Kabanata VII
CELESTE
KASALUKUYAN akong inaayusan ni Inicia sa aking silid nang may kumatok sa aking pintuan.
"Inicia, pakisabi sa kumakatok ay naghahanda lamang ako. Bababa na rin lang ako kamo maya maya," utos ko kay Inicia na nakatayo sa aking likuran at sinusuklay ang mahaba kong buhok.
"Sige po," aniya.
Nagpatuloy ako sa paglalagay ng lipstick sa aking mga labi. Hindi gaanong mapula at pinanatili ko ang kasimplehan ko na babagay talaga sa akin sa magaganap na salu-salo ngayon sa aming tahanan.
Naulinigan ko mula sa aking silid ang pagdating ng mga sasakyan ng mga panauhin. Napakaraming amigo at amiga ng aking mga magulang na kapwa mga may impluwensya at katungkulan sa gobyerno. Kaya naman inaasahan talaga nila ang maraming bisita ngayong gabi.
Hindi pa ako pinupuntahan ni ni Fabian dahil mula noong dumating ako ay hindi pa siya umaakyat sa aking silid. Mula noon ay hindi rin naman niya gawain ang manghimasok sa aming tahanan at hanggang sala lamang siya. Napaka-maginoo niya kaya gustong gusto siya ng aking mga magulang para sa akin.
Patuloy lamang ako sa aking pag-aayos ng aking sarili nang papasukin ni Inicia si Simoun sa aking silid.
Hindi ko mawari kung bakit napakalakas ng pagkabog ng aking dibdib habang nakatitig lamang siya sa akin at ako nama'y nakatitig lang din sa nangungusap niyang mga mata.
Umigting ang kanyang panga at halata kong napalunok siya dahil sa pagtaas baba ng kanyang lalagukan.
"Inicia, iwan mo muna kaming dalawa," bilin ko sa kanya habang nakatitig pa rin kay Simoun na ngayon ay nakatayo lamang sa tabi ng mesa at silyang aking kinauupuan.
Paglabas na paglabas ni Inicia ay hindi ko na napigilan ang damdamin kong hindi siya yakapin at hagkan.
May kung ano sa dibdib ko na nagtulak sa akin upang gawin iyon. Alam kong mali dahil mayroon akong kasintahan pero ito ang tunay kong nadarama kaya bakit ko pipigilan.
Habang magkahinang ang aming mga labi ay nadarama ko sa kanya ang kakaibang bagay na hindi ko pa nararamdaman kay Fabian.
Nahalikan na ako ni Fabian. Maraming beses. Ngunit hindi ganito ang epekto sa akin.
Kay Simoun, matamis, nag-aalab at may hatid na kakaibang pakiramdam sa aking pagkatao.
Habang patuloy ako sa paghalik sa kanya ay siya naman itong sumapo sa aking mga pisngi upang siya'y makaganti ng halik sa akin.
Hindi iyon mapaghiganting halik, kundi isang banayad lamang. Nalalasahan ko ang ginamit niyang pangsipilyo at mas nakakadagdag iyon ng kanyang kagwapuhan dahil sa mabango niyang hininga.
Hanggang sa tumigil na kami. Nakakapit pa rin ako sa kanyang mga matititpunong balikat habang siya ay nakahawak sa aking mga pisngi.
Nakatitig ako sa kanya habang siya ay nakatitig lang din sa aking labi.
"Simoun, anong ginagawa mo sa akin? Bakit ako nagkakaganito sayo?" Tanong ko sa kanya bago ko muling sinakop ang kanyang malambot at matamis na labi.
Gumanti siya sa akin at nalasap ko ang katugunan sa aking kagustuhan na malasap ang halik mula sa kanya.
Hindi ko mawari kung ano ito. Kung pag-ibig man ito ay natitiyak kong mali, ngunit hindi ko kayang pigilan.
Nakalalasing ang halik niya. Nalalason ang diwa ko dahil sa halik na ibinibigay niya.
Ilang saglit pa ay tumigil na kaming dalawa. Ngunit magkadikit pa rin ang aming mga noo dahil kapwa namin ninanamnam ang bawat sandaling magkaharap kami.
"Binibini, bawal ito," aniya.
"Simoun alam ko. Alam kong bawal, pero ito ang nadarama ko at alam ko na dito sa puso mo ay nararamdaman mo rin kung ano ang nadarama ko," idiniin ko pa ang hintuturo ko sa kanyang dibdib.
"Hindi ko maaaring suwayin ang mga magulang mo dahil una sa lahat, trabahador niyo lamang ako at walang sinasabi sa buhay. Hindi ito pwede binibining Celeste," lumayo siya sa akin.
"Kung gayon bakit ka nandito? Bakit ka nagtungo sa silid ko gayong alam mo na baka may makakita sayo?" Panay ang tanong ko sa kanya kahit pa nakatalikod siya at tila ba nag-iisip.
"Simoun, ano?" Nagtungo ako sa harapan niya upang alamin ang kasagutan.
"Maaaring gusto kita pero hindi ito sigurado. Makikilala pa kita at makikilala mo pa ako. Masyadong mabilis ang tumatakbo sa isipan mo," sagot niya.
"Pero bakit nga nandito ka? Anong pakay mo?"
"Dahil gusto kitang makita," halos ipagsigawan niya iyon.
Nagulat ako. Biglang parang tumalon ang puso ko sa sagot niya.
Gusto niya akong makita. Bakit?
Titig na titig siya sa akin at maging ako ay hindi makatakas sa mga matang iyon.
"Simoun," ang tanging nasambit ko bago ko siya tuluyang niyakap at ihinilig ang aking ulo sa kanyang dibdib.
Damang dama ko ang init ng kanyang katawan dahil ngayon ay niyakap na rin niya ako.
Ngunit dahan dahan niyang hinawakan ang mga balikat ko at inilayo ako sa kanya.
"Celeste, hindi pwede ito," mahina niyang wika.
Gusto kong maiyak. Sa buong buhay ko ay nakukuha ko kung anong gusto ko. Sa buong buhay ko ay hindi ako napagkakaitan. Pero bakit sa bagay na ito ay tila ba mailap sa akin ang swerte?
May gusto ako sa kanya. Alam ko at nararamdaman ko. At hindi ako bulag sa kung ano ang nararamdaman niya. Marahil ay bagong magkakilala pa lang kami. Pero sabi ng puso ko, hindi ko masasabing totoong pagmamahal ang nararamdaman ko maliban na lang kung natagpuan ko na.
At natagpuan ko na nga. Hindi ako maaaring magkamali.
"Simoun, hindi. Nagkakamali ka. Maaari nating gawing tama ang bagay na ito," hinawakan ko ang pareho niyang pisngi habang nangungusap ang aking mga mata na sana ay makita niya.
Tumingin siya sa baba at saka unti unti niyang hinawakan ang aking mga kamay mula sa kanyang pisngi at saka iyon ibinaba.
"Maling mali, binibini. Maling mali," umiling iling siya.
Saka siya muling tumalikod at nagbalak umalis.
Naglalakad na siya patungong pintuan saka ako nagsalita.
"Siguraduhin mong paglabas mo sa pintuan na iyan ay huwag na huwag ka nang mangangahas na bumalik pa dito sa silid na ito. At huwag na huwag ka na ring magpapakita sa akin dahil isinusumpa kita," namuo ang galit sa aking puso na nagdulot ng pagbigat ng pakiramdam ko.
Napatigil naman siya at pinakinggan ang mga sinabi ko.
Naghintay ako sa kung ano ang isasagot niya sa akin ngunit wala. Imbes ay naglakad na siya palabas at hindi na lumingon pa.
Naiwan akong taas baba ang mga balikat dahil sa sama ng loob. Natagpuan na lamang ako ni Inicia na umiiyak habang nakatayo lang.
"Binibini, ano ang nangyari?" Dahan dahan niya akong iniupo sa gilid ng kama at kinalma.
"Inicia, huwag na huwag mong papapasukin ang Simoun na iyan sa bahay at maging sa kwarto ko. Tumawag ka ng bantay at palabasin siya kaagad sa mansyon. Ngayon din," utos ko.
"S-sigurado ka ba binibini?" Pag-aalangan niya.
"Mukha ba akong hindi seryoso, Inicia?"
Agad siyang tumayo at lumabas ng silid.
Ilang saglit pa ang lumipas nang lumabas si Inicia ay napagtanto ko na nadala lamang ako ng galit ko. Kaya dali dali akong nagtungo sa may bintana, pilitan iyong binuksan at hinanap siya sa grupo ng mga taong nasa hardin.
Hindi ko siya mahanap. Hanggang sa mapansin ng paningin ko ang mga bantay na naghahanap din. Mas bumilis ang pagtibok ng puso ko.
"Simoun, nasaan ka na ba?" Panay ang pag-ikot ng paningin ko sa kapaligiran hanggang sa mapadako ang tingin ko sa labas ng tarangkahan.
Nakasakay na siya sa kabayo at aalis na sana nang magtama ang aming mga mata.
Labis labis ang pag-aalala ko habang nakatitig lang sa kanya. At nang tuluyan na siyang umalis ay para bang mas nanikip ang dibdib ko sa hindi ko malamang dahilan.
Mahalaga na siya sa akin ngayon. Sa sandaling ito ay mas nakakasiguro na ako na mahalaga siya sa akin.
Bagaman nararamdaman ko ito ay nananaig pa rin sa akin ang mga nabitawan niyang salita na tila ba gulok na humiwa sa puso ko.
Bigla akong napalingon mula sa kinatatayuan ko nang makarinig ako ng mga katok sa aking pintuan.
Agad kong pinunasan ang luha ko sa aking pisngi at siniguradong maayos lamang ang hitsura ko.
Pagbukas ko ay si Fabian ang nasa labas na kumakatok.
Unang beses na pumanhik siya sa itaas.
"Narinig ko ang balita kay Inicia na may ipinapahabol ka raw na kawatan?" May pag-aalala sa kanyang ekspresyon at tinig habang nakatitig sa akin.
"Wala iyon. Akala ko ay kawatan. Isang kakilala pala," sagot ko bago niya ako yakapin.
"Sigurado ka bang kakilala mo iyon?" Tanong niya habang nasa mga bisig niya ako.
Nasasaktan ako sa katotohanang nagtataksil ang damdamin ko sa kanya. Hindi ko naman masabi sa kanya ang mga bagay na ito dahil natatakot ako kaya naman wala akong magawa.
"Oo Fabian. Maayos lang ako. Sige na. Tatapusin ko na ang pag-aayos at susunod na ako sa ibaba," sabi ko.
"Dalian mo. Napakaraming tao na ang gustong makita ka. Mga anak ng mga kaibigan ng ating mga magulang na naging kamag-aral mo raw," nakangiti niyang wika.
"Ganon ba? Oh siya sige, susunod na ako," sambit ko.
Ngumiti pa siya bago tuluyang umalis.
Naiwan akong nakasandal lamang sa may pintuan habang nag-iisip ng mga bagay bagay.
May isa akong Fabian na handang kumusta sa akin sa tuwing nakararamdam ako ng mga bagay na hindi ko man lang masabi sa kanya. Pinipilit kong timbangin ang mga ito sa puso at isipan ko.
Sa ngayon ay kailangan ko munang magmukhang maayos sa tingin ng iba dahil may salu-salo. Saka ko na iisipin ang mga bagay na ito.
BUMABA AKO ng hagdan at katulad nga ng nabanggit ni Fabian kanina ay maraming nagnanais na makita ako.
Tama nga siya.
Halos lahat ay napunta sa akin ang atensyon nang bumaba ako ng hagdan suot ang simpleng bestida na nanggaling pang Estados Unidos.
Ngumiti ako sa mga kakilala kong nakatingin sa akin. Ayaw kong magmukhang masungit o kaya ay magmataas sa kanila.
Isa isa namang bumeso sa akin ang mga malalapit kong kaibigan na ngayon ko lang ulit nakita sa loob ng mahabang panahon.
"Celeste, tila ba mas gumanda ka pa. Matagal na tayong hindi nagkita," bati sa akin ni Aurora, ang pinakamalapit kong kaibigan at kamag-aral.
"Hindi ka pa rin talaga nagbabago Aurora. Mambobola ka pa rin," kinurot ko siya sa siko at agad naman kaming nagtawanan.
Nagpatuloy lang ang kasiyahan hanggang umabot ng hating gabi. Isa isa na ring umuwi ang mga panauhin at nakadama na rin ako ng antok ng mga bandang alas onse ng gabi kaya nauna na rin talaga akong umakyat at nagpahinga.
Panandalian kong nakalimutan ang lahat ng nangyari dahil sa pagod. Minabuti kong matulog na lamang kaysa isipin ang nangyari.
Siguro nga ay tama siya. Hindi pwede. Kaya bakit ko ipagsisiksikan ang sarili ko sa mga bagay na hindi pwede? Mayaman ako, wala akong dapat ipag-alala sa bagay na ito. Hindi dapat ako ang maghabol. Ito ang sabi ng isipan ko.
Nagtatalo man ang puso at isipan ko ay mas nadarama ko ang pagod kaya itinulog ko na lamang.
GUMISING ako kinaumagahan ng tila ba may bago sa aking pakiramdam. Nag-inat ako at bumangon. Dahan dahan akong nagtungo sa may bintana at binuksan iyon ng maluwag.
Nakita ko ang mga tauhan na nagliligpit ng mga kalat sa labas. Ang mga mesang ginamit, ang mga dekorasyon at palamuti, ang mga upuan at ang mga kalat na naiwan ay ang mga inasikaso nila.
Itinukod ko ang siko ko sa may bintana at nangalumbaba habang nakatitig lang sa kawalan.
Hanggang sa mahagip ng paningin ko si Simoun na kasalukuyang nagbubuhat ng mga kahoy at dinadala sa gilid. Nakasuot siya ng pantalong maong at abuhing sando kung saan bumabakat ang matipuno niyang pangangatawan. Namumuo rin ang mapa ng pawis sa kanyang dibdib at nangingintab ang kanyang mga balikat dahil dito.
Naagaw naman ng atensyon ko ang ilan sa mga kababaihan ng mansyon na nag-uusap usap habang nakatingin sa kanya. Panay ang pagngiti ng mga ito habang pinagbubulungan ang mga bagay na kanilang pinag-uusapan saka hahagikgik.
Masama ang tingin ko sa kanila habang pinagmamasdan lamang sila. May namuong inis sa aking dibdib habang tila ba pinagnanasaan na nila ang lalaking kagabi lamang ay nagdulot ng sama ng loob sa akin.
Nang magbalik ang tingin ko sa kanya ay nakatitig pala siya sa akin. Normal lamang ang tingin niya ay ang normal na iyon ay mukhang masungit ngunit may pagkamisteryoso.
Napalunok siya at biglang umiwas ng tingin nang kausapin siya ng isang trabahador at nahalata yata nito na nakatingin siya sa direksyon ko kaya naman napatingin din ito sa akin.
Bigla akong nagkubli sa gilid at hawak ko ang aking dibdib habang nadarama ang mabilis na pagtibok ng puso ko.
NAIS kong umiwas kay Simoun dahil sa palagay ko ay ito lamang ang paraan upang mas makalimutan ko siya.
Kaya naman itinuon ko kay Fabian ang lahat ng aking atensyon sa buong tatlong araw. Lumabas kami at kumain sa mga mamahaling kainan, namasyal sa mga pasyalan sa syudad at nagpunta sa mga kakilala naming personalidad sa aming bayan.
Sa buong tatlong araw na iyon ay masasabi kong sumaya ako. Hindi ko pala kailangang magmukmok sa aking kwarto dahil mas marami akong magagawang masasayang bagay kapag lalabas ako.
Matagal pa naman ako bago mag-aral muli ng abogasya kaya mas magandang ilaan ko ang oras sa mga bagay na makakapagpasaya sa akin. At ang bagay na ito ay ang pag-iwas sa tukso.
ARAW ng Sabado, inanyayahan ako ng aking papa na magpunta sa hacienda upang makita ang lahat ng aming mga pag-aari. Matagal na rin kasing hindi ko nalilibot ang kabuuan nito dahil bihira akong umuwi.
Ang aking mga kapatid naman ay maagang nagpunta sa kanilang mga trabaho kaya naman ako lamang ang kasama ni papa maliban sa aming mga tauhan.
Ginamit namin ang kalesa ng mansyon sa pagkukutsero ni Mang Bermigio.
"Papa, napansin ko pong napakaraming nagbago sa ating bayan," panimula ko habang patungo kami sa hacienda.
"Napakaraming ginawang pagbabago ng ama ni Fabian simula noong nagtungo ka sa Amerika. At malaking epekto iyon sa paglago ng hacienda," wika ni papa.
"Napansin ko nga po, papa,"
Napatingin ako sa dinaraanan namin. Patungo ito sa manggahan.
"Papa, bakit kaya hindi natin unahin ang ubasan? O kaya ang kapehan? Gusto ko sanang tingnan ang mga lugar na iyon," suhestiyon ko.
Ngunit sa totoo lang ay hindi ko sana gustong magpunta sa manggahan dahil ayaw kong makita si Simoun.
"Ang totoo ay sa manggahan tayo magtutungo sapagkat gusto kong samahan mo si Simoun, ang tagapangalaga nito, na magtungo sa bayan upang makipag-usap sa mga maaaring bumili ng ating mga mangga. Ako naman ay magtutungo sa ubasan. Maaari kang sumunod sa akin doon pagkatapos mong gawin ang inuutos ko sayo. Gamitin ninyo itong kalesa," aniya.
Kung minamalas ka nga naman talaga. Gusto kong tumanggi ngunit iba ang aking papa kapag tinatanggihan.
"Ano po ang maitutulong ko sa pagpunta ko sa bayan papa?"
"Kayo ang makipag-usap sa taong nais bumili ng ating produkto. Gusto kong maging gamay mo ang trabahong ito dahil alam kong isa ito sa mga maipamamana ko sayo. Kaya ngayon pa lamang ay kausapin mo na ang ating mga mamimili. Mas makabubuti kung mahihikayat mo pa silang bumili at mag-angkat ng regular sa atin hija," aniya.
Malaki ang tiwala sa akin ni papa kaya naman bakit hindi ko gagawin ang bagay na ito? Ngunit sa tingin ko ay mahihirapan ako lalo pa at kasama ko si Simoun, ang lalaking nais kong iwasan.
"Alam na po ba ng mga taong katatagpuin namin ang mga bagay na ito papa?"
"Ibinilin ko kay Simoun noong nakaraan na siya ang makipagsara ng araw ng inyong pagpunta kaya't kumpirmadong ngayon iyon. Ipakikilala ka na lamang niya, hija," ani papa.
Hindi na ako kumibo pa hanggang sa makarating kami sa tarangkahan ng manggahan kung saan nakita kong nakatayo si Simoun sa tabi ng isang kalesa sa bukirin.
"Magandang umaga po Don," bati nito sa aking ama.
"Magandang umaga naman Simoun. Si Celeste na lamang ang sasama sayo sa bayan sapagka't may mahalagang bagay akong dapat ayusin ngayon sa ubasan. Siya na ang makikipag-usap sa mga taong iyon," wika pa ni papa.
"Sige po. Ngunit nais ko pong malaman ninyo na hindi nakarating si Mang Gustin dahil may sakit ang kanyang anak. Kung nais niyo po ay ihahatid ko na lamang kayo sa ubasan at babalikan ko si Binibini dito," wika naman ni Simoun na seryoso lang ang tingin sa aking papa.
Pinagmamasdan ko ang tindig niyang sadya ngang mala Adonis ang dating. Nakasuot siya ng maong na itim, abuhing sando na pinatungan ng cut sleeve na checkered na kulay itim. Kaya naman kita ang matitigas at matipuno niyang braso.
Hindi rin siya nakasuot ng salakot ngayon kaya mas naaaninag ang kanyang perpektong mukha.
Teka, bakit parang pinupuri ko na naman siya? Napaiwas ako ng tingin nang matuon ang atensyon niya sa akin.
Tumalikod ako at tila ba pinagmasdan ang paligid.
"Hindi na, Simoun. Si Bermigio na lamang ang magkukutsero upang dalhin ako sa ubasan. Gamitin ninyo ang kalesa ng mansyon sa pagpunta sa bayan," ani papa.
Agad namang bumaba si Mang Bermigio sa kalesa at lumipat sa kabila.
"Kung gayon ay mauuna na po kami Don," paalam niya.
"Oh siya, ingatan mo ang aking unica hija. Kayo na ang bahala," sabi pa ni papa.
"Wala Pong magiging probelema Don," panigurado ni Simoun.
"Mabuti kung ganon. Sige na, at kami rin ay magtutungo na sa ubasan. Halika na Bermigio,"
Kumilos na ang lahat. Ako ay walang kibong bumalik sa aking kinauupuan kanina sa loob ng kalesa.
Si Simoun naman ay sumakay na rin at inihanda ang pag-alis.
Nilingon ko pa sila papa at paalis na rin sila at patungo sa ubasan.
"Heeyyy," hudyat ni Simoun sa kabayo upang tumakbo na ito.
Wala pa rin kaming kibo. Nabibingi ako sa katahimikan. Napakalapit niya ngunit tila magkalayo kami sa isa't isa.
Napapalingon siya sa akin habang palabas kami ng hacienda.
Ako naman ay nakatingin lamang sa labas ng kalesa dahil nakataas ang kurtina nito.
"Nais mo raw akong ipadakip noong gabing iyon?" Maya maya ay tanong niya.
Napatingin ako sa kanyang likuran. Napakalakad nito. Ngunit hindi oras para kilatisin ko siya. Dahil ngayon ay nagtatanong siya tungkol sa gabing iyon.
Hindi ko alam kung paano sasagutin ang kanyang katanungan.
"Hindi ko naman intensyon na saktan ka. Wala rin naman akong masamang balak sayo. Kung meron man ay sana noon pang nagpumilit kang sumama sa akin sa bukirin. Ngunit wala talaga," aniya.
Ewan ko ba kung tumatawa siya at pinagtatawanan niya ako.
Kung pinagtatawanan man niya ako ay naiinsulto ako sa ginagawa niya dahil nahihiya ako. Mukhang ako tuloy ang patay na patay sa kanya dahil sa bagay na ito.
"Tigilan mo na ang pag-ungkat sa bagay na iyan," pakiusap ko.
Tumigil naman siya.
Mga ilang minuto iyon na hindi siya kumibo samantalang ako ay pinipilit na magmukhang maayos lang na kasama ko siya.
Hanggang sa makarating kami sa bayan. Huminto kami sa tapat ng pamilihan at tabi ng parke na napakalinis at may damuhang berdeng berde na tila ba carpet na nakalatag sa kalupaan.
Itinali niya ang kalesa sa may tarangkahan sa tabi at saka nagtungo sa pintuan ng kalesa upang ako ay pagbuksan.
Hindi ko naman kasi alam na dito na pala kami bababa kaya hindi pa ako bumaba.
"Halika na," aniya.
Sumunod lamang ako sa kanya habang papalapit kami sa may parke.
"Teka, dito ba natin kakatagpuin ang mga bibili?" Tanong ko habang pinipilit habulin ang mga hakbang niya.
Tumigil naman siya at saka ako tiningnan.
"Sa totoo lang ay mamayang pananghalian pa nila tayo kakatagpuin. Labis lamang nag-apura ang iyong ama na magtungo tayo ngayon," aniya.
Mamayang makapananghalian? Ibig sabihin mas magtatagal pa ang pagsasama naming dalawa?
"Eh saan tayo pupunta?" Tanong ko.
"Naisip kong ipasyal ka na lang sa parke at kumain ng mais sa daan. Kung gusto mo lang naman," nagpamulsa siya ng mga kamay saka mas tinititigan ang aking mga mata.
Sa sinabi niyang iyon at sa kanyang pagtitig ay tila ba mas namula ang mga pisngi ko.
Heto na naman ako. Naapektuhan sa mga ginagawa niya.
Simoun, ano ba?
Pagtatapos ng Ika-pitong Kabanata.