Chapter 6: Plan

1289 Words
"Bes, sige naman na oh, pagamit ng jowa mo." Pagmamakaawa ni Dreams sa kanyang kaibigan na si April na ipahiram ang boyfriend nito upang ipalabas na ama ng kanyang anak. Hindi niya kayang itago ng matagal sa kanyang pamilya ang totoo niyang kalagayan lalo na't wala siyang kasiguraduhan kung tutulungan siya ni Kaiden. Halos lumuhod na siya sa harapan ni April, pinuntahan niya ito sa dorm kung saan kasalukuyang nakatira si April. Saktuhan rin na naroon ang nobyo nito na si Pablo. Close naman silang dalawa ni Pablo, minsan na rin siyang humingi ng tulong dito kaya akala niya pagbibigyan siya ulit nito. Noong malaman iyon ni April, kaagad siyang umangal dahil hindi siya sang-ayon sa gusto ni Dreams. "Kung pera ang hihiramin mo kaya kong ibigay pero kung usapang jowa naman, bes, magtigil ka naman." Segunda ni April, halos yakapin na niya si Pablo palayo kay Dreams. "Hindi biro 'yang gusto mong mangyari na gagamitin mo 'tong jowa ko para ipakilala kina Tita na ama siya ng anak mo. Paano kapag nalaman ng parents niya, edi pag-iisipan nila si Pablo ng masama." "Hindi naman nila malalaman kung hindi natin sasabihin e. Ipapakilala ko lang naman siya ng isang beses pagkatapos wala na. Ang gusto ko may maipakilala lang ako para hindi mapahiya 'yong pamilya namin. Issue sa amin 'yong mga nabuntis na hindi napanagutan, natatakot akong pagtawanan nila kami." Tugon ni Dreams, ginagawa niya lahat para mapapayag si April. "Sige naman na oh, magbabayad ako kahit magkano basta pumayag ka lang sa gusto ko." Napahilot si April sa kanyang sentido dahil hindi niya alam kung papayag ba siya sa gusto ni Dreams o hindi. Handa siyang tulungan si Dreams, wala ni isang problema nito na hindi niya tinulungan. Hangga't kaya niyang gumawa ng paraan ay ginagawa niya para matulungan si Dreams. Pero sa pagkakataon na 'yon na maski jowa niyang si Pablo ay gagamitin, hindi siya payag. "Basta ako, okay lang. Hindi ka naman na iba sa'kin, Dreams. I got your back always." Tugon ni Pablo sa seryosong tinig at kinindatan pa siya nito. Halata sa boses nito ang sinseridad dahil alam niyang kinakailangan siya ni Dreams. Tinignan siya ng masama ni April na hindi pa rin payag sa gusto ng kaibigan. Tinulungan ni Pablo si Dreams na kumbinsihin si April na pumayag na lang alang-alang sa batang nasa sinapupunan nito. Pero hindi naging madali kay April na intindihin lahat dahil iniisip niyang hindi lang si Dreams ang mapapahamak kundi pati na rin si Pablo. Kapag nagkataon na malaman ng pamilya ni Pablo ang pagbubuntis ni Dreams, baka biglang ipakasal siya ng mga magulang. Atat pa naman magkaroon ng apo ang mga ito. Alam niyang malaking tulong si Pablo sa problema ni Dreams pero natatakot siya sa pwedeng kahantungan ng lahat. "Bakit hindi ka sa Kaiden na 'yon humingi ng tulong, bes? I mean, kaya ka naman namin tulungan pero hindi sa ganitong problema. Masyadong seryoso 'to, hindi biro 'to, Dreams." Segunda ni April na halos pigain ang utak para makaisip ng magandang paraan para matulungan ang kaibigan. "'Yon na nga ang problema, bes, ayaw niya 'kong tulungan. Pinagkamalan pa 'kong bayaring babae. Hindi lang ako buntis baka ni-high kick ko na 'yong pagmumukha non e." Nanggigigil na usal ni Dreams at bumalik sa alaala niya 'yong pandededma ni Kaiden sa kanya. Kahit yata lumuhod ito sa harapan ni Kaiden at lumuha ng dugo, hindi siya nito kakaawaan. "Gusto mo ba bangasan ko pagmumukha non, Dreams? Hihingi ako ng tulong sa mga katropa ko't aabangan namin siya sa labas ng ospital para ipagtanggol ka. 'Di na 'yon nahiya, matapos kang galawin, tatakbuhan niya ng ganon lang 'yong responsibilidad niya sa anak niyo?" Minamasahe ni Pablo ang magkabila nitong kamao, nagpapahiwatig na nanggigigil siya sa ginawa ni Kaiden kay Dreams. Nairita si April sa mga sinabi ni Pablo kaya siniko niya ito dahilan para mapaaray ang lalaki. "Sa payat mong 'yan sa tingin mo ba uubra ka sa Kaiden na 'yon. E pantinga ka lang non e, kayo ng mga katropa mong tukmol. Hmp!" "Gusto ko lang naman tulungan si Dreams." Alyansa ni Pablo pero sinimangutan siya ni April. Ibinalik niya ang tingin kay Dreams na malalim ang iniisip at halata sa mukha niyang namomoblema siya ng sobra. Hindi maipinta ng kahit na sinong pintor ang kanyang mukha. "Dreams, hindi pwedeng hahayaan mo na lang na ipagtabuyan ka ni Kaiden. Tatay siya ng anak mo, malaki ang responsibilidad na gusto niyang talikuran. Kung hindi siya makuha sa maayos na usapan, idaan mo sa ibang paraan." Usal ni April upang pagaanin ang loob ni Dreams. Wala siyang kayang ibang itulong sa kaibigan kundi ang damayan ito't bigyan ng word of wisdom para huwag sumuko. "Paano, bes? Halos ginawa ko na lahat para mapapayag siya. Kulang na lang lumuhod ako sa harapan non at lumuha ng dugo e. Pinakita ko na rin lahat ng pregnancy test na ginamit ko pero wala pa rin. Pinaalala ko pa nga na ako 'yong nakasex niya don sa bar, oo naalala niya pero may duda siyang hindi sa kanya 'to." Pagtutukoy ni Dreams sa kanyang ipinagbubuntis. Napahilot si April sa kanyang sentido at muling nagsalita. "Hindi siya duda, takot lang siyang harapin 'yong responsibilidad niya." Segunda niya na sinang-ayunan ni Pablo. Naalala ni Dreams ang naging usapan nila ni Kaiden ukol sa pagkakaroon nito ng pamilya. "April, alam mo bang sinabi niya sa'kin na wala siyang balak magkaroon ng anak o pamilya? Kaya hindi na ako magtataka kung bakit pinagtatabuyan niya ako." Nahampas ni April 'yong lamesa dahilan para magdulot iyon ng ingay sa sala na kinaroroonan nila. Halos lumamig na 'yong pagkain na inihanda nila na pagsasaluhan nila. Naging seryoso ang kanilang usapan kaya hindi nila namalayan ang oras. Mas problemado pa sila kaysa kay Dreams at kahit gustong-gusto nila itong tulungan, wala silang magawa. "Aba! Tarantado pala ang doktor na 'yon e. Makikipag-ano tapos takot makabuntis? Asan utak non? Nasa paa niya ba?" Usal ni Pablo, natawa si April. Itinapon ni April ang tingin sa kaibigan saka nakaramdam ng pag-aalala dahil hindi biro ang problemang kinakaharap ni Dreams. Kung dati academic ang dulot ng stress nila, ngayon hindi na. Si April pa ang nasasayangan sa pagtake ni Dreams ng board exam na napunta lang sa pagkabigo dahil dulot ng stress at depression, nawala ang focus niya. Nasabunot na lang ni Dreams ang kanyang ulo't naiiyak na naman. Sa laki ng kanyang problema, wala siyang gustong mangyari kundi 'yong matulog para matakasan ito at magigising na lang kapag okay na ang lahat. "Hindi ko na alam ang gagawin ko." "Pasasaan pa't naging Real ang apelyido mo kung hindi ka magpapakatotoo, di ba? Sa akin nga hindi ka payag magpatalo sa doktor pa kaya. Ang gawin mo, kulitin mo araw-araw, panigurado naman na bibigay 'yon kapag nairita sa'yo. Wala siyang magiging choice kundi ang pumayag sa gusto mo. Araw-arawin mo siyang puntahan sa ospital, sabi mo nga ayaw niyang masira 'yong image siya sa ospital, edi malaking advantage 'yon para iblackmail siya." Suhestiyon ni April at hinawakan ang mukha ni Dreams gamit ang magkabila niyang kamay. "Sige, para naman may ambag kami, tutulungan ka namin na kumbinsihin si Kaiden. Sasamahan ka namin alang-alang dyan sa anak mo." Napangiti si Dreams sa sinabing 'yon ni April, nayakap niya ito ng mahigpit at nagpasalamat. Kahit papaano ay nabuhayan siya't tatagan ang loob para sa kanyang anak. Alam niyang may mga taong handang tumulong sa kanya kaya dapat tulungan niya rin ang kanyang sarili. Tama nga si April, malaking advantage ang image ni Kaiden sa ospital na 'yon para makumbinsi ito. Alam naman niya na hindi papayag si Kaiden na mabangisan ng dumi ang kinaiingatan niyang pangalan. Mapapapayag na niya kaya si Kaiden sa pinaplano nilang pangungulit rito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD