Kabanata VIII
CELESTE
"ANONG gagawin natin dito?" Tanong ko sa kanya na ngayon ay nakaupo na sa may mahabang upuan sa gilid ng damuhan.
Tiningnan niya ako at para bang sinasabi niyang maupo ako sa tabi niya.
"Wala naman tayong magagawa kung mamaya pa darating ang mga kakausapin mo hindi ba?" Wika niya saka nagtuon ng pansin sa malawak na damuhan.
Napatingin din ako sa lawak nito. May mga batang naglalaro ng habulan, nagpapatintero at tumbang preso.
Magiliw niya itong pinapanood habang prenteng nakaupo sa mahabang upuan na iyon.
Kanina pa ako nakatayo kaya naman nakadama ako ng pangangawit ng paa. Hindi ko naman ipinahalata na nangangawit ang mga paa ko nang maupo ako sa tabi niya.
May halos kalahating metro ang pagitan naming dalawa kaya naman sa palagay ko ay hindi niya naririnig ang pagkabog ng aking dibdib.
"Kumain ka na ba ng almusal?" Tanong niya sa akin.
"Oo," sagot ko na nakatingin lang sa mga bata.
Ngunit sa totoo lang ay hindi pa talaga dahil wala pa akong gana kanina. Kaya naman sa tingin ko ay gugutumin na ako sa mga susunod na minuto.
"Hindi pa ako nag-aalmusal dahil maaga akong naghanda para sa kalesang gagamitin ng ama mo," tumingin siya sa akin.
Ayaw kong magtama ang aming mga mata. Kaya naman ayaw kong lumingon sa kanya.
"Kumain ka na muna. Maghihintay na lamang ako dito," wika ko.
"Sigurado ka? May alam akong kainan na masarap," aniya.
Gusto kong bawiin ang sinabi kong nakakain na ako ngunit hindi ko alam kung paano.
Tiningnan ko siya at agad nagbawi ng tingin dahil nakangiti siya.
Ibang iba ang mukha niya kapag siya ay nakangiti at kung siya ay seryoso. Para siyang maamong tuta kapag nakangiti at parang tigre kung hindi.
Naalala ko tuloy si Choco na dinala ni Fabian sa Vet upang ipaalaga muna doon dahil may nakain yata sa bahay na hindi niya maaaring kainin.
"Saan ba iyon? Malayo ba? Ayaw kong maglakad," tanong ko.
"Malapit lang. Diyan lang sa palengke. Tara," hinawakan niya ang kamay ko at parang wala lang sa kanya na hawakan ako.
Hindi niya alam na sa paghawak niyang iyon ay magdudulot sa akin ng kakaibang pakiramdam.
Tumawid kami sa daan at nagtungo sa loob ng palengke. Maingay sa loob dahil sa mga mamimili. Napakaraming mga aleng may bitbit na basket ng mga gulay at prutas. May mga kalalakihan ding nagbubuhat ng mga balde ng isda.
Nasa probinsya nga talaga ako.
Dinala niya ako sa isang kainan sa centro ng palengke.
"Aling Teresa, anong pagkain ang meron ngayon?" Tanong niya sa aleng nagtitinda at abalang nagtakal ng sopas para sa isa pang kakain.
"Oh, Simoun nandito ka na naman. Natitiyak kong napakarami na namang kababaihan ang kakain dito kapag nandito ka. Sige, pumili ka na diyan at libre na ang iyong kanin," binuksan pa ng ale ang mga nakatakip na ulam.
"Binibini, anong gusto mo?" Tanong niya sa akin.
"Naku, mukhang walang magtatangkang lumapit sayo Simoun. Napakaganda ng iyong kasintahan. Ngayon mo lamang siya dinala dito?" Manghang wika ng ale.
Agad naman akong pinamulahan ng pisngi at ramdam ko ang pag-iinit nito.
"Hindi ko po siya kasintahan Aling Teresa. Anak po siya ng aking amo," aniya.
"Naku señora, pasensya ka na. Akala ko kasi ay kasintahan ka nitong si Simoun. Matagal ko na kasi siyang sinabihan na magdala naman ng kasintahan niya dito. Ang sabi ko pa ay ililibre ko ang lahat ng kakainin nilang dalawa kapag nagpakilala siya sa akin ng babae. Wala pa kasi iyang kasintahan," pagkukwento ng ale.
Napapangiti lang ako.
"Pero ikaw Aling Teresa, maaari mo naman akong ilibre na lang kung gusto mo," sabad ni Simoun.
"Oh siya sige na at kasama mo nga pala ang anak ng iyong amo. Pumili na kayo ng gusto ninyo diyan," wika ng ale.
"Anong gusto mo?" Tanong niyang muli.
May pakbet, adobo, mechado at isdang tawilis.
"Gusto ko ng mechado," sabi ko.
"Iyon lang?" Natatawa niyang tanong sa akin.
"Bakit?" Nagtatakang tanong ko.
"Kaya napakagaan mo dahil kakaunti ka kung kumain," aniya.
Hindi na ako kumibo pa.
"Aling Teresa, isang adobo, isang pakbet at isdang tawilis. Apat na takal ng kanin na rin," wika niya.
"Sige, humanap na lamang kayo ng mauupua diyan Simoun," sabi ng matanda.
Naupo kami sa may malapit sa bintana ng karinderya.
Maraming tao at mukha ngang maraming kumakain dito.
"Baka hindi ka sanay sa ganitong kainan kaya mukhang hindi ka mapakali," nakatingin pala siya sa akin habang ang paningin ko ay lumilibot sa kabuuan ng karinderya.
"Hindi naman ako namimili ng kakainan,"
"Sigurado ka?"
Napatingin ako sa kanya na ngayon ay nagbukas ng bentilador sa tapat naming dalawa.
Namamawis na rin kasi siya. Nangingintab na ang noo niya at ang kanyang mga balikat.
"Oo," sagot ko.
"Pasensya ka na, hanggang sa ganitong lugar lang kita kayang pakainin," aniya.
Nagtaka ako sa sinabi niyang iyon.
"Anong ibig mong sabihin?" Tanong ko.
"Iyon na iyon," sagot niya.
Hindi ko mawari kung ano ang ibig niyang sabihin sa kanyang tinuran.
"Simoun, alam mong nais kong iwasan ka at ayaw kong matukso, kaya't bakit mo ito ginagawa?" Diretso lang ang tingin ko sa kanyang mga mata habang siya naman ay tila ba nagseryoso na rin.
"May masama ba sa ginagawa ko?" Tanong niya.
Napalunok ako sa tanong niya. Marahil ay masyado kong nabibigyan ng malisya ang mga ginagawa niyang ito. Siguro ay nasobrahan na naman ang pag-iisip ko ng kung anu ano kaya ko nasabi iyon.
"W-wala. Ngunit alam mo naman hindi ba," hindi ko masabi.
Hindi ko masabing gusto ko na siyang iwasan ngunit heto at magkasama na naman kaming dalawa.
"Wala akong alam binibini. Ang tangi ko lang nalalaman ay mali ang ginawa mong paghalik sa akin noong nakaraan," walang preno niyang wika.
Napayuko ako dahil sa kahihiyan sa aking sarili. Pakiramdam ko ay binuhusan ako ng napakalamig na tubig.
"Huwag mo nang babanggitin ang bagay a iyon Simoun. Napakalaking pagsisisi ang nakatanim sa dibdib ko habang naiisip ko ang bagay na iyon. Kaya't pakiusap," mahina kong wika.
Hindi na siya sumagot pa dahil nagdala na ng pagkain ang ale sa aming mesa.
"Naku, sana ay magustuhan niyo ang luto ko señora. Itong si Simoun, ewan ko ba at lagi laging sinasabi na masarap. Baka binobola lang ako," magiliw na wika ng ale.
"Masarap naman po talaga Aling Teresa," sabad nito.
"Oh siya sige. Magdadala ako ng sabaw at nang mainitan ang inyong sikmura," sabi pa ng matanda.
"Kain na," wika niya na ngayon ay nakakatatlong subo na.
Hawak ko pa lang ang kutsara at tinidor habang nag-iisip kung paano ako makakakain habang nasa harapan ko siya.
"Ayaw mo bang kumain?" Tanong niya muli.
Gumalaw na ang mga kamay ko at nagsimulang kumain.
At tama nga siya. Masarap ang luto ng ale. Ngunit hindi ko ipinahalata na nasasarapan ako.
Wala lang siyang kibo habang kumakain. Napakabilis niyang kumilos at ngumuya. Ewan ko nga kung nginunguya pa niya ang mga isinusubo niya dahil napakabilis lang niyang kumain.
At saka nagdala ang Ale ng tasa ng sabaw.
"Oh heto, sabaw ninyo," inilapag nito sa mesa ang mga tasa.
"Salamat po Aling Teresa,"
"Kain lang kayo ha?" Nakangiting wika ng matanda.
Ngayon ay mas nauna pa siyang matapos sa akin. Nakaupo lang siya habang pinagmamasdan ako. Mas lalo yatang hindi ako makakakain nito.
Napatingala ako mula sa pagkakayuko habang kumakain at tiningnan siyang seryoso lang sa pagtitig sa akin.
"Bakit mo ako tinitignan ng ganyan?" Umiiwas ako sa kanyang mga mata.
"Kain lang," aniya.
Hindi niya sinagot ang tanong ko.
"Tapos na ako," sabi ko pa.
"Hindi mo inubos ang ulam mo," aniya.
"Busog na ako," sabi ko pa at saka humigop ng sabaw.
"Akin na nga. Nagsasayang ka," kinuha niya ang lagayan ng ulam at siya na mismo ang kumain nito.
Namangha naman ako sa ginawa niyang iyon.
Napainom na lang ako ng tubig na dinala niya sa akin kanina.
Pagkatapos ay hindi na rin pinabayaran ng ale ang aming kinain.
Bumalik na kami sa parke.
"Busog ka ba?" Tanong niya.
"Sapat lang naman," sagot ko habang nakaupo sa tabi niya.
Nakatitig lang siya sa mga batang naglalaro ng patintero sa tapat naming dalawa. Lupa na ang tapat namin at kaunti na lang ang damo kaya naman dito pinili ng mga bata.
"Kuya, kulang po kami ng myembro. Pwede ba kayong sumali sa amin?" Wika ng batang lalaki na ngayon ay nasa harapan naming dalawa.
Tumingin sa akin si Simoun saka ngumiti.
"Oh sige ba," aniya.
"Simoun, h-hindi ako…," hindi ko na naipagpatuloy dahil hinila na niya ang kamay ko.
"Tara na," aniya.
MAGKAKAMPI sana kami ngunit ayaw ng mga bata dahil hindi raw patas. Kaya naman magkalaban kaming dalawa.
Sila ang taya at kami naman ang maglalaro.
Ngunit isang bagay ang hindi ko mawari. Pinalalagpas niya ang mga bata na makalusot, samantalang ako ay hindi.
Nakatitig lang siya sa akin habang nagtatangka akong pumasok.
"Kuya sa likod mo," sigaw ng batang lalaki sa kanya kaya naman napalingon siya.
Tyempo namang tumakbo ako ngunit sa bilis niya ay nahagip niya ang bewang ko sa kanyang matigas na mga kamay at doon ay parang nayakap niya ako ng mahigpit kaya naman napadikit ako sa kanyang muli.
"Sa wakaaasss," sigaw ng mga kakampi niya habang kaming dalawa ay hindi pa rin naghihiwalay.
Nakatitig siya sa akin at ako naman sa kanya.
Napalunok siya nang napadako ang tingin niya sa aking mga labi.
Yumuko ako at huminga ng malalim.
"Uuuyyyyy, si kuyaaaa," kantyawan ng mga bata kaya naman nabitawan niya na ako at para bang nabuhusan kami ng malamig na tubig habang naglalakad palayo sa isa't isa.
"Sa susunod na lang ulit mga bata. Pagod na si ate ha?" Sabi niya.
"Salamat po ate at kuya. Bagay na bagay po kayo," Kinikilig pa ang mga bata habang naglalakad kami pabalik sa upuan.
Wala akong kibo habang nakaupo sa mahabang upuan.
"Ayos ka lang ba kung iiwan muna kita saglit? May bibilhin lamang ako," aniya.
"Sige lang," sagot ko.
Tumayo na siya at pinagmasdan ko pa ang likuran niya habang naglalakad palayo.
Napakaperpekto niya lang. Hindi ko maamin sa sarili ko na hindi pa talaga nagbabago ang pagtingin ko sa kanya.
Mas lalo pa yata akong nagkakagusto sa kanya sa mga ginagawa niyang ito.
Pero sabi ko nga, kailangan kong pigilan ang sarili ko sapagkat ito ay hindi maaari, lalo pa at natitiyak kong hindi ito magugustuhan ng aking mga magulang at ikakasal ako kay Fabian.
Ito lang ang mga rason kung bakit hindi kami pwede. May parte ng puso ko na nanghihinayang sapagkat kung malaya ako ay siya na lang ang iibigin ko, ngunit hindi talaga ako malaya.
Napayuko na lang ako dahil sa kaisipang iyon.
NAKATUON lamang ang pansin ko sa malayo nang dumating siyang may dala-dalang mais na tinuhog ng kahoy.
"Kainin mo na habang mainit pa. Maya maya ay nandito na siguro ang mga makakausap natin," inabot niya iyon sa akin.
"Saan mo binili ito?" Tanong ko.
Bakit niya ako binibili ng mga pagkain? Kaunti na lang ay iisipin ko na talagang tipanan (date) ito.
"Sa nagtitinda," pilosopong sagot niya.
"Bakit ka pa bumili? Katatapos lang nating kumain,"
"Kaunti lamang ang kinain mo kaya bumili ako. At baka magutom tayo sa pakikipagusap sa kanila mamaya kaya mas mabuti na ring kumain," aniya sabay kagat ng mais.
Dilaw ang mais na nilagyan ng margarine at asukal na puti.
Kumagat ako at sadya ngang masarap ito. Malambot at hindi ako nahihirapan kaya naman napakain talaga ako.
"Masarap?" Tanong niya habang nakatingin pala sa akin.
Inipit ko ang buhok ko sa aking tenga saka nahihiyang sumagot.
Tumango lang ako sa tanong niya. Natawa lang siya at nagpatuloy sa pagkain.
Makalipas pa ang ilang sandali ay nagyaya na siya.
"Mabuti sigurong magtungo na tayo sa tagpuan," pag-anyaya niya.
"Mabuti pa nga," sumunod na ako sa kanya.
Sumakay na ako sa kalesa at saka kami umalis sa parke.
Habang papunta kami sa lugar kung saan kami makikipag-usap ay may mga bagay akong naiisip. Nakatitig lamang ako sa likuran niya habang iniisip ang mga iyon.
Ngayon lamang ako nakakain sa lugar na tinatawag na karinderya. Hindi ko man naubos ang pagkain ko ay masasabi kong ito na ang isa sa mga pinaka-memorableng pagkain ko sa labas. Lalo pa at kasama ko si Simoun. Sabi nila ay masarap daw ang pagkain lalo na kapag kasama mong kumain ang taong nagpapasaya sayo. Tama nga sila. Hindi ko man masabi ngunit labis na nagdiriwang ang damdamin ko kanina.
Isa pa ay ang paglalaro kasama ang mga bata. Tila ba naging bata rin akong muli dahil sa pakikipaglaro namin kanina. Mula pagkabata ay wala akong nakakalaro sapagkat walang mga kabataan sa aming hacienda. Lagi lang akong nakikipaglaro sa mga kasambahay dahil panay lalaki ang aking mga kapatid. Isang bagay ito na hindi ko makakalimutan sapagkat kasama kong muli si Simoun sa kaganapang ito ng aking buhay.
At ang huli ay ang makasama lang siya ng ilang oras kahit pa wala naman kaming napag-uusapan ay isang bagay na nakapagbigay sa akin ng konklusyon.
Maaari pala akong sumaya kahit pa katabi ko lang siya, kahit pa limitado lamang ang aming pag-uusap,kahit pa sa simpleng pagbili niya ng mais para sa akin ay masaya na ang damdamin ko. Isang bagay na masasabi kong wala sa halaga ng bagay na naibibigay ang nakakapagpasaya sa akin. Muli ay dahil kasama ko ang lalaking nakakapagpasaya sa buhay ko.
Gayunpaman ay may kurot at lungkot sa aking puso sapagkat kahit sabihin kong siya ang nagdudulot sa akin ng kasiyahan ay siya rin naman ang nagdudulot ng kalungkutan sa akin, dahil may mga katagang humahadlang sa aming dalawa.HINDI KAMI PWEDE.
Hanggang kailang nga kaya ito magiging hadlang sa amin? Nakakabigat ng dibdib ang kaisipan na iyon kaya naman isinantabi ko na lang muna.
"HHHOOOOO,"
Huminto ang kalesa sa tapat ng isang magarang kainan.
"Nandito na tayo binibini," lumingon siya.
Sa sinabi niyang iyon ay bumaba na ako at tiningnan ang kapaligiran.
"Dito ba tayo makikipag-usap sa kanila?" Tanong ko.
"Ikaw lamang po ang makikipag-usap. Hihintayin na lamang kita sa labas," aniya.
"Hindi ba maaaring kasama ka? Dahil mas gamay mo ang manggahan kaysa sa akin,"
"Tawagin niyo na lamang po ako kung ganon," aniya.
"Sino ba ang mga makakausap natin?" Tanong ko sa kanya.
"Isang biyudang babae at ang anak niyang dalagita. Sila ay ang mga naiwang pamilya ng namayapang hepe ng bayan," aniya.
"Nasa loob na nga kaya sila?" Tanong ko.
"Narito na ang sasakyan nila binibini kung kaya't siguro ay nasa loob na sila," aniya.
"Samahan mo na lang ako Simoun," wika ko.
Napakamot siya ng batok na para bang ayaw niyang sumama.
"Ayaw mo ba?" Tanong ko.
"Hintayin mo na lamang ako binibini at itatali ko lamang ang kabayo," aniya.
Hmp. Mabuti naman at pumayag siya. Ano bang pag-iinarte ang naiisip niya kung bakit tila ayaw niya pang sumama sa akin?
Pagkatali niya ng kabayo ay naglakad na siya papalapit sa akin. Magkasabay kaming pumasok sa loob at doon ay hinanap naming dalawa ang mag-ina na sinasabi niya.
"MAGANDANG ARAW po señora at señorita," bati niya sa dalawang babaeng nakaupo lang sa bintanang bahagi ng kainan.
"Ikinagagalak kong makita kang muli Simoun," halos umabot na sa tenga ang ngiti ng dalagita.
"Maupo ka Simoun," sabi naman ng ina ng dalaga.
Siya lang ang pinaupo? Tila nakahalata naman ang kasama ko kaya't ipinakilala niya ako.
"Siya nga po pala si Binibining Celeste Guerrero, ang bunsong anak ng may-ari ng hacienda," aniya.
Bahagya akong ngumiti at kitang kita ko ang hindi tunay na pagngiti ng mag-ina sa akin na agad din nilang binawi saka nagtuon ng pansin kay Simoun.
Namamawis naman ang noo ng kasama ko na para bang namumuo rin ang tensyon sa kanya.
"Siguro po ay pag-usapan na natin ang tungkol sa bagay na iyon," wika pa niya.
"Mamaya na Simoun, kakain muna tayo ng pananghalian," magiliw na wika ng dalaga.
"Katatapos lang kasi naming…," sabad ko ngunit hindi ako pinatapos ng ina ng dalaga na nasa tapat ko.
"Pumili ka na ng gusto mong pananghalian diyan Simoun, kami na ang bahala," inabot pa ng ginang ang menu kay Simoun.
Nahihiya namang abutin ni Simoun iyon. Kukunin ko sana para iabot kay Simoun ngunit sapilitang ibinigay ito ng ginang sa katabi ko. Para bang ayaw niyang makasali ako.
Nauunawaan ko na kung bakit ayaw niyang pumasok kanina.
Ayaw kong magmaldita kaso hindi maaari dahil mga mamimili namin ang mga ito.
NAPILITAN na lamang kaming kumain kahit pa busog pa kami sa kinain naming mais kanina.
"Gusto ko sanang tanungin kang muli kung papayag ka na sa aming kagustuhang magtrabaho ka sa amin Simoun," nakangiting wika ng dalaga habang halos hindi makakain dahil sa nakatitig sa kanya.
Si Simoun naman ngayon ay tila ba naliligo na sa pawis kaya naman panay ang punas niya sa kanyang pawis sa noo gamit ang likod ng kanyang palad.
Tsk. May iba pang pakay ang mag-ina na ito.
"Hindi po ba't hindi magandang pag-usapan ang bagay na iyan lalo pa at nandito ako sa harapan ninyo bilang anak ng amo niya?" Hindi ko na napigilan ang aking bibig dahil sa mga naririnig ko.
Bigla namang hinawakan ni Simoun ang kamay ko mula sa ibaba na para bang sinasabi niyang magpasensya ako.
"Sa tingin ko ay maaari lang naman namin siyang anyayahan sa amin na magtrabaho at nasa kanya pa rin naman ang desisyon at wala sa kanyang among pinagtatrabahuhan hindi ba?" Sumabat ang ginang.
Kaya naman napatigil na lang ako.
"Ganito Simoun, bibili kami ng isang truck na mangga para sa aming business, ngunit kailangan mong makita ang aming tahanan dahil nandoon ang imabakan namin ng mga mangga. Mas mabuti sigurong ikaw mismo ang makakakita kung tama ba ang aming taguan at preserbahan ng mga iyon, hindi ba mama?" Wika ng dalaga habang nakatitig lang kay Simoun.
Iba ang pakiramdam ko sa mag-inang ito. Mayroon talaga silang pakay na iba kay Simoun.
Naiinis ako. Sobrang naiinis talaga.
"K-kailan po ba?" Tanong niya sabay napalingon sa akin.
"Maaaring bukas na. Maaari rin bang ikaw na lamang ang magpunta? Hindi kasi kami nagpapapasok ng kung sino sino sa aming tahanan," sabi pa ng dalaga sabay tingin sa akin.
Napalunok si Simoun at ako naman ay nagkuyom ng mga kamay dahil sa punto ng babaeng ito.
Gusto ko siyang buhusan ng tubig sa mukha. Nakaiinis.
"Sige, bukas na bukas. Hindi ba't sa Felicidad kayo nakatira?" Wika ni Simoun na ngayon ay ikinagulat ko ang kanyang kasagutan.
"Oo. Magtanong tanong ka na lamang doon at kilala naman nila kami," nakangiting wika ng babae.
MATAPOS ang nakaiinis na pag-uusap na iyon ay hinayaan na lamang naming umalis ang mag-ina.
Ngayon ay magkasunod kaming pabalik na ng kalesa.
"Bakit ka pumayag? Hindi mo ba nararamdaman ang pakay nila?"
"Ngunit kapag hindi ako pumayag ay wala tayong magiging benta," aniya.
"Pero Simoun, marami pang maaaring bumili. Malaki ang pagnanasa sa iyo ng mag-ina na iyon. Bulag ka ba?" Halos pasigaw ko nang wika.
Napangiti siya.
"Bakit? Bawal ba silang magnasa?" Aniya.
Napatigil ako.
"Ewan ko sayo," saka ako sumakay ng kalesa.
"Basta, pupunta ako bukas. Ako na ang bahala," saka siya sumakay sa harapan.
"Sasama ako," wika ko naman habang nakatingin lang sa malayo.
Napalingon siya ngunit hindi ko tiningnan ang kanyang mga mata.
Pagtatapos ng Ika-walong Kabanata.