MADGET
"MAYROON sana akong aamining mahalaga at private na bagay tungkol sa akin, sa'yo."
Napatingin ako sa kanya at hinintay kung ano ang sasabihin niya. Hindi na ako makapaghintay. Hindi ko rin alam kung paano ako makikinig or i-do-document ang kanyang pag-amin.
Kung sakali lang na mayroong kinalaman ito sa kaso na hawak ko ay magiging matibay sanang ebidensya ito.
Habang naghihintay ako ng kasagutan niya ay humigop pa siya ng kape. Mas pinatatagal niya pa ang paghihintay ko dahil sa pag-inom niya ng kape.
Siguro ay ito na ang pinakamatagal na limang segundo ng buhay ko.
"So, ano nga ang aaminin mo?" tanong ko na kunwari ay hindi ako interesado dahil panay ang pag-aayos ko ng buhok ko na magulo dahil sa aking pagkakahiga kanina.
"May ano kasi..." Humigop na naman siya ng kape.
Ano ba iyan. Istorbo talaga iyang kape na iyan. Sana hindi ko na lang siya tinimplahan.
"Ano nga? Sabihin mo na at inaantok na ako," inaapura ko na talaga siya.
"Matulog ka na. I-uuwi ko na lang itong kapehan. Sige na." Tumayo na siya at akmang aalis na.
"Hindi. Hihintayin ko ang sasabihin mo. Ano iyon? Problema mo ba? Malay mo diba? Matulungan kita."
"Sigurado ka? Matutulungan mo talaga ako?" Naupo siyang muli sa kanyang dating kinauupuan at saka muling humigop ng kape.
Naiinis ako sa tuwing hihigop siya ng kape dahil nade-delay talaga.
"So ano nga? Bilisan mo. Ang kupad kupad mo naman brad." Wika ko saka ako nagkamot ng batok.
"Hindi ako makupad ineng."
"Ang dami mong pasakalye. Aminin mo na kasi," sabi ko pa at naiinis na umirap sa kanya.
"Masyado kang apurado. Gaano ka ba kainteresado na malaman ang sasabihin ko?" Humawak siya sa pareho niyang tuhod at saka yumuko upang ilapit ang mukha sa akin.
Napasandal ako sa upuang kahoy ng kubo upang mailayo ang mukha ko sa kanya. Baka kasi bigla na lang akong maihi sa kilig kapag hindi pa ako gumawa ng move.
"Wala. Sabi mo kasi ay mayroon kang aaminin. Malay ko ba kung aamin ka sa akin na sister ka pala, eh di makikipagkurutan na ako sa'yo ngayon, sis." Pumilantik pa ang aking mga daliri ko at ginaya ang kaibigan kong beki.
Kumunot ang noo niya at saka tumingin ng masama sa akin. Bago siya muling nagsalita ay uminom pa siyang muli ng kape.
Bakit ba kasi ang tagal maubos ng kape niya? Naiinis ako sa ganitong ginagawa niya.
"So ano na? Magsasabi ka ba o hindi?" pilit ko pa ring hindi ipinapahalata ang aking interes sa kanyang sasabihin.
"Ikaw yata ang mayroong dapat aminin sa akin, Madget," wika niya sa pinakamalalim niyang boses.
Napalunok ako sa kanyang sinabi. Para akong nahuli na hindi naman nakulong. Basta't natigil ako at parang inusisa ang sarili ko kung masyado na ba akong obvious.
"Ako? May aaminin sa'yo? Wala ah. Ano naman ang aaminin ko sa'yo?" tanggi ko.
"Hindi mo aaminin na kaya mo ako minamanyak ay dahil mayroon kang gusto sa akin?"
"Ano ka? Sinuswerte? Ako magkakagusto sa'yo? Hello!" gulat na gulat kong wika.
"Malay ko ba. Pero sana ay parehas ang sinasabi ng bibig sa kung ano ang kabig ng iyong dibdib, ano?" Nagtaas baba pa ang mga kilay niya na parang sinabayan din ng pagtaas baba ng kanyang Adam's apple.
Kumikislap ang mga mata niya na tinatamaan ng ilaw sa poste. Bahagya akong natahimik dahil natumbok na naman niya ang mga tamang salita upang sa ganoon ay mailarawan niya ang sinasabi ng dibdib ko.
"So ano? Matutulog na lang muna ako. Nagsasayang lang ako ng oras dito." Tumayo ako at ipinakita ang pagkawala ng gana ko sa kanya.
"Maupo ka kasi muna. Maaga pa naman eh." Hinila niya ang aking kamay at pilit akong pinaupo sa tabi niya.
I stayed calm. Dahil mukhang malapit ko nang malaman ang nais niyang sabihin.
Tiis na tiis lang talaga ako. Hindi ko man maipakita na ako talaga ay masyadong natatagalan sa pag-amin niya ngunit sa loob loob ko ay sobra nang natatagalan sa kanya.
"Okay. Sabihin mo na at nang matapos na ang lahat."
"Matapos na ang lahat? Anong sinasabi mo?" nagtataka siyang nakatingin sa akin.
Teka. Ano bang sinasabi ko? Mabuti na lang at hindi ko sinabing upang matapos na ang misyon ko sa lalong madaling panahon.
Minsan ay kung hindi ang damdamin ko ang magkakanulo sa akin ay ang aking bibig naman.
"I mean, at nang makatulog na ako," bawi ko naman.
"Ganito kasi iyon, brad." Tinapik niya ang kanan kong balikat na para bang kumpare niya lang ako.
Mukha na ba talaga akong lalaki para tawagin niyang brad?
Pero nanatili na lang akong tahimik habang naghihintay ng kanyang sasabihin.
"Mayroon akong gusto sa isang babae. Gusto ko siyang ligawan. Kaya't sana'y tatanungin kita kung ano ang gagawin ko? Syempre, kahit medyo astig ka ay alam kong babae ka pa rin. Alam mo ang mga gusto ng mga babae."
Ha? Iyon lang ang aaminin niya? Wala na bang iba? Umasa ako doon ah.
"Iyon lang ang sasabihin mo? Sure ka?" nabigla rin ako sa sinabi kong ito.
Napamulagat siya at saka inusisa ang mga mata ko.
"May aaminin ka pa bang iba?" dagdag ko pa.
"Iyon na iyon," aniya.
"As in? Nagsayang lang ako ng energy para magtimpla ng kape mo, tapos upang maupo dito na wala ka naman palang mahalagang sasabihin. Hay naku naman." Nasapo ko ang noo ko saka ako tumayo na lang.
"Mahalaga ito sa akin. At iyon lang naman ang tangi kong aaminin sa'yo. Ano pa nga bang iba?"
"Okay. Kung wala ka nang ibang magandang sasabihin ay matutulog na ako, good night." Naglakad na ako pabalik.
Ngunit sinundan niya ako at hinawakan sa aking kamay.
"Ano ba kasi? Inaantok na nga ako, Conor. Sa iba ka na lang magtanong. Wala akong interes na alamin ang mga bagay na iyan. Busy akong tao at marami akong dapat na gawin at isipin. Okay?"
"Sinabi mo kanina na matutulungan mo ako kung mayroon akong problema."
"Sinabi ko ba iyon?" inisip ko pa talaga kung sinabi ko nga iyon.
"Oo. Nakalimutan mo na kaagad? Sinabi mo iyon."
Napakurap-kurap ako.
"Oo, sinabi mo iyon kanina. Kaya't tuparin mo iyon."
"Okay. So ano ba iyon? Hindi ba pwedeng ipagpabukas na lang?"
"Hindi."
"Sige, anong gusto mong itulong ko sa'yo?" tanong ko pa.
"Maupo muna tayo rito." Iginiya niya ako sa upuan.
Naupo naman ako at walang ganang tumingin sa kanya.
"Bale, itong babaeng ito ay mahirap pasagutin. Parang Amazona ang ugali. Wala nga yatang nanliligaw sa kanya eh. Baka nga tumandang dalaga kapag hindi niligawan," saad niya.
Tumango-tango naman ako.
"Para mapalambot at makuha ko ang atensyon niya ay ano kaya ang una kong gagawin?"
Seryoso ba siyang sa No Boyfriend Since Birth siya magtatanong? Wala akong naging jowa kahit na noong highschool at college pa. Wala akong kaalam-alam sa mga panliligaw dahil hindi naman ako nag-entertain ng kahit na sinong manliligaw kahit na maraming nirereto sa akin ang mga kaibigan ko.
"Sigurado ka bang sa akin ka magtatanong? Baka magkamali ako ng ipapayo sa'yo niyan, brad," sinabayan ko na rin ang pagsasabi niya ng gano'n.
"Oo. Sige na, malay mo diba? Mag-click."
Nag-isip naman ako kaagad upang sa gano'n ay makatakas na ako sa sitwasyon na ito ngayon din.
"Ano? Mayroon ka na bang naisip? Kahit isa lang muna. Para naman makapag-first base na ako sa lalong madaling panahon."
"Saglit lang, nag-iisip pa ako ng simple pero makahulugan." Kunwari ay nagkamot ako ng batok.
"Okay." Saka siya sumandal at nanatiling nakatingin sa akin.
Pero dahil bad trip ako sa pag-amin niya ng walang kakwenta-kwentang bagay ay hindi ako makapag-isip ng maayos.
Paano nga ba? Teka lang, paano ba iyong mga napapanood ko sa mga corny na mga palabas na halos kinakikiligan ng lahat pero para sa akin ay ubod ng corny.
Flowers. Sige, iyon na lang ang sasabihin ko sa kanya.
"Flowers. Magbigay ka ng flowers. Tapos bigyan mo pa ng chocolates. Alam kong sobrang corny pero iyon na lang muna ang first move mo. Okay na?"
"Anong klaseng bulaklak? Bulaklak ng kalabasa? Bulaklak ng gulay? Ano?"
"Rosas. Kulay pula para maganda."
Pero sa totoo lang ay hindi talaga ako natutuwa sa mga suhestiyon ko. Naiisip ko lang ay nandidiri na ako ng husto.
"Sige. Gagawin ko iyon."
"Sige na at matutulog na ako. Umuwi ka na dahil gabi na."
"Salamat ha? You're the best." Saka niya ginulo ang aking buhok.
Umirap lang ako sa kanya saka ako pumasok sa loob. Pumasok na rin ako kaagad sa kwarto ko at natulog. Mabuti naman at hindi na ako nagtagal pa ng paikot-ikot sa aking higaan.
KINAUMAGAHAN ay nagising ako sa katok ni Tiyang Felisa.
"Anak, gising. Mayroong naghahanap sa'yo."
Pupungas-pungas akong tumayo at inayos ang sarili ko. Agad akong lumabas at naghilamos saka ako pumunta sa labas.
"Tiyang, sino po ba iyon?" Tanong ko habang nagpupusod ng aking buhok.
Nakita ko sa labas si Conor, nakasuot ng shorts na itim at sandong puti na mayroon nang kalumaan at medyo malaki sa kanya. Halatang galing sa shop.
"Anong ginagawa mo dito?"
"Oh, iyong bulaklak na sinabi mo at tsokolate." Inabot niya sa akin ang isang bungkos ng rosas na pula at espesyal na tsokolate.
"Bakit mo sa akin ibinibigay?"
"Hindi naman tinanggap nung babaeng iyon. Ayaw raw sa rosas, mayroon daw siyang allergy sa rosas. Tapos baka raw magka-diabetes siya sa tsokolate," paliwanag niya.
"Tapos bakit sa akin mo ibibigay? Aanhin ko ito?"
"Aanhin ko rin naman iyan? Ikaw ang nag-suggest niyan. Kaya't sa'yo na. Bayaran mo na lang ako sa susunod." Nagkamot naman siya ng batok.
Halatang mabango pa rin siyang tingnan kahit luma na ang damit.
"Baka naman kasi ganyan kang nagpunta sa kanya. Paano naman niya tatanggapin ang bigay mo kung ganyan ang hitsura mo?"
"Kung magugustuhan niya ako sa ganitong hitsura ko, ay mas mabuti."
"Dapat nagsuot ka naman ng pormal. Ano ba naman kasi iyan?"
"Hayaan mo na. Hihingi na lang ako ulit sa'yo ng payo sa susunod. Sige na, maligo ka na at sabay na tayong magpunta sa barangay hall." Saka niya pinaandar ang motor.
"Eh anong gagawin ko dito sa bulaklak at tsokolate?" Sinubukan kong humabol.
"Sa'yo na lang iyan. Kainin mo na rin iyang tsokolate. Sige na, susunduin kita ng alas syete y media." Saka siya umalis.
Napatitig naman ako sa mga iyon habang nakatayo sa harapan ng bahay.
"Aba'y kay aga naman ng pabulaklak at tsokolate ng manliligaw mo hija," kinikilig ka wika ni Tiyang Felisa na nakatayo pala sa tabi ng tindahan.
"Hindi po sa akin dapat ito. Sa nililigawan niya po ito," tanggi ko na parang diring diri pa.
"Mayroon bang nililigawan si Conor? Sa pagkakaalam ko ay wala. Pihikan iyan sa babae. Nakakapagtaka naman yata iyan."
Napakunot noo naman ako sa kaisipan na iyon. Ayaw kong isipin ang isang bagay ngunit ito naman ang pumapasok sa isip ko.
I smell something fishy.