“D’yan na lang po,” sabay turo ko sa terminal na papalapit.
Hiyang hiya ako buong byahe dahil pakiramdam ko ay naabala ko siya sa araw niya ngayon. Aniya kanina ay busy siya ngayon araw, bihis na bihis na sila at ready na talaga para magtrabaho tapos ngayon, nandito siya kasama ko na ibaba ako sa terminal.
“Where are you going?” tanong niya.
“Uuwi muna ako sa amin at baka hindi ko muna magawa ang pinapagawa mo ngayon dahil nagka-emergency talaga. Pero babawi naman ako, magsasabi ako kay Dane, iyong kaibigan ko kung kailan ako babalik. Promise, pagkabalik ko gagawin ko lahat ng utos mo.” mahabang paliwanag ko.
“You didn’t answer my question,” he said with annoyance in his voice.
Hindi ko alam kung ayos lang ba sabihin sa boss ko kung saan ako nakatira. That should be private right? At ano naman ang pakialam niya sa gagawin ko ngayon? Sinabi ko na sa kanya na hindi ako makakapagtrabaho dahil may emergency.
“Saan ka pupunta,Gigi?” ulit pa talaga niya.
Hindi ba talaga siya titigil hangga’t hindi ko nasasabi sa kanya ang gusto niyang malaman? Hindi na ako naka-alma sa pagkakataong ito at sinabi sa kanya kung saan ako pupunta.
“Escambor? The greens?”
“Opo,” sagot ko.
Kilala iyong greens or berde dahil halos nandoon makikita ang mga bundok, malaking sakahan, gulayan, maisan, at marami pang iba na may ugnay sa lupa. Ang lugar din kasing iyon ang hindi pa masyado napupuntahan ng tao dahil malayo ang escambor at sabi ng iba boring daw doon.
Pero para sa akin maayos lang naman, payapa ang buhay ngunit hindi gano’n kalakihan ang sahod dahilan kung bakit narito ako ngayon sa syudad ng Isla Agua.
“You lived there?” he asks more.
Tumango ako. “D’yan lang ako at p’wede ka nang bumalik sa trabaho. Maraming salamat, babalik ako kaagad kapag naayos ang lahat.”
Hininto niya ang sasakyan ng walang sabi sabi at nakahinga ako ng maluwag dahil doon. Pagkababa ko ay hindi man lang siya nagpaalam sa akin at tuluyang pinaharurot ang kanyang sasakyan. Tumaas ang gilid ng labi ko dahil sa nangyari.
Hindi talaga siya marunong rumespeto, pero sino ba naman ako?
Winala ko iyon at sumakay sa bus papuntang Escambor. Habang nasa daan doon pa lamang ako nakakuha ng tawag mula kay Gina, isa ko pang kapatid. Doon niya sinabi pa sa akin ang nangyari.
Malubha daw ang sakit ni Gianet at kailangan ma operahan kaagad dahilan kung bakit ako naiyak sa loob ng bus. Pigil ako sa paglikha ng tunog dahil sa hiya ko. Parang gusto ko ng liparin ang daan papunta sa hospital kong nasaan sila ngayon
Halos limang oras din ang byahe dahil sa hinto hinto ng bus. Pagkarating sa lungsod ay tinahak ko ang papuntang Escambor District Hospital. Hindi iyon pribado at iyon na ata ang pinakamaayos na hospital dito p’wera sa iba na mayayaman lang ang nakakaafford.
Mabilis ko namang nahanap ang kapatid ko na naghihintay sa akin sa labas ng hospital. Lumapit sa akin si Gino at niyakap ako.
“Nasa eskwelahan ako ng nangyari, Ate. Natumba raw siya sa bahay sabi ni Tita Martha kaya dinala namin kaagad sa hospital. Sabi rin sa akin ng mga kaibigan niya baka daw siyang nagpagod sa isang activity nila dahilan kung bakit ito nangyari.” paliwanag ni Gino.
“Anong sabi ng doctor?”
“Kailangan daw ma operahan, Ate. Nang tinanong ko kung magkaon… napakamahal at baka sa pribadong hospital din iyong gagawin dahil doon daw ang magaling na doctor…”
Napalunok kaagad ako. Noong bata si Gianet pinanganak siyang may butas sa puso, ventricular septal defect daw iyon sabi ng doctor. Hindi raw iyon malala pero kapag hindi inagapan at na ayos ay baka mamamatay daw ang kapatid ko.
Pero wala kaming pera, kahit anong pilit ni Mama dati ay hindi talaga nila kaya ni Papa kaya ang ginawa nila ay nilayo nila si Gianet sa kapahamakan. Palaging may matang nakatingin sa kapatid ko, pero nang lumaki na si Gianet at nawala na sila Mama at Papa ay nakaya na iyon ng kapatid ko. Siya iyong nagmomonitor ng puso niya at nagpapaalam kaagad kapag may nararamdamang kakaiba pero ngayon wala kasi silang kasama sa bahay… wala ako roon para bantayan sila.
“Anong ginagawa ni Tita Martha sa bahay?” si Tita Martha ay kapatid ni Mama, mabait iyon kaya lang nahihiya lang kaming lumapit sa kanya.
“Bibigyan kami ng pagkain. At sabi niya baka daw pwedeng doon na muna kami sa bahay niya kapag maayos na si Gianet dahil wala naman siyang kasama.”
Nakahinga ako ng maluwag kahit papaano ay may nakatingin sa kanila. Walang asawa at anak si Tita Martha kaya nakakasiguro ako na maaalagaan sila.
Pagkapasok namin ni Gino sa ward na kung nasaan si Gianet ay naroon si Tita Martha. Nanlaki ang mata niya nang makita kaming dalawa ni Gino. Tumayo siya at lumapit sa akin bago ako inaya para mag usap.
Napatingin ako kay Gianet na natutulog at namumutla na talaga. She looks very sick at the moment and that shattered my heart into pieces.
“Sinabi na sa ‘yo ni Gino ang lahat?” malumanay na tanong ni Tita Martha.
Tumango ako.
“Halos dalawang milyon ang hinihingi ng doctor sa operasyon, Gigi. Isama pa ang pamamalagi sa hospital at gastusin, alam mo ba kung saan kukunin iyon?”
Umiling ako. May trabaho ako ngayon pero hindi sapat iyon para sa lahat ng ito. Kailangan ko ng apat o limang milyon. Ni isang milyon ay wala ako at pa kaya kung gano’ng kalaking pera?
“Kailangan ding magawa ang operasyon sa lalong madaling panahon, hija. Nahihirapan na ang kapatid mo.” dugtong niya pa.
Alam ko naman iyon kahit dati pa noong maliit pa siya. Palagi siyang nahihimatay sa kaunting irregular na pagtibok ng puso niya. Hindi siya gano’n kasigla pareho ng ibang bata, at ni sobrang sayang nararamdaman ay bawal sa kanya.
Kung p’wede lang sa akin na ang lahat ng iyon ay gagawin ko para maranasan ni Gianet ang normal na buhay.
Nagpakawala ako ng malalim na hininga. “Gagawa ako ng paraan Tita, kung p’wedeng humiram ako ng pera sa mga kakilala ko sa Isla Agua ay gagawin ko. Itutuloy ko ang operasyon.” desidido kong wika.
“Kung gano’n ay ako na ang bahala sa dalawa at magtrabaho ka para maisagawa na kaagad ang operasyon. May pera pa naman ako, p’wede ko iyong ibigay sa ‘yo.”
Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko. Mabait si Tita Martha dati pa pero hindi talaga siya lumalapit sa amin noong buhay pa sila Papa at Mama dahil sa dati nilang alitan pero alam ko na ang nangyari dati at hindi na iyon big deal sa akin ngayon.
****
Hinintay kong magising si Gianet. Napangiti siya nang makita ako pero hindi pa talaga siya gano’n kalakas ay hinahabol pa ang hininga niya. Inalagaan ko siya ng dalawang araw bago ako nagpasya na bumalik ng City Agua. Tuloy ang pagpapagamot sa kanya at nag-iwan din ako ng pera na naipon ko.
Nagpaalam ako at bumalik sa syudad. Gabi na rin nang makabalik at wala si Dane sa apartment na tinitirhan namin kaya tinawagan ko siya. Naka tatlong ring ata iyon bago niya sinagot ang tawag ko.
“Gigi, nasaan ka na? Bakit ngayon ka lang tumawag ha?! Hindi ka rin nagrereply sa mga text ko?! Nagpa load pa talaga ako para lang matawagan at ma text ka!” bungad ka agad niya sa akin.
Dinig ko ang ingay at alam ko na kung nasaan siya ngayon. Wala sana akong balak na magtrabaho pero kailangan ko ng pera, mas mainam siguro kong pupunta ako roon at kahit na bawasan na lang ang sahod ko muna. Kailangan ko ng pera at tatlong daan na lang talaga ang natira sa akin dahil sa sunod sunod na gamot ni Gianet at nag iwan din ako ng pera para sa kanila.
“P’wede pa ba akong magtrabaho d’yan, Dane? Kailangan ko ng pera, kailangang operahan ni Gianet sa lalong madaling panahon.” halos magmakaawa ako.
Alam kong medyo huli na ako sa oras pero kapag na pumayag sila ay pupunta talaga ako.
“Magpapaalam ako, magtetext ako kapag pumayag.”
Pinatay ko na ang tawag at naligo kaagad. Tamang tama naman na pagkalabas ko ay nakatanggap ako ng text kay Dane na p’wede dahil maraming tao sa bar ngayon. Nagmadali ako sa pagbihis. Simpleng sleeveless top ang suot ko at long skirt bago ko tinahak ang bar. Kabisado ko naman iyon kaya nakarating din ako ng ligtas.
Papasok ako nang hinarang ako ng guard para magbayad, mabuti na lang at kilala ako ng isang bouncer kaya pinapasok din ako. Hindi muna ako pumasok sa loob ng opisina ni Ma’am Red dahil nahihiya ako, hahanapin ko muna ang kaibigan ko na nandito lang sa palagid.
Palinga-linga ako, ramdam ko kaagad na hindi ako bagay sa lugar na iyon dahil sa suot at pinagtitinginan na rin ako ng mga mata. Nagmadali ako sa paghanap kay Dane ngunit hindi kaibigan ko ang nahagilap ng aking mga mata, si Sir Ahmet iyon.
Nakakunot ang noo niya at may hawak na baso na may lamang alak. Nataranta pa ako nang makita siyang lumapit sa akin hanggang sa tuluyan na siyang nasa harapan ko.
Sobrang ingay dito sa loob at kahit sigawan ko siya ay alam kong hindi niya ako maririnig agad. P’wera na lang kung lumapit talaga ako sa tainga niya.
Kita ko kung paano umikot ang kanyang mga mata at binigay sa isang lalaki ang baso na dala niya bago ako hinigit papaalabas hanggang sa napadpad kami sa parking area.
“What do you think you are doing here?” reklamo niya kaagad.
Napakagat ako ng labi.
“Bakit palagi mo akong pinapagalitan? May ginawa ba ako sa ‘yo at galit na galit ka sa akin?” hindi ko na napigilan pa ang sarili ko dahil sa tuwing nagkikita kami ay galit na galit talaga siya.
Umiwas siya ng tingin sa akin. Nagpakawala siya ng hininga. Problemadong problema siya base sa expresyon ng kanyang mukha.
Ano bang ginawa kong mali?
Bago pa man may lumabas na masasakit na salita sa kanyang labi ay inunahan ko na siyang magsalita.
“At isa pa, hindi naman ikaw ang pakay ko dito. Nandito ako para magtrabaho at hinahanap ko si Dane, gusto ko lang magtrabaho. Hindi naman kita kakausapin sa loob kaya h’wag ka ng magalit sa akin,” mahinang boses na paliwanag ko dahil ayaw ko talaga na mag away kami sa ganitong bagay.
Kung galit siya ay ayaw kong magalit din dahil pakiramdam ko ay hindi mareresolba kung ano man ang problema niya sa akin. Takot din ako sa mga away away na ‘yan…
“Diba sinabi kong h’wag ka nang maghanap ng ibang trabaho dahil inalok na kita? I proposed you a good work wherein I can double or triple your salary.”
Napalunok ako. Seryoso talaga siya doon? Ilang araw na ang nakalipas at hindi ko alam na matutuloy pa iyon…
“Is my proposal clear to you or not? Should we need a paper in order for you to understand everything?” dugtong pa niya.
Humigpit ang hawak ko sa aking palda. Naintindihan ko naman, ang hindi ko maintindihan kung bakit ako ang napili niya? I mean, p’wede siyang mag hire ng mas magaling, iyong may experience na para doon. Ako wala akong gano’n…
“K-Kailan ba ako m-magsisimula k-kung gano’n? K-Kailangan ko ng p-pera…” yumuko ako dahil sa kaba at hiya.
Desperadang desperada na ako para sa kapatid ko, gagawin ko ang lahat kahit na hindi na kayanin ng katawan ko ang trabaho.
“Magkano ba ang kailan mo?” He offered.
Umangat ang tingin ko at agad na umiling. Masyadong malaki iyon at nakakahiya sa kanya. Alam ko namang mayaman siya, pero hindi pa kami gano’n ka magkakilala para humiram sa kanya ng gano’ng kalaking pera.
“Answer me, Georgina.” Mariing aniya.
“Pagtatrabahuhan ko ‘yon, Sir. ‘Di bale kung p’wede bukas, bukas ako magsisimula. Kailangan ko muna magtrabaho sa loob ngayon, wala akong pamasahe bukas kapag hindi ako nagtrabaho.”
Hindi ko na siya hinayaang magsalita at tinakbo na pabalik sa loob ng bar. Tamang tama na pagpasok ko ay nakasalubong ko si Ma’am Red, inaya niya ako papunta sa loob ng kanyang opisina. May binilin lang siya sa akin at tuluyan na akong pinakawalan. Nagbihis ako sa uniporme namin at lumabas na rin kinalaunan.
“Nandito ka na ulit, si Dane nasa right wing nagbibigay ng drinks kanina ka pa hinihintay.” Si Jelly sabay ngiti.
Nagbigay na muna ako ng alak at baka mahagilap ko pa si Dane pero palaging si Ahmet ang nakikita ng mata ko. At parang kinakabisado pa ang galaw ko!
May dalawa siyang kasamahan ngayon at nasa VIP seat sila na palagi siguro nilang p’westo. Pagkabalik ko sa bartender ay nakita ko na rin sa wakas si Dane. Agad niya akong hinila papunta sa likuran papalabas ng bar.
“Gaga ka talaga, hindi ka man lang nagtext o tumawag sa akin. Kinakabahan na ako sa mga desisyon mo sa buhay!” singhal niya sa akin.
“Pasensya na, busy ako sa pag-aalaga kay Gianet.”
“Nakita mo na ba si Sir Ahmet? Noong isang araw tinanong niya ako kung naka-uwi ka na, sinabi ko namang hindi. Talaga bang wala kayong sekretong dalawa?” nanliliit na matang tanong niya.
Bakit naman ako hahanapin ni Sir Ahmet? Binigay ko na nga sa kanyang number ko eh.
“Wala nga sabi.”
“Alam mo ba, maraming usap usapan ngayon sa kanya. May binili siyang isang magandang kompanya. At nakita ko pa sa so-cial media na malapit nang mag-trillion ang buwanang sahod niya!”
Ano naman sa akin? Wala akong paki kahit na gano’n kalaki ang pera niya, wala naman akong ambag doon.
“Dinig ko rin na magpapakasal na siya.” doon ako nagulat sa kanyang dugtong.
“Ha?”
“Oo, magpapakasal na siya. Iyon ang statement sa isang interview niya. May babae na siguro o naghahanap na nang mapapangasawa. Matanda na ‘yon eh, naghahanap na siguro ng long time partner niya. Kaya umiwas ka baka madale ka pa, marupok ka pa naman.” banta pa niya sa akin.
Natawa ako kay Dane.
“Bakit naman ako? Ni hindi nga niya ako matignan sa mata, halos galit at pandidiri ang nakikita ko.”
“Sinasabihan lang kita, mayaman iyon at kaya kang durugin ng lalaking ‘yon.”
“Alam ko naman ‘yon, Dayanna.” sabay pakawala ko ng hangin.
Bumalik kami sa loob ng bar ni Dane. Muling nahagilap ng mata ko si Ahmet na nilalagok ang kanyang inumin. Sa kanilang table rin ang hinahawakan kong tray kaya parang gusto kong magpakawala ng mura dahil doon.
Pagkalapit ko ay nilapag ko ang kanilang order. Iyong lalaking katabi niya ay nanlaki ang mata ng makita ako.
“It’s you again, can I order another bottle of beer please?”
Ngumiti ako at tumango sunod na tinanong ang mga nasa tabi niya.
“Hindi na iinom si Ahmet, magmamaneho pa ‘yan baka malasing na naman,” aniya sa akin na ikinatango ko.
Pagkabalik ko ay nakahilig na si Ahmet at mukhang inaantok na. Kaya niya bang matulog sa ganitong kaingay na lugar.
“H’wag na gisingin Miss, pagod na pagod ‘yan,” ani ulit ng lalaki nang lapitan ko si Ahmet.
Ilang oras pa ang nakalipas ay maging ang dalawa niyang kasamahan ay lasing na lasing na rin. I cursed at the air before I walk towards their table. Hindi ko kaya na ganito siya, mukhang pagod talaga.
“Ahmet…” tawag ko, malapit sa kanyang tainga.
Napamulat naman siya kaagad, nagulat naman ako dahil sobrang lapit ko sa kanya dahilan para umurong ako ng kaunti.
“Umuwi ka na, lasing na kayo,” dugtong ko.
His eyes darted on mine. Kahit madilim ay kitang kita ko ang kulay abo niyang mata na hindi ko man lang namalayan dahil palagi akong umiiwas sa mata niya.
“Tapos ka na ba?” tanong niya na hindi ko maintidihan.
Umiling ako bilang tugon.
“I’ll wait ‘till you finish your work, gisingin mo ulit ako mamaya kapag uuwi ka na.” bulong niya sa akin bago ulit pinikit ang mga mata.