PROLOGUE
Maingat na tumabi si Dean kay Joanna na noo'y nakaupo sa malaking bato, habang nakatanaw sa malawak na karagatan. "I'm so happy na pumayag kang sumama dito."
Nasa Ramona Beach sila noon para sa post-birthday celebration niya, kasama ang mga barkada at ilang kaklase.
Si Joanna ay kaklase at first crush niya simula nang dumating siya rito sa Hacienda Ramona. Unang kita pa lang sa dalaga ay kaagad na nitong nabihag ang puso niya. Kung tutuusin, ibang-iba ito sa mga nakilala niyang babae sa Maynila. Simpleng babae lang si Joanna kung gaano rin kasimple ang pinagmulan nitong pamilya. Kapwa trabahador ng hacienda nila ang mga magulang nito.
Pero nakakaakit ang kasimplehan ni Joanna. Hindi nakakasawa ang mukha kahit buong araw mang titigan. Nakaka-in love din ang mga katangian nito: matalino, mabait, sweet, at friendly. Palangiti rin at masayahin.
Ngunit hindi lingid kay Dean na mahigpit na pinagbabawalan si Joanna ng mga magulang na mag-boyfriend habang nag-aaral pa. Kaya hindi ito pumayag nang magpaalam siya na manligaw. Kahit pa ramdam niyang pareho lang naman sila nang nararamdaman.
"N-nagpaalam ako na gagawa ng overnight project kasama si Suzainne," tila nahihiyang sagot ni Joanna. Bestfriend nito ang tinutukoy at classmate din nila.
Kumislap ang mga mata ni Dean sa narinig. "Really? Ginawa mo 'yon para sa'kin?"
Mahinang tumango si Joanna. "H-hindi kita matiis sa birthday mo, eh."
Hindi napigilan ni Dean ang kiligin. Kilala nilang hindi nagsisinungaling si Joanna, lalo sa mga magulang. Kaya feeling special si siya nang mga oras na 'yon.
Dahan-dahan siyang lumuhod sa harapan ni Joanna para makaharap ito. Masuyo niyang hinawakan ang dalawa nitong kamay na ipinagpasalamat niyang hindi nito tinanggihan. "Talaga? Hindi mo ako kayang tiisin? Bakit, Jo?" Maingat niyang hinawakan ang chin ng dalaga para makita ang maganda nitong mukha. Nakayuko pa rin kasi ito, halatang nahihiya sa kaniya. "Ano ang ibig sabihin niyon?"
Umiling-iling si Joanna. "S-sa totoo lang... H-hindi ko rin alam kung bakit sa unang beses, nagsinungaling ako kina Itay at Inay para lang makapunta sa birthday mo. H-hindi ko alam kung bakit hindi kita matiis."
"Hindi kaya dahil... Gusto mo rin ako?" Masuyo niyang sinapo ang maamong mukha ni Joanna. "Please, Jo... Look at me. Tell me that you like me, too..."
Mailap pero malamlam ang mga matang tumingin sa kaniya ang dalaga. Hindi ito sumagot. Pero kitang-kita ni Dean sa mga mata nito ang kakaibang kislap. Feel na feel niyang katulad niya nang mga oras na 'yon ang nararamdaman ni Joanna. Parang sasabog na ang kaniyang dibdib sa sobrang lakas ng kabog.
"I like you, Jo... I really do. Alam mo 'yan noong una pa man tayong nagkita. At noong una kitang kinindatan na nag-blush ka at ngumiti, doon pa lang, nag-expect na ako na gusto mo rin ako," puno ng emosyong pagtatapat ni Dean. "And please, correct me if I was wrong then. Sabihin mo kung masiyado lang ba akong feeling, or what..."
Mas lumakas ang t***k ng puso ni Dean nang unti-unting sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi ni Joanna. "T-tama ka, Dean. Noon pa mang una mo akong kindatan sa first day of class natin, attracted na ako sa'yo. Crush na rin kita noon pa man." Nahihiya itong yumuko at saka umiling. "Pero alam kong hindi tayo bagay. Langit at lupa ang pagitan natin. Kaya pinigilan ko ang sarili ko. At nang magpaalam ka na manligaw, inisip ko na baka pinagtitripan mo lang ako. Sino ba naman ako para mapansin ng 'tulad mong rich kid at Manila boy, 'di ba? Isa lang akong probinsiyanang dukha.
Natawa siya nang pagak. "Seriously? Inisip mo ang mga gano'ng bagay? Alam mong wala sa lahi namin ang matapobre. At mas lalong walang manloloko. Hindi ko 'yon kayang gawin, lalo sa'yo... Masiyado kang importante sa'kin para gawin 'yon."
Hindi nakaligtas sa mga mata ni Dean ang pagkislap ng mga mata ni Joanna. "Sorry, Dean. Natakot ako. At bukod siyempre sa hindi papayag ang mga magulang ko na mag-boyfriend ako. Gusto nilang magtapos muna ako sa pag-aaral. Alam mong panganay akong anak at ako ang inaasahan nilang makapag-ahon sa'min sa kahirapan."
"Then, marry me. For sure, lahat ng family mo, makakawala sa kahirapan," biro ni Dean pero alam niyang galing sa puso ang mga salitang 'yon.
Tinampal siya ni Joanna sa dibdib. "Sira! Hindi ang yaman ninyo ang nagustuhan ko sa'yo, 'no. Lalong hindi ko gagawing dahilan ang pera para magpakasal balang araw. At saka, hello? College pa nga lang tayo.
"Eh, ano pala ang nagustuhan mo sa'kin?" namumungay ang mga matang tukso ni Dean kay Joanna. "Ang kaguwapuhan ko, 'no?"
Parang kinikilig na tumawa si Joanna. "Sige na nga. Oo, ang kaguwapuhan mo talaga ang una kong napansin sa'yo noon. First time ko yatang makakita ng lalaki na guwapo at mabango. Hindi naman kasi ako laging napunta sa Ramona's Mansion kaya hindi ko kayo nakikita sa tuwing nagbabakasyon kayo rito."
Pumalatak si Dean. "Oo nga, eh. At sayang din dahil hindi ko rin gusto dati ang lugar na ito kaya lagi lang akong nasa mansiyon kapag nandito kami. Sana matagal na kitang nakilala. Napadalas sana ang pagbabakasyon ko rito noon," kapagkuwa'y tinudyo niya uli si Joanna. "Eh, ano pang nagustuhan mo sa'kin? Bukod sa guwapo at mabango?"
"Pagiging bolero at presko!" biro ni Joanna. "Naalala mo no'ng second day of class natin, at nagkasalubong tayo sa plaza? Pasimple mo akong dinikitan at binulungan nang, 'Good morning, crush. Ang ganda-ganda mo today'."
Napahalakhak si Dean nang maalala ang araw na iyon. Iyon ang pangalawang beses na nakita niya si Joanna. At gandang-ganda siya sa pagkaka-braid ng buhok nito na parang si San Chai ng favorite show niya noon na Meteor Garden. Feeling ni Dean, nahulog noon ang puso niya.
Inilapit niya ang sarili kay Joanna at muling sinapo ang mukha nito. Napatingin siya sa mapupula at parang kay lambot na mga labi nito. Pagkatapos ay dahan-dahan siyang yumuko para dampian iyon ng halik. Tikim lang sana ang balak ni Dean. Wala siyang balak na pagsamantalahan si Joanna. Ayaw niyang isiping binabastos niya ito.
Pero bahagyang bumuka ang bibig ng dalaga. Natukso si Dean. Hindi na niya napigilan ang pag-init ng kaniyang katawan...