakita ko si Ate na masamang nakatitig sa amin. Pilit na ngumiti si Papa, “Alam mo naman ang Ate mo pagdating sa kalokohan. Sorry kung nakita niyo pa na nasaktan ko ang kapatid niyo. Hindi porket pinagbuhatan namin siya ng kamay o kahit na sinuman sa inyo ay hindi na namin mahal. Kaya namin tinatama ang inyong mga pagkakamali ay dahil ayaw naming mapahamak kayo. Ginagawa namin ito dahil sa pagmamahal namin sa inyo. Gusto namin na nasa tamang landas ang tinatahak niyong mga anak namin.” “Naiintindihan ko po Papa. Pero sana huwag na po kayong magalit kay Ate. Hindi naman po siguro niya sinasadya na gumawa ng mali.” “Mas bata ka sa ate mo pero mas ikaw ang nakakaintindi sa kaniya at sa amin ng Mama mo. Salamat anak at tinutulungan at iniintindi mo kami. Siguro nga kami ang dahilan kaya nagkakaganiyan ang kapatid mo kaya’t susubukan namin bumawi sa inyo.” Naramdaman ko ang kamay ni Mama na mahigpit na humawak sa aking kamay. Nakangiti ito ngunit may luha pa rin sa kaniyang mga mata. “Huwag na po kayong umiyak, Mama. Hayaan niyo at kakausapin ko po si Ate. Hindi po niya sinasadya na masagot si papa. Dahil lang po sa galit kaya nasabi niya ang lahat ng iyon.” “Salamat, anak!” tugon sa akin. Siguradong malamig na ang ulo ni Ate dahil ilang oras na ang nakalipas. Pagpasok ko sa aming kwarto ay nakahiga siya sa kama habang nakangiting nag ta-type sa kaniyang cell phone. “Ate,” tawag ko at umupo sa kaniyang tabi. Tinapunan niya ako ng matalim na tingin, “Tigil-tigilan mo ako, Ivy!” Sambit niya. “Okay ka lang ba?” mahinang tanong ko. "Alam mo naman na mahal na mahal tayo ng magulang natin. Sana naiintindihan mo si Papa. Huwag ka na rin sana magalit kung nasaktan ka niya, kasi hindi naman niya iyon sinasadya." “Nang-aasar ka ba?” sagot niyang tanong. Tinuro niya ang kaniyang mukha. "Tingnan mo 'tong latay sa mukha ko. Sa tingin mo ba magiging okay lang ako? Ivy, nasaktan ako!" pabalang niyang tugon. “Pwede ba, hindi mo ako naiintindihan. Tigil-tigilan mo na ang pagpapanggap mo bilang anghel dahil hindi bagay sa iyo!” “Naiintindihan kita pero ginagawa nila iyon para sa kabutihan at kapakanan natin. Sana 'wag ka ng mag-hinanakit dahil magulang natin sila.” “Putang-ina, Ivy! Kung wala ka namang matinong sasabihin ay iwan mo na lang ako rito. Umalis ka na at tigil-tigilan mo na nga ako sa kadramahan mo. Bwisit ka!” Tinalikuran niya ako at itinalukbong ang kumot sa kaniyang buong katawan. “Bwisit kayong lahat!” Huminga ako ng malalim at iniwan si Ate sa kwarto. Hindi ko inaasahan na magiging matigas ang puso niya sa magulang namin. Paglabas ng kwarto ay nadatnan ko naman si Lola Salve na hinihintay ako sa labas ng pinto. “Hayaan mo na muna ang Ate Airene mo. Siguradong masama pa ang loob niya dahil nasaktan ng Papa mo.” “Bakit po ba ganiyan ang ugali ni Ate? Hindi po ba niya naiintindihan sina Mama at Papa? ‘Di ba Lola sabi mo sa amin, magiging masaya sila Mama at Papa kapag naging mabuti at mabait na bata kami? Pero bakit si Ate palagi na lang sinasaktan ang loob nina Mama at Papa? Pagod na sila sa trabaho hanggang dito sa bahay ay pagod pa rin sila dahil sa mga problemang dala namin.” “Huwag ka ngang magsasalita ng ganiyan! Hindi kayang tikisin ng magulang ang kanilang mga anak. Kahit anong pagkakamali ang gawin niyo ay mahal pa rin kayo ng Mama at Papa niyo. Sa nangyayari sa Ate mo, marahil darating ang panahon na babait din siya at maiintindihan ang lahat. Magiging maayos din ang lahat! Kaya huwag natin siyang susukuan. Magbabago rin siya.” Pagkatapos humupa ng g**o sa bahay ay kinailangan bumalik ni Mama at Papa sa trabaho. Pinuntahan ko ang aking dalawang kapatid na nasa kwarto. Naabutan ko silang seryosong nag-uusap. Nang makita nila ako ay kaagad nila akong hinatak paupo sa kanilang kama. “Ate Ivy, bakit ganoon ang ugali ni Ate Airene?” tanong ni Kenzo. “Syempre, natututo sa mga kaibigan niya,” tugon ni Andie. “Nakakainis nga iyong mga kaibigan ni Ate. Ang a-arte tapos ang yayabang pa. Hindi nga ako nakapag-laro sa garden kahapon dahil naroon sila.” Bilang nakakatandang kapatid sa kanila ay palagi kong tinatandaan ang bilin ni Mama at Papa na bantayan at alagaan silang dalawa. “Hayaan niyo na si Ate Airene. Ang mahalaga huwag natin gagayahin ang ugali niya kasi hindi maganda iyon. Palagi lang natin tandaan ang bilin ni Lola sa atin na kahit ano pa ang ugali ng bawat isa ay magmahalan tayo o mahalin natin dahil magkakapatid tayong apat.” ‘Habang nagkakaroon ng muwang sa buhay ay napagtatanto ko ang mga nangyayari sa aking paligid. Ang bawat sitwasyon na nangyayari sa aming buhay at pamilya ay unti-unting nagkakaroon ng kaliwanagan sa aking isipan. Kaya nga sumagi sa isip ko na kapag lumaki na ako ay ako naman ang magtatrabaho para sa aking mga magulang. Gusto ko sila naman ang magpahinga sa bahay upang madalas namin na makasama.’ Lahat ng requirements ko para makapag enroll sa school ay inasikaso at kinumpleto ko. Mahal ang tuition sa school pero dahil maganda ang grade at second honor sa elementary ay nag-offer ang school na mag-apply ako sa scholarship. ‘Tama nga ang sabi ni Papa.’ “Sana makapasa ako sa admission exam!” sambit ko at nananalangin bago sagutin ang test paper. “Lord, ito rin po ang way ko para makuha ang scholarship!” Maaga akong pumunta sa school para hindi ma-late. Base sa admission exam schedule ay mula umaga hanggang tanghali ang exam namin. ‘Halos lahat ng exam ay puro major subject.’ Dumiretso ako sa room na tinuro ng guard para sa mga estudyante na mag-e-exam. Nang dumungaw sa unang kwarto ay puro mga lalaki ang naroon. “Excuse me,” tanong ko sa isang estudyanteng lalaki na nasa bungad ng kwarto. “Dito ba ang admission test para sa scholarship?” Umiling siya at tumuro. “Doon ka sa kabilang room mag-e-exam.” Tumango ako at nagpasalamat. Nakahinga ako ng maluwag nang makita ang sign sa pinto na ‘Scholarship Examiner’. Halos kalahati ng kwarto ay puno na. ‘Hindi ko inaasahan na ganito kadami ang mag-e-exam.’ Abala silang nagre-review lahat. Sampung minuto bago mag-alas-otso ay pumasok ang isang lalaki sa kwarto. May dala-dala siyang mga test paper. Medyo na-attract ako sa kaniya.’ Hindi ko nagawang alisin ang tingin ko sa kaniya ng magkatitigan kaming dalawa. Namula ang mukha ko ng ngitian niya na lang ako bigla. Agad kong binawi ang aking tingin ng matauhan. “Good morning. I’m Zach Rain Buenavista. Ako muna ang mag-a-assist at magbibigay sa inyo ng test paper habang hinihintay natin si Ma’am Teri Rista. Medyo madedelay lang siya dahil nagkaroon siya ng urgent meeting sa Division Office.” Paliwanag niya. “So, let’s start! Bago ko ibigay ang test paper ay tatawagin ko na muna kayo isa-isa.” Nagsimula na nga siyang magtawag sa listahan. Sa bawat tinatawag niyang pangalan ay pinupuntahan niya at inaabot ang test paper. “Stacy Ivy Barmeda?” tawag niya. Tinaas ko ang aking kamay, “Present, Sir!” sagot ko. Lumakad siya papunta sa aking kinauupuan habang nakangiti. “Are you related to Airene Barmeda?” tanong niya. Tumango ako, “Yes, Sir!” Tumango lang siya at inabot ang test paper sa akin. Nahiwagaan naman ko ng magpakilala siya ng formal sa akin. Imbes na mag-isip ng kakaiba ay unang pumasok sa aking isip na baka kaklase siya ni Ate Airene dahil kakilala niya. Tumingin siya sa kaniyang relo at ilang sandali ay dumiretso na sa may pintuan at sinara iyon. “It’s the time!” Sambit niya. Muli siyang tumingin sa akin at ngumiti, “You may start answering your paper.” Nag focus ako sa exam ko. Ang unang page ay madali pero pagdating sa kalagitnaan ay mahirap na iyon. Ang laki lang ng pasasalamat ko dahil pinag-aralan ko ang mahihirap na tanong. Ramdam ko ng pinagpapawisan ang palad ko. Kahit ang lapis ay dumudulas na dahil basa na ito. “10 minutes!” sambit niya. Alam na namin ang ibig sabihin n’on. After ng sampung minuto ay susunod na ang English exam. Nasa pangatlong exam na kami ng bumukas ang pintuan at pumasok ang isang guro. “Thank you, Mr. Buenavista, for taking care of them.” “Your welcome, Maam Teri.” Hinaplos ni Ma’am Teri ang braso ni Zach bago siya umalis. At bago isara ang pinto ay tumingin pa siya sa akin at nag thumbs up. ‘Nahihiwagaan na ako sa kinikilos niya. Ngayon, nararamdaman ko na may kakaiba.’ “Before taking the third exam, we will have a one hour break,” saad ng guro. Mukhang nagmadali siya sa pagpunta rito dahil sa haggard at pawis niyang mukha. Ang ilan sa mga kaklase ko ay lumabas at dinala ang kanilang bag. Upang hindi maiwan sa kwarto ay sumunod na lang ako sa kanila. Ang ilan sa kanila ay magkakakilala pala. “Hi!” Napalingon ako sa gilid ng hallway nang dumaan ako. Lumapit siya sa akin. “May kasabay ka bang mag snack? I can join you if you want. Beside, mukhang wala ka naman kilala rito.” Nagdadalawang isip pa akong sumagot. “S-sige,” saad ko. “Great! I’ll treat you then.” Inilahad niya ang kaniyang kamay at pinauna akong maglakad. “Kanina sinabi mo iyong pangalan ng Ate ko, magkaklase ba kayo?” tanong ko. “Nope! She’s upcoming third year at kaklase ng kapatid ko. I’m in my fourth year.” “Ah! Kaya pala nakilala mo siya dahil sa kapatid mo.” “Yep. Pero mas kilala siya bilang bully dito sa school,” sagot niya. “I hope I didn’t offend you. Hindi ko gustong siraan ang kapatid mo pero iyon ang totoo. You will know soon kapag nag-aral ka na rin dito.” “Alam ko naman!” sagot ko. “You’re applying for a scholarship right?” “Oo,” sagot ko. “Malaki ang tuition dito sa school at siguradong mahihirapan ang magulang ko kung non-scholar din ako katulad ni Ate. Hindi na nga sila magkanda-kuba sa kaka-trabaho, magiging pabigat pa ba ako?!” kwento ko. Napangiti ako, “Sorry medyo naging seryoso.” “Nakakarelate ako sa iyo,” tugon niya. “Pareho kaming scholarship ng kapatid ko rito, si Zane. Iyong bunso kong kapatid ay nag te-take rin siya ng exam sa kabilang room. Hindi nga lang siya scholar dahil puro pasang-awa ang grades.” “Okay lang kaya ang pasang-awa kasya sa bumagsak at mag repeater,” tugon ko. Sa sandaling kausap ko siya ay naging panatag ang loob ko. Naubos ata ang oras ko dahil sa pakwe-kwentuhan namin dalawa. Ang dami kong nalaman tungkol sa school. Nag share rin siya ng kaunting experience sa mga teacher ng freshmen students. “Good luck, Stacy!” sambit niya bago ako pumasok sa kwarto. Ngumiti ako, “Thank you, Kuya Zach!” Zion Royce Buenavista POV Tatlong buwan ako naghanda para sa admission test. Sa tulong ni Kuya at Ate ay nagkaroon ako ng reviewer na pwede kong pag-aralan. Ilang beses pa akong na-bully ng dalawang iyon habang tinuturuan ako. Naalala ko tuloy kung paano ako bulyawan ni Kuya Zach. Ilang beses na rin silang muntik ng sumuko sa akin. “Mali!” bulyaw ni Kuya sa akin. Napasabunot na siya sa kaniyang buhok, “Ilang beses ko ng tinuturo itong solution pero hindi mo pa rin nakukuha ang tamang sagot.” Napakamot ako sa aking ulo, “E ginawa ko naman kung paano iyong solution na ginawa mo!” katwiran ko. “Ang hirap-hirap naman kasi nito, e! Ganiyan na ba talaga pag high school?” Basic pa lang iyang tinuturo ko sa iyo, Zion!” bulyaw ni Kuya. “Sa araw-araw na nag-aaral tayo ay hindi pa rin nag i-improved iyang utak mo!” “Sorry naman! Aminado naman kasi akong hindi niyo ako kasing talino ni Ate, e!” Narinig ko siyang bumuntong hininga. “Hindi naman sa talino iyon, Zion. Kahit hindi matalino basta nagsisikap mag-aral lahat matututuhan mo,” seryoso niyang sabi. “Subukan mo ulit. Makukuha mo iyan. Magtiwala ka lang sa sarili mo.” Seryoso kong sinagutan ang test paper na ibinigay sa akin. Kinakabahan pa ako nung una pero nang matanaw ko si Kuya Zach sa labas ay nagkaroon ng lakas ang loob ko. ‘Ayokong baliwalain ang oras at paghihirap nila nang tinuturuan nila ako.’ Nawiwindang ako sa ibang mga question dahil hindi ko makuha ang sagot kaya nanghula na lang ako. ‘Pero i-ilan lang naman iyon.’ Nakahinga ako ng maluwag nang makalabas ng kwarto. Drain na drain ang utak ko. “Kamusta ang exam?” tanong niya sa akin. Kakaiba ang ngiti niya. “Okay naman! Halos lahat naman nasagutan ko, pero may iilan na hinulaan ko lang.” Tinapik niya ang aking balikat. “Okay lang iyan!” Nakangiti niyang sagot. “Siguradong papasa ka. Manalig ka lang.” Nakaramdam ako ng gutom, “Tara na kuya. Libre mo naman ako.” kantiyak ko sa kaniya. “Sige ba!” sagot niya. Bago umalis ay lumingon pa siya sa kasunod na kwarto. “Tara!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD