NAPABUGA ng hangin si Czarina nang sa wakas ay natapos na niya ang mga trabahong kailangan niyang asikasuhin para sa buwang iyon. Magkaganoon man, ayaw pa niyang magpahinga dahil marami pa siyang kailangang asikasuhin lalo pa't malapit na ang peak season sa cake and pastry shop na pinamamahalaan niya.
"Wala ka talagang planong magpahinga, 'no?"
Napaangat siya ng tingin at napangiti nang pumasok sa opisina ang kaibigan at manager ng shop na si Carlyn.
"Ah... So ngingitian mo na lang ako. Ganoon?" nakataas ang kilay na tanong ni Carlyn.
Ikinatawa na lang niya iyon. "Ano nama'ng gusto mong gawin ko? Simangutan ka? Para namang kakausapin mo ako nang matino kapag ginawa ko iyon." Muli niyang itinuon ang atensiyon sa kanyang trabaho.
Buntong-hininga ni Carlyn ang sumalubong sa pandinig niya. "Alam mo, sa lahat naman ng nagka-amnesia, ikaw yata ang wala pa ring ipinagbago. Are you sure you still can't remember everything?"
"You mean other than my parents who died in a car crash and my cousin who never left my side until I remembered her? Not really."
Pero kahit kaswal ang pagkakasabi niya roon, hindi maitatangging nakakaramdam pa rin siya na tila may kulang sa pagkatao niya. Na sa kabila ng kawalan niya ng napakaraming alaala, may udyok sa puso niya na may dapat siyang alalahanin na isang mahalagang pangyayari.
Isang mahalagang tao...
"Hey," untag ni Carlyn. "Sorry. I didn't mean to remind you of your situation."
Napangiti siya. "It's okay. Wala namang kaso sa akin iyon. At saka tatlong taon na akong walang maalala. Siguro, hindi ko pa rin nakikita 'yong puwedeng magsilbing trigger para bumalik ang lahat sa isipan ko. I'm just glad you never left me kahit na hindi kita matandaan."
"Nag-drama ka na naman. I told you, even if you don't remember me, I'll always be your best friend," ani Carlyn na nagpatibay sa nararamdaman niyang pasasalamat sa pagkakaroon niya ng kaibigang tulad nito.
"Ikaw naman ngayon ang ma-drama."
Tama lang ang mga sinabi niya rito. May tatlong taon na rin ang nakalilipas mula nang sapitin niya ang aksidenteng tinangay hindi lang ang buhay ng kanyang mga magulang kundi pati na rin ang kanyang mga alaala. Sa loob ng tatlong taon na iyon, hindi nawala si Carlyn sa buhay niya kahit na wala talaga siyang maalala tungkol dito. Noong una, hindi siya sigurado kung totoo ang sinasabi ng dalaga na magkaibigan nga sila nito. Subalit ang mga litrato sa kanyang silid at mga testimonya ng mga taong di-umano'y nakakakilala sa kanya ang nagpatunay ng mga iyon. Pati ang pinsan niya, hindi itinanggi iyon.
"By the way, tumawag si Chris kanina. Dadaanan ka na lang daw niya rito para sunduin dahil on the way rin lang naman ang location para sa next photoshoot na kailangan niyang asikasuhin."
Kumunot ang noo niya. "Bakit ikaw ang tinawagan?"
"Have you even checked your phone?" balik-tanong nito.
Pagkasabi niyon ni Carlyn, agad niyang kinuha ang cell phone na nakalagay sa drawer ng office table niya. Lihim siyang napangiwi nang makita ang nag-aakusang notifications tungkol sa pitong miscalls at sampung text messages galing kay Chris. Oo nga pala, naka-silent ang cell phone niya dahil ayaw niyang magpaistorbo sa dami na rin ng trabaho niya.
"Sige na. Ako na ang bahala rito. Katukin mo na lang ako kung sakaling dumating na si Chris," bilin niya kay Carlyn na tumango na lang at umalis na sa opisina niya.
Bumuntong-hininga na lamang siya at inilapat ang likod sa backrest ng swivel chair. Muli siyang napatingin sa notifications sa screen ng kanyang cellphone. Hindi niya alam kung bakit kahit alam niyang patuloy si Chris sa panliligaw sa kanya, hindi niya mahagilap sa puso ang kagustuhang tugunan ang nararamdaman nito.
Isang photographer at may-ari ng isang flower farm ang masugid niyang manliligaw na si Chris del Mundo. Nagkakilala sila nito nang minsang mapadpad siya sa flower farm nito may dalawang taon na ang nakakaraan. Nangailangan kasi ang pinsan ni Carlyn ng stargazer lilies para sa isang charity event. Nagkataon namang naubusan ng supply ang flower shop kung saan ay suki siya niyon.
Hindi nito itinanggi noong una pa lang na attracted si Chris sa kanya. But she couldn't help feeling cautious about his approaches, lalo pa't namomroblema siya sa pagkawala ng kanyang alaala. Pero si Chris ang tipo ng taong alam niyang hindi talaga sumusuko. Sinabi niya rito ang sitwasyon niya at naunawaan naman nito iyon. Kaya hanggang sa mga sandaling iyon, kapag may panahon din lang ito, ay hanggang panliligaw lang ang nagawa nitong ipakita sa kanya. Pero parang unfair na iyon para kay Chris—or at least she felt it that way.
Hindi malabong magkaroon talaga ng katugon ang damdamin nito para sa kanya. Nakatitiyak siya roon. Pero hindi niya maintindihan kung bakit sa pakiramdam niya ay may masasaktan siya na kung sino kapag ginagawa niya iyon.
Ah! Kailangan na talagang magbalik ng alaala niya. Hindi na niya nais na malito pa nang ganoon. Sana malaman na niya ang dahilan ng pag-aalinlangan niyang iyon na batid niyang wala talagang kinalaman sa kulang-kulang na mga alaala niya.
========
"HIMALA! Ang workaholic kong kaibigan, naisipan na ring magbakasyon, sa wakas!"
Gusto mang batukan ni Seth ang kaibigang si Chris na kasalukuyang bumisita sa opisina niya ay hindi na lang niya ginawa. Kunsabagay, may punto ito. Himala nga naman talaga na naisipan niyang iwan ang trabaho upang magliwaliw sa kung saan.
"Ang ganda lang ng salubong mo sa sinabi ko, ah. Wala ka man lang bang mas matinong sasabihin bukod sa isang himala ang naisipan kong gawin?"
"Eh initial reaction ko iyon. May magagawa ka? Though I have to admit, nakakapagtaka na bigla mo na lang maiisipang magdesisyon nang ganyan. Nakaramdam ka na rin ng pagod sa wakas?"
Kibit-balikat lang ang naging tugon niya na ikinakunot ng noo ni Chris.
"Ano namang klaseng sagot iyan? Oo o hindi lang ang kailangan ko, eh."
"May kailangan akong gawin kaya ko naisipang magpaalam kay Ate na magbakasyon," seryosong aniya bago isinandal ang likod sa swivel chair.
Hanggang sa namalayan na lang niya ang isip na naglalakbay na namang muli sa nakaraan habang nakatingin siya sa labas ng bintana. Hindi siya nagbibiro nang sabihin niya ang mga iyon sa kaibigan. Thirteen years... It took him that long to finally find time to fulfill that one promise he uttered a long time ago.
"So in other words, trabaho pa rin ang gagawin mo?" tanong ni Chris na nagpabalik ng isipan niya sa kasalukuyan.
"Personal work, as I'd like to call it," tanging nasabi niya.
"At wala kang planong sabihin sa akin kung saan mo planong gawin ang personal work mong iyan?"
Ilang sandali rin siyang hindi nakaimik. Pinagdedebatehan pa niya sa kanyang isipan kung sasabihin niya rito ang totoo o ililihim na lang muna niya.
Hinarap niya si Chris kapagkuwan. "Sa Altiera."
========
"DID I make you wait?"
Napaangat ng tingin si Czarina mula sa binabasang e-book sa tablet nang marinig iyon. Nakangiting umiling siya nang makalapit si Chris sa kanya. "Hindi naman. I just got out. Chris, hindi mo na sana ginagawa ito."
"Ang alin? Ang sunduin ka?" Tumango siya. "Hey, I told you, it's no big deal. Hayaan mo na akong gawin ito. Malay mo naman, magkaroon na ng milagro one of these days at sasagutin mo na rin ako sa wakas," anito na ikinabuntong-hininga na lang niya.
"Chris..." Bakit ba hindi yata alam ng lalaking ito ang salitang pagsuko?
"It's okay. So let's go? Alam kong pagod ka na sa dami ng trabaho mo. I don't want to tire you out more sa patuloy na pagtayo mo pa rito."
Wala na siyang nagawa kundi ang pagbigyan ito. Pagod na nga siya physically and mentally. Hindi pa niya gustong lalong makaramdam ng pagod sa pangungulit ni Chris sa kanya. Besides, he was being nice for doing this to her.
Habang nasa daan sila ay nakatingin lang siya sa labas ng bintana. Walang nagsasalita sa kanilang dalawa ni Chris. Ang tanging ingay lang na pumapailanlang sa loob ng kotse ay ang kanta galing sa radyo.
Natigilan siya nang marinig ang isang kantang sa pakiramdam niya'y malaki ang kinalaman sa nakaraang mailap sa kanya.
Dahil hindi pa tamang panahon upang magmahalan kahit na puso ay nasasaktan. Ako'y maghihintay lamang sa iyo hanggang umabot tayo sa takdang panahon. Magtitiis, magbibigay kahit umabot pang habang buhay. Ako'y maghihintay...
Ilang sandali pa, naramdaman niya ang pagsigid ng sakit sa ulo. Kasabay niyon ay ang pagpapakita ng imahe sa kanyang isipan. Napakunot-noo siya nang makita ang sarili sa imaheng iyon na kinakanta ang kantang kasalukuyang tinutugtog sa radyo.
What was that supposed to mean? Bakit nakita niya ang sariling kumakanta nang ganoon? At para kanino iyon?
"Are you okay, Czarina?" nag-aalalang tanong ni Chris na marahil ay napansing sapo niya ang gilid ng kanyang ulo. Hindi pa man siya nakakatugon ay agad na nitong ipinarada sa gilid ng daan ang sasakyan.
"I'm alright. It's just an ocassional headache," pag-a-assure niya sa binata bagaman pilit ang ipinakita niyang ngiti rito.
Chris was looking at her apprehensively but gave in, nonetheless. Nahalata nito marahil na hindi niya gustong palakihin pa ang isyu. Kahit nang ipagpatuloy na ng binata ang pagmamaneho, patuloy pa rin niyang sapo ang gilid ng ulo niya.