"Wala ka ng kawalan ngayon, Kaiden. Hmp." Mapaklang tumawa si Dreams habang nakatitig ng diretso sa lalaki na nasa kanyang harapan. Sinadya niyang tumawa para mahiya sana ang lalaki pero mukhang hindi umepekto iyon. "Wala kang choice kundi 'yong panagutan ako."
Napamura si Kaiden ng malutong saka napailing. "Wala pa rin tayong kasiguraduhan na akin 'yan." Depensa ni Kaiden sa maawtoridad na tinig. Hindi pa rin sapat na ebidensiya na naalala niyang si Dreams ang nakatalik niya noon sa bar. "Malay ko bang nakikipag-ano ka sa ibang lalaki maliban sa'kin."
Napahinto sa pagsimsim si Dreams sa kanyang iced tea at malagkit na tinapunan ng tingin si Kaiden. "Hindi ako ganong klase ng babae na makikipagsex kung kanikanino. Matino po akong babae, sadyang naging tanga lang dahil nakipagsex ako sa'yo gayung 'di naman kita kilala." Inirapan niya pa ang lalaki.
Natawa si Kaiden sa pang-iirap na ginawa ni Dreams sa kanya. "At kasalanan ko pa ngayon kung bakit pumayag ka? Sa ating dalawa, ikaw dapat ang nag-isip ng matino. Ikaw ang mabubuntis, ikaw ang mahihirapan hindi ako. Ikaw lang din ang gumawa ng problema mo e. So, siguro naman ngayon malinaw na sa'yo lahat at nagkakaintindihan na tayo." Pinagpinataasan niya ito ng kilay pagkatapos ay tumayo na si Kaiden sa kanyang kinauupuan. "Mauna na 'ko, may pasok pa 'ko bukas."
Akmang aalis si Kaiden nang mabilis na hinawakan ni Dreams ang kaliwang braso nito upang pahintuin. Hindi pa malinaw sa kanya lahat lalo na't wala siyang matakbuhan na ibang tao na makakatulong sa kanya bukod kay Kaiden. Ayaw niyang ipagtapat ang totoong kalagayan niya sa kanyang pamilya dahil masasaktan sila. Siya ang inaasahan nilang makakapagpaahon sa kanila sa kahirapan kaya ginawa nila lahat para makapag-aral ito sa kursong BS in Nursing. Malaking pagsisisi niya na sumama siya sa kanyang mga kaibigan nong gabi na iyon. Sa isang gabi lang iyon ay nasira na lahat ng pangarap niya.
"Teka lang, hindi pa tayo tapos mag-usap." Segunda ni Dreams at halos malukot na ang suot na damit ni Kaiden sa ginagawa niyang panghihila rito. Tinignan siya ng masama ni Kaiden pero hindi siya nagpatinag. "Hindi ko rin naman kasalanan na tumayo 'yang alaga mo't naglabas ng semilya ah, kaya may responsibilidad ka dito sa batang dinadala ko."
Padabog na inalis ni Kaiden ang kamay ni Dreams na nakahawak sa kanyang damit. Naiinis na siya sa babae at naririndi na rin siya ng sobra. Nauubos na ang kanyang pasensya at bago pa siya may magawang pagsisisihan niya ay iiwas na siya. "Hangga't hindi mo napapatunayan na akin 'yan, hindi ko pananagutan. At kahit na sinong lalaki na guguluhin ng isang babaeng kagaya mo, mapupuno rin ng pagdududa dahil hindi nakapagtataka sa itsura mong bayaran kang babae."
"Pak!"
Nakatanggap ng malakas na sampal sa kaliwang pisngi si Kaiden dahil sa mga sinabi nito. Naramdaman niya ang kirot sa kanyang pisngi kaya napahaplos siya rito. Napatingin siya sa babae na noon ay nag-iba na ang kanyang itsura. Kung kanina parang anghel na nagmamakaawa, ngayon ay para na itong diablo na sasabog sa galit. Nakita ni Kaiden kung paano sunod-sunod nq tumulo ang luha ni Dreams sa pisngi nito.
"Tarantado ka!" Pagmumura ni Dreams sa madiin na tinig. "Makakaya kong tanggapin 'yong pang-iinsulto mo at pagdududa mo laban dito sa batang nasa sinapupunan ko pero 'yong pagsalitaan mo'ko ng ganyan, 'yon ang hindi ko matatanggap. Wala sa bokabularyo ko ang humingi ng tulong kapag kaya kong solusyunan pero ngayon lang ako humingi ng tulong sa ibang tao, sa'yo. Sa tingin mo ba gusto ko rin 'tong ginagawa ko? Kaiden, hindi pero nilunok ko ang pride ko para sa anak ko kahit nakakasakit ka na. Kung hindi mo'to kayang tanggapin, sige, okay lang pero huwag na huwag mo 'kong pagsasalitaan ng ganyan. Walang silbi 'yang pagiging doktor mo kung kaya mo namang pumatay ng tao gamit 'yang dila mo."
Pinanood ni Kaiden ang bulto ng babae na lumabas sa kainan na iyon. Tatawagin sana niya ito upang humingi ng sorry pero huli na nang matanaw niyang sumakay ito sa humintong taxi. Hindi niya sinasadyang sabihin iyon sa babae. Nadala lang siya sa galit dahil sa mga oras na iyon ay naguguluhan na siya ng sobra kung ano ang dapat niyang paniwalaan.
Napaupo si Kaiden at napunta ang tingin niya sa mga pregnancy test na nakalapag sa mesa. Matagal niyang tinitigan ang mga iyon at bumalik sa alaala niya ang mukha ni Dreams na umiiyak. Kahit naiinis siya sa babae, nakaramdam siya ng guilt sa kanyang mga sinabi. Doon niya naalala na sensitive ang mga babae kapag buntis. Napahilot siya sa kanyang sentido at hindi na alam kung ano ang dapat niyang gawin. Nagdadalawang isip siya kung papayag ba siya sa gusto ni Dreams o hindi.
"Ang tanga-tanga mo naman kasi, Dreams." Umiiyak na pakikipag-usap niya sa kanyang sarili. Naroon na siya sa tarangkahan ng kanilang bahay at nagdadalawang isip siyang pumasok dahil hindi niya alam kung paano haharapin ang kanyang pamilya.
"Kumusta ang board exam, nak?" Bungad sa kanya ng ina nang tuluyan na siyang makapasok sa kanilang bahay. Sinalubong siya ng tatlo niyang kapatid na lalaki kasama roon ang kanilang ama. Mababasa sa kanilang mga mukha ang excitement na malaman ang resulta ng pagtake niya ng board exam.
Hindi kaagad nakasagot si Dreams, tinitigan niya isa-isa ang mga miyembro ng kanilang pamilya lalong-lalo na ang kanyang nanay at tatay na nagagalak malaman ang resulta. Lahat ay nakaabang sa ibabalita niya at dahil ayaw niyang saktan ang mga ito, naisip niyang magsinungaling na lang. Ipinangako niya sa kanyang sarili na gagawin niya lahat para maayos ang kanyang problema.
"Uhm... Opo...." Nauutal niyang sagot saka sapilitan siyang ngumiti. Nakita niya ang gulat sa mukha ng kanyang pamilya.
"Positive?" Tanong ng kanyang ama, iba ang naisip niyang positive kaya hindi niya napigilan ang mapaiyak. Ayaw naman talaga niyang magsinungaling pero pinangunahan siya ng takot na baka may gawin ang ama nito sa kanya. Malaki pa naman ang expectation nito sa kanya na siya ang mag-aahon sa kanila sa kahirapan.
Tumango si Dreams at tuluyan ng nilamon ng emosyon. Nagsitalunan ang kanyang pamilya, may humiyaw, may sumigaw, at may pumaroon sa altar upang magpasalamat. Nayakap si Dreams ng kanyang ina at sabay silang naiyak. Pinaulanan siya ng lahat ng pagbati. Masisiyahan na dapat siya pero naalala niya ang pinakatago-tago niyang sikreto sa mga ito.
"Mga kapitbahay, nurse na ang ate Dreams namin. Woahhh!" Pagmamayabang ng kanyang ama na dumungaw pa ito sa may bintana nila dahilan para mapahinto ang mga kapitbahay nila na naroon pa sa labas.
"Talagang swerte ka sa mga anak mo, Densio." Hiyaw nong kumare niya. "Hindi tulad nitong anak ko na nagpabuntis lang, jusko."
Para bang nanalo sa lotto ang kanyang ama kung magsaya ito, nagyaya pa itong magpapainom ng gabing iyon. Iyong nanay naman niya ay nagprisintang magpapameryenda kinabukasan kaya nagagalak ang kanilang mga kapitbahay. Grabe kung ipagmalaki siya ng kanyang pamilya kaya mas lalong bumibigat ang kanyang damdamin. Gustong-gusto niyang umamin pero inisip niya ang mararamdaman ng kanyang pamilya.
"Proud na proud kami sa'yo, anak. Sa wakas, hindi na tayo pagtatawanan ng mga kamag-anak natin." Pambabasag ng kanyang ama sa katahimikan nang nasa hapag-kainan na sila.
Masasarap ang mga nakahain sa mesa pero hindi niya magawang matakam. Simula nong nalaman niyang buntis siya, namoblema na siya ng sobra dahilan para hindi siya makakain ng maayos at makatulog ng sapat. Iniisip niya kung kanino siya hihingi ng tulong. Nagawa nga niyang lumapit kay Kaiden pero hindi niya inaasahan na ipagtatabuyan siya nito na parang aso.
"Sa wakas, may kapalit na 'yong mga pagod namin sa bukid ng tatay mo't mga kapatid mo, nak." Usal ng kanyang ina, hinawakan siya nito sa kanyang kaliwang kamay at bahagya iyon na hinimas. Sumilay rin ang hindi maiguhit na ngiti sa labi ng kanyang ina. "Salamat at tinupad mo ang pangarap namin ng tatay mo, Dreams."
Gustong maiyak ni Dreams sa bigat na nararamdaman pero pinigilan niya. Hindi siya handa na aminin sa kanyang pamilya ang kanyang pagbubuntis. Saka niya lang aaminin sa mga ito kapag naayos na niya ang tungkol sa kanila ni Kaiden. Si Kaiden ang bukod tanging lalaki na alam niyang makakatulong sa kanya pero mukhang mahihirapan siya.
"Ah, Ma, Pa, magtratraining po 'ko sa Manila ah." Usal niya, napatingin ang lahat sa kanya na puno ng pagtataka.
"Mga ilang buwan ba, anak?" Tanong ng kanyang ina.
Bumuntong-hininga muna ng malalim si Dreams upang humugot ng lakas ng loob bago muling nagsalita. "Nine months po."
Mapapapayag niya kaya ni Dreams si Kaiden sa pananatili nito sa Manila?