Kabanata V

1115 Words
Kabanata V Paunawa: Ang kwentong ito ay nagtatampok ng maselang konteksto at kalagayan na hindi angkop sa mga taong hindi bukas ang isipan sa mga posibilidad at sa mga sensitibong mambabasa. Ano mang pagkakatugma at pagkakatulad ng mga tampok sa bawat kapitulo sa tunay na buhay ay hindi sinasadya at pawang kathang isip lamang. JIMENA NAKATINGIN SA AMING dalawa ang asawa ko na ngayon ay nakatayo sa harapan ng aming mansyon. Agad kong inalis ang kamay kong nakayakap sa kanya dahil sa pagkapit ko kaninang nagtungo kami dito. Lumingon si Kulas sa akin at ako naman ay hindi mapakali dahil hindi ko alam kung paano ako bababa dito sa kabayong aming sinasakyan. "Mauuna na akong bumaba at aalalayan kitang bumaba dito," wika niya. Ang bilis bilis ng t***k ng aking puso habang nakatitig lang sa amin si Herman. Pagbaba ni Kulas ay hinawakan niya ang kamay ko at saka ako bumaba. "Salamat sa'yo," hindi ako makatingin sa kanyang mga mata dahil sa kadahilanang naiilang ako ngayon. "Bukas, ginang ay agahan mo ang pagpunta sa hacienda upang mas marami kang matututunan. Magandang araw sa'yo," aniya saka muling sumakay ng kabayo. Tanaw na lamang ang nagsilbing paalam ko sa kanya dahil nanatili na akong walang kibo simula pa kanina. "Mukhang naging maganda at produktibo ang araw mo, Jimena," boses iyon ni Herman na papalapit sa akin. Napalingon ako sa kanya at tiningnan siya sa kanyang mga mata. Nakita ko mula doon ang iba'y ibang katanungan na hindi ko mawari kung itatanong ba niya sa akin o hindi. "Unang araw pa lang ay napakarami ko nang nagawang kapalpakan, Herman," pinilit kong ngumiti upang sa ganon ay maiba ang pakiramdam na nadarama ko ngayon. Hindi ko alam ngunit tila ba nakakaramdam ako ng takot at pangamba sa mga bagay na hindi ko maipaliwanag. "Kung gayon ay mabuti ngang magsanay ka ng mabuti upang sa mga susunod na araw ay hindi na kapalpakan ang maidudulot mo sa ubasan," ngumiti rin ang aking asawa at sa wakas ay nawala mula doon ang nakita kong kakaibang pakiramdam. "Halika na sa loob upang masamahan mo ako sa pagkakape. Nais kong makahigop ng kape ngayon," sabi ko pa at saka ako kumapit sa kanyang braso at iginiya siya papasok sa loob. "Mabuti pa nga," aniya saka umakbay sa akin mula sa pagkakakapit ko sa kanya. Mabait naman si Herman at mapagmahal. Wala akong masasabi sa kanya sa mga bagay na dapat ay ginagawa ng isang asawa sapagkat ginagampanan niya naman ang lahat ng bagay na iyon. Hindi siya nagkukulang kaya't sa lahat ng pagkakataon ay masasabi ko namang mabuti siyang asawa sa akin. "MABUTI NAMAN at ganon ang nangyari." Komento ng aking papa nang magkwento ako sa kanya. Naabutan namin siyang nagkakape rin sa aming hapag-kainan. Magdadapit-hapon na at naghahanda na ng hapunan ang mga kasama namin sa bahay. Makikita ang pagiging abala nila sa kusina dahil sa kanilang walang gintong paglalakad habang bitbit ang mga bagay na gagamitin nila sa pagluluto. "Oh, hija, nakauwi ka na pala," wika ni Aling Inicia na ngayon ay papalabas pa lamang mula sa kusina. "Kani-kanina lang po ako nakauwi Aling Inicia," sagot ko sa kanya. "Aba'y mabuti naman kung gayon," aniya saka kinuha ang mga pinagkapehan naming tatlo nila papa at Herman. "Papa, Herman, aakyat muna ako sa silid. Bababa na lamang ako mamayang bago maghapunan. Kailangan ko munang maligo at magbihis ng damit," tumayo na ako at nagpaalam sa kanilang dalawa. Matapos iyon ay pumanhik na nga ako sa hagdan at tinungo ang aming silid ni Herman. Pagkapasok ko ay naupo muna ako sa gilid ng kama at doon ko nadama ang kapaguran mula sa maghapon. Nagmuni-muni ako mula sa aking pagkakaupo at inalala ang lahat ng mga naganap ngayong araw na ito. Napangiti ako nang mapagtanto ko na nakatitig nga pala ako sa kanya kanina, na totoo ang kanyang mga sinabing hindi ako dapat magkaroon ng kahit na ano mang pagpapantasya sa kanya sapagkat naroon ako upang matuto ng mga gawain sa hacienda. Napangiti na lamang ako dahil sa mga kalokohan ko. Tila ba nanumbalik ako sa pagiging dalaga sa mga oras na ito sapagkat hindi ko maipaliwanag ang saya ng aking damdamin. Napailing ako nang mapagtanto ko na tila ba nahuhumaling ako sa mga bagay na hindi dapat. Alam kong mayroon siyang kagandahan ng loob at mas lalo ko pa itong nakikita mula sa kanyang pisikal na anyo sapagkat talaga namang siya ay makisig at matipunong lalaki. Wala akong masasabing isang kapintasan mula sa kanya. Masipag siyang lalaki at makikita sa kanya ang pagiging maginoo. Kung kaya't walang babaeng hindi mahuhumaling sa kanya. Ngunit ako'y hindi dapat nag-iisip ng mga bagay na ito sapagkat mayroon akong asawa. "Hay nako, Jimena. Itigil mo na iyan," napatayo ako at umiling na lang nang maisip kong siya na nga pala ang tumatakbo mula sa isipan ko kanina pa. Pagkatayo ko ay tinungo ko ang kinaroroonan ng tuwalya at saka ako pumasok sa banyo upang maligo. Habang naliligo ay hindi pa rin matanggal sa aking isipan ang imahe ni Kulas na siyang paulit-ulit na pumapasok sa isipan ko. Panay ang pag-iling ko sapagkat hindi ko dapat siya iniisip. Hindi dapat siya ang tumatakbo sa aking isipan sapagkat sa ganitong kalagayan pa lamang ay nagtataksil na ako sa aking asawa. Pagkalabas ko ng banyo ay agad na rin akong nagbihis. Nagsuot na ako ng pantulog at saka ako nagtungo sa harapan ng aming salamin sa tabi ng kama. Kinuha ko ang suklay at saka ako nanalamin. Pinagmasdan ko ang aking sarili at nakita ko ang aking mukha. Nagsuklay ako at nagsimula na namang mag-isip. Siya na naman ang tumatakbo sa aking isipan at ngayon ay hindi ko alam kung bakit ba pasok siya ng pasok doon. Hanggang sa magulat pa ako nang mayroong kumatok mula sa aking pintuan. "Bukas iyan," sabi ko. Bumukas naman iyon at sumilip si Aling Inicia. "Hija, maghahapunan na. Ikaw na lamang ang hinihintay sa hapag-kainan," ani Aling Inicia. "Sige po Aling Inicia, tatapusin ko lamang ang pagsusuklay," sabi ko at saka minadaling magsuklay ng aking buhok. "Sumunod ka na hija," ani Aling Inicia saka nagsara ng pinto. Matapos iyon ay nagmadali na akong lumabas ng kwarto at saka bumaba. Naglakad ako patungo sa kusina at saka ako napahinto sapagkat nakita ko sa hapag-kainan si Kulas. "Hija, anong itinatayo mo riyan? Halika na at ikaw na lamang ang hinihintay," tawag ni papa. Nakatitig siya sa akin ngunit ayaw kong salubungin ang kanyang mga mata kaya't napayuko ako habang naglalakad. Ano ba iyan, katapat ko pa siya sa mesa, paano ako makakakain ng maayos nito? Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Pagtatapos ng Ikalimang Kabanata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD