Nandidiri
Lia Kennedy:
Dito na si sir! Nasan na kayo?
Napakagat-labi ako matapos maipadala ang mensahe sa group chat. Itinago ko ang cellphone atsaka nakinig. Paminsan-minsan kong sinisilip ang telepono para tignan kung may sumagot na pero wala.
Dire-diretso lang ang naging discussion at akala ko'y maagang magdidismiss dahil medyo maiksi lamang ito ngunit nagbigay pa ng gawain ang guro.
"Bumuo kayo ng group with 4 to 5 members then answer these." sabay lipat ng slide sa powerpoint.
Napalunok ako dahil sa pamilyar na eksena. Lumibot ang tingin ko sa classroom at napansing mabilis naglapitan ang mga magkakaibigan para magtabi-tabi.
Dahil wala roon ang mga madalas kong makasama ay napilitan akong humanap ng pwedeng salihan.
Kabado akong lumapit sa nakita kong grupo na may apat na miyembro pa lang.
"Hi," ngiti ko. "Pwedeng maki-grupo sa inyo?"
Blangko akong tinignan ng isa.
"Ay sorry puno na kami," mabilis na sabi nito at agad binawi ang tingin sakin.
Nagsimula na silang mag-usap-usap nang parang wala ako sa gilid nila.
Napabuntong-hininga ako at sinubukan uling igala ang tingin nang may biglang lumapit sakin.
"Lia, gusto mo pair na lang tayo?" alok ni Archie habang malaki ang ngiti.
Sasagot pa lang sana ako nang biglang may humilang babae sa kanya at dinala sa kanilang grupo.
Ilan pa ang sinubukan kong lapitan ngunit panay ang tanggi nila sa akin.
Bagsak ang balikat na bumalik ako sa upuan nang mapagtantong wala akong choice kundi gawin ito nang mag-isa.
Binilisan ko ang paggawa para makahabol sa mga oras na nasayang. Nataranta pa ako nang makitang halos paubos na ang tao sa silid at hindi pa ako tapos.
Nakahinga lamang ako nang maluwag noong matagumpay ko itong natapos at naipasa.
Paglabas ng classroom ay kinuha ko ang cellphone sa bulsa at nakitang wala pa ring reply doon. Agad kong tinawagan ang numero ni Quinn.
"Lia!" halakhak niya ang bumungad sa akin.
Napakunot ang noo ko.
"Nasan ka? Magkakasama ba kayo?" sunod-sunod na tanong ko.
"Dito sa likod ng PR Hall dali punta ka,"
Sa sinabi niya ay parang nagka-ideya na 'ko kung bakit wala na naman sila sa klase.
Dahil may 30 minutes pa bago ang sunod na subject ay nagdesisyon akong puntahan muna sila.
Malayo pa lang ay natanaw ko na silang nagtatawanan. Nakaupo sa malaking bato si Quinn at ang boyfriend niyang si Markus habang sila Ava at Zoe ay parehong nakatayo habang may hawak na alak. Nakita kong nandun din ang iba pang kaibigan ni Markus na bumubuga ng usok mula sa kanilang vape.
Napabuntong-hininga ako habang papalapit.
Sa mga nagdaang-taon ay naging napakahirap para sakin ng pagkakaroon ng kaibigan. Halos handa na akong tanggapin noon na magiging mag-isa na lang ata talaga ako hanggang maka-pagtapos ng pag-aaral. Napaka-laking pagsubok man ng kawalan ng kasama sa eskwela ay wala na rin naman akong magawa.
Ngunit isang araw habang mag-isang kumakain sa cafeteria ay may mga biglang tumabi sa akin na ikinagulat ko. Nagpakilala sila bilang sina Quinn, Ava, at Zoe. Kawawa naman daw ako kaya kakaibiganin na lang nila ako. Kahit hindi gaanong maganda pakinggan ang naging bungad nila sa akin ay hindi ko maiwasang maging masaya pa rin nung mga oras na iyon.
Pare-pareho kaming nagkakasundo pagdating sa fashion at make-ups. Pero noong tumagal ang pagkakaibigan namin ay nadiskubre kong marami akong mga pagkakaiba sa kanila. Gayunpaman ay mahalaga sila sa akin dahil sila lamang ang tanging tumanggap sa akin bilang kaibigan.
"Nag-cut na naman kayo?" salubong ko nang makalapit.
Napalingon sakin si Quinn at agad tumayo.
"Liaaa!" mahabang sabi nito.
She spread her arms to envelope me in a hug. Amoy na amoy ko sa kanya ang alak.
Humiwalay siya at lasing na tumitig sakin.
"May pinagawa si Sir. Namiss niyo tuloy yung seatwork," sabi ko.
Zoe rolled her eyes lazily. "Lia stop talking about stuff like that for now. Come here and have some fun with us," sabi niya sabay lahad ng isang inumin.
Sasagot pa lang sana ako nang makarinig ng malakas na tunog ng pito mula sa likod. Mabilis akong napalingon.
"s**t," mura ni Markus.
Tatlong pigura ng lalaki ang nakita kong papalapit. Namukhaan ko sila bilang officers ng student council.
"Hala tangina," sabi ni Ava.
"Drinking and smoking are prohibited inside the school premises." panimula ng nakilala ko na President ng council. "This is also considered cutting classes dahil school hours pa." dagdag niya sa propesyonal na tono at bahagya pang umiling-iling.
"1 week detention for you guys. IDs please," pilyong sabi ng alam kong Secretary naman saka lumapit samin para kumpiskahin ang mga IDs.
Napabuntong-hininga ako habang inaabot ang sa akin.
Dumapo ang tingin ko sa Vice President na tahimik lang na nakamasid.
Salubong ang makapal na kilay nito habang iginagala ang tingin sa amin. Nakaramdam ako ng kaba nang makitang bumalik ang mata niya sa akin at nagtagal.
Halos kilabutan ako nang maramdaman ang pagpasada ng tingin niya sa akin mula ulo hanggang paa.
Nang bumalik ang tingin niya pataas at nagtama ang mata namin ay nakita ko ang dumaang ekspresyon sa mata niya. Pamilyar sa akin ang tingin na iyon dahil madalas ko na itong makita sa mapang-husgang tingin na ipinupukol sa akin ng iba.
Parang... nandidiri.