Kabanata V

3299 Words
Kabanata V CELESTE KINAKAGAT na nga ako ng mga lintik na mga hantik ay kakagatin pa ako ni Tiago. Tiyak na hindi ko kakayanin ang sakit na idudulot ng aking pagiging mapangahas na magtungo sa manggahan mag-isa. Tila huli na ang lahat nang makita kong nasa harapan ko na si Tiago. "Arf arf," tahol niya. Sa laki niyang iyon ay isang lundag at sakmal niya lang sa leeg ko ay tiyak kong malalagutan agad ako ng hininga hindi lang dahil sa kagat kundi pati na rin sa kaba. Ngunit tila naging maamong tupa ang malaking asong ito sa harapan ko dahil gumalaw ang kanyang mahabang buntot at dumapa ang kanyang dalawang tenga. Tila natutuwa na makita ako. Kumalma ako. Pumikit ang mga mata at humihinga ng malalim. Ngunit bigla akong napaatras sa dibdib ko nang may nakatayo na pala sa harapan ko. Si Simoun. Dios ko. Ang mga mata niyang iyon. May kasungitan man ay nakikita ko pa rin ang kabusilakan ng kanyang pagkatao. Nakakunot ang kanyang noo habang nakatingin sa akin. Nakasabit sa kanyang matipunong balikat ang kanyang damit pang-itaas samantalang makikita pa ring namamawis ang kanyang katawan. Batu-bato iyon at hindi ko maikakailang napatingin talaga ako sa kanyang kabuuan. Kayumanggi ang kanyang kulay na medyo namumula- mula. Lalaking lalaki. Napakakisig. Nakamamangha. Napalunok ako nang tila ba napalunok din siya dahil sa pagtaas baba ng kanyang lalagukan. "Hindi ba't binalaan kitang maraming nagkalat na aso dito? Hindi ka pa ba nadadala?" Baritono ang kanyang boses na para bang musika sa aking pandinig kahit pa ano ang sabihin niya. "H-hindi ba't inalok mo ako kahapon na ipapasyal mo ako sa buong hacienda?" Sinabi ko na ang tunay na pakay ko. "Hindi ka pa ba nadadala sa galit ng iyong papa kagabi? Sino na namang kutsero ang idadamay mo bukod sa akin?" Namulsa siya at napasingkit ang mga mata kaya naman mas kumapal ang kanyang mga pilik-mata. Bakit kahit magpakagaspang siya sa akin ay gustong gusto ko pa rin siyang makita? "Babalik naman ako sa mansyon bago mananghalian," inilagay ko sa likod ko ang aking mga kamay upang itago ang kaba sa dibdib ko. Nanginginig kasi ang aking mga kamay na sinasabayan pa ng kusang paggalaw ng mga daliri ko na parang hindi mapakali. "Ibig sabihin ay hindi ka na naman nagpaalam?" Medyo lumapit siya. Napatingin ako sa kanan dahil umiiwas ako sa nakayuko niya ngayong mukha na titig na titig sa akin. Tama nga ang tantya ko. Hanggang dibdib lang niya ako. Mata lamang ang gumagalaw sa akin at napapatingin ang mga iyon sa taglay niyang kakisigan. "H-hindi ko naman d-dapat magpaalam dahil malaki na ako," nauutal utal kong sagot na pasulyap-sulyap sa kanya. "Hindi ka ba natatakot na baka may gawin ako sayo?" Sa puntong ito ay alam kong tinatakot niya lamang ako upang hindi na ako bumalik pa. Nag-angat ako ng ulo ko at tumitig sa kanyang mga mata. Sa palagay ko ay kakayanin ko na. "H-hindi ako natatakot sayo," sa wakas ay nasabi ko ang bagay na ito, kahit pa sobrang lapit na ng kanyang mukha. Mas napagtanto ko na napakakisig niya sa malapitan. Namumula ang kanyang pisngi dahil sa init. Mas nakadadagdag ng kanyang pagiging makisig ang maayos at makakapal niyang kilay, mga tumutubong balbas at bigote at ang biglang pagkuyom ng kanyang panga na nangangahulugang nagtitimpi lamang siya sa mga bagay na gusto niyang gawin. Hanggang sa malanghap ko ang natural niyang amoy na mas nakakadagdag sa kanyang kakisigan. Napalunok siyang muli na sinabayan ng pag-arko ng kanyang mapupulang labi. Napatingin siya sa mga labi ko at nanumbalik sa mga mata ko. "Ano ba talaga ang pakay mo?" Tanong niya makalipas ang paglipat-lipat ng kanyang mga tingin mula sa mata hanggang labi at mula labi hanggang mata. "Hindi ba't sinabi ko na sayo ang pakay ko?" Napaatras siya at napatingin sa kawalan. Tila ba nawawalan na siya ng pasensya dahil napapabuntong hininga siya na sinasabayan ng pagtaas-baba ng kanyang malapad na dibdib. "Umuwi ka na. Marami akong ginagawa ngayong araw. Bumalik ka na lamang sa ibang araw," tumalikod na siya at naglakad pabalik sa amingan. Nasilayan ko naman ang pilat sa kanyang likuran na tila ba bakas ng sugat mula sa pagkakataga dahil hindi man lang iyon lumiko. Tila ba hiwa ng kahapon. Napalakad ako kasunod niya at napahawak sa parteng iyon at naramdaman kong nabasa ang mga daliri ko dahil pawisan ang likuran niya. Ngunit hindi ito ang dahilan upang magulat ako. Bigla siyang humarap at hinawakan ang kanan kong kamay saka iyon itinaas ng bahagya. "Huwag na huwag mo akong hahawakan lalung lalo na ang pilat na iyan, dahil hindi mo alam kung ano ang pinagdaanan ko," puno ng poot at galit ang kanyang boses kaya naman kung kanina ay hindi ako natakot, ngayon ay mukhang magsisimula pa lang iyon. "Na-nasasaktan ako," hindi ko matanggal ang kamay ko sa pagkakahawak niya. Mas hinigpitan pa niya iyon dahilan para mapapikit ako. Hanggang sa bitawan niya iyon. "Umuwi ka na," aniya. Napayuko lang ako at naramdaman na bumalik na siya sa amingan. Bakit ako susuko? Sumunod pa rin ako sa kanya. At hindi na siya nagulat pa nang maupo ako sa may mahabang kahoy na sinadyang ginawang upuan habang siya ay naglilipat ng mga mangga mula sa isang takuyan palipat sa isa pa. Tinitingnan ko lamang siya sa ginagawa niya habang walang kibong hinihilot ang nananakit kong pupulsuhan. Ilang beses naman siyang napalingon sa aking direksyon lalo na sa aking namumulang pupulsuhan. Mahapdi pa rin iyon dahil sa mahigpit niyang pagkakahawak kanina. Bigla niyang binitawan ang manggang hawak saka pumasok sa loob ng amingan. Sinundan ko lamang siya ng tingin hanggang sa makapasok na siya. Napatingin naman ako sa paligid. Napakapayak sa lugar na ito. Napakatahimik. Napakasarap mamalagi dahil presko ang hangin at malilim dahil sa mga mababang puno ng mangga. Nasa ganong pagmumuni muni ako nang maupo siya sa tabi ko at hawakan ang namumula kong pupulsuhan. "Pagkatapos nito ay umuwi ka na. Hindi kita maaasikaso dahil marami akong gagawing bagay dito sa Manggahan," aniya habang nagpapahid ng tila ba langis sa aking namumulang pupulsuhan. Hinilot niya iyon habang ako naman ay napapatingin lang sa mga kamay niyang may kagaspangan at sa kanyang mukhang seryoso lamang na nakatingin sa aking kamay. Napapangiti lang ako. Ngunit tinatago ko iyon sa pagkagat ng aking pang-ibabang labi. Ang paghagod niya ng aking kamay sa magaspang niyang mga kamay ay nagdudulot ng kakaibang pakiramdam sa akin na umaakyat sa aking braso patungo sa aking batok na nakalilikha ng kakaibang kiliti. Napapalunok na lang din ako. Hanggang sa matapos na siyang hilutin ang ang kamay ko. "Umuwi ka na at may pupuntahan ako," tumayo na siya at inilagay sa may pasimano ang bote na naglalaman ng langis. Wala pa rin akong kibo. Nagsuot siya ng damit na may mahabang manggas na kulay madilim na asul na kanina ay nakasabit lamang sa kanyang balikat. Pinagmamasdan ko lang siya habang naghahanda sa kanyang pupuntahan. Bumabakat sa kanyang matipunong katawan ang kanyang kasuotan na bumabagay naman sa kanya. Saka niya isinuot ang salakot na may taling nakalaylay lang pababa sa kanyang leeg. Saka niya isinabit sa parehong balikat ang Spray Gun at hinawakan ang tangkay nito. "Kung balak mong maiwan dito ay bahala ka na sa sarili mo kung may mapadaang aso. Walang sasaklolo sayo dito," saka siya nagsimulang maglakad paalis. "Arf arf," tumahol si Tiago sa akin na para bang sinasabi na 'umuwi ka na.' "Tiago, halika na," tawag niya sa alaga niyang aso. Tumakbo naman ang aso niya palapit sa kanya at saka sila umalis. Nag-iisip pa ako kung ano ang susunod kong gagawin. Hihintayin ko ba siyang bumalik? Aalis na ba ako? Bahala na nga. Tumayo ako mula sa aking kinauupuan at saka ako dinala ng aking mga hakbang sa lugar kung saan siya nagpunta. Oo, sumunod ako sa kanya. "Arf arf," tahol ni Tiago nang mapansing nakasunod ako sa kanila. Sinundan iyon ng paglingon niya sa akin. Napahinto naman ako sa paglalakad. "Sasama ako," tila ba natatakot kong wika. "Napakatigas talaga ng ulo mo,"naglakad siya palapit sa akin. Yung mga tingin niya ay parang manunugod na leon. Nakakapanginig ng tuhod. Sa takot ko ay para na akong maiiyak habang papalapit siya. Ano na naman ang gagawin niya sa akin? "Hindi naman ako magpapasaway," nakasimangot kong wika habang kinakabahan pa rin sa paglapit niya. Nakatayo na siya sa harapan ko. Nakayuko ako habang hinihintay ang kanyang gagawin o sasabihin. Handa na ako. Nag-angat ako ng tingin saka ko nakitang nakapamewang siya at nakatingin sa kanan na parang nag-iisip ng gagawin. Saka siya tumingin sa akin ng seryoso. "Kung sasama ka sa akin ay hindi pwede iyang suot mo," nginusuan niya pa ang kabuuan ko. Tila ba nabuhayan ako ng loob sa sinabi niya. "Anong mali sa suot ko?" "May pupunta ba sa bukirin na nakabestida?" Aniya. "Wala na akong oras para magpalit ng susuotin," "Babalik na tayo sa amingan," nagpatiuna na siyang bumalik. "Hindi nga sabi ako magpapasaway," nagmadali rin akong tumakbo na sumunod sa kanya. Hindi siya nagsalita. "Mag-iingat ako kung iyon ang inaalala mo. Hindi ako gagawa ng ika-iinit ng ulo mo," hinihingal na ako sa kasusunod dahil ang lalaki ng hakbang niya. "Ang dami mong sinasabi. Baka hindi na kita isama," aniya. Nabuhayan pa ako ng loob kaya mas tumakbo ako at nauna sa kanya. "Talaga, isasama mo ako? Totoo?" Nakangiti kong tanong sa kanya habang hinaharangan ko siya sa dinaraanan niya. Nakasimangot siya na tila nandoon pa rin ang kasungitan. "Huwag ka ngang humarang sa dinaraanan ko," tinabig niya ang kamay ko saka naglakad ulit. Naiwan naman akong nakangiti habang nakatingin sa kanya. "Ano, sasama ka ba o hindi?" Lumingon siya sa akin. "Sasama. Pero bakit pabalik na tayo?" Tanong ko. "Magbibihis ka ng damit kung sasama ka," "Wala akong dalang ibang damit," "Pahihiraman kita ng ibang damit," Napangiti ako sa kanyang sinabi kaya nagmadali akong naglakad palapit sa kanya. Pagdating namin sa amingan ay naglabas siya ng susuotin kong kamiseta at kalsonsilyo (shorts) na pawang puro malalaki. Ang kanyang kamiseta na kulay pula ay lagpas siko ko na. Samantalang ang kanyang kalsonsilyo ay lagpas tuhod na rin. Lumabas ako ng palikuran at saka niya ko tiningnan mula ulo hanggang paa. Saka ko napagtanto na nakasuot pala ako ng sandalyas. Pumasok siya sa amingan at saka naglabas ng tsinelas. "Palitan mo iyang suot mong saplot sa paa,"aniya. May kalakihan ang tsinelas ngunit hindi na ako nagsalita pa dahil baka hindi niya ako isama. "Tara na," pag-anyaya ko sa kanya. Hindi na siya kumibo pa at saka nagpatiuna. Medyo hirap ako sa paglalakad dahil sa kanyang tsinelas ngunit hindi ko iyon alintana dahil mas mahalaga sa akin ang makasama ko siya. "Hindi kaya siya nabibigatan sa karga niya?" Tanong ko sa sarili ko habang nakasunod lamang sa kanya. Tuwid pa rin ang kanyang katawan kahit na nakasukbit sa kanya ang spray gun. Palagay ko ay kalahating oras na kaming naglalakad pero hindi pa rin kami nakararating. Hinihingal ako. Kaya naman huminto ako at hinawakan ang dalawa kong tuhod at sumagap ng hangin. Nang lumingon siya at nakita ako sa ganoong akto at tumindig ako at nagpatuloy sa paglalakad. "Nagkamot lang ako ng tuhod," saka naunang naglakad sa kanya. Wala naman siyang kibo na sumunod sa akin. Patay. Bakit ako nagpatiuna? Halatang kapag huminto ako ay makikita niyang mapapagod ako. Nagpatuloy lang ako sa paglalakad sa madamong lugar na ito ng hacienda na sa palagay ko ay paakyat na ng bundok. Nang huminto ako saglit dahil damang dama ko na ang pagod ay nagsalita siya. "Mukhang pagod ka na. Sinabi ko kasing…," hindi niya natapos ang sasabihin dahil naglakad na naman ako. Hindi na siya kumibo pa. Hanggang sa hindi ko na talaga kaya. Mabuti pa si Tiago ay kahit napapagod ay hindi humihinto. Samantalang ako ay di ko kayang huminto. "Magpahinga muna tayo," nagsalita siya sa likod ko. "Malayo pa ba?" Tanong ko. "Bakit suko ka na? Hindi kita pinilit na sumama," masungit pa rin ang hitsura niya. "Hindi. Nagtatanong lang ako kung malayo pa," pigil na pigil ko ang aking paghinga dahil ayaw kong makita niyang hinihingal ako dahil sa paglalakad. Sa tanang buhay ko ay ngayon lang ako naglakad ng ganito kalayo. "Malapit na tayo kaya kaunting tiyaga na lang," saka siya naglakad muli. Nauna siya kaya naman nakatingin lang ako sa kanya. Naiwan lang akong nakatayo sa pinag-iwanan niya sa akin saka siya lumingon. "Maaari ka nang bumalik kung hindi mo na kaya,"saka siya nagpatuloy sa paglalakad. Pero hindi ako susuko. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Hanggang sa parang namamanhid na ang mga paa ko at wala nang madama. Nasanay na. Tiningnan ko ang kapaligiran at sadyang napakaganda. May iba't ibang kahoy na nakapaligid at may samu't saring huni ng ibon na maririnig sa paligid. Ito lang ang kagandahan kapag nasa bukirin talaga. Hanggang sa marating naming dalawa ang isang kubo na walang tabing.Mayroon itong lutuan at mga kahoy na mahabang upuan. Sa gilid ay mayroon ding papag na maaaring higaan. Mula sa kubo ay natatanaw ko ang kapatagan. Sa dakong kanluran ay nakikita ko ang mansyon na bahagyang natatabingan ng mga punong kahoy. "Maupo ka muna diyan at may kukunin lamang ako," aniya pagkababa ng spray gun sa may upuan. Tiyempong pagtalikod niya ay saka ko hinilot ang aking mga paa dahil sa pananakit ng mga iyon sa mahabang lakaran. Pakiramdam ko ay nilalagnat na ang mga paa ko dahil sa kapaguran. Nakadama ako ng kakaibang antok dala ng simoy ng hangin at mga huni ng ibon sa kapaligiran. Nasa kalagitnaan ako ng paghihilot nang maramdaman kong palapit na si Simoun. "Oh heto inumin mo," inabot niya sa akin ang bao ng niyog na kininis at tinanggal ang mga bunot. Tinitigan ko muna ang laman nito at hindi pa inaabot. "Malinis iyan?" Tanong ko. Hindi siya sumagot. Imbes ay tinikman pa ang tubig saka muling iniabot sa akin. "Matagal na sana akong patay kung marumi iyan," seryosong wika niya. Ininuman niya ang iinuman ko. Pero wala na akong dapat pang ikaselan dahil nauuhaw na rin talaga ako. At nakamamangha dahil naubos ko ang laman ng bao. Napakalamig ng tubig at manamis-tamis. "Saan galing ito?" tanong ko saka iniabot sa kanya ang bao. "Doon sa bubon (bukal)," aniya sabay lagay ng bao sa mga lalagyan na puro gawa rin sa iba't ibang kahoy ang laman. Hindi na ako kumibo pa. "Dito ka na lang muna at may gagawin ako. Hindi naman iyon matagal. Babalikan na lamang kita pagkatapos ko sa gagawin ko," aniya. "Baka may magpunta dito na masamang loob," pag-aalala ko. "Iiwan ko si Tiago dito," "Maipagtatanggol niya ba ako?" "Sa tingin mo maipagtatanggol din kita?" Tanong niya. Hindi ako nakakibo. "Sige na. Mas madali kong matatapos ang gagawin ko kapag wala akong ibang inaalala," isinukbit niya ang spray gun saka umalis. Naiwan nga talaga si Tiago na nakahiga sa ibaba ng upuan. "Yung amo mo, napakagaspang sa akin. Kapag siya talaga ang unang bumigay, lagot siya sa akin," sabi ko pa na ikinalingon ni Tiago. "Aarrrwww," sabad ng aso na parang naiintindihan ang sinasabi ko. Wala akong mapapala kung kakausapin ko lang si Tiago ko kaya naman ihiniga ko ang katawan ko sa papag upang makapagpahinga. Maya maya ay may mga yabag akong narinig. "Arf arf," tahol ni Tiago na halos sabay pa kaming napabangon. Nawala ang aking kaba nang makita si Simoun na parating. "Oh heto, kainin mo habang naghihintay. Pagkaubos mo niyan ay nakabalik na ako," inilapag niya sa tabi ko ang medyo maliit na takuyan na may lamang rambutan at lansones. Hindi na ako nakapagpasalamat pa dahil agad na rin siyang umalis pagkalapag niyon. "Hindi ba't sinabi ko sayo Tiago, unang bibigay iyang amo mo," sabi ko pa. Mukha namang hindi sang-ayon ang aso at inirapan lang ako saka natulog. Tinikman ko ang mga prutas na dala niya at tila ba gusto kong sumigaw dahil sa tamis at sarap nito. "May ganito pala dito? Bakit hindi ko alam?" Kinakausap ko ang sarili ko habang patuloy lamang sa pagkain. Hanggang sa maubos ko na nga ang dinala niyang mga prutas ngunit wala pa rin siya. "Sinabi niyang nandito na siya bago ko maubos ito ngunit hanggang ngayon ay wala pa siya," nagmukmok ako sa gilid. Anong oras na ba? Kailangan kong makabalik bago mananghalian. Tumayo ako at sumigaw mula sa direksyon na pinuntahan ni Simoun. "Simmmooouuunnn," sigaw ko. Umaalingawngaw lamang ang boses ko sa kapaligiran. "Simmmooouuunnn," patuloy ko. Ngunit walang Simoun na sumagot man lang. Saan ba siya nagpunta? At dahil hindi ko na alam ang gagawin ay nahiga na lamang akong muli at hanggang sa makatulog na ako. NAGISING ako sa mga mahihinang kalabit sa aking braso. Pagmulat ko ng aking mukha ay gwapong mukha ni Simoun ang aking nakita. Hindi niya suot ang kanyang salakot kaya naman kitang kita ko ang kanyang mukha. "Babalik na tayo sa manggahan," aniya. Napabangon na ako. "Teka, anong oras na ba?" Tanong ko. "Sa sikat ng araw ay tila ba mag-aalas onse na," aniya. "Naku, hindi ako maaaring mahuli sa pananghalian," sabi ko pa saka bumangon. "Tara na," pag-anyaya ko sa kanya. Iniwan na niya ang spray gun sa kubo at saka kami naglakad pabalik sa manggahan. Hanggang sa napahinto na lang ako dahil hindi ko na talaga maramdaman ang mga paa ko. "Hindi ko na kaya Simoun," pag-amin ko. "Sinabi ko kasing huwag ka nang sumama," aniya. Lumapit siya sa akin at saka siya lumuhod na nakatalikod sa akin. "Papasanin na kita at nang madali na tayong makabalik," aniya. Nakadama ako ng hiya ngunit dahil hindi ko na talaga kaya ay sumunod na rin ako sa sinabi niya. Pasan pasan niya ako at ngayon ay ramdam ko ang init ng katawan niya mula sa aking sikmura at dibdib na nakadikit sa kanyang likuran. Hindi ko alam kung mabigat ako para sa kanya ngunit tila ba ako'y isang papel lamang na walang kalatuy-latoy sa kanyang matigas na katawan. Nahihiya akong ilapit ang mukha ko sa mukha niya kaya naman nanatili akong nakatingin lamang sa batok niya. May mga namumuong pawis mula doon at saka tumutulo na lamang ng kusa. At dahil hindi niya isinuot ang salakot niya na sagabal sa aking mukha ay natatamaan kami ng sinag ng araw sa tuwing walang mga puno ang aming dinaraanan. Wala siyang kibo. Maging ako ay hindi rin kumikibo. Ngunit dahil nahihiya na ako ay nagsalita ako. "Ibaba mo na ako, at baka nahihirapan ka na," tinapik ko siya sa balikat. Lumingon siya sa kanan upang makita ako. Sa muling pagkakataon at nasilayan ko ang gwapo niyang mukha ng malapitan. Pawisan man iyon ay tila ba nakadagdag pa ang mga iyon sa kanyang kakisigan. Namumula rin ang kanyang pisngi na medyo kayumanggi. Seryoso lamang ang kanyang mukha. "Minamaliit mo ba ako?" Aniya. "H-hindi," "Para ka ngang walang kinakain. Ikaw itong mayaman," saka siya nagpatuloy sa paglalakad. Hindi na ako kumibo pa. Napangiti na lamang ako dahil kahit papaano ay gusto niya pa rin akong buhatin. Hanggang sa makarating kami sa amingan. Napababa ako sa pagkakapasan niya sa akin nang makita si Lupe. "Binibini, kanina pa kita hinihintay. Nag-aalala na si Inicia dahil pabalik na ang iyong mama at papa. Magmadali ka," punung puno ng pag-aalala si Lupe. Patakbo kong kinuha ang bestida kong nakasabit sa bintana ng amingan at saka ako lumingon kay Simoun na nakatayo lamang at nakatingin sa bawat galaw ko. "S-salamat," pilit akong ngumiti at nakayukong naglakad. "Halika na, magmadali tayo binibini," Habang naglalakad ako palayo ay panay ang tahol ni Tiago kaya napapalingon ako. Nakatayo lang si Simoun at seryosong nakatingin sa akin. Ano kaya ang nasa isip niya? Pagtatapos ng Ikalimang Kabanata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD