Prologo
“NANAY, sino po itong lalaking ito?” tanong ni Veronica habang nakakandong siya sa akin mula sa aking kinauupuang papag sa labas ng bahay.
Kagigising lang naming dalawa mula sa pagkakaidlip pagkatapos naming mananghalian. Ang papag ay nasa ilalim ng punong manga kaya naman presko sa lugar na ito kapag mga ganitong oras.
“Siya ang tatay mo anak,” sagot ko naman sa katanungan niya habang tinitingnan niya ang lumang litrato ng kanyang ama.
Unang beses niyang makikita ang litrato ng kanyang ama dahil ngayon ko lamang ito muling nakita mula sa mga gamit na naitakas ko noong mga panahong iyon.
“Eh sino naman po ang babaeng ito nay?” itinuro niya ang litrato ng babaeng katabi ng kanyang ama.
Tandang tanda ko pa noong kinunan ang litratong ito sa bayan kung saan ay sinamahan ko lang si Simoun na mag-angkat ng mga binhing itatanim sa hacienda. Nakasuot siya ng itim na kamisa de tsino na humahapit sa kanyang katawan at kupas na pantalon na kulay asul. Nakasimangot siya dahil hindi siya sanay na nakukunan ng litrato at bukod dito ay bibihira lang talaga siyang ngumiti. Bagay na nakakadagdag sa kanyang pagiging misteryoso.
“Nay,” napukaw ako sa aking pag-alala sa mga panahong iyon nang magsalita si Veronica.
“Ah, siya ang kaibigan ng tatay mo anak,” ang tangi ko na lamang nasabi.
“Napakaganda niya po nay. Kulot kulot din po ang kanyang buhok,” wika pa ni Veronica habang natutuwang nakatingin sa babaeng nasa litrato.
Napangiti na lang ako nang mamangha si Veronica sa mga taong nasa lumang litrato.
“Nay, nasaan si tatay? Sabi niyo po, uuwi rin siya. Bakit po napakatagal niyang umuwi? Saan po ba siya nagpunta?” medyo nalulungkot na si Veronica habang nagtatanong sa akin nito.
Sa halos inaraw araw na ginawa ng Diyos ay hindi natatanggal sa kanyang bibig ang katanungan tungkol sa kanyang ama. Lagi siyang nagtatanong kung mabuting ama nga ba ito, kung responsible, kung ano ang mga hilig nitong gawin at kung ano ang mga bagay na nakakapagpasaya rito. Pilit kong sinasagot ang ilan dahil hindi ko rin talaga ito maiiwasan pero may mga pagkakataong pinipili ko na lamang na iwasan ang mga katanungang iyon.
“Nasa malayong lugar siya anak,” hinimas ko ang kanyang ulo habang nakatingin lamang ako sa kanyang mga mata na punung puno pa rin ng katanungan.
“Saan pong malayo? Gaano po iyon kalayo?”
“Milya milyang layo anak,”
“Milya milya? Ano pong sasakyan papuntang milya milya?” walang kaide-ideyang tanong ng bata.
“Basta anak, malayo,” natutuwa kong sagot sa kanyang katanungan.
“Eh nay, kailan po talaga siya uuwi? Kasi sabi niyo noong nakaraang taon ay ngayon, tapos ngayon naman ay sa susunod na taon,” tila ba naguguluhan na rin si Veronica.
“Basta anak, magkikita rin kayo ng tatay mo ha?”
“Kailan po?”
“Malapit na,”
“Iyan ka na naman po inay. Gaano nga po kalapit? Bukas? Sa isang linggo? Sa isang buwan?”
“Basta anak. Magkikita rin kayo ng tatay mo sa takdang panahon,” hinimas kong muli ang ulo niya.
Sumimangot lang ang bata at nakikita ko sa kanyang mga mata ang mata ng kanyang ama. Katulad nito ay mayroon siyang makakapal at maiitim na kilay at pilik mata. Bilugan ang mata at may matangos itong ilong na bumagay sa maninipis nitong mga labi. Katulad ng kanyang ama ay kayumanggi lamang si Veronica at hindi maikakailang napakagandang bata nito sa edad pa lamang na anim.
“Bakit anak, gusto mo na ba talagang makita ang tatay mo?” tanong ko.
“Opo,” sabay tango nito.
Panahon na nga kaya para sabihin ko sa kanya kung nasaan ang kanyang ama at kung bakit matagal na panahon nang hindi niya ito nakikita?
“Bakit naman anak?”
“Kasi po gusto ko pong may nagtatanggol sa akin sa mga kalaro ko nay. Nakikita ko rin po yung iba na may kasamang tatay tapos masaya po silang magkakasama. Kaya umuuwi na lang po ako,” sumiksik pa sa dibdib ko ang bata.
Napakalungkot ng sandaling ito na makita siyang nangungulila sa kanyang ama. Maging ako ay hindi ko alam kung hanggang kailan ko siya itatago pero sa palagay ko ay panahon na rin para makita niya ang kanyang ama.
“Sige anak, bukas na bukas ay pupunta tayo sa iyong ama,” wika ko sa kanya.
“Talaga po nay? Nasasabik na po ako inay,” yumakap siya sa akin sa labis na tuwa mula sa sinabi kong iyon.
Niyakap ko rin siya ng mahigpit at ipinadama sa kanya ang init ng aking tunay na pagmamahal sa kanya.
KINABUKASAN ay ang ipinangako kong araw na nakalaan upang dalhin ko siya sa kinaroroonan ng kanyang ama.
Papasok na kami sa isang lugar kung saan naroroon si Simoun.
“Nay, dito po ba ang daan?” nagtatakang tanong ni Vernica habang papasok kami sa daang iyon.
Nakasakay kami sa isang kalesa at inihinto kami nito sa isang tarangkahang yari sa bato.
Nang matapos kong magbayad sa kutsero ay umalis na rin ito.
“Nay, bakit po nandito tayo sa lugar na ito? Nakakatakot po nay. Dito rin po ba nakatira si tatay katulad nila?” tinuro niya pa ang ilan sa mga pamilyang naninirahan dito.
Muling tanong ni Veronica ngunit hindi ko na ito nasagot dahil mula sa tarangkahan ay lumabas ang taong hindi ko inaasahang makita.
Si Juancho Guerrero at ang kanyang mga gwardya.
“Dakpin ang babaeng iyan at kunin ang bata,” utos niya.
Magkahalong panginginig at takot ang aming nadama.
Paano pa niya mapupuntahan ang kanyang ama na matagal na niyang gustong makita?