"Pinagloloko mo naman ako hija. Sige na nga, bibili na ako sa 'yo ng sibuyas na. . . tatlo'y isang daan. Baka kailangang-kailangan mo. Oh, heto ang bayad ko," saad ng babae sabay abot ng isang daang piso sa akin. Walang hiya-hiya ko naman kinuha iyon sabay bigay rin ng tatlong sibuyas sa babae. Mabilis naman umalis ito sa aking harapan. Muli akong bumaling kay Bombie. At nakita kong nakatanga ito sa akin. "Ano'ng gayuma ang ginawa mo para mapabili ang babaeng iyon?!" palatak ng dalaga. "Wala naman, nagkataon lang na mabait akong makipag-usap sa mga taong nakakasalamuha ko," sagot ko rito. Napansin kong biglang ngumiwi si Bombie sa aking mga pinagsasabi. Nasa mukha rin nito ang pangangasar. Hindi ko na lang ito pinansin. Ang dapat kong gawin ay ipaubos ang lahat ng sibuyas na tinda ko.