GABI ng honeymoon ay nalaman ni Rania ang kataksilan at panlilinlang sa kaniya ng asawa nang maabutan itong may kaniig na kapwa nito lalaki sa suite na sana'y para sa unang gabi nila. Pronto, nakipaghiwalay siya rito.
Matapos ang mapait na sinapit ng relasyon ay isinumpa niyang didistansya na siya sa mga lahi ni Adan.
Hanggang magtagpo ang mga landas nila ng isang aroganteng lalaking napadpad sa kanilang lugar. Si Markus Andrew Ricaforte na halos pandirihan siya dahil isa siyang hiwalay sa asawa. Hindi niya maintindihan kung bakit kalait-lait dito ang mga tulad niyang babaeng deborsyada? Dahil ba Manang siyang manamit? Dahil ba sa malalaki niyang eyeglasses?
Pero bakit malimit niya itong mahuling titig na titig sa kaniya, tagos sa suot niyang saya at maluwang na blusa? At ano ang nakikita niya sa mga mata nito? Lust? Desire?
Duda siya dahil hindi siya ang tipo nito. Hindi na rin siya ang dating Rania na seksing manamit at akala nito'y hindi na siya malinis.
Pero nang halikan siya nito sa batis na muntik mauwi sa pag-angkin sa kaniya ay gusto na niyang maniwala. Na tulad ng nararamdaman niya, may pagtingin din sa kaniya si Markus.