Chapter 1

1575 Words
"Tikoy, shot muna!" aya ng kababata niyang si Berto nang madaanan niya ito sa harapan ng tindahan ni Aling Badyang habang umiinom ng gin. Normal na sa lugar nila ang mga ganoong inuman sa daan. Walang araw na hindi maabutan ni Atticus ang magbabarkadang sina Berto, Atong, at Intoy na hindi nag-iinuman sa harapan ng tindahan ni Aling Badyang na malapit sa maliit na bahay na kanilang inuupahan. Kakagaling lamang niya sa paglilibot at pagtitinda ng balut. Madaling araw na ngunit hindi pa rin tapos ang inuman ng mga ito. Sa kanyang pagkakantanda ay umiinom na ang mga ito simula ng umalis siya mga bandang mag-aalas singko ng hapon. Ginagawa niyang sideline ang pagtitinda ng balut sa gabi bilang pandagdag gastusin nila araw-araw. Sa araw ay isang empleyado sa isang factory ng sardinas. Bagama't hindi siya nakatapos ng kolehiyo ay likas na matalino si Atticus. Masusi nitong pinag-aaralan ang proseso sa loob ng factory dahil pangarap niyang magtayo ng sarili niyang kompanya balang araw. Kaya naman pinipili niyang magtinda sa baba ng mamahaling condo upang masusing pag-aralan ang kanyang target market. Balak niyang gumawa ng balut in a jar na may iba't ibang klaseng luto sa balut. Buo na ang konsepto ng produktong balak niyang gawin. Talagang puhunan na lamang ang kulang sa kanya na pilit niyang pinag-iipunan. Bago pa man magkasagot si Atticus ay maagap na sumabat ang kanyang ina habang nakasilip mula sa kanilang pinto. Kanina pa ito naroon at naghihintay sa kanyang pag-uwi. "Hoy! Tigil-tigilan n'yo nga ang kakatawag ng Tikoy sa anak ko. Ke ganda-ganda ng pangalan n'yan tapos tatawagin n'yo lang na Tikoy!" singhal ng kanyang inang si Meredith. "Atticus ang pangalan ng anak ko. Sosyal sosyal ng pangalan n'yan," litanya nito. "Tama na po, Ma. Hayaan n'yo na lang sina Berto," pigil niya sa kanyang ina. "Pasensya na Aling Meri!" hingi ng paumanhin ni Berto saka pasimpleng tumawa. Ganoon din ang ginawa nila Atong at Intoy. "Sigurado ka, Tiko—este Atticus, ayaw mo talagang tumagay?" muling tanong ni Berto. "Hindi na, Berto. Salamat na lang. Pagod na rin ako sa maghapong paglalako," tanggi niya. "Sa susunod na lang siguro," dagdag pa niya. "Napakahina ko talaga sa 'yo, Atticus!" aniya. "Babawi na lang ako sa susunod, P're," wika ni Atticus saka nagpaalam sa mga ito. "Halika na, Ma. Pumasok na tayo sa loob. Bakit po ba gising pa kayo hanggang ngayon?" aya niya sa kanyang ina saka pumasok sa loob ng kanilang maliit na inuupahang bahay. Hindi naman masasabing squatter ang lugar na kanilang tinitirhan ngunit mababakas mo pa rin ang mukha ng kahirapan sa sa lugar na iyon. Dikit-dikit at may panaka-nakang tagpi ang makikita sa ilan sa mga bahay na naroon. "Alam mo namang hindi ako nakakatulog hangga't hindi ka nakakauwi," sagot ni Meredith sa kanyang anak. "Ang mga tambay na 'yon talaga! Walang magandang impluwensya sa lugar na ito. Idadamay ka pa sa pagiging lasenggo nila," reklamo nito. "Hayaan n'yo na lang po, Ma. Mababait naman ang mga iyon at kahit papaano ay naaasahan ko sa pagtingin-tingin sa inyong tatlo nila Mandy at Eli kapag wala ako," wika ni Atticus. Si Eli ay ang anak ng nakababata niyang kapatid na si Mandy. Maaga itong nabuntis at hindi pinanagutan ng kanyang kasintahan kaya si Atticus na rin ang umako sa responsibilidad sa kanila. "Naku! Anong aasahan mo sa mga iyon, eh, puro inom lang ang laman ng utak ng mga iyon!" inis nitong saad. "Gano'n lang po talaga ang mga 'yon. Hindi ka pa nasanay," natatawang turan ni Atticus. "Saka harmless naman ang mga 'yon kahit pa walang ibang gawin kung 'di uminom maghapon," dagdag pa niya. "Ay, naku! Kahit anong sabihin mo ay hindi mapapalagay ang loob ko sa mga 'yon. Huwag na huwag ko lamang talagang marinig silang tinatawag kang Tikoy, naku! Makakatikim talaga sa akin ang mga 'yon." "Ma, wala naman pong masama kung tawagin nila akong Tikoy dahil iyon naman po talaga ang tawag nila sa akin noong bata pa ako," depensa niya. "Naku, hindi! Ano na lamang ang sasabihin ng Papa mo kapag bumalik siya para kunin ka. Kaya nga sosyal ang ipinangalan ko sa inyong dalawang magkapatid para hindi nakakahiya sa pamilya niya kapag kinuha kayo ng Papa n'yo at dinala sa Amerika," paliwanag nito. Ang kanilang ama ay isang sundalong Amerikano na natalaga noon sa Olongapo kung saan nagkakila ang kanyang ama at ina. Sampung taong gulang pa lamang si Atticus habang halos kakapanganak pa lamang noon sa nakababatang kapatid niyang si Mandy nang iwan sila ng kanyang ama upang bumalik sa Amerika kung saan ito nakatira. Ngunit simula nang umalis ito ay wala na silang naging kahit anong balita tungkol doon. Kinasal ang kanyang mga magulang dito sa Pilipinas kaya naman bitbit nilang magkapatid ang apelyido ng kanilang ama. Atticus Finnick Quinn ang pangalang ibinigay sa kanya ng kanyang mga magulang habang Madeline Lewis Quinn naman ang pangalan ng kanyang kapatid. Simula nang magkaisip siya ay inako na niya ang responsibilidad na buhayin ang kanyang pamilya. Natuto siyang magtrabaho sa murang edad para lamang may pangtustos sa kanyang pag-aaral. Hindi kasi sapat ang paglalabandera noon ng kanyang ina para sa pangangailangan nila sa araw-araw. Iyon rin ang naging dahilan kung bakit kinailangan nilang lumipat ng Maynila upang makipagsapalaran doon. "Ma, ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na hindi na tayo babalikan ni Papa. Hindi nga n'ya tayo nagawang kumustahin sa loob ng dalawampung taon, iyon pa kayang bumalik upang maging ama sa amin?" seryosong saad ni Atticus. "Atticus!" malakas na sayaw sa kanya ni Meredith. "Huwag kang magsasalita ng ganyan sa tatay mo. Utang na loob mo sa kanya ang buhay mo. Kung hindi dahil sa kanya wala ka rito ngayon sa mundong ito!" habol hiningang pagalit nito sa kanyang anak. "Wala akong kahit anong utang sa kanya, Ma. Kung mayroon man, matagal ko nang bayad 'yon dahil sa pag-ako ko ng responsibilidad na dapat ay siya ang gumagawa!" Hindi na nagawang pigilan ni Atticus ang sama ng loob na kanyang nararamdaman. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ang kanyang ina babalik ang kanyang ama mula sa Amerika upang kunin kami. Ngunit simula ng umalis ito ay wala na silang narinig na kahit ano mula rito sa loob ng mahigit dalawampung taon. Lumaki siyang walang kinikilalang ama kaya naman mas lalong hindi na niya ito kailangan ngayong kaya na niyang tumayo sa sarili niyang mga paa. "Babalik ang papa mo! Mahal na mahal ako ng papa mo kaya babalikan n'ya ako, babalikan n'ya tayo!" giit ng kanyang ina. Napabuga na lamang si Atticus ng isang malalim na hininga nang makita niya ang luhang umaagos sa pisngi ng kanyang ina. Kung anong galit niya sa kanyang ama ay siya namang lambot niya pagdating sa kanyang ina. Marahan siyang lumapit sa kanyang ina saka mahigpit itong niyakap. "Tahan na, Ma. Oo na, babalik si Papa," pag sang-ayon niya. Masuyo niyang hinagod ang likod ng kanyang ina habang patuloy itong inaalo. "Babalik ang papa mo," humihikbing ulit nito habang nakasubsob ang mukha sa dibdib ni Atticus. "Kuya..." isang mahinang tawag ang pumutol sa madramang tagpong iyon. "Oh, Mandy. Bakit gising ka pa?" bati ni Atticus. "Kanina pa kasi kita hinihinitay, Kuya," saad ng kanyang kapatid. "Mukhang seryoso 'yan, ah?" pabirong tugon niya. Napababa ng tingin ang kanyang kapatid dahil sa kanyang sinabi. Agad siyang sumeryoso nang mapansing importante ang sasabihin ng kanyang kapatid. "Gusto ko sanang bumalik sa pag-aaral, Kuya. Gusto kong makatapos ng pag-aaral para makahanap ako ng maayos ng trabaho. Ayaw kong maging habang-buhay na pambigat sa 'yo," nakayukong saad nito. "Magwo-working student ako, Kuya. Para hindi masyadong maging pabigat sa 'yo. K-Kaso kailangan kasi pera pang enroll. Pero promise kapag nakahanap ako ng trabaho babaayaran kita kaagad," aniya. "Kailan ba ang enrollment?" direkta kong tanong. "K-Kuya?" tila gulat na turan ni Mandy. "Oh, natulala ka na riyan? Kailan ba ang enrollment at magkano ang kailangan mo?" ulit niyang tanong. Nagtatalon sa tuwa si Mandy saka patakbong yumakap sa nakatatandang kapatid. "Salamat, Kuya! Maraming salamat! The best ka talaga!" tuwang-tuwa na turan ni Mandy saka pinupog ng halik ang pisngi ng kanyang kapatid. "Basta ipangako mo lang na mag-aaral kang mabuti. Saka huwag ka nang magtrabaho. Tulungan mo na lang si Mama sa bahay pagkatapos ng klase mo. Ako nang bahala sa pag-aaral mo," saad niya. "Maraming salamat, Kuya!" wika ni Mandy saka muling hinalikan sa pisngi ang kapatid. "Promise, pag nakagraduate ako, babawi ako sa 'yo." "Asus! Basta makapagtapos ka lang, sapat na para sa akin." "Ang swerte-swerte ko talaga sa panganay ko," sabad ng kanyang ina. "Eh, paano naman ang bunso mo, Ma?" tila nagtatampong tanong ni Mandy. "Naku po! 'Yang tigas ng ulo na iyan, paanong magiging swerte," pabirong tugon ng kanyang ina. "Ma!" reklamo nito. "Daddy Uncle, may pasalubong po ako?" turan ng mag-aapat na taong gulang na batang pupungas-pungas na lumabas mula sa pinto ng kwarto. "Bakit gising pa ang baby namin?" turan ni Atticus saka dali-daling lumapit sa pamangkin saka mabilis itong binuhat. "Ang ingay n'yo po kasing dalawa ni Lola. Nagising po ako," inosenteng tugon nito. Napuno ng tawanan ang maliit nilang tahanan dahil sa inosenteng sagot ni Eli. Nakangiting pinagmasdan ni Atticus ang kanyang buong pamilya. Mataas ang pangarap niya para sa mga ito kaya handa siyang gawin ang lahat upang ibigay ang maginhawang buhay na nararapat para sa kanila. Sa kanila siya kumukuha ng tibay at lakas upang mapagtagumpayan ang lahat ng pagsubok na ibibigay sa kanya ng tadhana. **********************************

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD