Kabanata I
CELESTE
SINUNDO ako ni Fabian, ang aking nobyo gamit ang kanyang itim na Volkswagen. Siya ang nagpresentang sumundo sa akin sa airport.
“Maligayang pagbabalik aking sinta,” matamis ang kanyang mga ngiti at saka niya ibinuka ang kanyang mga kamay nang makita akong palabas na ng airport.
Nakasuot siya ng bulaklaking polo na bukas pa ang tatlong butones mula kwelyo at lantad ang kanyang matipunong dibdib. Tinernuhan niya iyon ng abuhing pantalon at saka siya nagsuot ng salamin habang siya ay nakasandal sa kanyang sasakyang gagamiting pangsundo sa akin.
Yumakap ako sa kanya sapagkat apat na buwan ding hindi kami nagkasama. Pumupunta siya sa Estados Unidos upang bisitahin ako at uuwi rin lang pagkatapos.
Apat na taong ganito kaming dalawa hanggang sa nagpasya akong sumang-ayon sa aking mga magulang na umuwi na sa Pinas.
“Nasasabik ka na sa akin kaya naman ako na mismo ang nagpaalam sa iyong mama at papa para sunduin ka dito,” yumuko siya upang tingnan ako sa aking mga mata habang nakayakap ako sa kanyang matipunong katawan.
“Labis kong ikinalungkot ang huli nating pagkikita mahal. Ngunit ngayon at sa wakas ay parati na tayong magkikita,” yumakap pa ako sa kanya ng mahigpit bago niya ako halikan sa aking noo at himasin sa aking buhok.
“Ano pa nga ba ang dahilan kung bakit ka umuwi? Hindi ba’t dahil nasasabik ka nang makasama ng matagal ang makisig mong kasintahan?” natitiyak kong nakangiti siya sa akin ngayon.
“Pinahihiya mo naman ako sa katotohanan eh,” kinurot ko pa siya sa tagiliran.
“Aray,” natatawa niyang daing.
“Halika na at baka gabihin pa tayo sa daan pauwi,” yaya niya sa akin.
“Hanggang ngayon ba ay wala pa ring mga ilaw o poste sa mga daanan pauwi sa Villa Laida? Mukhang nais akong magalit ni Gobernador ngayon ah,” seryoso kong wika.
“Mukha ngang nais ka niyang makausap kaya’t halika na,naghihintay na sila sa’yo sa mansyon,” umakbay siya sa akin at kumapit naman ako sa balikat niya habang nakasunod sa amin ang aking tagasilbing si Inicia.
KATULAD ng dati ay presko pa rin ang simoy ng hangin sa Siyudad Nueva Zegovia. Bukas ang bintana ng kotse ni Fabian kaya naman lasap na lasap ko ang hangin mula sa aking kinauupuan.
“Na-miss mo ang Siyudad ano? Bakit hindi mo gawin ang bagay na ginagawa mo dati sa tuwing nakasakay ka sa kotse ko?” palingon lingon si Fabian sa akin habang nakangiting nakikipag-usap.
Kaya naman inilabas ko ang kanang kong kamay at dinama ang hangin mula doon. Gumagaan kasi ang pakiramdam ko sa tuwing ganito ang gagawin ko. Labin-limang kilometro ang layo ng kabayanan ng Siyudad sa aming lugar, ang Villa Laida. Kaya naman mahaba pa rin ang byahe kahit papaano.
“Kailan lang nasemento ang mga kalsada dito?” tanong ko sa kanya.
“Noong taong nagtungo ka sa Amerika ay sinimulan ng ayusin ang mga daanan dito. Idinagdag na rin ang mga patubig sa mga irigasyon para sa mga nagtatanim,”
“Laking pasasalamat na naman ng papa at nadamay siya sa proyekto ng ama mo,” natatawa kong turan.
“Alam mo namang matalik silang magkaibigan kaya hindi nab ago sayo iyan,”
“Kumusta na nga pala ang sinasabi mong kaso sa akin sa iyong mga telegrama?”
“Naipanalo ko ang huling kasong hinawakan ko dahil malaki ang ebidensyang hawak namin laban sa pamilyang iyon,”
“Pero kung tutuusin ay nakakaawa sila dahil wala na rin silang matitirhan pagkatapos ng kaso,”
“Hindi sa lahat ng pagkakataon ay dapat panigan ng batas ang mga mahihirap. Residente pa rin silang dapat sumunod sa dito,”
“Sabagay, abogado ka nga pala,” nakatingin lamang ako sa kanyang perpektong mukha.
“Maging ikaw rin naman ay mag-aabogada kaya malalaman mo rin ang prinsipyong ipaglalaban ko,”
“Pero matanong ko lang, nagbigay ban g tulong ang lokal na pamahalaan sa mga nawalan ng lupa at tirahan?”
“Ayon kay papa ay hinihimay na nila ang bagay na ito kaya hindi imposibleng mabigyan din sila kahit kaunting tulong,” sagot niya naman.
Napalingon ako sa daanan at nakita ko ang lugar kung saan kami nasiraan ng sasakyan ni Fabian dati.
“Mahal, naaalala mo ba ang lugar na ito?” natatawa kong tanong.
“Sino ba ang makalilimot sa lugar na ito kung saan tayo nagtulak ng nagtulak hanggang sa makahingi tayo ng tulong?”
“Mga bata pa tayo noon,” pilit kong inaalala ang bagay na iyon habang natutuwa.
“Oh Inicia, maayos ka lang ba diyan? Mukhang inaantok ka, matulog ka na muna. Akin na muna si Choco at kakalungin ko siya,” baling ko sa aking taga-silbi na walang kibo sa likurang bahagi ng sasakyan.
Si Choco ay ang cute kong aso na kahit maselan sa pagkain ay hinding hindi ko ipagpapalit kahit kanino. Maliban na lang kung si Fabian ang usapan.
“Maayos lang po ang lagay ko. Ako na lang po ang bahala kay Choco,” sagot niya.
“Ikaw ang bahala. Basta’t kung nararamdaman mong inaantok ka ay matulog ka lamang. Medyo malayu-layo pa ang ating byahe,”
“Opo,”
May mga daang hindi pa nasesemento kaya lumilikha ito ng bagal ng pagtakbo ng sinasakyan naming Volkswagen. Kaya naman halos isang oras din naming binaybay ang daan pauwi ng Villa Laida.
Makalipas ang ilang minuto ay nakarating na rin kami sa Hacienda Guerrero, ang 653 hectares na pagmamay-ari ng aking ama na minana niya pa sa aking Lolo Sebastian.
Sa gitna nito ay nakatayo ang aming mansion at natitiyak kong abala ang lahat dahil sa aking pagdating.
Pagbaba ko ng sasakyan ay ibinaba na rin ni Inicia ang ilan sa aking mga gamit at ang ilan ay si Fabian na ang nagbuhat. Sinalubong naman ako ng ilan sa aming mga tagasilbi at kinuha sa akin si Choco.
Pagpasok ko sa loob ng mansion ay napakaraming tao.
“Maligayang pagbabalik Celeste,” halos sabay sabay silang nagsigawan nang makita ko.
Agad lumapit ang aking pamilya sa pangunguna ng aking papa na si Don Fernando at ang aking mama na si Donya Helena.
“Labis naming ikinagagalak ang pagbabalik mo hija,” niyakap ako ng mahigpit ng aking mama at saka ako ibinigay sa aking papa.
“Maligayang pagbabalik aking bunso,” niyakap niya rin ako ng mahigpit.
Mula sa kanilang likuran ay ang aking mga kuya na isa isa ring lumapit sa akin para ako ay batiin sa muli kong pagbabalik.
Katulad ng inaasahan ay nandito rin ang mga magulang ni Fabian at ang ilan sa kanyang mga kapatid.
“Maligayang pagbabalik senyorita,” bati sa akin ni Don Ignacio Santiago, ang gobernador ng Siyudad Nueva Zegovia at ang ama ng aking kasintahan.
“Maraming salamat po Don Ignacio. Ikinagagalak ko pong makita kayo sa aking pagbabalik,” buong ngiti kong bati sa kanya.
“Hija, tila ba mas lalo ka pang gumaganda,” bumeso naman sa akin si Donya Fe, ang ina ni Fabian.
“Salamat po,” ang tangi ko na lamang nasabi.
“Bueno, ituloy na natin ang kasiyahan,” sigaw ni papa.
NANG gabing iyon ay sabay-sabay kaming kumain sa hapag kainan. Nagtatawanan ang lahat at tila ba isa kaming kumpletong pamilya dahil punung puno ang silid kung saan kami naghahapunan.
Panay ang kumustahan ng lahat at panay din ang pagbati sa akin at pagtukso kung kailan nga ba naming balaka magpakasal ni Fabian.
Matagal na anming napag-usapan ang bagay na ito kaya naman napagpasyahan na naming pagpaplanuhan ito pagkatapos kong mag-aral ng abogasya.
MAG-AALAS otso na ng gabi nang magpaalam ang pamilya Santiago. Maging si Fabian ay kinakailangan ding umuwi dahil may maaga siyang aasikasuhin bukas sa Siyudad.
Nagkapaalaman na rin kami at nangako siyang dadalaw ng madalas sa akin sa mansion habang hindi pa nagsisimula ang aking pag-aaral.
IGINIYA ako ng aking mama sa aking silid. Pansin kong hindi ito nabago at hindi rin ito pinabayaan. Naabutan naming naghahanda ng aking mahihigaan si Inicia nang pumasok kami sa aking silid.
“Hija, mukhang hindi lamang kami ang nasasabik sa iyong pagbabalik. Ang iyong silid ay sinadya naming huwag baguhin at huwag pabayaan dahil natitiyak naming hinahanap hanap mo rin ito habang ikaw ay nasa malayo,” naupo kami ng aking ina sa gilid ng kama.
“Labis ko nga pong ikinasasabik na magigang muli sa higaang ito mama,”
“Halika at susuklayin kita na kagayan ng dati,” pinatalikod niya ako sa kanya at saka niya kinuha ang suklay na nakapatong sa lamesa sa tapat ng aking salamin at saka naupo sa king likuran.
“Naaalala ko noong bata ka pa lamang ay labis mong inaalagaan ang iyong buhok sapagkat nais mong magkaraoon ng mahaba at unat, hindi ba?” sa palagay ko ay natutuwa ang aking mama habang ipinaaalala sa akin ang aking pagkabata.
“Ma, naalala mo pa pala angpanahong iyon?”
“Syempre naman hija. Ngunit dahil nagmana ka sa iyong papa, ay ipinanganak kang kulot at may kakapalan ng kaunti ang iyong buhok,” aniya.
“Ma, aminin mo, bagay ko naman po hindi ba?”
“Bagay na bagay mo anak. Ikaw ang pinakamagandang anak ko,”
“Si mama naman. Ibinabalik yung biro niya dati. Syempre, ako lamang po ang babae sa pamilya,”
Tumawa ang aking mama ng bahagya.
“Oh bueno, alam kong pagod ka, kaya't iiwan na kita para ikaw ay makapagpahinga na,” tumayo siya at bago siya makaalis ay niyakap ko siya.
“Labis po akong nasasabik sa inyo mama,”
Yumakap din siya sa akin.
“Marami pa tayong araw na pagsasaluhan sa mansion hija. Sige na, matulog ka na,” aniya.
Pagkalabas niya ay agad na rin akong nahiga sa aking kama.
Kinukuha ko pa lamang ang aking tulog nang marinig ko ang pagdating ng isang sasakyang humihila ng palay sa aming bakuran. Tapat kasi ng aking silid ang harapang bahagi ng mansion kaya naririnig ko ang mga sasakyang dumarating.
Dahil sa pagkairita ay tumayo ako at binuksan ang aking bintana at tanaw ko sa ibaba ang tatlong kalalakihan. Ang mga trabahador ni papa.
Dahil maliwanag ang ilawan ay nakikita ko ang mga mukha nila mula sa ikatlong palapag ng aming mansion.
“Siguraduhin ninyong patayin kaagad ang sindi ng makina pagdating ninyo dahil may nabubulyasaw kayong tulog,” hindi ko mapigilan ang pagtataray sa kanila dahil na rin sa aking kapaguran.
“Paumanhin po, ngunit hindi po namin sinasadya ang bagay na ito,” sabad ng isang lalaking siyang pinakamatangkad sa kanila.
Natatakpan man ng anino ng suot niyang salakot ang kalahating bahagi ng kanyang mukha ay natitiyak kong makikilala ko siya bukas na bukas.
Nagawa niya pang sumagot sa akin.
Tiningnan ko siya ng masama at dahil mukhang nakahalata siya ay yumuko na lamang siya at tila ba humingi ng paumanhin sa pagsagot sa akin.
Isinara ko na ang aking bintana at ako ay nagpatuloy na sa pagtulog.
KINAUMAGAHAN ay nagpasya akong libutin ang hacienda kasama si Inicia. Nag-utos si mama na isakay ako sa isang kalesa para naman hindi ako mapagod sa paglalakad. Suot suot ang aking malaking sombrero na galing pa ng Amerika ay nilibot namin ang hacienda.
Kalong kalong ko si Choco habang ginagawa namin iyon. Inuna naming puntahan ang mga taniman ng palay, ang rancho ng mga kabayo, ang bakahan at ang gulayan.
May mga iilang trabahador na nakakilala sa akin kaya naman kinausap ko rin sila habang naglilibot ako. Maayos naman ang kanilang trabaho.
Hanggang sa magpasya akong maglakad lakad sa parteng manggahan dahil malilim sa lugar na ito at napakaraming magagandang tanawin na makikita dito. Ipinaiwan ko na lang si Inicia sa labasan at ako na lang mag-isa ang naglakad papasok kasama si Choco.
Pinasok ko ang tarangkahan at tila ba mas lalong naging payapa ang lugar na ito kung saan kami madalas maglaro ng habulan at taguan ng aking mga kapatid at pinsan.
Hanggang sa mabitawan ko si Choco at tumakbo siya ng mabilis.
“Choco, saan ka pupunta?” hinabol ko siya ngunit sadyang mabilis lang ang kanyang takbo.
Sa aking pagtakbo ay nawala siya sa aking paningin.
“Choco, tsu tsu, nasaan ka na?” naglalakad na lamang ako sa gitna ng manggahan nang may marinig akong kahol ng malaking aso.
“Naku po. Mamaaa,” tumingin ako sa aking paligid at mukhang papalapit na ang aso sa akin.
Tumakbo ako pabalik at nang sandaling iyon ay hinihingal na ako at hindi ko na talaga kayang tumakbo pa. Ngunit sadyang apapalapit na ang kahol ng aso at pakiramdam ko ay napakalaki nito.
Hanggang sa madapa ako at hindi na makatayo dahil nagkanda sugat na yata ako sa tuhod.
“Juskoooo,” nakita ko ang galit na galit na aso na patakbong lumalapit sa akin at kitang kita ko ang kanyang malalaking pangil gustong lumapa sa akin.
“Tulllooonnnggg,” sigaw ko at tila ba walang nakaririnig sa akin.
Hanggang sa huminto ang aso sa aking tabi at tila ba nagagalit na nakatingin sabay tatahol sa akin.
“Huwag mo akong sasaktan. Huwag kang kakagat,” pinulot ko ang isang sanga ng kahoy at itinapat ito sa malaking aso na kulay itim.
Tahol pa rin ito ng tahol.
At dahil mas nagalit yata ang aso sa ginawa ko ay akam na itong lalapit kaya naman tinakpan ko na ang aking mukha ng aking mga palad.
“Mamaaaaa!” sigaw ko pa.
“Tiago!” sigaw ng isang baritonong boses at bigla namang parang umiyak ang aso.
Dahan dahan kong tinanggal ang aking mga kamay sa aking mukha at nakita ko ang isang lalaking papalapit sa akin.
Nakasuot siya ng maliit na salakot, itim na kamisa de tsino at maong na kulay asul na puni punit na sa tuhod, naka botas ito at tila ba galing sa trabaho dahil kahit itim ang kasuotan nito ay tila namamasa siya sa pawis.
Namumula ang kanyang mukha dahil siguro sa init at pansin ko ang itim ng kanyang mga mata na tinernuhan ng makakapal na kilay at pilik-mata. Nag tangos ng kanyang ilong at maninipis ang kanyang mga labi. Kayumanggi siya at matipuno ang pangangatawan na bumagay sa kanyang katangkaran.
“Masama ang ginawa mo,” itinuro niya ang aso na parang pinagagalitan.
Wait, siya ba yung kagabi? At bakit hawak niya si Choco na ngayon ay dumidila na sa kanyang leeg.
“Aaarrrwwww,” tila nagseselos naman ang itim na aso habang nakatitig lang sa karga nitong si Choco.
“Bakit hawak mo ang aso ko?” sambit ko at saka ako tumayo.
Lumapit ako sa kanya at kinuha ang aso kong hawak niya.
“May balak ka pang nakawin ang aso ko. Hindi mo ba alam kung gaano kamahal ito?” pagtataray ko ngunit hindi pa rin siya kumibo.
“Aso mo ba ito? Hindi ka responsableng tagapangalaga dahil nakakawala iyan,” namewang pa ako sa harapan niya ngunit hindi pa rin siya kumibo.
“Pasensya na po, hindi na mauulit,” saka niya kinarga ng buong lakas ang malaking aso at saka naman iyon dumila ng dumila sa kanya.
“Hoy! May kabastusan ka rin ano? Kinakausap pa kita,” sigaw ko.
Napahinto siya at lumingon sa akin. Kinabahan ako nang mapalunok siya dahil sa paggalaw at pagtaas baba ng kanyang napakatulis na lalagukan (adam’s apple).
Bumalik siya sa kinaroroonan ko at saka niya ibinaba ang aso niya at deretsong tumingin sa akin.
“Mawalang galang na ha, binibini,” panimula niya saka niya tinanggal ang kanyang suot na salakot.
Nakita ko ang medyo maikli niyang buhok at ang namamawis niyang noo dahil na rin sa kanyang sombrero. Mas nasilayan ko rin ang kanyang kakisigan nang tanggalin niya iyon.
“Ngunit para sabihin ko po sa inyo, mukhang kayo rin po ang hindi naging responsible sa inyong pagpasok dito,” ma-autoridad ang kanyang boses.
“At bakit?”
“Malinaw po na nakasulat sa labas ng tarangkahan ng manggahan na walang basta bastang papasok dito na walang pahintulot sa tagapangasiwa. Kundi ay mahahabol at mahahabol po talaga kayo ng aso,” bakit ba galaw ng galaw ang kanyang lalagukan? Natutuon doon ang aking atensyon.
“Hindi ba ako pwedeng pumasok sa aming pagmamay-ari?” gusto kong ipakilala ang sarili ko sa kanya.
“Mahigpit din pong ipinagbibilin ni Don Fernando na kahit na sino ay dapat sumunod dito,” aniya.
Hindi na ako nakasagot.
“Pananagutan mo pa rin ito,” tumalikod na ako sa kanya at nagmadaing bumalik sa kinaroroonan ng kalesa.
“Binibini,” sigaw niya ngunit hindi ako lumingon.
“Bahala siya. Lagot siya sa aking papa,” pagmamaktol ko.
Hanggang sa pagbalik ko sa kalesa ay napansin kong wala ang aking purselas na bigay ni Fabian.
“Naku po!” ang tangi ko na lamang nasambit.
Pagtatapos ng Unang Kabanata.