Kabanata III

2641 Words
Kabanata III CELESETE NAKAHAWAK pa rin ako sa aking dibdib habang ikinakalma ang aking sarili. Hindi ko alam ang tama kong iisipin dahil sa mga nangyari kani-kanina lamang nang tawagin ako ni Inicia upang tingnan ang lalaking kanilang pinaguusapan. Bakit ba ako nagkakaganito? Hindi ko maaaring maisip o maramdaman man lang ang ganito dahil pakiramdam ko at nagtataksil na ako sa aking kasintahan. Tinapik tapik ko ang aking mga pisngi sa mga kaisipang iyon bago pumasok si Inicia na dala dala ang baso ng tubig na iniutos ko sa kanya kanina. "Binibini, narito na po ang tubig ninyo," pagkaabot niya sa akin nito ay saka naman siya naupo sa gilid ng kama halos isang metro ang layo mula sa aking kinauupuan. "Maraming salamat," saka ko ininom ang inabot niyang baso ng tubig. "Binibini, maayos lang ba ang pakiramdam ninyo? Tila ba may malalim kayong iniisip," may halong pag-aalala ang tono ng boses ni Inicia na akma naman sa ekspresyon ng kanyang mukha. Inilapag ko ang baso ng tubig sa katabing mesa at saka ako tumingin sa kanya. "Inicia, mayroon akong ipagtatapat sayo," sinigurado kong mahina lamang ang boses ko dahil baka may makarinig sa akin sa pasilyo sa pagitan ng mga kwarto. Bahagya siyang lumapit sa akin at tila ba handang makinig ang kanyang hitsura. "Ano po iyon binibini?" tanong niya. "Matagal na kitang kasama at matagal ka na ring nagsisilbi sa akin hindi ba?" "Opo binibini. Bakit niyo po nasabi?" "Sinisiguro ko lang na nasa iyo pa rin ang tiwala ko at nasa akin lang ang katapatan mo," hinawakan ko siya sa pareho niyang mga kamay. "Oo naman po binibini. Lahat ng sikreto mo ay nasa akin pa rin hanggang ngayon at hinding hindi ko iyon ipagsasabi sa kahit kanino man katulad ng ipinangako ko sayo," Makikita ko naman sa kanyang mga mata ang sinseridad sa kanyang mga sinasabi. "Mabuti naman Inicia. Ang bagay na ipagtatapat ko sayo ay hindi dapat malaman ni Fabian o ng kahit sino man lalung lalo na sa lahat ng mga taga mansion at mga kasambahay," panimula ko. "Naiintindihan ko po binibini," "Ang lalaking tinutukoy ninyong Simoun ay nakita ko na kaninang umaga at siya ang nagmamay-ari ng asong naging dahilan para mailagay ako sa bingit ng kapahamakan kanina," "Naku binibini, hindi ko po alam ang bagay ka iyan. Bakit hindi niyo po sinabi kaagad sa akin kanina?" "Hindi na iyon mahalaga pa Inicia dahil ligtas naman ako. Ang gusto ko lang malaman mo ay nagka-engkwentro na kami ng lalaking iyon at hindi ko man maamin amin sa sarili ko ay siya rin ang dahilan kung kaya't nailigtas ako sa muntikang pagkagat ng kanyang aso," bahagya akong napangiti at napatingin sa kawalan. "Binibini, bakit tila may ngiti sa iyong mga mata? Ano ang ibig sabihin nito?" Napapangiti rin siya habang pinipilit akong tumingin sa kanya. "Inicia, gusto ko lang sanang sabihin sa iyo na sobra akong sumasang-ayon sa inyong mga paglalarawan sa binatang iyon," "Ibig sabihin ba nito binibini ay humahanga ka rin sa kanyang kakisigan?" Tumango na lamang ako sa aking pagsang-ayon bilang kasagutan sa kanyang katanungan. Nagdikit ang kanyang parehong palad at napangiti nang magtagpo ang aming mga mata. "Binibini, ngayon ko lamang nakita sa iyong mga mata ang kakaibang ngiti na iyan," manghang mangha siya sa kanyang nakikita. "Ngunit Inicia, hindi ibig sabihin na humahanga ako sa kanya ay nangangahulugang gusto ko na siya. May pagkakaiba iyon," umiwas pa ako sa kanya ng tingin. "Maaari rin namang magustuhan mo siya," mahina niyang wika sabay napangiti at huling huli ko iyon. "Ano kamo?" Tumakbo siya sa kabilang bahagi ng kama dahil hinabol ko siya dahil sa kanyang mga sinabi. Sa puntong ito ay para lang kaming magkapatid na naghahabulan sa aming kwarto. Napakalakas ng tawa niya nang kilitiin ko siya sa tagiliran. "Binibini tama na po, hindi ko na po uulitin," malakas pa rin ang tawa niya dahil hindi ko siya tinitigilan. Hanggang sa mapahiga na rin ako sa tabi niya. "Pero alam mo Inicia, makisig nga talaga siya ano. Lalaking lalaki ng dating niya," nakatitig lamang ako sa aking kisame habang nakikipagkwentuhan sa kanya. "Binibini, maging kami ni Lupe ay hangang hanga sa taglay niyang kakisigan nang kami ay magtungo sa manggahan kanina. Hindi ko maikakaila na napakaswerte ni Felissa dahil magkaibigan sila ng lalaking iyon," wika niya. "Ngunit hindi naman masama kung magkagusto ako sa kanya hindi ba?" Tumagilid ako sa aking kama upang harapin siya. "Hindi naman po binibini. Ngunit hanggang kailan ka magkakagusto? Anong susunod sa pagkagusto?" Magkasunod niyang tanong. Sa puntong ito ay tila ba mas matanda pa siya sa akin dahil sa kanyang mga tanong. "Hindi ko alam ang isasagot ko sa iyong katanungan Inicia," "Ang susunod po doon binibini ay ang pagmamahal," Nilingon ko siya sa kanyang mga tinuran. Hindi ako makapaniwala na maririnig ko ang mga salitang iyon sa kanya. "Hindi iyon maaari Inicia. Hindi ako iibig sa lalaking iyon dahil bawal at hindi papayagan ng aking ama. Lalo pa at nakatakda na akong ikasal sa aking kasintahan," hindi ko alam ngunit parang may pinipigilan ako sa aking sarili. "Ngunit binibini, kung darating sa punto na mamahalin mo siya ay narito lamang ako na susuporta sayo," "Hindi ba't masama ang umibig sa kanya Inicia, lalo pa at nakatakda na akong ikasal at may kasunduan na kami," "Kung sakali lang naman binibini. Sa ngayon ay wala pa naman kaya bakit ka mangangamba hindi ba?" "Naniniguro lamang ako Inicia," Pareho kaming nakahiga nang may kumatok sa aking silid. "Binibini," "Tingnan mo nga kung sino iyon Inicia," utos ko sa kanya. Agad naman siyang tumayo at tinungo ang kinaroroonan ng pintuan. "Oh Lupe. Bakit ka kumakatok?" "Nandito ba si Binibining Celeste? May naghahanap kasi sa kanya sa baba. "Sino raw ang naghahanap sa akin?" Agad kong tinungo ang kinaroroonan ni Inicia. "Binibini, nariyan ka po pala. May naghahanap po sa inyo sa baba," halos nahihiyang wika ni Lupe. "Sino ang naghahanap sa akin?" "S-si ano po," tumingin siya kay Inicia na tumingin din sa akin. "Si Simoun po," saka siya yumuko. Napapitlag ako sa aking narinig. Hindi ko maunawaan ang dahilan kung bakit tila ba tinatambol ang aking dibdib. Dumadagundong. "A-ano raw ang kailangan niya sa akin at hinahanap niya ako?" "Hindi ko po alam binibini. Basta't ang nasabi niya lamang po ay nais niya kayong makausap," sagot ni Lupe. "Oh siya sige, susunod na lamang ako sa ibaba. Inicia, maiwan ka muna dito at May pag-uusapan tayo," sagot ko. "Bababa na po ako binibini," paalam ni Lupe. Pagkasara ng pintuan ay saka ako nagmadaling nagtungo sa may salamin sa tapat ng mesang nasa tabi ng aking kama. Kinuha ko ang suklay at saka ko ito ipinang-ayos sa aking kulot kulot na buhok. "Binibini, tila ba nasasabik kang makausap si Simoun. Napapansin ko sa iyong galaw ang iyong pagkasabik," natutuwang wika ni Inicia na ngayon ay nakatayo sa aking likuran. "Ano ang sinasabi mo Inicia?" Agad kong binitawan ang hawak kong suklay at saka ako lumingon sa kanya. "Wala po binibini. Paumanhin po," yumuko siya. Tiningnan ko ang aking hitsura sa salamin. Napangiti pa ako sa kaisipang nais niya akong makausap. "Bakit po kayo nakangiti binibini?" Muli ay tanong ni Inicia kaya naman binawi ko ang tingin ko ang ngiti ko. "Inicia," saway ko sa kanyang panunudyo sa akin. "Paumanhin po binibini," "Halika na at samahan mo ako sa ibaba," hinawakan ko siya sa kanang kamay at sabay kaming bumaba. Tama si Inicia. Tama ang nasa isipan niyang hindi ko lamang hinahangaan ang binatang si Simoun, nagugustuhan ko na rin siya. Hindi ko maintindihan kung bakit napakabilis. Ang masasabi ko lang ay ngayon ko lamang naramdaman ang masabik. Maaaring hindi maganda ang aming unang pagtatagpo ngunit hindi ibig sabihin na huhusgahan ko na siya kaagad. Maaaring ako ang naging palalo ng oras na iyon kaya naman hindi ko siya napasalamatan man lang sa kanyang ginawa. Dahil siguro sa aking pagmamataas kaya naging matigas ako kanina. Oras na siguro para humingi ng tawad at magbigay pasasalamat sa ginawa niyang iyon kanina. Pumanaog na kami ni Inicia mula sa aking silid pababa sa sala kung saan siya naghihintay. Nakatalikod siya sa amin habang tinitingnan ang litrato naming pamilya na nakasabit sa sulok. "Simoun, narito na si Binibining Celeste," ani Inicia. Halata namang nagulat siya sabay lingon sa aking direksyon. "Iwan mo muna kami Inicia," bilin ko kaya naman naglakad siya palabas ng bahay. May kung anong kuryenteng dumaloy mula sa kanyang makislap na mga mata patungo sa akin ang nakapagpadagdag ng kaba sa aking dibdib. Sinabayan pa iyon ng bahagya niyang pagngiti na dahilan upang masilayan ko ang mapuputi at pantay pantay niyang ngipin. Bakit mas lalo siyang gumagwapo sa ganitong pagkakataon? Mas malapit na siya sa akin at ramdam ko ang aking panliliit dahil sa kanyang katangkaran. Sa palagay ko ay nasa higit sa limang talampakan siya at sumobra ng sampung pulgada. Nalula ako dahil tila ba ako ay hanggang dibdib niya lamang. Totoo nga ang tinuran nina Inicia, Lupe at Felissa. Tindig pa lang niya ay mala-Adonis na. Napalunok siya at gumalaw muli ang kanyang lalagukan na tila ba nakakadagdag pa sa kanyang kakisigan. Napagtanto ko namang kanina pa ako nakatitig sa kanya dahil napakamot siya sa kanyang noo at napatingin sa ibang direksyon ng sala. "A-ano ang kailangan mo sa akin at bakit mo ako hinahanap?" Napukaw ako sa sarili kong realisasyon dahil tila ba napansin niya ang pagkatulala ko. "M-magandang hapon sayo binibini," bati niya sa akin at saka niya muling ipinasilay sa akin ang matatamis niyang ngiti na tila ba bihira niya lang ipakita. Hindi na ako sumagot pa at hinintay na lamang ang kanyang sasabihin. "Nais ko sanang humingi ng paumanhin sa ginawa ng aking asong si Tiago dahil…," Nahinto siya sa kanyang sasabihin dahil pinutol ko iyon sa aking pagsabat. "Nararapat lamang na humingi ka ng tawad dahil muntikan na akong lapain ng lapastangan mong alagang aso," sinadya kong mamewang at tumingin sa kung saan upang makaiwas sa seryoso niyang tingin. Pakiramdam ko ay natutunaw ako sa mga titig niyang iyon. Mahaba at makapal pala ang mga pilik mata niya. Tila ba bagong ahit lang din siya dahil mababakas iyon sa kanyang mukha. Bumaba pa ang aking paningin at nakita kong pinagpapawisan siya. Tumutulo ang mga butil ng pawis mula sa kanyang lalagukan pababa sa kanyang dibdib na ngayon ay medyo lantad dahil bukas ang unang tatlong butones ng kanyang kasuotan. Agad naman akong nanumbalik sa aking huwisyo nang magsalita siya. "K-kaya ako narito upang humingi ng…," Hindi na naman siya natapos dahil sumingit ako. "Huwag mo nang isipin iyon. Sa susunod ay maging maingat ka na lang. Maaari mo namang itali ang alaga mong aso," suhestiyon ko. "Iyon po ang gagawin ko," napayuko siya. "Mayroon ka pa bang sasabihin?" Nasa normal na pagsusungit pa rin ang tono ng aking boses kaya naman masasabi kong epektibo ang aking pagpapanggap na hindi kinakabahan sa kanyang presensya. "Nais ko sanang isauli ang bagay na ito na naiwan mo kanina sa manggahan," mula sa kanyang bulsa ay iniabot niya sa akin ang gintong purselas na regalo ni Fabian. Agad ko naman iyong inabot ngunit hindi sinasadyang madikit ang balat ko sa magaspang niyang kamay na nakalikha ng mumunting kuryente na tila ba pareho naming nadama kaya naman sabay pa kaming napatingin sa isa't isa. Saglit na tumigil ang mundo ko na tila sinabayan ng paghinto ng t***k ng aking puso dahil sa tagpong iyon. Agad kong binawi ang aking kamay nang magsalita si Inicia. "Binibini," Napalingon ako sa kanya na ngayon ay patakbong lumapit sa akin. "B-bakit Inicia?" Bumulong siya sa akin. "Nariyan na po si Ginoong Fabian," Nabigla naman ako kaya naman gusto ko nang tapusin ang pag-uusap naming ito ni Simoun dahil baka maabutan pa siya ni Fabian at magtanong pa kung ano ang meron. "May sasabihin ka pa ba?" Tanong ko kay Simoun na ngayon ay nakatitig lamang sa akin. "Nais sana kitang ilibot sa hacienda bilang ganti sa inyong pag-unawa at pagtanggap sa aking dispensa," Seryoso ba siya sa kanyang sinasabi? Maging si Inicia ay halatang nagulat din sa kanyang narinig. Hindi ko alam ang isasagot ko ngunit naghuhumiyaw ang damdamin ko sa kagustuhan kong umoo sa kanyang alok. "Siguro ay sa susunod na lamang dahil nariyan na ang aking nobyo," pagkasabi ko pa lamang nito ay nakapasok na si Fabian sa loob ng bahay. "Kumusta na ang aking sinta?" Lumapit siya sa aming direksyon. "Tila ba may pinag-uusapan kayong dalawa, gaano ba kaseryoso iyan? Maaari bang malaman?" Tanong ni Fabian habang bumebeso sa akin. Hindi ko na hinayaan pang makapagsalita si Simoun. "Humihingi lamang ako ng pabor sa kanya upang dagdagan pa ang mga napitas na mangga para bukas," ngumiti pa ako kay Fabian saka bumaling kay Simoun na wala pa ring kibo. Napapalunok lamang siya at hindi natitinag ang tingin sa akin na sanhi ng aking pagkailang dahil nasa tabi ko si Fabian. "Iyon lamang ang bilin ko. Maaari kang bumalik mamaya bago magtakip silim para sa mga iyon," wika ko pa upang makaalis na siya. Hindi ko na kasi makaya ang tensyon na nadarama ko sa aking dibdib habang patuloy siya sa pagtitig sa akin. Hindi ko rin mawari kung ano ang intensyon ng mga titig na iyon kaya hindi ako sigurado sa takbo ng kanyang isip. Dinampot niya ang kanyang salakot mula sa mahabang upuan at saka iyon isinuot. "Muli ay maraming salamat binibini at paumanhin," diretso lamang ang kanyang tingin bago siya tumalikod at saka umalis. Tila nagtataka naman si Fabian sa paghingi niya ng paumanhin dahil sa pagkunot ng kanyang noo. "Humihingi siya ng paumanhin sapagkat kulang ang kanyang dinalang manga," Ngayon lamang ako nagsinungaling kay Fabian at hindi ko mawari kung bakit pakiramdam ko ay nagtataksil ako sa kanya. "Ganon ba. Bueno, hindi rin lang ako magtatagal. Dinala ko lamang ang mga bilin ni Don Fernando para sa salu salo bukas. May tatapusin pa akong trabaho kaya naman aalis na rin ako. Nais lamang kitang masilayan ngayong araw aking sinta," inipit niya pa ang buhok ko sa aking tenga. Bago siya umalis ay humalik siya sa aking pisngi at saka ko naman siya ihinatid sa labas. Pagkaalis niya ay naiwan akong nakatayo sa may pintuan ng mansion habang kagat kagat ang aking kanang hintuturo. Hindi ko hinahatid ng tanaw si Fabian. Malalim ang iniisip ko. Si Simoun. Bakit ganito? Pakiramdam ko ay nais ko siyang makausap muli. Pakiramdam ko ay kulang pa ang sandaling iyon upang lubusan kong mapagsawa ang aking mga mata sa kanyang imahe. Hindi ko kayang magpigil. Sa tingin ko ay hindi ko na talaga alam ang tama sa mali. Kaya't sa isang kisap mata ay nagdesisyon akong lumiko ng daan. "Inicia," tawag ko. "Inicia," inulit ko pa ang pagtawag dahil tila hindi niya ako naririnig. "Bakit po binibini?" Patakbo siyang lumapit sa akin. "Ipahanda mo ang kalesa ng hacienda, kailangan kong pumunta sa manggahan," utos ko. "Ngunit magdadapit hapon na po binibini," "Kailangan pa natin ng mangga para sa salu salo bukas hindi ba?" Hindi muna siya kumibo. "Ngunit binibini, sobra sobra na po ang ihinatid ni Simoun kanina," halos hindi niya masambit ang mga sasabihin niya habang nakatingin lamang sa akin. Hindi mapakali ang aking mga daliri na ngayon ay kinukutkot ang mga kuko dahil sa mga naiisip kong gawin sa ganitong oras. "Mabuti na ang sigurado para hindi magkulang," "Ngunit binibini," "Sige na Inicia, ipahanda mo ang kalesa at pupunta tayong dalawa sa Manggahan, ngayon na," utos ko. Agad naman niya itong sinunod at patakbong lumabas ng bahay. Alam kong mali. Alam ko na ring nagtataksil ako. Napagtanto ko na ito kani kanina lamang bago ko tawagin si Inicia. Pero ngayon ko lang ito nadama. Bakit hindi ko subukang sumugal para sa bagay na ito? Walang mawawala. Pagtatapos ng Ikatlong Kabanata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD