PROLOGUE
NAITAKIP ko na lang sa bibig ang palad para pigilan ang paglakas ng iyak ko. Ramdam ko ang tuluyang pagkadurog ng puso ko dahil sa nangyari.
Sa isang gabi lang ay nawala ang pamilya ko. May mga demonyong pumatay sa kanila! Kahit ang dalawa kong nakakabatang kapatid ay hindi naging ligtas sa kamay ng mga demonyong nanloob sa bahay namin. At ang kawawa kong ina, siya ang pinakamaraming natamong sugat bago nalagutan ng hininga.
Nang dahan-dahan nang ibinababa ang tatlong kabaong sa bagong hukay na lupa ay hindi ko na napigilan ang emosyon. Nanlalambot akong napaupo sa lupa. Mabuti na lang ay nakaalalay sa akin si Tita Maureen na kaibigan ng mama ko.
“Tita, please… sabihin nyo sa aking isang panaginip lang ito,” humihikbi kong sabi. Nang walang makuhang kahit na anong tugon kay Tita Maureen ay nag-angat ako ng tingin sa kanya. Nanlalabo ang mga mata ko dahil sa luha.
“Please, Tita. Tell me that it’s just a dream,” I begged.
Nakagat ko ang ibabang labi nang dahan-dahang umiling si Tita Maureen.
“Tanggapin na lang natin, Haelynn. Wala na ang ina at mga kapatid mo. Patay na sila,” aniya na mababakasan ng awa para sa akin.
Tulala akong nagbaba ng tingin at itinuon ito sa mga hukay na nasa harapan ko na ngayon ay unti-unti nang tinatabunan ng lupa. Ni hindi pumapasok sa tainga ko ang sinasabi ng pari na siyang nagbabasbas sa labi ng pamilya ko.
Paano ko tatanggapin ang isang trahedyang ito? Paano ko tatanggapin na sa isang iglap ay bigla na lang nawala ang pamilya ko?
This is all my fault. Kung hindi lang sana ako umalis noong gabing iyon para gumawa ng project kasama ang mga kaklase ko, baka sakaling hindi nangyari ito. Baka sakaling hindi pinasok ng magnanakaw ang bahay namin. Baka sakaling hanggang ngayon ay buhay pa ang ina at mga kapatid ko.
Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sa kanila ay hindi ko na sana sila iniwan pa. Sana ay nagsama-sama na lang kami sa bahay. Pero dahil nangyari na ang trahedyang ito, wala na akong magagawa. Hindi ko na maibabalik pa ang oras para balikan ang gabing ‘yon.
Wala na akong ibang magagawa kundi ang tanggapin ang nangyari. Wala na ang pamilya ko. Patay na ang ina at ang dalawang nakakabatang kapatid ko. Nag-iisa na lang ako ngayon sa buhay.
Walang humpay ang pag-iyak ko. Isa-isa nang umaalis ang mga taong dumalo ng libing, ngunit ako ay nananatiling nakaupo pa rin sa lupa. Tila walang balak na umalis. Pakiramdam ko ay hindi ko kayang iwanan ang pamilya ko sa mga hukay na ito. Hindi pa ako handa.
“Haelynn,” marahang tawag sa akin ni Tita Maureen. Tanging siya at ako na lang ang taong naiwan dito sa puntod ng pamilya ko.
Nang hindi ko siya pansinin ay dinaluhan niya ako sa pagkakaupo ko sa lupa. Ramdam ko ang paghagod niya sa aking likod, sinusubukang pagaanin ang bigat sa dibdib ko.
“Haelynn, tama na. Tara na’t umuwi na tayo.”
Mabilis akong umiling sa sinabi niya. “Hindi ko sila kayang iwan, Tita. Hindi ko kaya.”
Nang ibaling ko ang ulo sa kanya ay naabutan ko siyang nakatitig sa akin. Mababakas ang matinding awa sa mukha niya.
“Tita, bakit ganito? Sa isang iglap ay nawala ang pamilya ko. Ni ang mga nakakabata kong kapatid ay hindi nakaligtas. At higig sa lahat, wala man lang mahuling suspek ang mga pulis,” sunod-sunod kong sabi. Isa iyon sa dahilan kung bakit nagiging doble ang sakit na nararamdaman ko.
Sa lumipas na linggo habang ngaluluksa ako sa pagkawala ng pamilya ko ay nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis. Ayon sa kanila ay pinasok ang bahay namin ng mga magnanakaw. Nang manlaban ‘di umano ang ina ko ay pinatay nila ito at ganoon na rin ang mga kapatid ko.
Kahit nakagawa na ang mga pulis ng imbestiasyon sa nangyari ay wala pa rin silang nahuhuling suspek. Ni wala silang makuhang ebidensiya na magtuturo sa taong pumatay sa pamilya ko.
“Wala talagang mahuhuling suspek ang mga pulis dahil hindi naman pinasok ng mga magnanakaw ang bahay nyo,” sambit ni Tita Maureen.
Napatigil ako sa pag-iyak at puno ng pagkagulong pinukol siya ng tingin.
“Ano?”
Inalis ni Tita Maureen ang tingin sa akin at ibinaling ito sa puntod ng ina ko.
“Sa tingin ko ay may nagpapatay kay Helena.”
Nagkaroon ng siwang ang bibig ko sa narinig. Hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Tita Maureen. Anong ibig sabihin niya? May nagpapatay sa pamilya ko?
“Hindi naman siguro lingid sa kaalamanan mo na nagtatrabaho ang ina mo sa bar. Trabaho niya ang aliwin ang mga lalaki para kumita ng pera.” Nagbalik na ng tingin sa akin si Tita Maureen. “Nitong nakaraang buwan ay may nakilala siyang costumer, si Mr. Alvarez. Naging loyal niyang costumer iyon, gabi-gabi ay binabalikan siya.”
Hindi ko nagawang makaimik sa sinasabi niya. Wala akong nagawa kundi ang makinig sa kuwento ni Tita Maureen.
“Maayos ang costumer na ‘yon ng mama mo. Lumalakas ang kita niya dahil kay Mr. Alvarez. Kaso nagkaroon siya ng problema sa lalaking iyon nang mahuli sila ng misis nito. Nang makaharap ng mama mo si Mrs. Alvarez ay nag-iskandalo ito. Galit na galit si Mrs. Alvarez dahil sa nalaman niyang may ibang babae ang asawa niya. Binantaan pa nga niya ang nanay mong ipapatay dahil sobra daw ang kalandian nito,” mahabang kuwento niya.
Napatitig ako kay Tita Maureen nang hawakan niya ang kamay ko at pinisil ito.
“Kaya hindi ako naniniwalang pinasok ng magnanakaw ang bahay nyo. Malakas ang kutob kong may kinalaman si Mrs. Alvarez sa pagkamatay ng ina at kapatid mo. Pinagbantaan niya si Helena na ipapatay niya, at nangyari nga. Imposibleng nagkataon lang ‘yon.”
Napalunok ako nang muli kong maramdaman ang paninikip ng dibdib. Bata pa lang ako ay malinaw na sa akin kung ano ang trabaho ng ina ko para mabuhay niya ako. Ang iba pa nga niyang costumer ay naging asawa niya ng panandalian dahil hindi sila nagtatagal. Dalawa beses namang aksidenteng nabuntis ang ina ko ng mga naging costumer niya sa bar.
Kahit na ganoong babae si Mama ay hindi ako nandiri sa kanya. Ni hindi ko siya ikinakahiya. Alam kong ayaw niyang gawin ang mga bagay na ‘yon, pero wala siyang magagawa. Wala siyang pinag-aralan kaya wala siyang makuhang ibang trabaho. Maaga pa niya akong ipinagbuntis at hindi ako pinandigan ng ama ko. Kaya ang pagtatrabaho sa isang bar ang tangi niyang naisip na pasukin lalo na’t malaki ang kita rito.
Iyon ang dahilan kung bakit nagsisikap ako sa aking pag-aaral. Gusto kong mai-ahon sa hirap ang pamilya ko para matigil na rin si Mama sa ganoon niyang trabaho. At sa natuklasan ko ngayon kay Tita Maureen, hindi ko alam kung paano ito tatanggapin. Hindi ko alam na ang trabaho ni Mama na siyang bumubuhay sa akin at sa dalawa ko pang kapatid ang magiging sanhi ng kamatayan niya at ng mga kapatid ko.
“Hayop siya!” sigaw ko, punong-puno ng galit at paghihinagpis. Nanginginig ang buong kalamnan ko sa sobrang galit dahil sa nalaman.
Bumakas ang matinding pagkagulo sa mukha ni Tita Maureen nang tumayo ako mula sa pagkakaupo sa lupa.
“Nasaan ang babaeng ‘yon? Ituro mo sa akin, Tita. Ituro mo!” sunod-sunod kong sabi, hindi na mapigilan ang galit na lumulukob sa akin. Ang tanging gusto ko lang na mangyari ngayon ay makaharap ang sinasabi niyang Mrs. Alvarez. Pagbabayarin ko siya sa ginawa niya sa pamilya ko!
Tumayo si Tita Maureen mula sa pagkakaupo at hinawakan ako sa magkabilaang braso ko.
“Anong gagawin mo? Susugurin siya?” pasigaw niyang tanong sa akin. Hindi ko nagawang tugunin ang sinabi niya at napatitig na lang sa kanya.
“Nababaliw ka na ba, Haelynn? Sa tingin mo ba, kapag sinugod mo siya ay aaminin niya ang krimeng ginawa niya? Hindi! Siguradong itatanggi niya ito!”
Parang natauhan ako sa sinabing iyon ni Tita Maureen. Muling dumaloy pababa sa pisngi ko ang mga luha ko.
“Anong gagawin ko, Tita? Anong gagawin ko? Dapat mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng pamilya ko! Hindi ako papayag na hindi makulong ang babaeng ‘yon!” sabi ko at napapahikbi na.
Mas lumakas ang pag-iyak ko nang maramdaman ko ang pagyakap sa akin ni Tita Maureen.
“Tutulungan kita, Haelynn… Tutulungan kita. Kukunin natin ang hustisya para sa pamilya mo,” bulong niya sa akin.
Isinubsob ko ang mukha sa balikat niya at dito ibinuhos ang luha ko. Mas humigpit naman ang yakap sa akin ni Tita Maureen na tila ipinaparamdam sa aking hindi ako nag-iisa dahil kasama ko siya.
“Magtiwala ka lang sa akin, Haelynn. Makukuha mo ang hustisya para sa ina at mga kapatid mo. Tutulungan kita.”
Sunod-sunod akong tumango habang patuloy pa rin ang pagtulo ng mga luha ko. Hindi ko alam kung paano ako matutulungan ni Tita Maureen na makamit ang hustisya para sa pamilya ko, pero kahit ano ay handa kong gawin para lang makamit ito.
Isinusumpa ko sa harapan ng puntod ng ina ko at ng dalawa kong kapatid, pagbabayarin ko ang Mrs. Alvarez na ‘yon sa krimeng ginawa niya.