Kabanata II
Paunawa: Ang kwentong ito ay nagtatampok ng maselang konteksto at kalagayan na hindi angkop sa mga taong hindi bukas ang isipan sa mga posibilidad at sa mga sensitibong mambabasa. Ano mang pagkakatugma at pagkakatulad ng mga tampok sa bawat kapitulo sa tunay na buhay ay hindi sinasadya at pawang kathang isip lamang.
NICHOLAS
"HUWAG kang magpapantasya sa nagtuturo sa'yo. Bawal iyon."
Sinadya kong sabihin ito sa kanya sapagkat ayaw kong mangyari ang nangyari na dati. Mayroong babaeng dinala dito si Don Juancho at walang ibang ginawa kundi gumawa ng paraan upang mapagpantasyahan ako.
Isinumbong ko siya sa Don at hindi na muling pinabalik dito.
At heto ang isa na naman, tila ba nakikita ko na sa kanyang mga galawan na hindi niya kakayanin ang mga trabaho dito sa gawaan ng alak at dito sa ubasan.
Isa pa, sa mga tingin niya sa akin ay hindi ko rin maikakaila na mayroon siyang kaunting iniisip na hindi ko mawari kung ano.
Kaya naman, mabuti na rin ang maingat at maging sigurado sa mga bagay na dapat gawin.
Nandito siya sa ubasan upang matutong magtrabaho, hindi upang magkaroon ng ibang gawain.
"At ano ang ibig mong sabihin ginoo? Na pinagpapantasyahan kita? Hindi ka na ba nahiya sa sinasabi mo?"
Namewang siya at tiningnan ako mula ulo hanggang paa.
Nakita ko na rin ang mga galawang ganito dati. Hindi rin ako kumbinsido na hindi darating ang araw na sasabihin niyang nahuhulog na siya sa akin.
Bibihira ang hindi mahuhulog sa kabaitan ko kaya't hangga't maaari ay dapat akong magpakita ng kagaspangan.
"Binalaan lamang kita binibini. Hindi ko rin naman gustong isipin mo na sinasabi kong baka pagpantasyahan mo ako, ang nais ko lamang ay huwag matulad ang misyon mo sa naging resulta ng mga ginawa ng mga naunang tinuruan ko," tumindig din ako ng diretso at sinalubong ang matalim niyang titig sa akin.
"At sa palagay mo ay katulad ako ng mga babaeng tinutukoy mo? Piliin mo naman ang pagsasabihan mo ng ganyan ginoo. Hindi ako ang babaeng dapat mapagsabihan ng ganyang bagay. Nakakainsulto ang iyong mga pahayag."
Nakita ko sa kanyang mga mata ang masidhing damdamin ng galit at pagkainis kaya naman naisipan kong ibahin na lamang ang aming usapan.
"Bueno, maaari na tayong magsimula kung gusto mo," saka ako nagpakita ng kaunting ngiti.
"Hindi ako makapagsisimula sa ganitong sitwasyon. Hindi ko nagustuhan ang iyong mga nabanggit. Makararating ito sa iyong Don," saka siya tumalikod at akmang aalis na.
"Sandali lamang binibini. Ganito lamang ako sapagkat gusto kong malaman ng lahat ng tinuturuan ko ang limitasyon," hinabol ko siya hanggang sa pintuan ng gawaan ng alak.
Nahinto naman siya sa paglalakad dahil humarang ako sa kanyang daraanan.
"Huwag kang humarang sa daraanan ko. Uuwi na ako at isusumbong kita kay papa," pilit niya akong itinutulak ngunit mas malaki ako kaya naman hindi niya ito magawa.
"Papa?" Pagtataka ko.
"Oo. Ako ang anak ng iyong Don at ang sinasabihan mo ng bagay na iyon ay mayroon nang asawa, kasal na ako at hindi ko gagawing pagtaksilan ang asawa ko. Maliwanag ba?" Saka niya ipinakita ang sing-sing sa kanyang daliri.
Napayuko ako dahil sa kahihiyan.
"Ngunit Ginang Lopez pakinggan mo ang paliwanag ko sa'yo. Ito ay aking sinasabi sa lahat ng mga babaeng tinuturuan ko. At hindi rin naman natin alam ang mga posibilidad kaya't nararapat lamang na sabihin ko ito sa'yo. Hindi ba?" Paliwanag ko.
Umatras siya at tiningnan ako sa aking mga mata.
"Sa tingin mo ay karapatdapat na ilapat sa akin ang iyong pagbababala tungkol sa mga babaeng nagnanasa sa'yo? Hindi mo ba alam na maaaring makainsulto iyon sa taong hindi naman nagpunta dito upang pagpantasyahan ka? At huwag kang masyadong kumpyansa sa sarili mo, makisig ka lamang at hindi iyon sapat upang mahumaling ako sa'yo na katulad ng tinutukoy mo," medyo tumaas ang boses niya.
Nanahimik ako bigla dahil ayaw ko na siyang magalit pa.
"Bueno, paumanhin Ginang Lopez. Hindi ko intensyon na insultohin ka," paghingi ko ng tawad.
"Hindi iyon basta bastang mawawala lamang sa akin, lalo pa at sinalubong mo ako ng kagaspangan," namewang siya.
"Hindi na mauulit pa ang bagay na iyon, Ginang Lopez," sabi ko pa.
"Dapat lang. Sapagkat hinding hindi ako nag-aaksaya ng panahon para lang gawin ang mga bagay na ito. Kapag nasanay na ako ay ako na ang mangangasiwa sa ubasan kaya't araw araw mo na akong makikita sa ayaw at sa gusto mo," tumalikod siya at inilibot ang paningin sa loob.
Pinagmasdan ko lamang siya. Matagal na panahon na ring wala akong kasama sa ubasan na ito simula noong namatay ang asawa ng Don. Ang namayapang Doña rin kasi ang kasama ko dito dati kaya't hindi na rin nakakapanibago kung makakasama ko ang ginang na ito.
"Kung gayon ginang ay dapat na tayong magsimula," sabi ko pa at saka sumunod sa kanya.
"Kung gayon, nasaan ang iyong palikuran at ako ay maghihilamos. Nasabi mong hindi maaari ang paglalagay ng mga pampaganda at iba kaya't mas mabuti na lamang na ako ay maghilamos," aniya.
"Sumunod po kayo sa akin," wika ko.
Dinala ko siya sa likod kung nasaan naroon ang aking tirahan. Simpleng kubo lamang iyon at doon ako natutulog. Doon na rin ako kumakain at nagpapalipas ng oras. Hindi na ako nakakauwi sa amin kaya't ito na ang nagsisilbi kong tirahan.
"Pagpasensyahan mo na ang aking tirahan ginang sapagkat wala akong panahon upang mag-ayos nito," sabi ko pa saka binuksan ang palikuran ko.
"N-nasaan ang tubig?" Tanong niya.
Nang tingnan ko ang palikuran ay naroon ang aking mga panloob na nakasampay. Bigla akong nahiya sapagkat mayroong kalakihan ang mga iyon.
Isa isa ko iyong tinanggal sa sampayan at saka ko siya tiningnan. Nahuli ko naman ang kaunting ngiti sa kanyang labi na kaagad niyang binawi.
"Pumasok na po kayo at dadalhin ko na lamang dito ang inyong gagamiting tubig," sabi ko pa at saka siya pumasok.
Walang bubong ang aking palikuran kaya't nakikita ko ang ulo niya.
Nagsimula na akong mag-igib ng tubig mula sa balon at saka ako nagdala ng timba ng tubig sa kanya.
"Ginang, heto na po ang tubig," saka ko iyon inilagay sa tapat ng pintuan ng palikuran.
"Ipasok mo sapagkat hindi ko kayang buhatin iyan," utos niya.
Naiilang akong pumasok at doon ako tila ba pinagpawisan ng malamig nang makita ko siyang tila ba nagniningning sa loob. Tinatamaan kasi ng sikat ng araw ang mala-porselana niyang kutis kaya naman tila ba siya'y isang tala na nagniningning.
"Ma-maaari ka nang lumabas," pag-uutos niya.
"Ah, oo nga," saka ako nagkamot ng aking batok.
Wala ako sa sariling nagpunta sa kusina at naghanda ng kape. Mas mabuti sigurong kilalanin ko muna siya at alamin ang kanyang mga kakayahan bago pa man kami magsimula sa mga pisikal na gawain sa gawaan ng alak.
Mas mabuti iyon upang matanggal ang ilangan.
Habang ako ay nagtitimpla ng aming kape ay nakikiramdam lamang ako sa kanya na ngayon ay talsik lamang ng tubig ang maririnig mula sa palikuran.
Nakapagtataka na sanay siya sa ganitong sitwasyon gayong anak pala siya ni Don Juancho na siyang may-ari ng Hacienda Guerrero.
Matatapos na ako sa pagtitimpla nang makarinig ako ng pagtili.
"Aaaahhhh! Mamaaaa!" Sigaw niya mula sa loob ng palikuran.
Agad akong tumakbo at wala akong pakialam kung ano man ang makikita ko sa loob.
Nakita kong nakalislis ang suot niyang pang-ibaba dahil basa ang kanyang mga binti, habang basa ang mukha niya.
Nang makita niya ako ay mas lalo akong nagulat nang yakapin niya ako at nagpabuhat sa akin na tila ba mayroon siyang kinatatakutan.
"Juskooo!" Saka niya isiniksik ang ulo niya sa aking dibdib.
"Anong nangyayari?" Tanong ko.
"May palaka," sagot niya.
Nakita ko ang palaka na nakapatong sa gilid ng timba at tila ba nagtataka rin ito kung bakit ganon na lamang ang takot ng babaeng ngayon ay nakapasan sa akin.
Natatawa akong lumabas at saka siya ibinaba.
"Pinagtatawanan mo ba ako?"
"Hindi."
Pinilit kong burahin ang ngiti sa aking mga labi ngunit hindi ko mapigilang hindi ngumiti.
"Sinasadya mo ito."
"Hindi rin."
"Magsusumbong talaga ako."
At heto, naghahabol na naman ako sa babaeng walang ibang gustong gawin kundi magsumbong.
Sampolan ko kaya?
Pagtatapos ng Ikalawang Kabanata.