Makalipas ang apat na taon...
"Lexxie!" sigaw niya nang makitang nadapa ito.
Maingat na itinayo niya ang anak. Napailing s'ya nang bumitaw ang anak at tumakbo papunta sa kalaro nito. Kanina pa ito takbo ng takbo sa labas ng bahay nila. Tuwang-tuwa, kasi ngayon niya lang pinayagan itong makipaglaro sa labas. Kapag wala s'ya sa bahay nila, binibilin niya kay Nanay Norma, na 'wag itong palabasin. Delikado kasi. Marami kasing paroo't-parito na mga sasakyan. Halos kasi sa mga kapitbahay nila ay factory. Kaya maraming sasakyan. Kapag narito lang siya, saka nakakalabas ng bahay ang anak.
Kakauwi niya lang mula sa Divisoria, para kuhanin ang mga order ng mga kapitbahay, at ibang kakilala.
Habang binabantayan ang anak ay tsine-tsek n'ya, kung kompleto ba ang mga order. Mahirap ng bumalik na naman. Lugi sa pamasahe.
"Anak, pumunta si Jhing-jhing kanina, tinatanong kung dumating na daw ba ang order n'ya,"
Napalingon siya kay Nanay Norma, na nasa likod n'ya. May hawak itong walis. Tuwing hapon, nagwawalis talaga ito ng mga tuyong dahon. May malaki kasing puno ng mangga ang bahay nito.
"Sabi ko naman sa kan'ya, hapon ang balik ko, 'Nay. Nagpagod pa siya, buntis pa naman. Ihahatid ko na lang po mamaya pagkatapos ko dito," an' ya sa matanda.
Tumango naman ito saka nagsimulang magwalis.
Pagkatapos niya, tinawag niya ang anak para magpahinga na.
"Uwi na anak, pagabi na. Bukas naman ulit. Hindi naman aalis si Nanay, kaya mas marami kang oras para maglaro bukas," nakangiting sabi niya dito.
"Yehey!" sigaw nito na ikinatawa niya. Mayamaya ay nagbago ang ekspresyon ng mukha nito. Tumingin ito sa kan'ya. "Nanay, bakit po si Angela at Nadine may Papa? Ba't ako po, wala pa rin hanggang ngayon? Gusto ko na po s'ya makita, eh." inosenteng tanong nito.
Natigilan siya saglit. Ginulo ang buhok nito nang matauhan.
"Meron ka namang Tatay, anak. Sa malayong-malayo kasi siya nagtatrabaho. Hayaan mo, kapag nakausap ko ulit, sasabihin kong tawagan ka.Tapos tanungin mo kung kailan ba n'ya tayo dadalawin," pagsisinungaling niya sa anak.
Simula ng magtanong ito tungkol sa ama, napilitan siyang magsinungaling. Sinabi niyang nagtatrabaho ito sa malayo para may pang sustento sa kanila. Ayaw niyang maramdaman nitong iba siya sa mga kalaro. Na walang ama. Ayaw niyang i-bully din ang anak. Iba na ang panahon ngayon.
"Talaga po, Nanay? Sana po tawagan na po tayo ni Tatay," masayang sabi ng anak sa kan'ya.
Nakita niya ang pag-iling ni Nanay Norma sa kan'ya. Ito na ang nagsilbing magulang niya sa loob ng apat na taon. Naging karamay niya sa lahat. Tinulungan niya din ito nang mapaalis sa puwesto nito. Ito na din ang naging taga-bantay ng anak, at siya naman ang nagtatrabaho para sa kanilang tatlo.
Wala na siyang balita sa magulang na nasa Baler. Hindi rin niya madalaw kasi sapat lang ang kinikita niya para sa kanilang tatlo.
Nag-o-online selling s'ya. Nagpapa-order din siya sa mga kapitbahay. Cash iyon. Hindi siya nagpapautang dahil hindi marunong magbayad ang iba. Minsan naman nasa kalsada siya para magtinda ng sigarilyo at mga pagkain. Nagluluto rin siya ng kakanin kapag may pa-order.
"Malapit ng mag-aral ang anak ko, 'Nay. Hindi pa naman magastos sa ngayon 'yan. Pero gusto kong pag-ipunan na iyon. Kinukuha po ako ni Ma'am Winona na personal assistant daw po. Malaki naman po ang sasahurin. Labindalawang libo raw po. Ilang araw ko na rin pong pinag-iisipan, at gusto ko talagang pumasok doon," K'wento niya sa matanda ng mapag-solo sila sa kusina.
"Talaga? Aba'y tanggapin mo na, anak. Malaki talaga 'yan magpasahod si Ma'am. Makakaipon ka talaga kapag d' yan ka nagtrabaho. Makakaipon ka na, mabibigay mo pa ang ibang hiling ni Lexxie. Oo lang ako ng Oo sa batang iyon. Ang daming gusto," masayang kuwento ni Nanay Norma sa kan'ya.
Kinabukasan, kaagad na pinuntahan niya ang isang katulong nila Winona, na kapitbahay naman nila. Si Katkat, ito ang nagpakilala sa kan'ya noon. Mukhang mabait naman ang magiging amo niya kung sakali.
Pagkatapos siyang kausapin ng amo na si Miss Winona sa telepono. Kaagad na nag-ayos siya ng mga gamit. Once a week lang ang daw day-off niya. Boundary lang naman ng Caloocan at Maynila ang tinitirhan ng magiging amo.
Buti na lang madaling paliwanagan ang anak. Naiintindihan nito kung bakit siya magtatrabaho, at kung bakit bihira lang siya uuwi. Ayaw man niyang iwan ang anak, pero kailangan. Para naman ito sa anak.
Ipinasyal niya ng linggo ang anak. Sinulit nila ang maghapon. Sayang at hindi kasama si Nanay Norma. Mabilis kasi itong mapagod kaya ayaw nito. Isa pa, gusto nitong magsolo sila ng anak.
Bago siya umalis sa bahay nila, nag-luto siya, para pag-gising ng dalawa ay may kakainin na ang mga ito. Naibilin na din niya sa dalagitang anak ng kapitbahay nila, na alalayan si Nanay Norma sa pag-babantay sa anak. Bibigyan na lang niya kapag nagsahod na siya.
Mabait ang amo nila, si Miss Winona Guevara. Wala pa pala itong asawa, boyfriend lang daw ang meron. Pag-aari nito ang isang sikat na kainan sa Maynila. May mga negosyo pa raw ito, pero iilan lang ang nakaka-alam kung anu-ano iyon.
Tatlong araw ng wala ang amo. Dalawang araw lang niya yata ito nakasama. Nag-out of the country kasi ito. Kaya, heto siya ngayon sa bahay nito, tumutulong na lang sa mga gawaing bahay.
"Naku, Helena 'pag nakita mo ang boyfriend ni Ma'am Winona baka maglaway ka," baling ni Katkat sa kan'ya habang naglilinis sila ng pool.
"Hindi naman imposible 'yan Kat, kasi ang ganda-ganda ni Ma'am. Ang kinis-kinis pa. Tapos ang yaman-yaman pa. Alam mo naman sa mundo natin. Ang mayaman ay para lang sa mayaman. Ang mahirap ay para lang din sa mahirap," mahabang litanya niya dito.
"Sabagay, pero malay mo isa sa 'tin makapangasawa ng mayaman,"
"Suntok sa buwan," komento niya dito.
Natawa lang ito sa kan'ya. Puno ng pangarap itong si Katkat. Kanina pa ito nagkuk'wento tungkol sa mga mayayaman. Marahil pagod na itong maging mahirap. Kahit sino naman, pagod. Pero, wala silang magagawa, ito ang ipinagkaloob sa kanila. Magsikap na lang sila. Ang mahalaga sa kan'ya, kumakain sila ng tatlong beses sa isang araw.
"Helena!"
Sabay silang napalingon ni Katkat sa isang katulong na si Lilith.
"Bakit?" aniya nang lumapit dito.
"Mag-ayos ka raw, pauwi na si Ma'am. Dadaanan ka yata dito," humahangos na sabi nito sa kan'ya.
"Ha? Ngayon pala ang dating niya. Hindi naman kasi tumawag o nagbilin man lang si Ma'am. Maliligo pa ako, eh," aniyang natatawa.
"Naku, hindi uso kay Ma'am ang tumawag. Sino lang ba tayo? Nasosorpresa na lang kami dito minsan. Bilisan mo na lang," natatawang sabi ni Lilith at iniwan na siya.
Mabilis na tumalima siya papasok ng mansion at dumerecho sa servants quarter. Mabilis din ang ginawa niyang pag-ligo.
Wala pang trenta minutos ay dumating na ang amo. Naligo lang din ito saglit pagkuway umalis na sila.
Saktong alas-kuwatro ng hapon sila nakarating ng mall. Nagpamasahe at nagpaganda pa ito. Kikitain pala nito mamayang gabi, ang nobyo nitong pulis.
Matiyaga lang siyang naka-alalay sa amo hanggang sa ito'y matapos. Naka-idlip din siya saglit.
Kumain muna sila bago pumunta sa bar, kung saan daw nito kikitain ang nobyo nito.
"Helena," baling ng amo sa kan'ya.
Nasa tapat na sila ng bar ng mga sandaling iyon.
"P-po?"
"Kay Dennis ka lang tatabi, ha? Bar ang papasukin natin. Maraming mapagsamantala d'yan. Maliwanag? Alam kong unang pagkakataon ito na pumasok sa bar. Tama ba?"
"Opo, Maam," magalang niyang sabi dito.
Ngumiti ito sa kan'ya pagkuway lumabas na ng ipagbukas ito ng driver nitong si Dennis.
Mabait talaga ang amo niya. Masuwerte siya at dito napasok. Inayos niya muna ang sarili bago buksan ang kabilang pinto ng magarang sasakyan ng amo. Ngumiti sa kan'ya si Dennis ng makalabas siya ng sasakyan. Ipagbubukas sana din siya nito. Pero naunahan niya.
Nasilaw siya ng tamaan ng liwanag, nakatutok iyon sa among si Winona. Sandali lang naman iyon. Maingay na sa loob. Disco bar pala ito.
Hindi niya napansin ang pangalan ng bar na ito kanina. Pero may mga logo sa loob, na may tatak na ZL Lounge. Maging ang nasa counter ay may logo din.
Napatingin siya sa mga taong nagsisigawan, na nasa gitna ng dance floor. Sinasabayan ng mga ito ang maharot na tugtugin. Mukhang mga lasing na ang mga ito.
Napailing na pinokus ang sarili sa paghakbang. Nasa likod siya ng kan'yang Ma'am Winona.
Sinalubong ang amo niya ng lalaki. Hindi niya makita ang mukha nito, marahil iyon na ang nobyo nito. Napaiwas siya ng tingin nang makitang naghalikan ang mga ito.
Saktong paglingon niya ay tapos na ang mga ito sa ginagawa. Nakahinga siya ng maluwag. Hindi pa rin siya sanay makakita ng mga naghahalikan sa public.
Parang tumigil ang oras ng mga sandaling iyon, nang mapagsino ang lalaking kahalikan ng amo. Hinding-hindi siya magkakamali. Kilalang-kilala niya ang mukhang iyon. Naiguhit na niya ang mukha nito sa isipan niya. Nag-matured lang ito ng kaunti, pero hindi maikakailang magandang lalaki pa rin ito.
Napaiwas siya ng tingin nang suyurin nito ang kabuuan niya, at pagkatapos ibinalik ang tingin sa amo. Matamis na ngumiti ito kay Winona kapagkuwan.
Napababa siya ng tingin. Nakaramdam siya ng pagsikip ng dibdib. Hindi siya kilala nito. Hindi siya kilala ni Axel, ang ama ng anak niya. Tama lang pala, na hindi na niya ito hinanap para sana ipaalam dito, na nagbunga ang nangyari sa kanila.
Hindi niya maiwasan na kaawaan ang anak ng mga sandaling iyon. Paano ba niya ipapaliwanag sa anak? Na kailangan nitong tanggapin, na hindi na matutupad ang pangarap nitong uwian ito ng ama balang-araw?