Kabanata II
SIMOUN
NAGTATABAS ako ng mga damo sa paligid ng amingan (salitang Iloco na ang ibig sabihin ay bahay-kubo o kubo sa bukirin) dahil malago na ang mga ito at maaaring bahayan ng ahas kapag pinabayaan.
Matagal na akong naninirahan sa gitna ng manggahan kaya naman sanay na ako dito, kahit pa matagal na akong nag-iisa. Dalawa kami dito dati. Kasama ko si Edwardo, ang dating tagapangalaga ng ubasan na nangibang bayan na simula noong isang taon. Mula noon ay wala nang gustong tumira kasama ko dahil una ay natatakot daw silang tumira sa gitna ng manggahan dahil sa mga kwento-kwentong bayan. Wala naman akong nakasalamuha o nararamdaman kaya’t hindi ako natatakot.
Habang nagtatabas ay nawala sa aking paningin ang aso kong si Tiago na siya kong kasa-kasama sa araw araw maliban sa mga asong nakapaligid sa buong manggahan. Siya ang itinuturing kong kaibigan at kapamilya sa pag-iisa ko sa lugar na ito. Lalo na tuwing gabi dahil ang aking mga kasamahan ay may sariling mga silid sa tabi ng mansiyon. Pinili kong dito na lamang ako mag-isa at ang amingan ang nagsisilbing tulugan ko. Kumpleto rin naman ito sa mga kagamitan. May palikuran at kusina ako. Mayroon din akong kwarto na siya kong tulugan, Masasabi kong ligtas naman dahil sa halos apat na taon kong pagtira dito ay wala pa naman akong nararanasang karahasan.
Binitawan ko ang hawak kong gulok upang hanapin kung nasaan si Tiago. Nang huling mawala siya sa paningin ko ay halos atakehin sa puso ang matandang nagbabantay sa ubasan nang minsan itong pumasok sa manggahan dahil sa takot sa aking malaking aso.
“Tiagooo,” tawag ko sa aso ko.
Sa aking paghahanap ay may nakasalubong akong tila bagong aso sa manggahan. Bago dahil kabisado ko na ang lahat ng aso dito. Mukhang nawawala ang tuta dahil hindi nito alam kung saan pupunta.
Agad kong binuhat ang tuta nang makalapit sa akin. Malambing ito dahil agad namang dumila sa aking pisngi nang buhatin ko at ang lebel niya ay sa dibdib ko.
“Nawawala ka ba munting tuta? Sino ang nagmamay-ari sayo at hinayaan ka na lamang na mapadpad dito?” kinakausap ko pa ang tuta habang hinihimas ko ang ulo niya.
Patuloy lamang siya sa pagdila sa aking mukha na para bang ako ang kanyang amo.
“Nakakarami ka na ha? Magseselos sayo si Tiago kapag nakita ka niya,” natatawa kong wika.
Hanggang sa makarinig ako ng mga kahol. Sa tunog nito ay mukhang si Tiago ang pinanggagalingan nito.
“Mmaaammaaaa!” sigaw ito mula sa isang babae.
Nagmadali akong sundan kung saan ang pinanggagalingan ng sigaw at tahol ni Tiago. Mabuti na lamang at naabutan ko pa dahil gamuntik nang lapain ng matapang kong aso ang binibining ngayon ay nakahandusay na sa lupa at takut na takot sa maaaring gawin ng aking alagang aso.
“Tiago!” sigaw ko at saka lumingon ang alaga ko.
Agad naman itong naupo na nakaharap sa akin. Nakataas pa ang mga tenga at titig na titig sa hawak kong tuta.
“AAAArrrwww,” yung tunog na iyon mula sa kanya ay nangangahulugang nagseselos siya sa hawak kong aso.
Kabisado ko na ang ugali niya kaya naman alam kong ayaw niyang may hawak akong ibang aso bukod sa kanya.
Naituon ang atensyon ko sa binibini na nakahandusay pa rin. Marumi na ang suot niyang magarang damit at tila ba nakita ko na siya kung saan.
Tama! Siya ang sumita sa amin kagabi nang magbaba kami ng mga sako ng palay sa mansiyon. Tumulong kasi ako sa mga trabahador sa palayan upang mas mabilis na maiuwi ang mga palay sa Hacienda. Ginabi na kami at hindi ko naman mapipigilan ang pagtunog ng makina na siya palang nakaistorbo sa pagtulog niya.
Siya ang anak ng Don ng hacienda.
Ngunit siya na nga itong tinulungan ngayon ay siya pa ang nagalit sa akin. Pinagbintangan pa akong may masamang balak sa aso niya. Kaya naman hinayaan ko na lamang siyang umalis.
“Tiago, mabuti nga ang ginawa mo sa binibining iyon,” hinaplos ko pa ang ulo ng alaga kong aso.
“Aaarrrwww,” nagseselos pa rin siya.
Yumuko na lamang ako upang yakapain ang alaga kong aso dahil hindi ito titigil sa pagtatampo kapag hindi inamo amo. Sa paghimas ko ng kanyang balahibo ay natuon ang pansin ko sa gintong purselas mula sa lugar kung saan ko nakita ang binibini.
“Mukhang sa takot niya ay hindi niya napansing nahulog niya ang bagay na ito,” pinulot ko ang gintong purselas saka ko iyon ibinulsa sa aking pantalon at saka ko na niyaya ang aso ka na bumalik sa amingan.
Patakbo akong bumalik sa aking trabaho kasama ang aking aso.
KASALUKUYAN akong nanananghalian sa amingan nang dumating si Felissa kasama ang dalawa pang kasambahay sa mansion. Agad akong nagsuot ng pang-itaas nang mapansing nahihiya silang tumingin sa akin.
“Hindi sanay ang mga kasamahan kong kababaihan na makakita ng ganyan Simoun, kaya’t mabuti na lamang na nakaramdam ka,” pabirong wika ni Felissa.
Nasasabik namang lumapit si Tiago kay Felissa. Siya ang dating amo ni Tiago dahil galing sa kanila ito.
Lumapit ako sa kanila. Diretso lamang ang tingin kahit pa alam kong naiilang ako sa mapanuring mga mata nila. Hindi na bago sa akin ang ganito ngunit naiilang pa rin ako.
Tumayo ng matuwid si Felissa mula sa pagkakayuko niya upang himasin ang ulo ni Tiago.
“Narito nga pala kami upang kunin ang mga manggang napitas para sa magaganap na salu salo sa mansiyon bukas,” nakangiting wika ni Felissa.
“Sigurado ba kayong kaya ninyong buhatin ang mga iyon?” itinuro ko ang tatlong malalaking takuyan na naglalaman ng mga hinog na manga.
“Mukha ngang mabigat Felissa. Sana ay nagtawag na lamang tayo ng mga kalalakihan sa mansiyon upang maging katulong sa pagbubuhat ng mga iyon,” hindi maalis alis ang tingin sa akin ng isang binibini na kasama ni Felissa.
Naiilang pa rin ako sa kanilang tingin kaya napakamot ako sa aking noo. Ayaw kong magpahalata sa pagkailang ko. Labis ang pamamawis ko sa mga ganitong sitwasyon kaya naman tinungo ko na lamang ang mga takuyan at binuhat ang isa upang makaiwas kahit sandali lamang.
Bago ako lumapit ay may narinig pa akong hagikgikan mula sa kanila ngunit impit lamang iyon na para bang pinipigilang lumabas mula sa kanilang bibig. Napapailing na lang ako.
“Heto at tingnan ninyo kung mabubuhat ninyo ang isa,” iniabot ko kay Felissa ang isa at ipinabuhat sa kanya iyon.
Hirap na hirap naman ang kanyang hitsura nang simulang buhatin ang takuyan.
“Sadya ngang mabigat ito Simoun,” aniya sabay baba ng takuyan.
“Kung nanaisin ninyo ay tatapusin ko lamang ang aking pananghalian at ako na lamang ang mgadadala ng mga iyan sa mansiyon,” suhestyon ko na ikinangiti ng kanilang mga mata.
Hindi nila maitatago sa akin ang kanilang pagsulyap-sulyap sa aking kabuuan dahil nahahagip sila ng seryoso kong mga mata. Maliban na lamang kay Felissa na natural lang sa akin dahil malapit ko siyang kaibigan.
“Mabuti na nga kung ganon Simoun. Ngunit saan mo isasakay ang mga iyan?” tanong ni Felissa.
“Hihiramin ko na lamang ang kabayo ni Mang Gaspar at ipahihila ko sa hilahan,” napaplunok pa ako dahil hindi maalis alis ang tingin nila sa akin.
Kumukurap pa ako ng bahagya dahil nahahagip sila ng paningin ko. Nababasa ko ang nasa isipan nila mula sa kanilang mga mata at hindi ko gusto ang tumatakbo sa mga iyon.
“Mabuti nga kung ganon. Kung sana ay hindi ginamit sa kabayanan ang kalesa ay hindi ka na namin maaabala sa iyong pananghalian,” pagpapaumanhin ng aking kaibigan.
“Huwag mo na lamang initindihin ang bagay na iyon Felissa. Isa pa ay may sadya ako sa mansiyon mamaya kaya tyempo lamang na ako ay tutungo doon maya maya,” muli ay napakamot ako sa aking noo upang makaiwas sa tingin nila.
Pakiramdam ko ay namumula ako ngayon.
Nakangiti pa rin sa akin ang mga binibini. Nakayuko ako sapagkat sila ay hanggnag dibdib ko lamang. Si Felissa ay hanggang balikat ko sa aking tantya.
“Ganon ba, oh siya sige, maraming salamat kaibigan,” ani Felissa.
“Maaari ko bang makilala ang mga kasamahan mo, Felissa?” tanong ko.
Wala akong intensyong kahit ano ngunit dahil kanina pa sila parang gustong makipag-usap sa akin ay ako na lamang ang gagawa ng paraan. Kahit pa nahihiya at naiilang ako sa kanila.
“Oo naman. Ito si Inicia at si Guadaloupe,” pagpapakilala niya.
“Ikinagagalak ko kayong makilala mga binibini,” inilahad ko ang aking kamay upang makipagkamay sa kanila.
Halos hindi naman nila iyon abutin dahil sa hiya. Hanggang sa nauna na nga ang nagngangalang Inicia at sinundan ni Guadaloupe.
“Mga baguhan lamang kayo sa mansiyon? Mukhang ngayon ko lamang kayo nakita,” pinilit kong ngumiti kahit pa wala ako sa tamang emosyon para gawin iyon.
“Ako po ay kasamang umuwi ng aking pinaglilingkuran kahapon mula sa Amerika,” ani Inicia.
Naglilingkod siya sa babaeng halos himatayin sa takot kanina.
“Ako naman ginoo ay noong isang araw lamang natanggap bilang kasambahay sa mansion,” ani Guadaloupe.
“Oh siya, galingan ninyo ang pagtatrabaho,” ang tangi ko na lamang nasabi.
“Sige Simoun, ipagpatuloy mo na lamang ang iyong panananghalian at kami ay mauuna na. Salamat,” paalam ni Felissa.
Inihatid ko na lamang sila ng tingin habang nakapamewang. Nagtatawanan pa sila habang papalayo at sabay susulyap sa aking direksyon.
Napapailing na lamang ako.
“Arf arf!” tahol ni Tiago na nakaupo lamang sa aking tabi.
Hinimas ko naman bigla ang ulo niya.
“Hindi ba’t sinabi kong kapag may nagpapantasya sa amo mo ay sunggaban mo? Ngayon ka lamang tatahol at nakalayo na sila. Ibinebenta mo ako Tiago,” patuloy lang ako sa paghimas ng ulo niya.
“Arrrfff Arrrff,” patuloy niya.
“Wala kang pagkain ngayon dahil hinayaan mo akong pagsawaan ng kanilang mga mata,” naglakad na ako papasok sa loob ng amingan.
“Arrff Arrfff,”
“Huh. Magmakaawa ka muna,”
“Aaarrfff Arrrfff,”
CELESTE
“GUSTO ko ang pagiging masungit ng kanyang mga mata Felissa,”
“Maging ako ay natutunaw sa mga matang iyon dahil napakalakas ng dating. Idagdag mo pa ang kanyang tindig na mala- Adonis,”
“Felissa, bakit mo pa kasi ipinasuot ang damit niya? Napakaperpekto ng hubog niyon,”
“Hayy, tumigil nga kayo sa pagpapantasya sa kaibigan ko,”
Narinig kong naghuhuntahan ang mga kasambahay sa kusina bandang ala una ng hapon. Nagtungo ako doon upang kumuha ng maiinom.
“Sino ang tinutukoy ninyo?” tumayo ako sa harapan nila habang sila ay nagpupunas ng mga platong pinagkainan.
“W-wala po iyon binibini,” sagot ni Inicia.
“May narinig akong pinag-uusapan ninyo. Mukhang isang makisig na taga hacienda iyon ah. Sige na, huwag na kayong mahihiya,” naupo ako sa tapat nila.
Nagtinginan naman sila.
“Kasi po binibini, nagtungo kami sa aking kaibigan kanina at mukhang naging tampulan ng tingin si Simoun ng dalawang dalagang ito,” sumagot si Felissa.
“Kami lang ba Felissa?” nahihiya pa si Inicia.
“Oo nga,” ani Guadaloupe.
“Si Simoun ay ang kaibigan mo?” interesadong tanong ko.
“Opo binibini,” sagot ni Felissa.
“Nakatutuwa naman iyan. Ipakilala ninyo siya sa akin at nang may mapagkwentuhan tayo sa lalaking laman ng inyong pantasya. Malay natin diba, isa sa inyo ang matipuhan niya,”sabi ko pa.
“Talaga binibini? Hindi po ninyo ikagagalit?” ani Inicia.
“Bakit naman ako magagalit? Hindi ko naman hawak ang inyong damdamin hindi ba? At ayaw niyo iyon? May mapagkukwentuhan tayo. Gusto ko rin kasi ng kausap sa tuwing wala akong ginagawa,” dagdag ko pa.
“Naku binibini, napakabait mo naman pala. Nais mo pa kaming maging kaututang dila sa oras na wala kang ginagawa,” ani Felissa.
“Katulad niyo ay tao rin naman ako. Kaya natural lamang na makipag-usap ako sa inyo. Lebel lamang ng pamumuhay ang nagkaiba. Ngunit huwag ninyong iisipin na magkaiba tayo,” sabi ko pa.
“Binibini, napakaganda mo na nga, napakabait mo pa,” ani Guadaloupe.
Nakangiti naman ako habang umiinom ng yubig sa baso.
“Naku, huwag mo na akong bolahin Lupe,” sabi ko pa pagkalapag ko ng baso sa mesa.
“Totoo naman po iyon binibini,” ani Felissa.
“Oh siya, kailan ko ba makikita ang lalaking tinutukoy ninyo?” pag-iiba ko ng usapan.
“Mamaya po binibini. Siya po ang magdadala ng mga manga na gagamitin sa isang putahe ng kakanin para bukas,” sagot ni Inicia.
Manga? Hindi kaya, teka. Siya kaya ang lalaking iyon na nagtangkang kumuha kay Choco?
“Maaari niyo bang ilarawan sa akin ang hitsura ng inyong tinutukoy?”
“Mas mabuting makita mo na lamang siya binibini. Mahirap kasi siyang basta basta na lamang ilarawan. Baka mamaya ay hindi tumugma an gaming mga sasabihin sa tunay na hitsura niya,” sagot ni Lupe.
“Oo nga binibini. Ngunit nakasisiguro kaming napakakisig niya at napakamatipuno ng kanyang katawan. At ang mga mata niya, malamlam na may pagkamasungit,” papikit pikit pa si Inicia habang niyayakap ang pinggan na kanyang pinupunasan.
Natatawa naman kaming nakatingin sa kanya.
“Paano nga ang mga mata Inicia?” ani Felissa.
Inulit pa ni Inicia ang pagpikit pikit at sinundan ng malakas na pagtawa mula sa amin ang kanyang ginawa.
Kung siya man iyon ay wala naman akong masasabi dahil tunay ngang siya ay makisig at may magandang pangangatawan. Ngunit hindi na ako dapat tumingin pa sa mga lalaki dahil ikakasal ako kay Fabian at siya lamang ang laman ng puso ko at siya lamang ang nagmamay-ari nito.
MATAPOS ang aming pagkukwentuhan ay umakyat na ako sa taas upang ituloy ang aking pagbabasa ng nobela. Napabili kasi ako ng libro tungkol sa pag-ibig na aking kinahiligan na noon pa mang nasa Amerika ako. Ito ang aking pampalipas oras kaya naman nakapag-ipon ako ng mrami nito na iniuwi ko pa mula Amerika.
Nasa kalagitnaan ako ng pagbabasa nang pumasok si Inicia sa aking silid.
“Binibini,” tila ba hinahabol siya ng kung sino.
“Oh Inicia, para kang hinahabol ng kung sino. Tila nagmamadali ka,” sita ko sa kanya saka ko ibinaba ang librong aking binabasa.
“Binibini, magtungo ka sa bintana. Tanawin mo ang binatang tinutukoy naming tatlo kanina. Parating na siya lulan ng kabayo,” nagtungo siya kaagad sa bintana ng aking silid.
Sumunod din naman ako sa kanya at tinanaw ang tinutukoy nila.
Malayo pa lang ay mukhang kilala ko na kung sino ang tinutukoy nila. Nakasuot ito ng maliit na salakot. Nakasuot siya ng papalit-palit (checkered) na tinanggalan ng manggas kaya lantad ang nangingintab nitong braso. Nakamaong din siya na pantalon at suot pa rin ang botas na gamit niya kanina.
Hindi nga ako nagkakamali. Ito ang lalaking nagmamay-ari ng asong halos pumatay sa akin kanina sa takot at manakit sa akin sa muntikan nitong pangangagat.
Ngunit hindi rin sila nagkakamali nang sabihin nilang napakalaks ng dating niya. Lalo pa nang bumaba siya sa kabayo at tumindig bago itali ang lubid sa bakuran.
“Siya ang tinutukoy naming tatlo binibini. Hindi ba’t napakakisig niya? Titigan mong mabuti,” itinuro niya pa ito.
Hindi ako kumikibo dahil totoo nga ang kanilang sinasabi. Bakit hindi ko iyon napansin kanina? Marahil ay dala ng matinding takot at kaba kaya wala na iyon sa aking isipan.
Nang simulan niyang buhatin ang mga takuyan na naglalaman ng mga manga ay napadako ang tingin niya sa itaas, sa aming kinatatayuan. Napahinto siya sa paglalakad at saka siya tumingin ng diretso sa aking mga mata.
“Binibini, napansin niyang nakatingin tayo sa kanya,” nagtago naman si Inicia sa tabing ng bintanang aming kinatatayuan.
Ngunit bakit hindi ko magawang magtago? Teka, bakit ako magtatago? At teka lang, bakit hindi ako natitinag sa pagtingin sa kanyang mga mata. May kung ano sa kanyang tingin na nagdadala sa akin sa ibang mundo, ng kakaibang pakiramdam? Tila ba mga pintuan iyon sa mundong hindi ko pa napupuntahan at ninanais kong pasukin upang maranasan ang bagay na hindi ko alam kung ano. Basta’t ang alam ko ay nadadala ako sa mga tingin niya.
“Binibini, bakit hindi ka nagtatago?”
“Bakit ako magtatago?” sinagot ko ang tanong niya ng parehong tanong habang nakatingin pa rin sa mata ng lalaking nagngangalang Simoun.
May kislap sa kanyang mga mata na tila ba bituin sa kalangitan. Ngunit hindi siya ngumingiti. Panay lamang ang paglunok niya na mapapnsin sa pagtaas baba ng kanyang lalagukan.
Napukaw lamang ang atensyon niya nang lumapit sa kanya si Felissa. Napansin naman ng kasambahay na nakatingala siya at saka tumingin ang una sa aking direksyon.
Umiwas ako sa tingin ni Felissa at saka ako nagmadaling naupo sa gilid ng aking malambot na kama.
“Inicia, ikuha mo nga ako ng maiinom,” utos ko.
“Masusunod po,” patakbo niyang wika.
Hawak hawak ko ang aking dibdib at tila ba may kung ano doon na hindi ko maintindihan. Bakit ako nagkakaganito? Bakit may nararamdamn akong kakaiba?
Nagtataksil na ba ako sa aking kasintahan?
Hindi ito maaari. Pigilan mo Celeste.
Pagtatapos ng Ikalawang Kabanata.