CHAPTER 1: Maling Salamangka
Alexis' POV
Ako ay laki sa hirap ngunit hindi nagkulang ang mga magulang ko sa akin, sa pagmamahal, pag-aaruga at lalong hindi nagkulang sa pangangaral tungo sa mga mabubuting asal. Tinuruan nila ako na makuntento sa kung anong meron ako, sa kung ano ang binigay ng Diyos dahil lahat ng iyon ay biyaya. Lumaki akong masiyahin kaya halos lahat ng tao sa baryo namin ay kaibigan ko. Nakakahawa raw kasi ang pagiging masiyahin ko. Ganoon dapat, ngiti lang kahit may problema.
"Lalalalalalalalala," Ako 'yan, kumakanta habang naglilinis ng kastilyo. Daig ko pa si Cinderella nito. Ako'y nagtatrabaho bilang tagapagsilbi ng prinsipe, at kasali ang paglilinis ng kastilyo sa aking obligasyon.
"Lalalalalalalalala," Ako pa rin 'to, kumakanta habang tinitimplahan ng gatas ang mahal na prinsipe. Pagkatapos ay inihatid ko na ito sa kaniya, kinatok ko ang kaniyang napakalaking pinto at agad naman akong pinapasok nito.
"Heto na po ang gatas niyo, mahal na prinsipe," wika ko tsaka inilapag sa mamahaling mesa ang gatas na hawak ko.
"Alex, didn't I warned you about that word? Kailangan ko pa ba ulit-ulitin na huwag mong babanggitin ang salitang gatas? Address it as beverage!" sermon sa akin ng mahal na prinsipe habang magkasalubong ang makakapal niyang kilay.
Yumuko ako at nagpaumanhin, "Hindi na po mauulit," at nilisan ko na ang marangya niyang silid.
Ayaw niya lang talaga na may makarinig na gatas ang iniinom niya sa umaga, kalalakeng tao tapos gatas iniinom, tsk.
Bumaba ako sa napakalaking sala at nagsimula nang maglinis, "Lalalalalalalalala," ewan ko ba, parang hindi ko nagagawa nang maayos ang mga trabaho ko kapag hindi kumakanta.
Pagkatapos ay sa hardin na naman ako, ginupit ko ang sobrang sanga ng mga halaman para ito ay pumantay. "Lalalalalalalala," huwag kayo, kaaya-aya ang mga halaman dito dahil sa aking mga nota. Para bang naririnig nila ang bawat salita ng aking mga nota.
"Alex, anak ng isang panadero at labandera." Ako ay napalingon sa nakakabighaning tinig. Napapikit ako nang kaunti dahil sa liwanag na nanggagaling mula sa kaniya, ano ang nilalang na ito? Hugis tao pero lumiliwanag, ano ba siya?
"Ikaw ay may dalisay na puso," dagdag nito.
"Sino po kayo?" tanong ko.
"Ako ay diwata ng kabutihan at sa iyong kamay ay aking ilalagay ang natatanging taglay." Binuksan niya ang kaniyang dalawang palad at inilabas ang asul at pulang usok mula rito. Napakurap tuloy ako. Nananaginip ba ako? o namamalik mata?
At mga ilang segundo pa ay isang libro ang nabuo mula sa asul at pulang usok na iyon. Tumingin siya sa akin at ngumiti, "Tanggapin mo ang aking regalo, gamitin ang iyong puso sa mga gagawin mo, at huwag kakalimutang tawagin ang pangalan ko—"
Bigla na lamang siyang naglaho. Hindi niya natapos ang sinasabi niya pero naiwan niya ang libro... Teka, totoo ba 'to? Totoo bang nangyari iyon?
Sinampal ko ang sarili ko upang magising, "Aray!" reklamo ko, nasobrahan ko yata sa pagsampal. "T-Totoo nga!" wika ko no'ng mapagtantong totoo pala ang nangyari. Pinulot ko ang librong iyon at kumaripas ng takbo patungo sa kastilyo.
"Hoy, saan ka pupunta?" tanong ng isang kawal na nagbabantay sa kastilyo. Nakapameywang siyang lumapit sa akin.
"Sa kastilyo po," sagot ko.
"May permiso ka ba sa mahal na hari't reyna?"
Napakamot ako sa aking batok, "Nako po, ako po 'yung bagong tagapagsilbi ng mahal na prinsipe," sagot ko saka yumuko.
"Ganoon ba? Sige," at pinadaan niya na ako.
Pumwesto ako sa marangyang kusina dahil walang masyadong tao rito, "Ano kaya ang nilalaman nito?" tanong ko saka binuksan ang libro.
Tama ba itong nakikita ko? Hindi kapani-paniwala! Mga pormula ng iba't-ibang salamangka at mahiko ang nakasulat dito. "Magiging salamangkera na ba ako nito?" tanong ko sa sarili habang nakangiwi. Huminga ako nang malalim, kinalma ang sarili at nagpokus sa mga nakasulat.
Masubukan nga...
"Esse madrese kupedesa amorhenko iyogha mohjreta paleyio bukersya y malundeio," pagbasa ko at saka itinapat ang aking palad sa isang blangkong pinggan. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa o naiisip ko, basta tinapat ko lang ang palad ko sa blangkong pinggan.
Namuo ang asul at pulang usok sa aking palad kaya napanganga ako sa mangha, gumagana nga! Nagsitayuan kaagad ang aking maliliit na buhok sa braso.
Nagkaroon ng masarap na tinapay ang blangkong pinggan. Nakakamangha! Hindi kapani-paniwala! "Tamang-tama, gutom na ako." sabi ng utak ko, pagkatapos ay kinain ko na ang tinapay na mula sa aking salamangka.
Pagkatapos kong lumamon ay naisipan kong salamangkahin ang lahat ng trabaho ko, para hindi na ako mahirapan kaso... hindi ko alam kung saan sa librong ito ang tamang pormula o talata para roon.
Bahala na nga lang! Walang tiyak na pinili ko ang isang talata sa libro, tinapat ko ang palad ko sa paligid at nagsimula nang magbasa ng pormula.
"Esse madrese kupedesa koborsa y mahiko tahieso morgape ikeo musas—" hindi ko natapos dahil may biglang pumasok.
"Alex! kanina pa kita tinatawa—" nahinto siya sa pagsasalita nang makita ang kulay asul at pulang usok na namumuo sa aking palad, at hindi ko namalayang nakatapat pala sa kaniya ang palad ko.
Sa loob ng tatlong segundo ang hugis niya ay nag-iba, siya ay naging hugis pusa!
"Mahal na prinsipe!" sigaw ko at dali-dali siyang nilapitan.
"Meow,"
Napahawak ako sa ulo ko, nako! Ano ang gagawin ko? Ginawa kong pusa ang mahal na prinsipe!
Sumilip ako sa labas at siniguradong walang tao saka ko isinara ang pinto ng kusina. Binuhat ko ang pusa at nagtago sa sulok kasama ang mahiwagang libro. Kailangan kong maibalik ang mahal na prinsipe.
Nanginginig kong binuksan ang libro at naghanap ng tamang pormula para rito.
"Meow,"
Heto na, itinapat ko ang palad ko sa mahal na prinsipe at nagsimula na sa pagbabasa, "Esse madrese kupadese mahora y laiko bira el vucco muhedesa,"
Panibagong asul at pulang usok ang nanggaling sa palad ko ngunit walang pagbabago sa hugis ng pusa. "Bakit? Bakit hindi gumagana?" nagtatakang tanong ko.
"What did you do to me, Alexis?!" napabalikwas ako dahil sa biglaang pagsalita ng pusa.
"N-Nakakasalita ka po?" tanong ko.
"Anong ginawa mo sa akin?!" ulit niya sa gigil na gigil na tono. Siguro kapag tao siya ba nabatukan na niya ako.
Napagtanto ko na ang salamangkang nagawa ko ay para lamang makapagsalita ang isang hayop, hindi para maibalik sa hugis tao ang isang hayop. Muli akong naghanap ng tamang pormula ngunit nag-iba na ang mga letra nito, Hindi ko na mabasa!
Napalunok na lamang ako at tiningnan ang mahal na prinsipe na ngayon ay hugis pusa na
"Alex! Ibalik mo ako!"
Kinwento ko sa mahal na prinsipe ang nangyari, pinaliwanag ko at sinabi ang problema kung bakit hindi ko siya maibalik sa tunay niyang anyo. Syempre nagalit siya at halos kagatin pa nga ako pero walang magagawa ang galit niya, hindi nito maibabalik ang hugis at anyo niya. Sa ngayon ay kailangan muna naming magtago at hanapin ang diwatang iyon!
---
Criptica_G