Prologue
"Ikinahihiya mo ba ako, Lauren?"
Pumalya sa pagtibok ang puso ko sa katanungang iyon. May pangamba akong tumingin sa kanya at ayoko man, alam kong nababasa niya iyon ngayon dahil sa biglang pagtikom ng kanyang bibig. Lalong nanikip ang dibdib ko nang makita kong biglang napuno ng pagdaramdam ang kanyang mukha.
Hindi.
Hindi lang pagdaramdam ang nababasa ko sa kanyang mukha lalo na sa kanyang mga mata. Naroon ang sakit at hinanakit. At naroon din ang galit o mas tamang sabihin ang pagkapoot para sa akin.
"C--cristhan..." nauutal kong sambit sa kanyang pangalan. Napakahigpit ng aking lalamunan na tila ayaw nitong hayaang lumabas ang pagtangging nasa puso ko sa paratang niyang iyon.
"Tama ako, 'di ba? Ikinahihiya mo ako. Ikinahihiya mong ako ang naging boyfriend mo. Ikinahihiya mong naging tayo. Siguro pinagsisisihan mo na iyon. Sawa ka na sigurong mapagtawanan ng mga kaibigan at mga kakilala mo! Kung bakit sa dinami-rami ng lalaking nanligaw sa'yo ay ako pa ang pinili mo. Isang lalaking napakabobo! Walang utak!"
"Cristhan, hindi!" pagpipigil ko sa kanya. Napatayo na rin ako sa aking kinauupuan sa malawak na ground ng unibersidad kung nasaan kaming dalawa ngayon.
"Anong hindi, Lauren? Anong hindi?! Hindi ba ako nagkakamali sa mga sinabi ko? Kulang ba? Kulang pa ba ang mga sinabi ko?!"
Naglakad siya papalapit sa akin at hindi ko sinasadyang napaatras sa aking pagkakatayo dahil sa takot na baka masaktan niya ako sa tindi ng galit na bumabalot sa kanya sa mga oras na iyon. Hindi ko rin napigilan pa ang mga luhang kanina pa nagbabanta mula sa nag-iinit kong mga mata.
"Tama na, Cristhan! Huminahon ka naman! Pag-usapan natin ito nang maayos, please?" umiiyak ko nang pakiusap sa kanya.
Natigilan siya nang makitang umiiyak na ako. Naging pabugso-bugso ang hininga niya na waring pinipilit na niyang pigilan ang sarili niya. Umatras siya at saka nag-iwas ng tingin. Tumingin siya sa malayo at waring doon naghahanap ng tao na makakaintindi sa dinaramdam at pinagdaraanan niya ngayon.
"Minahal mo ba ako, Lauren?" sunod niyang tanong pagkatapos niyang manahimik ng ilang sandali.
"Cristhan...? Ano ba namang klaseng tanong 'yan?"
Sa pagkakataong iyon ay boses ko naman ang napuno ng pagtatampo.
Ngunit nang hindi siya sumagot ay napilitan akong dagdagan ang sinabi ko.
"Oo, Cristhan. Minahal kita at mahal kita kaya..."
"Ano ang minahal mo sa akin, Lauren?"
Hindi ko pa man natatapos ang sasabihin ko ay pinutol na niya iyon ng isa pang katanungan.
At natigilan ako sa katanungan niyang iyon. Napipi at tila nabura ang laman ng utak ko kaya tanging pagbuka lamang ng bibig ang nagawa ko.
"Ang mukha ko lang ba? Ang kasikatan ko sa eskuwelahan natin? Kung wala ang mga iyon ay mamahalin mo pa rin ba ako sa kabila ng kabobohan ko?"
"Cristhan... Cristhan, hindi ka... Hindi ka bobo!" Hindi ko maintindihan kung bakit nauutal ako. Alam ko sa sarili ko na mahal ko siya. Ngunit aaminin ko ring hindi kami magkalebel kung talino ang pinag-uusapan. Pero ayokong sa bibig ko lumabas ang mga katagang iyon kahit na iyon ang katotohanan. Ayokong mas madagdagan ang sakit na kanyang nararanasan sa mga oras na ito kapag ako mismo ang nagsabi niyon sa kanya.
"Hindi nga ba, Lauren? Palagi iyong sinasabi ng mga kaibigan mo, 'di ba? Guwapo nga pero bobo naman," panggagaya niya pa sa boses ni Lyra, ang isa sa malalapit kong kaibigan.
"Hindi ba at iyan ang palagi nilang sinasabi sa'yo? Hinding-hindi mo siguro ako tatapunan man lang ng tingin kung hindi ganito ang itsura ko. Baka nga pandirihan mo pa ako gaya nila o isa ka Rin sa nagtatawanan at nanghihinayang dahil ganito ako... dahil ganito lang ako," pangmamaliit niya sa kanyang sarili.
"Cristhan, mahal kita. Tigilan mo na ang mga sinasabi mong pangmamaliit sa sarili mo!" paggagalit-galitan ko na.
"Kaya palagi mo akong tinuturuan, 'di ba? Kaya palaging ikaw ang gumagawa ng mga assignment at projects ko para naman kahit papano ay makatikim ako ay makatanggap ako ng matinong grado. Napakasaklap 'no? Parang ginawa lang kitang nobya para magkaroon ng grado ang isang bobong katulad ko." Tumawa siya nang pagak.
"Hindi ka pa ba nagsasawa, Lauren? Halos isang taon na kitang ginagamit. Halos isang taon ka nang nagtitiis sa kabobohan ko. Kung bakit kasi ako ipinanganak na ganito! Kung bakit hindi man lang ako nabiyayaan ng kahit konting talino! Sinusubukan ko naman! Sinusubukan kong aralin ang lahat. Nagbabasa naman ako at sinusubukang intindihin ang mga binabasa ko. Pero ang hirap! Ang hirap-hirap nilang intindihin. Ang hirap nilang papasukin sa utak kong walang kuwenta!" Itinuro niya ang sentido niya.
"Cristhan, please itigil mo na ito. Hinding-hindi ako mag-asawa sa'yo. Gagabayan kita hanggang kailangan mo ako. Tumigil ka na sa pakikinig sa sinasabi ng iba dahil hindi iyon nakakatulong sa'yo at sa ating dalawa. Sige, sabihin na nating totoong lahat ang sinasabi nila tungkol sa'yo. Pero kahit ganon ka, hindi naman nila maipaglakaila na magaling ka sa ibang bagay. Magaling kang makisama kaya marami kang kaibigan. Magaling ka sa sports lalo na sa basketball at volleyball kaya marami kang taga-hanga. Magaling kang magpahalaga ng mga tao kahit hindi ganon ang trato nila sa'yo. Magaling kang magmahal dahil damang-dama ko iyon," mahaba kong sabi upang pagaanin ang nararamdaman niya at alisin ang tensiyon sa pagitan naming dalawa.
Matagal siyang nanahimik a nanatiling nakatitig lamang sa akin.
"Cristhan," tawag ko sa kanyang nang hindi na ako makatiis. Lumapit ako sa kanya at humawak sa braso niya.
Nagulat ako nang alisin niya ang kamay ko at naglakad siya paatras palayo sa akin.
"Ako, Lauren... sawa na."
"A-anong sawa ka na?" kabado kong tanong.
"Sawa na akong nakakarinig ng mga pang-iinsulto at pangmamaliit sa akin dahil nadadamay ka rin. Sawa na akong intindihin at tanggapin na lang ang lahat ng mga ginagawa at sinasabi nila sa akin. Sawa na rin akong umasa na lang nang umasa sa mga ibinibigay ninyong tulong sa akin. At higit sa lahat, sawa na akong maghintay na kusa kayong lalayo sa akin."
"C--cristhan..."
"Sawa na akong makita ang sakit sa iyong mga mata tuwing nakikita mong pinagtatawanan tayo ng mga kaibigan mo. Hindi ba kahit nakaharap ka ay sinasabi nila na may painsulto na bagay tayo? 'Isang guwapong bobo at isang pangit na matalino?'. Kailan ka magsasawa tulad ko, Lauren?"
Nag-init ang mga pisngi at mga matang napatitig ako sa kanya. Nakadama ako ng pagkapahiya. Alam pala niya ang madalas na biro sa akin ng mga kaibigan ko.
"Kaya tama na, Lauren. Maging sapat na sa atin na minsan ay sinubukan nating magmahalan sa kabila ng isang libo't isang pagkakaiba natin."
Matinding takot na ang sunod na naramdaman ko dahil sa sinabi niya.
"Are you breaking up with me, Cristhan?" nanginginig ang mga labing tanong ko. Ang kaninang nag-iinit na pakiramdam sa likuran ko ay nagmistulang yelo sa sobrang lamig nito.
"I'm sorry, Lauren. Mahal kita pero hindi ko na kaya ang..."
Napayuko siya at ilang sandali pa ay tuluyan na niya akong tinalikuran.
At wala akong nagawa kundi ang panuorin ang paglayo niya.
Nalaman ko na lang kinabukasan na umalis na siya hindi lang sa unibersidad kundi sa bansa.