Kabanata III
Paunawa: Ang kwentong ito ay nagtatampok ng maselang konteksto at kalagayan na hindi angkop sa mga taong hindi bukas ang isipan sa mga posibilidad at sa mga sensitibong mambabasa. Ano mang pagkakatugma at pagkakatulad ng mga tampok sa bawat kapitulo sa tunay na buhay ay hindi sinasadya at pawang kathang isip lamang.
JIMENA
TAKUT NA TAKOT ako sa palaka simula pa lang pagkabata. Hindi ko alam kung bakit ngunit dahil sa kanilang mataas na pagtalon ay hindi ko mapigilang tumili.
Ngayon ay nakakapit ako sa balikat ni Kulas at hindi ko rin talaga malaman kung paano ako nakasampa sa kanya ng ganon kabilis.
Tumibok ng mabilis ang puso ko nang mapagtanto ko na nakayakap pala ako sa kanya ng mahigpit at ngayon ay nakahilig ang ulo ko sa matipuno niyang dibdib.
Napakalakas mang-akit ng kanyang natural na amoy dahil lalaking lalaki iyon at tila ba mas lalo akong kinabahan nang marinig ko mula sa aking paghilig mula sa kanyang dibdib ang t***k ng kanyang puso na mula sa mabagal ay mas lalong bumibilis.
Lumabas na kami mula sa loob ng palikuran at nang ibaba niya ako ay nakita ko ang munting ngiti sa kanyang mga labi.
Pangalawang beses ko siyang nakitang ngumiti at tila tama ang kanyang mga sinasabi na mabilis mahumaling sa kanya ang mga tinuturuan niya dati.
Mayroong kung ano sa kanyang mga ngiti na hindi ko maunawaan kung ano.
Mayroon siyang kaunting balbas at bigote, manipis ang mga labi niya, matangos ang ilong, maitim ang kanyang mga mata at makapal ang pilik-mata na bumagay sa kanyang kulay.
Sa tuwing nakikipag-usap siya ay panay ang paggalaw ng kanyang lalagukan (Adam's Apple) na tila ba nang-aakit din.
Matangkad siya at matipuno. Malakas ang kanyang pangangatawan at tila ba batak na batak iyon sa pisikal na trabaho. Hindi niya iyon sinadyang maging ganon sapagkat sa mga pisikal niyang gawain ay tila doon nahubog ng husto ang kanyang pangangatawan.
"Sinasadya mo ang bagay na ito," wika ko saka umiwas sa kanyang tingin.
Ayaw kong mahalata niya na pinagmamasdan ko siya at ayaw ko ring mahalata niyang mabilis ang pagtibok ng puso ko at natataranta ang boses ko sa ngayon habang nakikipag-usap sa kanya.
"Hindi," sagot niya ngunit mayroon pa ring ngiti sa gilid ng kanyang manipis na labi at hinding hindi niya iyon maitatago sa akin.
"Isusumbong kita sa aking papa," saka ako biglang tumalikod at naglakad paalis.
Habang naglalakad ay napangiti ako sapagkat hindi ko mawari kung bakit tila nagdiriwang ang aking damdamin.
Maling mali ang bagay na ito ngunit bakit ako nasisiyahan? Lalung lalo na nang habulin niya ako sa aking paglalakad.
"Ginang, nakita mong walang palaka sa timba nang dalhin ko iyon sa'yo hindi ba? Kaya't bakit mo sasabihin na sinadya ko ang bagay na iyon?" Ngayon ay seryosong-seryoso ang kanyang hitsura.
Kumunot ang kanyang noo at nakita ko sa kanyang mga mata ang sinseridad.
Yumuko ako at saka nagsalita.
"Takot lamang talaga ako sa palaka kaya't nabigla ako," wika ko.
"Ganon ba,"
"Pasensya ka na," maglalakad na sana ako paalis nang hawakan niya ang kamay ko.
"Ginang, naghanda ako ng kapeng maiinom. Mas mabuti muna sigurong makilala kita at makilala mo ako upang sa ganon ay mas maging maayos ang lahat. Hindi kasi pwedeng nagkakailangan tayo sa trabaho sapagkat parehas lamang tayong mahihirapan kung ganon," wika niya na punung puno ng sinseridad.
"At sa tingin mo ay makikilala kita sa loob lamang ng ganong panahon? Tila kaunti ang kape upang mabilisan kang kilalanin, ginoo," nakangiti kong wika.
Ewan ko kung bakit ako biglang naging interesado sa bagay na ito ngayon.
"Madali lamang magsalin ng kape kapag naubos mo na ang iyo, ginang," wika niya na nangangahulugang maaari ko pa siyang makausap ng matagal habang kami ay nagkakape.
"Kung gayon ay mabuti nga iyon," sabi ko.
Huli na nang mapagtanto kong nakakapit pa rin siya sa kamay ko at nagkatinginan kaming dalawa nang mapagtanto ang bagay na iyon.
Sabay kaming bumitaw na tila ba diring diri sa isa't isa.
Naglakad na kami pabalik sa kanyang amingan (Ilocano word for bahay-kubo sa bukid).
Naupo ako sa mahabang upuan na gawa sa kahoy habang siya naman ay abala sa pagtitimpla. Hindi yata niya natapos ito kanina at binalikan lamang ngayon.
"SIYA ANG ASAWA MO GINANG?"
Tila nagulat pa siya nang banggitin ko ang pangalan ni Herman, ang asawa ko na isang pulis ng bayan.
"Bakit, hindi ba iyon katanggap tanggap?" Natatawa kong tanong.
"Hindi naman. Hindi ko lang kasi kilala ang asawa niya kaya't hindi ako makapaniwala na ikaw pala iyon. Paumanhin po ginang," wika niya.
Wala pala siyang kagaspangan sa mga taong nakakausap niya na ng matagal.
Tama rin ang tinuran nina Aling Inicia at Mang Tonyo na mabait si Kulas at tiyak na mahuhumaling ang sino mang makakasama nito.
Ngunit hindi ako maaaring mahumaling sapagkat una sa lahat ay mayroon na akong asawa.
"Kung gayon ay mayroon na ring apo si Don Juancho sa inyo?" Tanong niya na nakapagpatahimik sa akin.
Sumimsim ako ng kape mula sa kasita (maliit na baso na inuman ng kape) at saka umiwas ng tingin sa kanya.
"Paumanhin sa aking katanungan ginang kung hindi iyon naging maganda sa inyong pandinig," wika niya.
Sa katunayan ay sanay na akong tanungin sa bagay na ito kaya naman nasasagot ko na rin ng maayos ngayon.
"Baog ang asawa ko, Kulas," sagot ko sa kanya.
Makikita ko sa kanyang mga mata ang pagkagulat sa sinabi ko at hinding hindi niya maitatago sa akin iyon.
"Paumanhin muli ginang sapagkat nakapagbukas ako ng usapan na maselan at hindi kaaya-aya sa iyong kagustuhan," paghingi niyang muli ng paumanhin.
Ngunit hindi ko siya pinansin sa kanyang sinabi.
"Ito rin ang isa sa mga napag-aawayan naming dalawa minsan sapagkat sinisisi niya ang sarili niya sa kanyang kakulangan kaya raw ako naghahanap ng ibang mapaglilibingan. Sa totoo lang ay malungkot isipin na hindi kami magkakaanak, ngunit sa paglipas ng panahon ay dahil napagtanto ko na mahal ko siya at mahal niya ako ay sapat na iyon para sa aming dalawa," pagpapatuloy ko.
"Ginang, hindi mo kailangang sabihin ang mga bagay na ito sa akin sapagkat hindi mo obligasyon na magkwento ng tungkol sa bagay na ito," wika niya saka tumayo.
Tumahimik ako at saka inubos ang kape sa aking kasita.
"Bueno, nakwento mo na lahat ang mga bagay na tungkol sa'yo. Maaari na siguro tayong magsimula bago magtanghalian," aniya saka siya nagsuot ng sumbrero.
"Maraming salamat sa iyong pag-aalala," pasasalamat ko saka inilagay ang pinagkapehan sa mesa.
"Wala pong anuman. Kung handa na po kayo ay babalik na tayo sa gawaan ng alak upang kayo'y matuto," pag-anyaya niya.
"Mabuti pa nga," sumunod na ako sa kanya sa gawaan ng alak na ilang metro lamang ang layo mula sa amingan na kung saan siya nakatira.
"LAMASIN MONG MABUTI."
Ang boses niyang tila ba musika sa aking pandinig ay isang rason kung bakit hindi ako makapagbigay ng buong atensyon sa aming ginagawa.
"Pigain mo at nang lumabas ang matamis na katas," utos pa niya.
Panay ang sulyap ko sa kanya na ngayon ay nangingintab na sa pawis maging ang balikat niyang matipuno at ang bawat pagkislot ng laman niya ay nakapagbibigay ng kakaibang pakiramdam at kaisipan sa akin.
Ngunit ayaw kong magpahuli.
Mahina ako at hindi ako sanay sa ganito kaya naman kahit masakit na sa kamay ay ginagawa ko pa rin.
"Bitawan mo nga muna iyan at tumingin ka sa akin, ginang," sabi niya sa akin saka naglakad palapit sa kinaroroonan ko.
Tinanggal ko ang gloves ko na siyang suot ko sa kamay habang naglalamas ng ubas at hinarap siya.
"Bigyan mo ng atensyon ang ginagawa mo at huwag mo akong titigan ng ganyan. Hindi ba't sinabihan na po kita kanina?"
Wika niya saka ipinatong ang pareho niyang kamay sa mga balikat ko.
Napaiwas ako ng tingin.
Nahalata ba niyang nakatitig lang ako sa kanya habang nagtatrabaho?
Ano bang nangyayari sa akin?
Nakakahiya na ako, sobra.
Pagtatapos ng Ikatlong Kabanata.