Chapter 34

1781 Words
CHAPTER 34: Ilang minuto na nilang binabagtas ang daan pablik ng Dark Hotel pero wala pa ring umiimik sa kanila. Nakatanaw lang sa labas ng bintana si Owen na ngayon ay nakaupo sa tabi ng driver. Habang si Shaika naman na nagmamaneho ay nasa kalsada lang ang tingin. Malapit nang maghating-gabi at kakaunti na lang ang sasakyan sa kalsada, kaya kahit paano ay walang rason ang dalaga na magmabilis siya ng husto. Isa pa, hindi niya iyon ikatutuwang gawin sa ganitong sitwasyon. Isang bagay lang naman ang balak gawin ni Shaika kaya gusto niyang bumalik sa Dark Hotel: ang personal na kausapin si Legal at pagsabihan sa mga naiisip nitong pakulo. Hindi niya tiyak kung tama ba ang pagkakaintindi niya sa mga sinabi ni Owen kanina na gumawa ito ng dahilan para siya ang maging susi sa kaligtasan ni Thunder kaya pumayag ang binata na sumali sa mga plano niya. Pero totoo man iyon o hindi, kabaliwan pa rin para sa kanya ang ginagawa ng lalaking iyon na paglaruan ang samahan ng dalawang taong may malalim na pinagsamahan. Hindi maiwasang isipin ni Shaika na, “Paano kung kami naman ni Herlene ang umabot sa ganoong sitwasyon, ano kaya ang gagawin niya at ano kaya ang magagawa ko para maayos?” Ayaw niyang isipin ang ganoong uri ng bagay dahil hindi niya kayang mangyari iyon, pero may kung ano sa loob niya na nagpipilit sa kanya na isipin ang agarang solusyon kapag nangyari iyon. Gustong magsalita ni Shaika para kahit paano ay mabago ang laman ng isip niya at mabaling ito sa kung ano man ang pag-uusapan nilang dalawa ng kasama niya. Kaya lang, nang sandali niyang silipin ang katabi ay nakatingin pa rin ito sa kawalan. Isang palatandaan na walang patutunguhan ang magiging usapan nila kung sakali. Hanggang sa nakarating na nga sila sa Dark Hotel. Kagaya ng madalas na ambiyansa ng lugar ay walang kahit na sino ang nakatambay sa labas o sa paligid man nito dahil alam ng mga taga-rito kung sino at ano ang mga taong nakatira sa loob ng Hotel. Kahit nga ang pagsilip ay hindi nila magawa, dahil nagsisilbing isang nakakatakot na lugar ang Dark Hotel sa mga taong nasa paligid nito. Pumasok ang dalawa sa loob ng Hotel at agad silang umani ng tingin mula sa madaming assassin na nagkalat sa lobby. Alam ni Shaika na ang mga taong narito sa baba ay maaring may kailangan kay Maestro o hindi kaya ay kasalukuyang may misyong kailangang harapin. Alinman doon ang rason, hindi gusto ng dalaga ang tingin ng mga ito sa kanila. Isang binata ang lumapit sa kanilang dalawa. “Hindi namin inaasahan na lilitaw ka rito ngayong gabi, Sinister,” aniya. Nakangiti siya na para bang ayaw niyang ipahalata ang totoong intensyon bakit siya lumapit. Hinarap siya ni Shaika na may kunot sa kanyang noo. Seryoso ang kanyang mukha nang kilatisin niya ang binatang naglakas ng loob na lumapit sa kanya. Hindi siya matandain sa pangalan, pero kapag natitigan niya ang mukha ng isang tao ay maari niyang maalala kung madalas ba niya itong makita sa Hotel at kung saan ito madalas magpunta. “Kailangan ko pa bang ipaalam sa inyo kung darating ako o hindi?” tanong naman ni Shaika sa kanya. Kinilala ni Shaika ang lalaki bilang kasama ni Maestro sa Information Desk. At alam ng dalaga na kung itong tao na ito ay may lakas ng loob na lapitan siya, may hindi tama sa nangyayari. Idagdag pa na binati siya nito na hindi naman ginagawa ng kung sino man kailan man siya tumuntong sa Dark Hotel. Hindi nawawala ang ngiti sa mukha ng lalaki. Hindi naman sa natatakot siya sa kanyang kaharap, sadyang mataas lang talaga ang respeto niya sa kaharap at ayaw niyang mag-iwan ng hindi kanais-nais na alaala sa dalaga tungkol sa kanya. Kilala niya ito na matandain sa mga taong gumagawa ng masama sa kanya, at kapag napabilang siya sa mga taong iyon ay tiyak niyang hindi niya iyon magugustuhan. “H-hindi naman sa ganoon, Sinister. Masyado lang kasing madaming nangyari at—” Hindi na nagawang matapos ng lalaki ang kanyang sinasabi nang magsimulang maglakad si Shaika palapit sa information desk dahil nakita niyang lumabas mula sa silid si Maestro. Division 3 ang talagang sadya niya rito sa Dark Hotel, pero dahil sa nangyayaring kakaiba ay alam niyang kailangan niya ng sagot mula sa matandang iyon. Sumunod lang si Owen sa kanya. “May nangyari ba rito na hindi ko alam?” tanong niya. Naramdaman ni Shaika ang pag-iwas ng tingin ng mga tao sa paligid nang marinig niya ang malalim niyang boses. Alam nila na hindi maganda ang timpla ni Shaika at mas lalong hindi maganda ang timpla nito ngayon base sa tono ng kanyang boses. Kaya gaya ng unang lalaking kumausap sa kanya ay ayaw din nilang magkaroon sila ng dahilan para mapansin ng isang anak ng Supremo. Seryoso ang mukha ni Maestro habanag nakatingin kay Shaika. “Sumunod kayo sa akin sa loob,” utos niya, sinenyasan niya rin ang dalawa na sumunod sa kanya. Bago tuluyang pumasok sa loob ay tumingin muna si Shaika sa paligid, panay pa rin ang iwas ng tingin ng mga assassin na narito. Alam niya naman kanina pa na may hind tama, pero ang hiling niya lang sa ngayon ay huwag sanang madamay ang kanyang ama-amahan sa problemang iyon dahil ayaw niyang makadagdag pa sa pagkadismaya nito sa kanya. Pagsunod nilang dalawa sa loob asy nagkalat din sa loob ng opisina ni Maestro ang ilang tauhan niya. Kasama na sa mga taong iyon ay ang lalaking unang bumati sa kanila sa pinto pa lang ng Hotel. Ito rin ang nagturo sa kanila kung saan sila makikipag-usap kay Maestro. “Ano bang nangyayari—” Hindi pa man nakakaupo sina Shaika at Owen ay gusto na agad magsalita ng dalaga. Pero mabilis siyang inawat ni Maestro sa pamamagitan lang ng pag-angat ng kanyang kamay bilang hudyat na tumigil mula siya sa pagsasalita, saka niya inaya maupo ang dalawal. Nang makaupo sila ay sinenyasan naman ni Maestro ang ilang assassin na nasa loob ng kanyang opisina na iwan muna silang tatlo rito sa loob. “Nang dalhin ka rito ni Supremo sa Hotel at ipinakilalang kanyang anak, narito ako. Nang ibalita niya na nagawa mo nang makapatay, narito ako. Nang matapos mo na ang unang misyon na ibinigay sa ‘yo, narito ako. Nang magsimula ang pagkakaibigan ninyo ni Viper, nandito ako. At ngayon na nagkaroon ka ng bagong kaibigan, narito pa rin ako. Hanggang sa dulo… nandito ako. Lahat ng nangyari sa buhay mo ay naging bahagi ako, Sinister,” panimula ni Maestro. Hindi itatanggi ni Shaika na tama ang sinabi ng kanyang kaharap, kasama niya naman talaga ito mula pa sa simula ng buhay niya rito sa loob ng Dark Knight. Wala na yata siyang kayang itago pa sa matandang kaharap niya dahil siya ang nagsilbing ama ng Hotel. Pero isang bagay ang hindi maintindihan ng dalaga… “Bakit mo ito sinasabi sa akin ngayon?” Ilang segundong katahimikan ang namayani sa pagitan nilang tatlo. Maging si Owen na dapat ay hindi kasali sa pinag-uusapan nilang dalawa ay nababalot na rin ng kuryosidad sa bagay na gustong iparating ng kanilang kaharap. Sa tingin kasi nito sa dalaga ay tila ba may nangyaring hindi nila parehong magugustuhan na marinig. “Dahil hindi ko inaasahan na ang bago kong masasaksihan sa buhay mo rito ay… ang pagtatraydor mo kay Supremo.” Napatayo sa gulat si Sinister nang marinig niya ang sinabi sa kanya ng kausap. Buong buhay niya, wala siyang ibang sinunod kundi ang utos ng kanyang ama-amahan… at mula pa noon, hindi sumagi sa isip niya kahit na minsan ang talikuran ito o ang gumawa man ng bagay na ikasasama ng loob nito sa kanya. Dahil sa paniniwala niya, tanging si Supremo na lang ang pamilyang mayroon siya at ang tanging tao na makakapagbigay sa kanya ng kasagutan kung kailan niya tuluyang maipaghihiganti ang pagkamatay ng mga magulang niya. “Anong… sinasabi… mo? Hindi ko siya—” Isang litrato ang agad na ipinakita ni Maestro sa kanya. Ang kuha na nasa litrato ay isang pangyayari na kasama niya si Mayor Zeldris sa kanyang hardin at dalawa lang silang nag-uusap doon. Nakatulala lang si Shaika sa litrato habang inaalala ang naging pag-uusap nila nang araw na iyon… “Hindi ko alam kung bakit mo nasabing trinaydor ko si papa dahil lang sa kuha na ‘yan, dahil bago ko pa tanggapin ang misyong hawak ko ngayon… ipinaalam namin iyon sa Supremo!” giit ni Shaika. Bumaling ang tingin ni Maestro kay Owen na ngayon ay hindi rin makapaniwala sa narinig. Tila sa isang iglap ay nagkaroon ng kasagutan ang tanong sa kanyang isipan kung bakit bigla ay nagtraydor sa kanya ang kaibigan niya. “Ang alam ko, ikaw na ang may hawak ng misyon na patayin si Zeldris Tan. Bakit nadawit si Sinister sa misyon mo?” tanong ni Maestro kay Owen. Gulat pa rin ang reaksyon ni Owen nang magtama ang tingin nilang dalawa ni Maestro. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang tanong na iyon kahit pa malinaw naman na kung ano ang sagot. Habang si Shaika naman ay umaasang magsasalita ang kasama niya para sa paglilinaw sa nangyayari. Pero dahil hindi ito makaimik ay siya na ang nagsalita. “Alam ni papa kung bakit ako nadawit sa misyong hawak niya. Alam niya ang plano namin at alam niyang—” “Alam din ba niyang kaya mo lang ito ginagawa ay dahil gusto mong iligtas si Viper sa gulong pinasok niya?” Agad na napalunok si Shaika nang marinig ang tanong ni Maestro. Alam niya sa sarili niya na sa puntong iyon, hindi na niya malilinis ang pangalan niya. Dahil hindi niya sinabi kay Supremo ang totoong rason kung bakit gusto niyang tulungan si Owen sa misyon nitong patayin si Zeldris, hindi niya sinabing gusto niyang resolbahan ang problema ng kaibigan niya sa pamamagitan ng binatang mayor. Samakatuwid, malinaw na isang pagtatraydor nga na makita siyang masayang nakikipagkwentuhan sa taong dapat ay pinatay niya na. “Hindi ko alam kung saan mo nakuha ang impormasyong ‘yan, Maestro. Pero ako nang bahala magpaliwanag kay papa—” “Para ano, Sinister? Para utuin siya at paniwalain sa isa na namang kasinungalingan?!” Napatayo si Maetro nang sabihin niya iyon, may diin ang kanyang boses at halata ang galit sa kanyang nanlilisik na mga mata. Si Maestro ang isa sa mga naunang miyembro ng Dark Knight, isang matalik na kaibigan ng Supremo. At kung ito na mismo ang nagpipigil kay Sinister na lapitan pa ang kanyang ama, nangangahulugan lang na wala na siyang lugar sa Dark Hotel.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD