Kabanata IV

1276 Words
Kabanata IV Paunawa: Ang kwentong ito ay nagtatampok ng maselang konteksto at kalagayan na hindi angkop sa mga taong hindi bukas ang isipan sa mga posibilidad at sa mga sensitibong mambabasa. Ano mang pagkakatugma at pagkakatulad ng mga tampok sa bawat kapitulo sa tunay na buhay ay hindi sinasadya at pawang kathang isip lamang. NICHOLAS KASASABI ko lamang sa kanya kanina na huwag niya akong titigan ng malagkit ngunit ngayon ay hindi niya ako magawang sundin. Alam kong anak siya ng Don ngunit sa puntong ito ng kanyang pag-aaral sa mga bagay na nakapaloob sa trabahong ito ay kailangan niya akong sundin. At hindi kasama sa pagsunod niya ang pagtitig sa akin na para bang huhubaran na niya ako. Naiilang ako sa ganong sitwasyon at hindi ko mapigilan ang sarili ko na pagsabihan siya sapagkat ngayon ay dapat ko nang putulin kung ano man ang bagay na nasa isipan niya, habang maaga pa. Hindi rin ako komportable sa ganitong klase ng kasama kung ipagpapatuloy niya ang bagay na ito kaya naman mas maganda kung kakausapin ko siyang muli ngayon. Tinanggal ko ang saplot sa kamay at nagtungo sa pwesto niya upang kausapin ko siya ng maayos at masinsinan. "Bigyan mo ng atensyon ang ginagawa mo at huwag mo akong titigan ng ganyan. Hindi ba't sinabihan na po kita kanina?" Paalala ko sa kanya saka ko inilagay sa parehas niyang balikat ang mga kamay ko upang hindi makaiwas ang mga mata niya sa aking paningin. Minsan, kahit anak ng amo, kailangan ding kastiguhin kung mali ang ginagawa. Hindi porque mayroon silang kapangyarihan ay mananahimik na lang ang mga taong nasa laylayan. "Mas mabuti sigurong bumalik na lang ako bukas upang sa ganon ay mai-handa ko ng mabuti ang katawan ko sa bigat ng trabaho dito. Hindi ko naman akalain na ganito pala ang mga gagawin," wika niya saka umiwas sa akin. Alam kong hindi niya gustong mapahiya kaya't pinalabas niya na hindi pa siya handa. Ngunit kanina ay nakikita ko sa kanyang mga mata ang pagsulyap sulyap na hindi normal para sa akin kaya't sinita ko siya. Tumayo lamang ako at tinitigan siyang naghahanda para sa kanyang pag-alis. Ngayon ay pasado alas dos pa lang ng hapon kaya't hindi ko pwedeng iwanan ang bagay na aming nasimulan. "Aalis na muna ako at babalik sa mansyon," wika niya saka nagsuot ng kanyang malaking sumbrero. "Sinong maghahatid sa'yo sa mansyon?" Tanong ko sa kanya. "Kung sakaling nandiyan pa ang kutsero ay mabuti naman. Ngunit kung wala ay hihintayin ko na lamang sapagkat alas singko pa ako dapat masusundo," aniya saka naglakad palabas. Wala akong ibang nagawa kundi sumunod sa kanya at nakonsensya naman ako sa aking ginawa. "Ginang," tawag ko sa kanya. Lumingon siya sa akin. "Hintayin mo na lamang ako at ako na ang maghahatid sa iyo. Mayroon din akong sasabihin sa aking kapatid sa rancho kaya't mayroon din akong sadya sa mansion," sabi ko pa sa kanya habang ako ay nagtutungo sa kinaroroonan ng aking kabayo na nakatali lamang sa tabing puno. Hindi siya kumibo sa akin. Nang makalas ko na ang tali ay hinimas ko muna ang kabayo at saka ako sumakay. Pinatakbo ko iyon papalapit sa kanya. Nagtataka naman siyang tumingala sa akin. "Halika na," wika ko. "P-paano? Diyan talaga tayo sasakay na dalawa?" Tanong niya. "Mayroon pa bang iba?" Tanong ko rin sa kanya. "Hindi bale. Maglalakad na lamang ako," wika niya saka nagpatiuna. "Hindi naman ito delikado at kasama mo ako ginang," saka ko pinalakad ang kabayo upang sumunod sa kanya. Tumingin siyang muli. "Natatakot ka lang yata," nakangiti kong wika. "Hindi ako sanay sumakay sa ganyan," "Pwes kailangan mong masanay," wika ko pa. "Paano ako sasampa?" Tanong niya na tila ba interesado rin talaga. "Hawakan mo ang kamay ko at ikaw ay hihilahin ko pataas. Saka ka sumampa sa likod," sabi ko saka inilahad ang isa kong kamay. Hinawakan ko siya at dahil maliit lamang siya kumpara sa akin ay walang kahirap hirap ko siyang hinila hangang sa makasampa siya sa likuran. "Kumapit ka," utos ko sa kanya. "Saan ako kakapit? Walang kapitan," sagot niya. Kinuha ko ang dalawa niyang kamay at saka iyon inilagay sa aking bewang. Alam kong nakakailang ang bagay na iyon ngunit hindi ko nanaisin na mahulog siya kaya naman mas mabuting kumapit siya sa akin kaysa unahin ko ang malisya. Kumapit nga siya ngunit tila ba hindi iyon mahigpit. Maya naman ang ginawa ko ay hinila ko ang kamay niya upang humigpit pa iyon sa pagkakakapit sa aking bewang. "Kumapit ka ng mabuti upang hindi ka mahulog ginang," ang tangi kong nasabi. Naiilang man ay ginawa niya na rin ang bagay na ito kaya't nang masigurong maayos na ang lahat ay naghudyat na ako sa kabayo upang ito ay tumakbo. "Hey," sigaw ko at pagkatapos nito ay hila ng tali saka ito tumakbo. Noong una ay mabagal ang takbo nito ngunit kalaunan ay naging mabilis na. "Kulas, hindi ba ito delikado?" Sobrang higpit ng kapit niya sa likuran ko at medyo malakas ang boses niya upang marinig ko iyon. Malakas din kasi ang pwersa ng hangin na nakakasalubong namin kaya naman hindi ko siya maririnig kung hindi niya lalakasan ang boses niya. "Hindi naman ginang," sagot ko sa kanya. "Huminto muna tayo saglit dahil napakaganda ng tanawin," wika niya. "Hoooh," hudyat ko sa kabayo saka iyon unti-unting huminto. "Napakaganda pala dito," wika niya saka tumitig sa malawak na taniman ng palay at sa dulo ay ang mababang burol na puno ng punong-kahoy sa paanan nito. "Napuntahan mo na ba ang mga lugar na iyan?" Tanong ko sa kanya. "Dito ako lumaki at nagkamalay ngunit sa tinagal-tagal ko na dito ay kaunting lugar pa lang sa hacienda ang aking nalilibot," pag-amin niya sa akin. "Kung gayon ay dinaig pa kita, ginang. Halos nalibot ko na ang kabuuan ng hacienda," buong pagmamalaki ko. "Kung gayon ay maaari mo ba akong ilibot sa kabuuan nitong hacienda kapag mayroon na tayong oras?" Saka siya tumingin sa akin. Nakayakap pa rin siya sa bewang ko at tila ba ayaw niya iyong tanggalin. "Basta't siguruhin nating matututo ka sa mga ituturo ko sa'yo at bilang gantimpala ay sasamahan kita sa paglilibot sa buong hacienda," sagot ko sa kanya. "Napakabait mo naman Kulas," yumakap siya sa akin at nadama ko ang ulo niyang humilig sa aking likuran. Para siyang dalagita na napagbigyang lumabas ng bahay dahil sa inaasta niya ngayon. Hanggang sa nakaramdam ako ng kakaibang pakiramdam kaya't nagbigay ako ng kaunting tunog lalamunan. "Ahem. Uhhmm," sunod sunod kong ginawa iyon upang mapagtanto niyang niyayakap na niya ako. Hanggang sa siya na rin mismo ang nagyaya na magpatuloy na kami sa pagpunta sa mansyon. Ilang kilometro pa ang tatakbuhin nito at mararating na namin ang mansyon, ang tahanan ng mga Guerrero. Ang pakay ko kay Lucio ay ang magbilin sa kanya na magpadala ng pera kay nanay sa oras na magawi siya sa kabayanan. Magbibigay din ako ng pera sa kanya upang siya na mismo ang magbigay nito. Hanggang sa makarating na kami sa tarangkahan ng mansion. Pinapasok kami ng taga-bantay at saka tumakbo ang kabayo papasok at huminto ito sa harapan ng mansyon. May mga gwardya rin na nakatayo sa pintuan at bago siya bumaba ay nagpasalamat siya. "Maraming salamat sa'yo ginoong Kulas. Pangako na bukas ay magiging mahusay akong mag-aaral mo sa ating gagawin sa ubasan," aniya. "Magpahinga ka na rin Ginang upang maging handa ka bukas," sabad ko. At bago siya bumaba ay bumukas ang pintuan ng mansyon at lumabas mula doon ang isang lalaki. Si Herman, ang kanyang asawa. Nakatitig ito sa aming dalawa. Pagtatapos ng Ika-apat na kabanata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD