Kabanata IV

3140 Words
Kabanata IV SIMOUN PABALIK na ako sa manggahan ngunit naiisip ko pa rin ang mga bagay na nangyari kanina. Una, tila ba may tinatago siya sa kanyang kasintahan at hindi siya mapakali habang nandoon pa ako sa kanilang harapan. Pangalawa, bakit kailangan niyang magsinungaling sa totoong nangyari? Panghuli, alam ko naman kung saan gagamitin ang mangga, bakit kailangan niya ng napakarami? At pababalikin agad niya ako bago mag takip-silim, alam naman niyang mamimitas pa ako. Napapailing na lang ako habang lulan ako ng kabayo pauwi sa manggahan. Bukas ko na lamang isasauli ito dahil mukhang kailangan kong sundin ang ipinag-utos ng binibini. Kahit pa maggagabi na ay kailangan kong sundin iyon dahil mahirap na at baka mapag-initan kung hindi ako susunod sa utos niya. Kabababa ko pa lamang ay tanaw ko sa di kalayuan ang paparating na kalesa. Malamang ay taga mansyon ang nasa loob nito kaya naman inabangan ko na lamang ang pagdating nito. "Hhhoooo," hudyat ng kutsero upang huminto ang kabayo sa takbo. "Magandang hapon, Simoun," bati ni Mang Bermigio, ang kutsero. "Magandang…," natulala ako nang bumaba mula sa loob si Inicia na sinundan ng kanyang pinagsisilbihang binibini. Si Celeste. "A-anong ginagawa niyo rito?" Tanong ko. Halata pa rin ang pagkabigla ko dahil sa kanilang pagdating. "Masama bang pumunta ako sa lugar na sakop pa rin ng aming hacienda?" Bungad ni Celeste na ikinatahimik ko. Binigyan ko sila ng daan upang makapasok sa tarangkahan. "Inicia, samahan mo ako upang mas madali tayong makakuha ng maraming hinog na mangga," Agad namang sumunod si Inicia. "Simoun," tawag niya sa akin. Tila ba napako ako sa aking kinatatayuan dahil sa biglaang presensya niya. Nakakaramdam ako ng hindi maganda. May kakaiba siyang pakay.At hindi ko mawari kung ano ang bagay na iyon. Maaaring may iba pa, ngunit hindi ko alam at mawari kung ano. Lumingon ako sa kanya. "Hindi mo ba kami sasamahan? Hindi ba't maraming aso dito sa manggahan katulad ng iyong tinuran?" Nakangiti lamang siya sa akin habang sinasabi ang mga salitang iyon. Hindi na ako kumibo pa. Naglakad na ako at nagpatiuna sa daanan. Nagtungo muna kami sa amingan upang kumuha ng isang takayan na paglalagyan ng mga pilitasing mangga. Hindi ba siya nakakahalata na magdidilim na? Delikado para sa kanila ang pagbalik lalo pa at tila'y wala silang dalang lampara upang magsilbing tanglaw nila sa daan pabalik ng mansyon. "Dito tayo," iginiya ko sila sa direksyon ng mga punong May hinog ng bunga. Maaabot lang naman ang mga iyon lalo pa at matangkad ako. "Ako na lamang ang kukuha. Hawakan niyo na lamang ang takuyan," sabi ko pa. "Tutulungan ka na namin," ani Celeste. "Hindi na binibini. Maraming hantik,baka nakagat ka pa," sabi ko na lang. Ngunit kinuha niya pa rin ang patpat na panungkit at saka ipinalo palo sa mga mababang bunga na sana ay abot ko naman. Sa kasamaang palad ay hindi mangga ang nahulog kundi mga hantik (malalaking pulang langgam) na nahulog mismo sa kanya. "Arraaayyyy. Dios ko ang hapdi, aray," agad siyang nagpagpag ng damit. Sa katigasan ng kanyang ulo ay uminit ang ulo ko. Nilapitan ko siya at isa isang tinanggal sa kanyang balat ang mga nakakagat pang hantik. "Hindi ba't sinabi kong ako na lamang? Ang tigas ng ulo mo," hinigit ko siya sa kanyang braso at saka ko siya tiningnan sa mata. "Aray ko aray ko," halos magtatalon na siya sa hapdi ng pagkakagat ng hantik sa kanyang leeg. Mas uminit ang ulo ko. "Ang tigas kasi ng ulo mo," wala na akong pakialam kung kaninong anak siya. Mahigpit ko pa ring hinawakan ang kanyang kaliwang braso. Buhat pa rin ng init ng ulo ko. Nagtangis ang mga panga ko nang dahil sa galit. Kailangan ko siyang pagalitan dahil ako lang din ang pagagalitan kung May mangyaring masama sa kanya dito. "Nasasaktan ako," aniya na nakakunot pa ang noo. Pilit niyang inaalis ang pagkakahawak ko sa kanyang braso ngunit mas inilapit ko siya sa akin sa pamamagitan ng biglaang paghila na dahilan upang bumangga ang braso niya sa aking katawan. Tinitigan ko siya sa kanyang mga mata. Hindi ko alam kung ano ang ekspresyon ng mukha ko pero napalunok na lamang ako nang mapadako ang paningin ko sa mapupula niyang labi. Niluwagan ko ang pagkakahawak sa kanyang braso hanggang sa mabitawan na siya. "Inicia, dalhin mo na lamang siya sa amingan at ako na ang bahalang mamitas," utos ko sa tagasilbi niya. "Inicia, dito lamang tayo. Hihintayin natin siyang matapos," naglakad siya patungo sa malaking bato sa gilid at naupo. Walang epekto ang paninindak ko sa kanya dahil tila ba mas tumatapang siya kapag nagiging tigre ako sa kanya. Nagmamatigas siya at sadyang matigas ang ulo niya. Tiningnan ko muna siya ng masama bago ko ipinagpatuloy ang pamimitas. Sa puntong ito ay mukhang alam ko na ang pakay niya. Hindi lang ang pagkuha ng bunga ng mangga kundi pagkuha sa atensyon ko. Itinuon ko na lamang ang atensyon ko sa pamimitas ngunit nawawala ako sa sarili dahil naaalala ko ang mga labi niya. Hindi ito maaari. Bawal.Pinipigilan ko ang sarili ko. Mas bibilis sana ang pagkuha ko kung hindi ako naiilang sa mga tingin niya sa akin. Sa tuwing hindi ako nakatingin nay nararamdaman kong nakatitig siya sa akin. At sa tuwing sa direksyon niya ako titingin ay ngingiti siyang babaling kay Inicia. Hindi na bago sa akin ito ngunit sa ngayon ay hindi na ako komportable dahil anak na ng amo ko ang nagsisimulang magparamdam ng bagay na ito. Upang makaiwas ako ay lumipat na lang ako ng punong pipitasan ng bunga. Maya maya ay narinig kong tumahol papalapit si Tiago. "Dios ko," sigaw ni Celeste sabay kapit kay Inicia. Nakita ko silang takut na takot habang magkakapit sa di kalayuan. Agad akong lumapit upang sawayin si Tiago. "Tiago," sigaw ko. Napahinto siya at napalingon sa akin at tuwang tuwa pa nang makita ako. Tumakbo itong palapit sa akin at saka ko kinarga. Hindi ko na sila pinansin pa. Ipinagpatuloy ko na lamang ang pagpitas ng bunga ng mangga. Hanggang sa mapuno ko ang takayan at dinala ko sa kanila. Kaunting minuto na lang ay maaagaw na ng dilim ang kakaunting liwanag sa kanluran. Kung kaya't natitiyak kong mahihirapan silang bumalik sa mansion dahil bukod sa mabato ang daan ay wala silang dalang lampara man lang. "Nakita kong walang dalang lampara si Mang Bermigio kanina. Delikado at madilim ang daan patungong mansion sa mga ganitong oras dahil nagsisilabasan ang mga ahas sa bukirin," wika ko habang buhat buhat ang takuyan patungo sa kanilang direksyon. "Binibini, ayaw mo kasing makinig," tila sinisi pa ni Inicia ang binibini. Nakatingin lamang ako sa kanila habang pareho silang nag-iisip kung ano ang gagawin. "Ihahatid ko na lamang kayo. Kabisado ko ang daan pabalik at paalis ng mansyon dahil halos palagi akong ginagabi ng uwi," pagpresenta ko sa sarili ko. "Mabuti na lamang Simoun at nandito ka. Kung gayon ay kumilos na tayo at nang hindi ka rin gabihin," ani Inicia sabay lingon kay Celeste na wala pa ring kibo. "Mauna na kayo sa inyong kalesa at kukunin ko ang ilawan sa amingan," "Salamat Simoun," ani Inicia. "Walang anuman. Tiago, samahan mo sila," utos ko sa aso ko. "Arf Arf," tahol niya na parang nakakaintindi ng sinasabi ko. Naglakad na ako pabalik sa amingan habang buhat buhat pa rin ang takuyan at natatanaw ko sina Inicia at Celeste na naglalakad palabas ng manggahan. Si Tiago ang nasa kanilang unahan na ngayon ay tila ba maamo na sa kanilang dalawa. Kinuha ko ang lamparang magsisilbing ilaw namin sa madilim at mabatong daanan pabalik sa mansyon. Habang buhat ko ang takayan ay nakapatong sa mga mangga ang walang sinding lampara upang hindi makapag aksaya ng gaas. Pagdating ko sa tarangkahan ay nakasakay na sila sa kalesa. "Simoun, hindi pa ako ginagabi sa daan na ito. At hindi ko kabisado ang daan. Maaari bang magpalit na lamang tayo upang mas maingatan ang binibini?" Bungad ni Mang Bermigio na ngayon ay nakatayo sa tabi ng kalesa. "Kung gayon Mang Bermigio, kayo na lamang ang sumakay sa kabayo at hawakan ang lampara. Susundan ko kayo kaagad," Pagkatapos ay inilagay ko na sa loob ng kalesa ang takuyan. Hindi ko masyadong makita ang mga mukha nila sa loob dahil madilim na rin ang kapaligiran. Iniabot ko na kay Mang Bermigio ang lampara saka niya iyon sinindihan. Pagkasakay niya sa kabayo ay sumakay na rin ako sa kalesa saka hinawakan ang lubid. Pagkahawak ko pa lamang ng lubid ay biglang sinumpong ang kabayo nito at biglang nagtaas ng dalawa nitong mga paa sa harapan dahilan para tumuwad ang kalesa. "Hoooohhh," halos sabay naming saway ni Mang Bermigio. "Simooouunnn," sigaw ng mga dalaga sa loob. Nagulat na lamang ako nang maramdamang may pumulupot na kamay sa aking dibdib at paglingon ko ay nakita kong nakahilig ang ulo ni Celeste sa aking likuran. "Natatakot akooo," punung puno ng pag-aalala ang boses ni Celeste sa mga oras na iyon. Mabuti na lamang at kumalma na ang kabayo. Napakabilis ng t***k ng dibdib ko. Mabuti na lang at unti unti na niyang tinanggal ang pagkakapulupot ng mga kamay niya sa akin dahil baka maramdaman niya ang labis-labis kong kaba sa aking dibdib. Napalunok na lamang ako nang mapansing namumuo na naman ang pawis sa noo ko. Inayos ko na lamang ang salakot na suot ko at pasimpleng pinunasan iyon ng aking mga daliri. "Ganyan talaga iyan kapag bagong kutsero ang sasakay," natatawa pa si Mang Bermigio. "Tara na Mang Bermigio, gagabihin na tayo," pag anyaya ko. "Halika na. Heeyyy," hudyat niya sa kabayong kinalululanan niya kaya't nauna na sila. "Tiago, sunod," sigaw ko at saka naman tumakbo ang aso ko na pumantay sa bilis ng takbo ng kabayong sinasakyan ni Mang Bermigio. "Heeyyy tsk tsk tsk," hinila ko ang lubid kaya naman nagsimulang tumakbo ang kabayo na hila ang kalesa. CELESTE BUSILAK ang kanyang puso kahit pa napakagaspang ang ugaling ipinapakita niya sa akin. Damang dama ko ang kahihiyan sa aking sarili nang bigla kong iniyakap ang sarili ko sa kanya nang magloko ang kabayo. Saglit siyang napahinto nang maramdaman ang mga kamay kong nakapulupot sa kanyang katawan kaya naman nakaramdam din ako at unti unting tinanggal iyon. "Napakatigas kasi ng ulo," mahina niyang wika. Mahina man ngunit narinig ko ang mga sinabi niyang iyon. Nanatili na lamang akong tahimik dahil totoo naman ang sinabi niya. Mula sa soot niyang damit ay naamoy ko ang kakaibang amoy ng lalaki. Iyon bang natural na amoy mula sa tao. Oo, pawis siya at dama ko iyon nang yakapin ko siya, ngunit hindi nangingibabaw ang amoy ng pawis sa kanya. Lalaking lalaki ang dating niya at tila ba hindi siya gumagamit ng ano mang pampabango. Isa ito sa mga bagay na nagpapadagdag ng pagkakagusto ko sa taong ito. Makisig si Fabian. Oo. Matipuno. Magalang. May respeto at may disenteng trabaho bilang abogado sa kabayanan. Ngunit ibang iba si Simoun. Maaaring wala siyang pinag-aralan, walang propesyonal na trabaho, hindi nagsusuot ng magarang damit at kung ano pang pangmayayaman, ngunit kakaiba siya. May bagay sa kanya na hindi ko makita kay Fabian. May bagay na hindi ko maintindihan kung bakit ako nakararamdam ng pananabik na makita siya kahit pa ngayong araw lamang kami nagkita. Hindi ko gustong ikumpara ang nobyo ko sa kanya ngunit hindi ko maiwasang gawin ito. "Maayos lamang ba ang pakiramdam mo binibini?" Tanong ni Inicia habang hawak ang aking mga kamay. Pakiramdam ko ay nauunawaan niya ang lahat. Maging ang tunay kong nadarama ay nauunawaan niya. "Mabuti naman ang pakiramdam ko sa ngayon Inicia," mahina kong sagot. Nilingon ko si Simoun na ngayon ay nangingintab ang mga braso dahil sa pawis. Tumatama kasi ang ilaw ng lampara na hawak ni Mang Bermigio mula sa di kalayuan kaya't nangingintab ang mga iyon. Sa palagay ko ay malakas siya. Sa palagay ko ay napakasarap sa pakiramdam na mayakap ng mga bisig na iyon. At sa palagay ko ay gagawin ko ang lahat para lamang maranasan ang bagay na iyon. "Hoooohhh," hudyat na dapat ay tumigil na ang takbo ng kalesa. Nasa mansyon na kami at gabi na. "Binibini, mukhang naghihintay sa'yo ang buo mong pamilya," lumingon si Simoun sa amin at alam ko na ang ibig sabihin ng kanyang mga sinabi. Galit na may halong pag-aalala ang nakita ko nang sumilip ako sa kinaroroonan nila. Unang bumaba si Mang Bermigio. "Don Fernando, paumanhin po ngunit kami ay napag-utusan lamang," narinig kong wika ng matanda. Kinakabahan na ako. "Nasaan ang dalawang binibini? Ang anak ko at ang kanyang tagasilbi?" Boses iyon ni papa at may tono ito ng pagka-autoridad. "Halika na binibini. Ako na ang magsasalita para sayo," hinawakan ni Inicia ang kamay ko na nanlalamig na sa takot at nerbyos. Dahan dahan kaming bumaba. Nakayuko lamang ako at pag-angat ko ng aking ulo ay magkakasamang nakatayo sina mama at papa at ang aking mga kapatid. Nakapamewang ang aking papa habang nakatingin sa akin. Dahan dahan akong lumapit kasunod si Inicia. Ngunit bago pa man kami makalapit ay naunahan na kami ni Simoun. Nagulat pa ako nang makitang tanggalin niya ang kanyang salakot at yumuko sa harapan ng aking papa. Nagmadali naman akong lumapit. "Paumanhin po Don Fernando, ako po ang may kasalanan sapagkat kulang ang dinala kong takayan ng mga mangga na gagamitin sa inyong salo-salo bukas," mababa ang boses niya at punung puno ng sinseridad. "Don Fernando, ako po ang may kasalanan sapagkat hindi ko sinaway ang binibini nang nagpumilit siyang magtungo sa manggahan kahit magdidilim na," yumuko rin si Inicia sa harapan ng aking papa at natuon naman sa kanya ang atensyon ng lahat. "Huwag ninyong akuin ang kasalanan ng anak ko. Narinig ko mula sa mga kasambahay na tama na ang takayang dinala ni Simoun. Itong si Celeste lamang talaga ang nagnais na dagdagan ito. Kaya Bermigio, maaari ka ng umuwi at magpahinga," "Salamat po Don Fernando," saka niya ibinaba ang takayan mula sa loob ng kalesa at saka naman sumakay dito upang dalhin iyon sa likod ng mansyon. "Simoun, maaari ka na ring umuwi at pasensya na sa abala. Mag-iingat ka sa iyong daraanan. Salamat sa paghahatid sa kanila," "Paumanhin po Don Fernando," yumuko siyang muli bago tumalikod. Naglakad na siya pabalik ngunit biglang nagtama ang aming mga mata. Saglit lamang iyon ngunit tila ba bumagal ang ikot ng mundo nang masilayan kong muli ang kanyang kakisigan. Napaka-itim ng kanyang mga mata. Halatang namamawis ang kanyang nangingintab na noo dahil sa ilaw na tumatama sa kanya. Ngunit mas nagulo ang mundo ko nang magtama ang aming mga hinliliit. Bigla akong parang nakuryente sa pakiramdam na iyon. Saglit pang nawala ako sa huwisyo dahil sa kakaibang hatid ng pagtatama ng aming mga daliri. Isinuot na niya ang salakot at saka mabilisang sumakay sa kabayo. Hawak niya ang iniwang lampara ni Mang Bermigio. "Tiago, tara na," sigaw niya. Lumingon pa siya sa direksyon ng aking papa at yumuko na senyales ng paggalang. Hindi na niya ako muling tiningnan. Tila ba isa siyang magiting na lalaki sa aking pakiramdam. "Heeyyy," hinila niya ang tali at tuluyan nang umalis. Mga tingin ko na lang ang naghatid sa kanya. Nanumbalik ako sa aking tamang pag-iisip nang magsalitang muli ang aking ama. "Celeste, hindi ko mapalalampas ang iyong ginawang ito. Labis kaming nag-alala ng iyong mama at mga kapatid. Hindi ka man lang nagpaalam. Delikado ang daan sa lugar na iyon at mas lalong delikado dahil gabi na," mabuti na lamang at malumanay na ang boses ng aking papa. "Paumanhin po papa. Ngunit huwag na po kayong mag-alala. Mabuti na lamang at ihinatid kami ni Simoun na siyang nakakakabisado sa daan," pagmamalaki ko pa. "Bueno, pumasok na kayo at tayo'y maghahapunan na. Ikaw na lamang ang hinihintay," Isa isa na kaming pumasok sa loob ng bahay at naghapunan. KINAUMAGAHAN ay maagang umalis ang mama at papa upang magsimba at makipagkita sa kanilang mga amigo at amiga. Mamayang gabi na ang salu salo at mag-iimbita na rin sila sa mga dadalo. Ang aking mga kuya naman ay kanya kanyang alis papuntang bayan upang makipagkita rin sa kanilang mga nobya. Samantalang ako ay nagbabalak na pumuntang muli ng manggahan. Mamayang gabi pa naman dadalo si Fabian kaya natitiyak kong walang maghahanap sa akin ngayong umaga at bago mananghalian. "Inicia, ipahanda mo ang kalesa at tayo'y magtutungo sa manggahan," mahina kong wika. "Binibini, hindi ka pa ba nadadala?" "Ganito na lamang. Kapag nagtanong sila kung nasaan ako, sabihin mong masama ang pakiramdam ko at hindi ko muna gusto ng kausap. Maglagi ka sa loob ng kwarto ko upang makasiguro na walang papasok. Ako na ang kakausap kay Mang Bermigio," "Ngunit binibini," Wala na siyang magagawa dahil kinuha ko na ang balabal saka ako lumabas. "Babalik ako bago mananghalian," Nagtatago ako upang hindi mapansin ng lahat maging ng mga kasambahay. Hanggang sa makarating ako sa kinaroroonan ni Mang Bermigio. "Ngunit baka po ako na ang pagalitan ng inyong ama," pag-alala ni Mang Bermigio nang sabihin ko iyon. "Huwag po kayong mag-alala. Babalik ako dito bago mananghalian," "Sigurado po ba kayo?" "Oo naman po Mang Bermigio. Hintayin niyo lamang ako sa tarangkahan ng manggahan," At nauto ko ang mga taong iyon. Nakarating ako sa manggahan at natitiyak kong alas syete pa lamang ng umaga. Naglakad ako papasok at hindi ko alintana kung may asong biglang sumakmal sa akin dito. Ang tanging nasa isip ko lamang ay si Simoun. Hanggang sa marating ko ang kinaroroonan ng amingan. Bago ako makalapit ay nagtago ako sa isang puno ng mangga. Tinitingnan ko siyang papalapit sa amingan habang buhat ang isang takayan na puno ng hinog na mangga. Kita ko na wala siyang pang-itaas kaya nangingintab ang likod niya dahil sa pawis at tanging maong na pantalon lamang at bota ang kanyang suot. Napakamatipuno niyang lalaki. Napakalakas ng kanyang katawan. "Kay aga aga, pinaiinit niya ang panahon," nakangiti pa ako habang sinasabi ang mga ito. Bawat paggalaw ng mga laman niya ay tila ba nakadaragdag sa kasabikang aking nadarama. Ibinaba niya na ang takayan sa tabi ng ilan pang takayan na naglalaman ng mangga saka biglang namewang at tila ba tinitigan pa ang mga iyon. Maging ang kanyang matitigas na braso ay pawis na pawis. Hindi ako kumukurap. Sa mga magasin ko lamang nakikita ang mga ganitong hubog ng kalalakihan at hindi ko akalain na may makikita pala ako dito sa manggahan. Ngunit bakit may malaking pilat sa kanyang likuran? Ano ang nagdulot nito? Nasa ganong pwesto ako ng pagsilip nang kagatin ako ng hantik sa kamay. "Aarrrayyy," napasigaw ako bigla at napalayo sa pagkakatago sa punong mangga. Patay ako nito. Mahuhuli niya akong nagtatago. Kinakabahan ako dahil natitiyak kong narinig niya ang daing ko. Mas kinabahan ako nang may papalapit na tahol ng aso akong narinig. "Dios ko pooo," Pagtatapos ng Ikaapat na Kabanata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD