Part 17

1694 Words
NANLALAKI ang mga matang lumapit kay Belle at Kieran ang mga ate niya. Ngunit dagli ring napahinto ilang hakbang mula sa kanila nang mapasulyap ang mga ito kay Kieran. Pagkatapos ay bumaba ang tingin ng mga ito sa kamay niyang nasa braso nito. Nag-init ang mukha niya ngunit sa kung anong dahilan ay hindi naman niya magawang alisin ang kamay roon. Siguro dahil sa likod ng isip niya ay alam niyang masasaktan ang binata kapag binawi niya ang kamay niya. Na baka isipin nito nahihiya siyang makita ng ibang tao na kasama niya ito. “Kilala mo ba sila? Akala ko ba mag-isa ka lang nagpunta dito sa San Bartolome at wala na ang mga kamag-anak mo na orihinal mong pupuntahan dito?” takang tanong ni Kieran sa kaniya. Nanlamig siya at ibinuka ang bibig ngunit hindi alam kung ano ang sasabihin dito. Tiningala niya ito at nang magtama ang mga mata nila ay parang nais na lamang niyang bumunghalit ng iyak. Ayaw niyang magalit ito sa kaniya. “Ah, nakasabay namin siya sa bus noong papunta siya rito sa San Bartolome. Bigla lang kasi siyang nawala kaya nag-alala kami kung kamusta na siya,” biglang sabi ng ate Beverly niya. Napalingon siya sa mga ito. Nagtama ang mga mata nila at nalaglag ang balikat niya. Ayaw niyang magsinungaling pa kay Kieran. Pero nakikita niya sa mga mata ng ate niya na may binabalak itong hindi maganda. Ate, parang awa mo na, huwag mo na ituloy. Please, huwag si Kieran. “Oo nga. Mag-isa lang kasi siya kaya kinausap namin siya sa bus hanggang sa makarating kami rito sa bayan. Belle, sino iyan? Akala namin dalaga ka? Asawa mo ba iyan?” sakay naman ng ate Shyra niya. “Ah, ano,” hindi niya alam ang isasagot. Ni ayaw niyang tingalain si Kieran. Ngunit humigpit ang hawak niya sa braso nito. “Just someone she knew,” sagot ni Kieran para sa kaniya. “Gusto mo bang sumama muna sa kanila? Baka alam nila kung saan ka pwedeng bumili ng isusuot mo. Kung taga rito sila mas alam nila ang bayan kaysa sa akin,” sabi nito.             Sa wakas ay tiningala niya ito. Nagtama ang mga mata nila at lalo lamang may lumamutak sa sikmura niya na walang bakas ng paghihinala sa mga mata nito. Hindi gaya noong una siya nitong nakita na kaunting kilos lamang niya ay naghihinala itong may balak siyang masama. “Belle?” untag nito sa kaniya. “Paano ka?” mahinang tanong niya rito. Natigilan ito at tumiim ang titig sa kaniya. Pagkatapos ay sumulyap sa mga ate niya na nakamasid lang sa kanila bago muling tumingin sa kaniya. Nahigit niya ang hininga nang bigla itong yumuko at tinawid ang pagitan ng mga mukha nila. Inilapit nito ang mga labi sa tainga niya. Napalunok siya nang maramdaman ang bigote nito sa pisngi niya na bahagyang nagpakiliti sa kaniya. “Kilala mo ba talaga sila? O baka naman balak ka nilang dugasin? Sabihin mo lang sa akin para maparusahan sila,” bulong nito. Napakurap siya. Noon siya natauhan. “Oo kilala ko sila. Mababait sila sa akin,” aniyang pilit pinasaya ang tinig. Inilayo nito ang mukha at tinitigan siya. “Are you sure?” Nakangiting tumango siya. “Iniisip ko lang kung saan ka pupunta kung sasama ako sa kanila.” “I can just stay at that bar to drink. Doon mo ako puntahan kapag nagsawa ka na mag-ikot dito,” balewalang sagot nito. Pagkatapos ay dinukot nito ang wallet nito at kumuha ng dalawang libo. Pagkatapos ay kinuha nito ang isang kamay niya at inilagay roon ang pera. “Pambili mo ng mga gamit mo.” Napatitig siya rito. “H-hindi ka ba natatakot na baka tumakas ako at hindi na bumalik?” kabadong tanong niya. Napatitig ito sa kaniya. “Hindi ko naisip iyan,” sabi nito pagkatapos ay tila nag-isip ito. Nang muli itong yumuko sa kaniya ay akala niya may sasabihin na naman ito. Kaya laking gulat niya nang walang anu-anong lumapat ang mga labi nito sa nakaawang na mga labi niya. Huminto ang oras para sa kaniya. Bigla ay nablanko siya at walang ibang pumapasok sa isip niya maliban sa pakiramdam ng mainit at malambot na mga labi nito sa mga labi niya. Saglit lamang ang halik na iyon at halos tila saglit na sinimsim lamang nito ang ibabang labi niya bago nito pinakawalan ang mga iyon ngunit windang na windang pa rin siya. Nang magtama ang mga mata nila ay nagsalita ito. “Then go ahead and run away from me. That is, if you want to.” At kung akala niya ay sobra sobra na ang mga panggulat nito sa kaniya ay bigla pa itong ngumiti – iyong ngiti nito na gustong gusto niya. Bago ito kumalas sa pagkakahawak sa kaniya at tumalikod. Mukhang tangang napasunod na lang siya ng tingin dito hanggang sa makapasok ito sa KTV bar.   “DIYOS ko, akala namin kung ano na ang nangyari sa iyo! Ano bang nangyari Belle? Napaamo mo ang taong iyon?” manghang bulalas ng ate Beverly niya nang hatakin siya ng mga ito palayo sa KTV bar kung nasaan si Kieran. Hindi siya makapagsalita dahil hanggang sa mga oras na iyon ay nararamdaman pa rin niya ang mga labi ni Kieran sa kaniya. Nakatingin lang siya sa mga kapatid niya pero hindi rumerehistro sa utak niya kung ano ang sinabi ng mga ito. “Hoy, babae matauhan ka na!” singhal ng ate Shyra niya na hinawakan pa siya sa magkabilang balikat at niyugyog. Napakurap siya. “Ano?” Nagkatinginan ang mga ito pagkatapos ay sabay pang nagtirik ng mga mata. “Dapat kasi noon pa natin pinahalikan iyang si Belle para hindi natutulala ng ganiyan,” sabi ng ate Shyra niya. Nanlaki ang mga mata niya at nag-init ang mukha niya. “Ate!” angal niya. “Tama na. Hindi iyan ang mahalaga ngayon. Mas mahalaga ay mukhang maganda ang nangyayari sa plano natin,” saway ng ate Beverly niya at kumislap ang mga matang tumingin sa kaniya. “Alam mo ba noong unang gabi na magpunta ka roon may nagsabi sa amin na may isang lalaki raw na nagtatanong-tanong kung may kilala ang mga itong babae na ang pangalan ay Belle. Buti na lang hindi mo masyadong kinausap iyong landlady natin kaya walang naisagot ang mga tao rito. Siyempre kami nanahimik lang kasi narinig namin na madalas daw magpunta ang lalaking iyon doon sa mansyon. Iyong kasama mo ba ang sinasabi nilang lalaking pumatay sa asawa niya?” Napangiwi siya. “Hindi niya pinatay ang asawa niya,” depensa niya kay Kieran. Tumaas ang mga kilay ng mga ito. “Sinabi niya sa iyo?” Natigilan siya at napailing. Hindi pa rin niya alam kung ano ang nangyari sa asawa nito. Pero sigurado siyang hindi magagawa ni Kieran na saktan si Regina. Lalo na at nakita niya sa mga larawan kung gaano nito kamahal ang babae. May kumudlit na kung ano sa puso niya sa isiping iyon ngunit inignora niya iyon at bumaling na lamang sa mga ate niya. “Anong gagawin ko? Sinabi ko sa kaniya na wala akong pamilya kasi yung kaibigan niya na nagtatanong tanong dito, pulis iyon. Natakot ako na baka kapag nalaman nilang mga kapatid ko kayo mahulaan nila ang mga ginawa natin sa maynila. Lalo na kayong dalawa kasi may kaso na kayo hindi ba?” nag-aalalang sabi niya. “Tama ang desisyon mo. Talagang kapatid ka namin,” tumatangong sabi ng ate Shyra niya. Napabuga siya ng hangin. “At mukhang may gusto sa iyo ang lalaking iyon. Ituloy-tuloy mo lang iyan. Kapag talagang hulog na hulog na siya sa iyo at pagkakatiwalaan ka na niya, kami na ang bahala sa kasunod,” bilin ng ate Beverly niya. Natigilan siya. “Anong binabalak ninyo?” kabadong tanong niya. “Ano pa e di dating gawi. Peperahan siya pagkatapos ay lalayas na tayo sa bayang ito. Hindi ba gusto mong magbagong buhay? Pwes kapag malaki ang nakuha natin sa kaniya magbabagong buhay tayong tatlo sa malayo.” Kumabog ang dibdib niya. “Ayoko,” matatag na sagot niya. Natigilan ang mga ito at sumeryoso ang mukha. “Bakit?” tanong ng ate Beverly niya.  Napangiwi siya nang mahimigan ang talim sa tinig nito. Ngunit nagpakatatag siya. “Ate, hindi ko kayang manloko ng tao ng ganoon katindi. Kaya ko iyong dating pinapagawa ninyo sa akin kasi iyon simple lang. Pero hindi ito. Masyado nang nasaktan si Kieran noon. Ayokong masaktan na naman siya ngayon dahil sa akin,” paliwanag niya. “Isa iyan sa mga bagay na dapat mong matutunan sa buhay Belle, alisin mo ang masyadong kabaitan mo. Tingin mo ba makakalabas ka sa sitwasyong iyan nang hindi siya masasaktan? Nagsinungaling ka na sa kaniya. Bakit hindi mo pa lubusin? Isa pa, iiwan mo na lang kami ni Shyra sa ere?” galit nang tanong ni ate Beverly.  “At tingin mo ba palagi na lang kami ang gagawa ng mahirap ng parte sa trabaho? Aba Belle, una at huli mo na nga ito, para ito sa pagbabagong buhay natin. Wala namang ganyanan,” sabi naman ni ate Shyra. Nakagat niya ang ibabang labi. “Babalik ka sa lalaking iyon at papaibigin mo siya. Nagkakaintindihan ba tayo? Huwag mong pairalin ang puso mo rito Belle. Kapag ginawa mo iyon masasaktan ka lang. At kapag hindi mo ito ginawa magkakalimutan na tayo maliwanag ba?” matatag na sabi ni ate Beverly. Nag-init ang mga mata niya at nanghihinang napatingin sa mga ito. Ngunit mukhang walang balak ang mga itong pakinggan ang nais pa niyang sabihin dahil tumalikod na ang mga ito. “Bumili na tayo ng mga damit mo. Halatang galante siya kung inabutan ka ng pera ng walang pagdadalawang isip. Maganda iyan. Kapag nainlove na siya sa iyo ng husto dadahandahanin mo ang panghihingi sa kaniya,” sabi ng ate Beverly niya at nagpatiuna na kaagapay ang ate Shyra niya. Laglag ang balikat na napasunod siya sa mga ito. Nag-iinit ang gilid ng mga mata niya. Ayaw niyang saktan si Kieran. Ayaw niyang lokohin pa ito. Pero iyon ang nakatakda niyang gawin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD