Kabanata VI

3378 Words
Kabanata VI CELESTE PAKIRAMDAM ko ay nanumbalik ako sa pagiging dalaginding. Ngayon lamang akong muli nakaramdam ng kakaibang kilig sa aking katawan sa mahabang panahon. Huli kong naramdaman ang ganitong pakiramdam noong ako ay nasa sekondarya pa lamang. Mayroon akong masugid na manliligaw na parating nagbibigay sa akin ng mga sulat. Pinakatagu-tago ko ang mga iyon hanggang sa lumaki ako. Ngunit kasama iyon sa mga sinunog na laruan ko noong naglipat na ako ng silid. Iba naman ang pakiramdam noong maipakilala ako kay Fabian. Nakipagkasundo kaming dalawa dahil matalik na magkaibigan ang aming mga magulang. Ngunit kahit na ganon ay masasabi kong hindi rin kami napilitan na maging magkasintahan sapagkat noong una ay nabighani rin talaga ako sa kanyang kakisigan at kabaitan. Iyon nga lang ay masyado silang pormal. Hindi niya pa ako nadadala sa bukirin sa kabuuan ng hacienda. Hindi pa niya ako nayayayang lumabas na kami lamang dalawa. Sa tuwing dadalaw siya sa akin sa Amerika ay lalabas kami kasama ng kanyang mga kaibigan na nandoon din upang mag-aral muli. Masasabi kong masaya ngunit kulang ang relasyon naming dalawa. Ito marahil ang dahilan kung bakit ko hinayaan ang sarili ko na magdiskubre ng bagay bagay sa aking sarili. Nalaman kong mahuhumaling pala ako sa simpleng tao. Nalaman kong kahit pa maging magaspang ang ugali ng taong gusto ko ay magagawa ko pa rin siyang magustuhan. Ito ang mga bagay na tumatakbo sa isipan ko habang tumatakbo naman ang kalesang kinalululanan ko at ni Lupe. Alalang-alala na siya sapagkat sasapit na ang pananghalian ngunit hindi pa ako nakababalik sa mansyon. Maging si Inicia, na ayon kay Lupe ay hindi na magkandaugaga. Ngunit wala sa akin ito dahil pilit kong binabalikan ang mga sandaling kasama ko si Simoun. Alam kong mali ngunit gusto ko ang ginagawa ko. Napapangiti na lamang ako habang naaalala ko ang pagpasan niya sa akin sa kanyang likuran habang ako ay tahimik lamang. Napakalakas niya lang upang kayanin ako. Wala nang mas magiging maginoo pa sa kanya na dumaan sa buhay ko. "Binibini, bakit ka napapangiti? Hindi ka ba kinakabahan na baka maunahan ka ng iyong mga magulang?" Ani Lupe na nakatingin pala sa akin. "Nakangiti ba ako Lupe?" Binawi ko ang ngiti ko sa pagkakapukaw niya sa akin. "Kanina po binibini. Nakita ko po kayong nakangiti," pag-amin niya. Hindi ko na ito pinansin pa. Sa halip ay itinuon ko ang atensyon ko sa bukirin na kung saan ay tanaw ko ang burol na kung saan kami pumunta kanina. Tanaw ko ang mansyon sa lugar na iyon. Tila ba napakalapit nito sa akin kanina, ngunit napakalayo kung tutuusin. Ganito ko maaaring ilarawan si Simoun sa buhay ko. Para siyang isang bundok na may kaakit akit na hitsura. Napakaperpekto, ngunit ang daan papunta sa kanya ay masukal at delikado. Napapaisip ako kung tama pa bang ipagpatuloy ko ang bagay na ito. Kaya't nagdasal na lamang ako at nanahimik. Humingi ako ng mga tanda kung ipagpapatuloy ko pa ang mga ginagawa kong ito. Mga palatandaan na dapat kong makita sa mga darating na oras o araw sa buhay ko. Una, imposible na makita ko siya sa magaganap na salu-salo mamaya kaya naman isa ito sa mga palatandaan na itinakda ng sarili ko. Kapag may Simoun na nahagip ng aking mga mata maya-maya ay isang palatandaan ito na ipagpapatuloy ko ang lahat. Pangalawa, kailangan kong mahanap sa kanyang mga mata ang mga tingin na hindi niya ako kayang mawala sa kanyang mga paningin. Imposibleng maganap ang bagay na ito kung wala rin siyang nararamdaman para sa akin. Pangatlo, gagawa siya ng paraan upang makasama ako. Hindi niya gagawin ito kung wala siyang ibang pakay kaya naman imposible ring gawin niya iyon kung wala siyang pagtingin sa akin. Iyon lamang at wala ng iba pa. Itinatak ko sa aking puso at isipan ang mga palatandaan na iyon kaya naman mula ngayon ay maghihinay-hinay muna ako sa paggawa ng mga bagay na sisira sa mga palatandaan na itinakda ko. Ilang saglit lamang ay nakarating na kami sa mansyon. "Lupe, dalhin mo ito sa aking silid at nais kong ikubli mo ang mga ito sa aking mga kagamitan. Hindi ito dapat malaman ng kung sino bukod sa ating tatlo nila Inicia," bilin ko sa kanya. Iniabot ko naman sa kanya ang mga kasuotang hinubad ko sa loob ng kalesa. "Mang Bermigio, sa likod mo na lamang ako ideretso. Masyadong halata kung sa mismong harapan mo ako ibaba," sabi ko pa. "Sige po binibini," Wala pa ang mga magulang ko dahil wala pa naman ang kanilang sasakyan. "Binibini, nariyan na ang kanilang sasakyan sa ating likuran," ani Lupe. Dios ko. Tiyak na magtataka sila kung saan ako nanggaling. Paano na ito? "Bermigio, saan kayo nagpunta at ginamit ninyo ang kalesa ng palasyo?" Narinig kong tanong ni mama kay Kang Bermigio. Ibig sabihin ay katabi na namin ang kanilang sasakyan. Ayaw kong hawiin ang kurtina na nagkukubli sa akin kaya naman panay ang kabog ng aking dibdib. Hindi pa rin makasagot si Mang Bermigio. "Mang Bermigio, pababain mo ako," ani Lupe. Nakatingin lamang ako. Anong gagawin nila? Huminto ang kalesa at bumaba si Lupe sa likuran. "Magandang tanghali po Ginang Guerrero. Paumanhin po ngunit minadali ko pong dalhin ang mga bagay na kailangan sa gapasan sa palayan kanina. Kailangan po nila ang karagdagang mga kagamitan mula sa bodega ng mansyon kaya po sapilitang nagamit ang kalesa," wika ni Lupe. Nabunutan ako ng tinik sa dibdib. "Ganon ba? Oh siya sige, basta't para sa hacienda ay maaaring gamitin iyan. Huwag lang sa kung anu anong mga bagay," ani mama. "Salamat po Ginang," wika pa ni Lupe. Hanggang sa marinig kong nauna na ang sasakyan nila sa amin. "Salamat Lupe," "Binibini, kahuli-hulihang pagkakataon na po ito na gagawa ako ng kwento. Ako na po ang malalagot kapag nalaman nilang pinagtatakpan ko kayo. Paumanhin po," yumuko siya. "Pasensya ka na Lupe," "Mang Bermigio, magmadali tayo bago pa man sila tuluyang makapasok sa mansyon," utos niya sa kutsero. Hanggang sa makarating nga kami sa likurang bahagi ng mansyon. Nagmadali akong lumabas ng kalesa at saka ako patakbong pumasok sa likurang pintuan kung saan kasalukuyang naghahanda ng iba't ibang putahe para sa salu-salo ang mga kasambahay. At nang marinig ko ang boses ni mama na paparating ay kinabahan na ako. "Iniciaaaa," tawag niya. "Nasaan si Inicia? Nakasara ang pintuan ng kwarto ni Celeste," aniya. "Mama, narito po ako. Kasalukuyan ko pong tinitingnan ang proseso ng kanilang paghahanda para sa salu salo mamaya. Si Inicia po ay hinayaan kong maglinis ng aking silid kaya naman hindi muna ako maaaring pumasok doon habang maalikabok pa. Medyo masama po ang aking pakiramdam," wika ko mula sa sulok kung saan ay kunwari kong tinitingnan ang mga kasambahay na naghahanda. Panay ang tingin sa akin ng mga ito dahil kararating ko lang naman talaga. "Ah ganon ba. Sige, halika na rito at hayaan mo na lamang sila sa gagawin nila," pag-anyaya ni mama. Tiningnan ko naman ng matalim ang mga kasambahay kasabay ng tandang huwag silang mag-iingay. "Binibini, ito po ang mga susi. Ikinubli ko ang mga ito dahil nakiusap si Inicia na huwag munang pagbubuksan ang kwarto hangga't wala ka pa," pasimpleng iniabot sa akin ni Felissa ang mga susi. Gaano na ba nag-aalala si Inicia para sa akin? "Salamat Felissa," hinawakan ko namang mabuti ang kanyang mga kamay. "Babalik na po ako sa gawain," aniya. Agad naman akong nagtungo sa aking silid kung nasaan si Inicia. Nagmadali akong buksan iyon at saka ako pumasok. Nakita kong balut na balot siyang nakahiga sa aking kama na nagpapanggap na ako. Naawa naman ako sa kanya kaya agad ko siyang nilapitan. "Inicia, ako ito," hinimas ko ang likuran niya. Napabangon naman siya kaagad nang marinig ako at nakita ko ang mga luha sa kanyang mga mata na tuluyan nang bumagsak. "Binibini, akala ko ay mapapahamak na ako. Hindi ko na alam ang susunod na gagawin ko," umiyak na siya ng tuluyan. Nakonsensya naman ako sa mga pinaggagawa ko. Kaya niyakap ko na lamang siya. Dapat na sigurong ihinto ko ang bagay a ito dahil hindi na maganda ang dulot nito sa mga tao sa aking paligid. Hinimas ko lamang ang kanyang likuran habang patuloy siya sa pag-iyak. "Tahan na Inicia, hindi na iyon mauulit pa," wika ko. Panay ang kanyang paghikbi. "Pasensya na po binibini, labis lang din po akong nag-aalala sa iyo. Mabuti at nakarating po kayo kaagad," "Mabuti nga at nakarating ako kaagad Inicia," Muling nanumbalik sa isipan ko ang mga naganap kanina. Napapaisip na lamang talaga ako sa mga nangyari kanina. Nagagalak ang aking damdamin sa mga nangyari kaya naman natutulala na lamang ako sa kaisipang iyon. "Binibini, bakit ka nakangiti?" Siya ang ikalawang taong nagtanong sa akin nito ngayong araw. "Nakangiti nga ba ako Inicia?" Tanong ko. Tumango lamang siya. Ano ang ibig sabihin nito? "Binibini, sabi ng aking ina bago siya mamayapa ay kapag kusa ka raw napapangiti sa mga bagay na naaalala mo, nangangahulugan daw iyon na masaya ang puso mo sa mga naaalala mo. Maaari ring nagmamahal ka at natutuwa ka dahil sa pakiramdam na iyon," aniya. Napatingin lang ako sa kanyang mga mata. Ano nga ba ang nararamdaman ko? Natutuwa lamang ba ako? O nagmamahal na ako? Kung nagmamahal man ako, ganito ba ang pakiramdam ng tunay na pagmamahal? Kung nagmamahal ako, ano ang bagay na nararamdaman ko para kay Fabian? Hindi rin ba pagmamahal iyon? "Inicia," sambit ko sa kanyang pangalan. Tiningnan niya lamang ako sa aking mga mata. "Inicia, kung titingnan mo ang aking mga mata, ano sa palagay mo ang nararamdaman ko?" Diretso lamang ang tingin ko sa kanya habang patuloy na inaalala ang mga nangyari kanina sa Manggahan. Tumitig siya. "Binibini," panimula niya. "Umiibig ka," patuloy niya. Pakiramdam ko ay nag-init ang aking mga pisngi dahil sa sinabi niya. "Namumula ka binibini, nangangahulugang hindi mo maaaring ipagkaila ang tunay mong nararamdaman," dagdag pa niya. "Inicia, hindi ko alam kung paano mo ito nasasabi ngunit mukhang tama ka," pag-amin ko. Napangiti siya. "At alam mong alam ko kung kanino ka umiibig binibini," aniya. "Hindi ko maipaliwanag kung ano ba ang mayroon siya Inicia," napatayo ako at naupo sa tapat ng salamin sa tabi ng aking kama. Tiningnan ko ang aking sarili. Ganito ba ang hitsura ng umiibig? Tumayo rin si Inicia at kinuha ang suklay saka niya sinimulang suklayin ang buhok ko. "Pagmasdan mo ang kinang ng iyong mga mata sa tuwing naiisip mo siya binibini. Maaaring simpleng tao lamang siya ngunit tingnan mo ang hatid niyang ngiti sa iyong mga mata," aniya. Totoo nga ang tinuran niya. Pangalan pa lamang niya ay nagpapatalon na sa tuwa ang aking puso. Marinig ko pa lamang ang boses niya ay nag-uunahan na ang mga paru-paro na magliparan sa aking sikmura. Dumadagundong naman ang aking dibdib sa tuwing nakatingin siya sa akin. Natitiyak ko na ang totoo. Nagmamahal na nga talaga ako. At si Simoun ang itinitibok nito. Napahawak ako sa aking dibdib habang patuloy pa rin ako sa pagtitig sa aking sarili mula sa salamin. Maya maya ay may kumatok. Nagtungo naman si Inicia sa pintuan upang pagbuksan ito "Binibini, si Lupe," aniya. "Papasukin mo," "Halika," "Binibini, hindi ko kaagad ito nadala sa iyong silid sapagkat dumeretso ang iyong mama dito kanina. Heto ang iyong kasuotan," ibinigay niya sa akin ang mga damit na ipinasuot ni Simoun sa akin kanina. "Maraming salamat Lupe," "Mananghalian na po kayo. Mukhang nasa baba na rin po ang inyong mga kapatid at mga magulang. Maghanda na po kayo," aniya. "Sige, susunod ako," Nauna na silang bumaba ni Inicia samantalang ako ay nakaupo lamang sa gilid ng aking kama habang pinagmamasdan ang mga damit na ipinasuot niya sa akin kanina. Napakalaki nito at nangangahulugan na isa lamang akong hamak na patpating babae kung itatabi sa kanya. Natuwa naman ako sa kaisipang iyon. Hanggang sa makarinig na naman ako ng katok sa aking pintuan. Agad kong ikinubli sa ilalim ng aking kumot ang mga damit saka ako tumayo at magtungo sa pintuan. Pagbukas ko ay si Felissa ang aking nakita. "Binibini, kayo na lamang po ang hinihintay sa ibaba upang mananghalian," aniya. "Pababa na ako. Halika na," saka ako nagsara ng pintuan. HABANG KUMAKAIN ay naaalala ko ang mga eksena kanina. Natutuwa ako sa pagiging masungit niya sa akin. Napatingin naman ako sa aking pupulsuhan na nangingintab pa rin dahil sa langis na ipinahid niya kanina. Binitawan ko ang hawak kong kubyerto at saka ko iyon tiningnan. Hinaplos ko pa iyon at saka natuwa. "Celeste, kanina ka pa tinatanong ng iyong papa. Tila ba nawawala ka sa iyong sarili," nagulat naman ako sa mataas na boses ng aking ina. "Ano po iyon papa?" Agad kong tanong. "Uulitin ko dahil tila nawawala ka nga sa iyong sarili. Nagtungo ba si Fabian kanina dito nang wala kami?" Hindi ko alam ang isasagot ko dahil baka mahuli ako. Biglang kinuha ni Lupe ang baso kong wala nang laman saka ko nakita ang kanyang kanang kamay na sumenyas sa ibaba ng mesa na : HINDI. "Hindi po papa," agad kong sagot. "At kung pumunta man po siya ay nasa kwarto lamang po kami ni Inicia at saka lamang ako bumaba nang malapit nang magtanghalian," dagdag ko pa. "Marahil ay hindi na siya pumasok pa sa mansyon dahil alam niyang wala tayo dito," sabad ni mama. "Napakaginoong binata," dagdag pa ni papa. Nanatili akong walang kibo dahil sa kanilang mga komento kay Fabian. Madali ko lamang tinapos ang aking pagkain dahil sa kagustuhan kong magpahinga. Napagod ako sa pamumundok namin kanina kaya nais ko munang magpahinga. SIMOUN PAGKAALIS niya ay panay ang tahol ni Tiago. "Arf arf," nakaupo lamang siya sa labas ng amingan habang nakatingin sa kawalan. "Wala na ang tinatahulan mo Tiago. Bumalik na sa palasyo niya," kinakausap ko siya habang ako ay kumakain ng pananghalian. Naglaga lamang ako ng talbos ng kamote at kamatis at nilagyan ko ng bagoong. Napakarami pa ako ng kain dahil nakakamay ako. "Aarrrwww," tila ba nagtatampo pa si Tiago sa pang-iinis ko sa kanya. Nagpaikot-ikot siya at saka nahiga at tumingin muna sa akin bago tuluyang magsara ng mga mata. "Huwag mo akong tingnan ng ganyan," sabi ko pa. Napataas naman ang pareho niyang tenga sa narinig at saka bumangon at nagmadaling maupo sa paanan ko. "Ngayon ay nang-uuto ka naman," sabay himas ko ng aking paa sa kanyang katawan. Nasa ganoong pwesto ako nang bigla siyang tumahol. Napalingon ako at nakita ko si Mang Gaspar, ang tagapangalaga ng palayan. "Hijo," aniya. "Mang Gaspar, kain tayo," alok ko. "Sige lang hijo. Narito ako para sana sabihin sayo na inaanyayahan kitang tumulong sa magaganap na salu-salo mamaya sa mansyon ng Guerrero. Natitiyak kong maraming tao mamaya kaya naman mahihirapan ang mga kasamahan nating tauhan doon mamaya kung hindi tayo tutulong," aniya. "Naku Mang Gaspar, titingnan ko po. Hindi ko maipapangako sapagkat noong nakaraang gabi ay panay ang tahol ng mga aso sa paligid. Para bang may masamang loob na nagnanais na dumaan dito," wika ko pa. "Hijo, mas mabuting ipagbigay alam mo iyan kay Don Fernando. Lalo pa at daanan ito papuntang ibang bayan. Maaaring daanan ito ng mga rebeldeng ayaw dumaan sa tamang daanan at baka sila ay mahuli," aniya. Hindi na bago sa akin ang mga balitang nalolooban ang hacienda. Maraming beses ko na ring napakinggan ang mga balitang may mga rebeldeng nagpupunta sa hacienda upang kumuha ng suplay ng pagkain nila at iba pa. Ngunit wala rin naman silang makukuha sa akin kaya hindi ako natatakot mag-isa rito. "Huwag po kayong mag-alala Mang Gaspar, takot ang mga iyon kay Tiago," wika ko pa. "Bueno, kung sasama ka sa amin ay magtutungo kami sa mansyon bago magdilim," aniya. "Susubukan ko po Mang Gaspar. Salamat po," Saka siya tuluyang umalis. PAGKAPANANGHALIAN ay hindi ako mapakali sa pag-iisip kung sasama ba ako o hindi. Paano kung gamitin ko ang oportunidad na ito upang kilalanin ang mga taong maimpluwensyang kaibigan ng mga Guerrero? Matagal ko nang gustong magsaliksik sa bagay na ito dahil sa kagustuhan kong malaman kung paano ko maibabalik sa nasirang pamilya ko ang lupaing aming pinaghirapan. Agad ko namang naisip si Celeste, ang bunsong anak at kapatid ng mga Guerrero. Napaisip akong bigla ng ideya. Paano kung gamitin ko siya sa pag-alam ng mga bagay na ito? Nakapagdesisyon na ako. Susunod ako kina Mang Gaspar sa mansyon mamaya hindi upang tumulong kundi upang mag-espiya. Nagsuot ako ng itim na damit na may mahabang manggas at maong na itim. Nagsuot din lang ako ng sandalyas na kulay itim. Isinuot ko ang salakot ko at saka ko isinuksok sa tagiliran ko ang isang balisong. "Tiago, maiwan ka dito. Babalik ako mamaya," bilin ko sa aso ko. "Arf arf," tahol niya. "Mahusay," Agad akong nanghiram ng kabayo sa rantso ni Mang Berting na tagapangalaga ng mga kabayo ng Hacienda Guerrero upang gamitin sa pagpunta sa mansyon. Hindi naman siya tumatanggi sa akin sapagkat maging ako ay tumutulong di sa kanya sa oras ng pangangailangan. Mabilis ko lamang narating ang mansyon at nakita kong puno ang kapaligiran ng mga magagarang sasakyan. Napakarami ring tao sa paligid kaya hindi na ako mapapansin kung tutuusin. Itinali ko ang kabayo sa may puno sa labas ng tarangkahan at saka ako pasimpleng pumasok sa loob. Nakayuko lamang ako upang walang makapansin sa akin. Hanggang sa marating ko ang likurang bahagi ng mansyon. Bukas ang pintuan sapagkat abala ang mga kasambahay sa paghahanda ng mga pagkain. Wala na ring nakapansin sa akin kaya naman diretso lamang ang aking lakad. Nagpunta ako dito para sa isang misyon. Ito ay ang magmanman at makakuha ng impormasyon. At isa lamang ang paraan upang magawa ko ito ng walang nakapapansin, si Celeste, at kailangan ko siyang hanapin dito mismo sa loob ng mansyon. Hanggang sa mabangga ko ang isang babae. "Mag-iingat po kay--," hindi niya natapos ang kanyang sasabihin dahil sinenyasan ko siyang huwag mag-ingay. "Anong ginagawa mo dito?" Tanong ni Felissa, ang akin matalik na kaibigan. "Kailangan kong mahanap si Celeste, nasaan ang kanyang silid?" "Alam mong delikado ang pakikipagkita sa kanya, bakit mo pa itutuloy?" Panay ang tingin niya sa paligid at baka may nakatingin sa amin. "Tulungan mo na lamang ako Felissa," "Matigas ang ulo niyong dalawa. Halika," ibinaba niya ang hawak niyang tray ng mga platito at iginiya niya ako sa loob. Maraming tao sa sala at sa kusina. Mga mayayamang nagkukwentuhan. Hindi pa nagsisimula ang programa kaya naman abala pa ang lahat sa pagkain at pagkukuwentuhan. Hanggang sa maakyat naming dalawa ang palapag kung saan naroroon si Celeste. Maingat niya akong itinago sa pasilyo upang maisguro na walang makakita sa akin na sino mang kasambahay. "Binibini," mahina niyang tawag sabay katok. Bumukas naman ang pintuan. "Kasalukuyang nag-aayos ang binibini," sagot ng pamilyar na boses ni Inicia. "May nais kumausap sa kanya," ani Felissa. Saka siya bumulong. Sumenyas naman si Felissa sa akin mula sa dulo kaya mula sa aking pagkakabuli ay nagpakita ako kay Inicia na gulat na gulat din sa aking presensya. "Pumasok ka," aniya. Agad akong pumasok at laking gulat ni Celeste nang makita akong muli. Napatayo siya mula sa kinauupuan at lumapit sa akin. Titig na titig lamang siya sa aking mga mata habang nagugulat pa rin sa kanyang nakikita. "Inicia, maaari bang iwan mo muna kami?" Pakiusap niya habang nakatitig lang sa aking mga mata. Hindi pa ako nagsasalita ngunit tila ba nakikipag-usap na ang mga mata niya sa akin. Nangungusap ang mga iyon. "Sige po, binibini," lumabas na si Inicia sa pintuan at pagkasara nito ay mas lumapit sa akin si Celeste. "A-anong ginagawa mo rito?"tanong niya. "Nais kitang masilayan," pagkukunwari ko. Alam kong parte lamang ito ng plano ngunit bakit parang totoo ang nararamdaman ko? Lalo na at napakaganda niya sa kanyang kasuotang bestidang pula. "Bakit nais mo akong makita Simoun? Bakit?" Aniya. Hindi ako makasagot kung bakit. Hanggang sa magulat na lamang ako nang ilambitin niya ang kanyang mga kamay sa leeg at balikat ko at nakatingala niyang abutin ng kanyang mga labi ang labi ko. Nagulat man, ngunit ninamnam ko na lamang ang sandaling ito na kung saan ay palay na mismo ang lumalapit sa ibon para matuka. Pagtatapos ng Ika-Anim na Kabanata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD