Kabanata XVIII SIMOUN UNANG BESES akong nakadama ng takot nang muntik na akong mahuli ng pamilya ni Celeste sa aking pinagtataguang aparador. Damang dama ko ang kabog ng aking dibdib sa mga sandaling iyon nang marinig kong ipanahahalughog ni Don Fernando ang buong silid at wala na talaga akong takas kung nagkataon. Nagulat na lang din ako nang marinig ang pag-aalala nila kay Celeste. Wala akong ideya kung ano ang nangyari sa kanya pero ang palagay ko ay ginawa niya iyon upang makuha ang atensyon ng lahat. Mukha namang epektibo kaya't hindi ko na rin inisip na baka nga may masamang nangyari sa kanya. Hindi pa rin naman maalis ang kabog sa dibdib ko lalo pa at hindi pa sila umaalis sa silid. Nabuhayan lang ako nang loob nang paalisin na ni Don Fernando ang mga tauhan niya na siyang n