Kinurap-kurap ni Lennie ang mga mata. Bahagyang nasisilaw kasi siya sa liwanag.
"Anak?" Narinig niyang tinig.
Tuluyan na niyang iminulat ang mga mata.
"Emm, kumusta ang pakiramdam mo?" May pag-aalalang tanong sa kanya ng isang lalaki.
'Sino sila?' katanungan sa isip niya. Isa man kasi sa nasilayan niyang tao sa mga sandaling iyon ay wala siyang nakikilala.
"Miss Emmzirella? May masakit ba sa 'yo?" Pagche-check sa kanya ng nakaputing lalaki, ang kanyang doktor siguro.
Tumingin lang siya rito. Kukurap-kurap pa rin siya. Kunot na kunot ang kanyang noo. Naguguluhan kasi siya. Sino si Emmzirella? Bakit tinawag siya ng duktor sa pangalan na iyon?
"Anak, anong nararamdaman mo?" tanong pa sa kanya ng medyo may edad namang babae.
"S-sino kayo?" sa wakas ay mahinang naitanong niya.
Rumihestro sa mukha ng lahat ang pagkabigla. Pinaglipat-lipat niya ang tingin sa mga strangherong mga tao na nakapaligid sa kanya. Kinikilala niya ang mga ito subalit wala tala siyang kilala sa mga ito. Sino ba sila?
"Emm, ako ang Mommy mo," anang babae. "Siya naman ang Daddy mo," anito pa na tinuro ang katabi nitong lalaki.
Naningkit ang mata niya. Pinilit niyang pinaikot ang kanyang isipan. Sinubukan niya ulit na alalahanin ang mga ito. Subalit hindi niya talaga ito mga kilala. Dahil ang alam niya ay matagal ng patay ang kanyang mga magulang.
"Emm, ako? Ako si Vash! Ang nobyo mo! Nakikilala mo ba ako?" Pakilala rin ng lalaki sa sarili nito sa kanya sabay gagap sa isang palad niya.
Parang napaso siya sa ginawang iyon ng lalaki. Binawi niya ang kamay.
Ano namang sinasabi ng lalaking ito na nobyo niya raw? Eh, may asawa na siya.
"Hindi mo talaga sila makikilala dahil hindi mo naman talaga sila kilala!" sabad ng isang boses babae sa kanyang ulunan. Ngayon lang niya ito napansin.
At anong mangha niya nang makita niya ang nagsalita. Dahil kamukha niya ang babae!
"Sino ka?" tanong niya rito na halatang ikinagulat ng babaeng nagsalita sa ulunan niya.
Ang mag-asawang Mang Hil at Aling Jessa ay nagtaka sa inasal ng anak. Natigilan naman si Vash. Nahintakutan sila sa tila kinausap si Emm sa ulunan nito dahil wala namang tao roon. Ang duktor ay napakislot din.
Nanlalaki naman ang mata ng totoong Emm, na siyang kaluluwa na lang ngayon. Kung gano'n nakikita siya ng siya?! Ay mali, kung ganoon nakikita siya ng katawan niya?! Urg! Tama ba? Ay ewan!
"Nakikita mo ako?!" tanong na lang nito na tinuro ang sarili.
"Oo!" sagot ni Lennie na nasa katawan ni Emmzirella.
"Doc, anong nagyayari sa anak ko?!" hysterical ni Aling Jessa. Nahihintakutan ang ginang dahil nagsasalitang mag-isa ang anak nila sa paningin nila.
"Epekto siguro ng pagkaka-aksidente niya, Misis," sagot ng duktor. Ito man ay halatang kinikilabutan.
Maang na napapakunot-noo na lamang si Lennie. Sa tuwing, hahawakan siya ng mga ito ay pumipiksi sya. Hindi ganito ang inaasahan niya. Nasaan na ang kanyang pamilya? Si Jam, ang kanyang asawa?! Nasa'n ito?! At ang anak niyang si Donna, nasa'n sila?!
"Sino ka ba, hah?!" singhal ni Emm sa kaluluwang umari sa katawan nito nang lumabas saglit ang duktor at ang kanyang magulang pati na si Vash. Iniwan muna nila pansamantala ang inaakala nilang si Emm para makapagpahinga.
Tumingin si Lennie sa babae na kamukha niya.
"Umalis ka riyan sa katawan ko, b*tch!" utos ni Emm.
Napakunot-noo siya. "Ano bang pinagsasabi mo?!"
"Akin ang katawan na 'yan! Idiot!" singhal ni Emm. Hindi na napigilan ang kamalditahan.
Umawang ang mga labi niya. Napatingin siya sa mga palad niya.
"Ako si Emmzerella! At ako ang may-ari ng katawan na 'yan! Mang-aagaw!" pagtataray pa ni Emm.
Umiling-iling siya. "Hindi totoo 'yan! Katawan ko 'to! Antagal ko 'tong hinanap!" Tapos ay singhal din niya na nayakap ang sarili. Inirapan niya ang babae. Para lang niyang inaaway ang sarili dahil hawig na hawig sila ng babae.
Gustong magwala na ni Emm. Sinugod nito ang babae. Ang kapal ng mukha!
Napayuko si Lennie dahil akala niya ay tatamaan siya pero kapwa sila natigilan nang wala man lang nagyayari sa kabila ng pagwawala ni Emm.
"Kaluluwa ka?" maang na naitanong niya rito pagdaka.
Inis na nag-cross arms si Emm. "Obvious ba?! Inagaw mo ang katawan ko, eh!"
Saglit na natigilan si Lennie. Pero saglit lang ay ngumisi na siya. "Ang tapang- tapang mo! Wala ka rin naman palang magagawa!" saka suplada na rin niya.
Alam niyang hindi siya masasaktan ng babae kaya kumampante na ang kalooban niya. Matagal na panahon siyang nasa ganoong sitwasyon kaya nabatid niyang parang hangin na lang ang babae tulad niya noon.
"Wala kang karapatan na angkinin ang katawan ko!" gigil na bulyaw ni Emm sa kanya.
"Akin ang katawan na ito!" Pagmamatapang din niya.
"No! Akin 'yan! Magnanakaw ka!" bulyaw ulit ni Emm. Sinugod siya ulit nito pero tumatagos lamang pa rin ito.
"Tumigil ka! Akin 'to!" giit naman niya.
Sa sigaw niyang iyon ay umabot sa labas kaya nagsipasukan sina Mang Hil at Aling Jessa saka si Vash.
"Anak, bakit?!" Nag-aalalang sinipat-sipat siya ni Aling Jessa. "May masakit ba sa 'yo?"
Hindi siya umimik. Matalim pa rin ang tinginan nila ni Emm.........