***** LOVI ***** Waring mabibiyak ano mang oras ang dibdib ni Lovi sa lakas ng pintig ng puso niya. Hindi niya madampot-dampot ang kumikinang na bagay na nakita niya na nakalapag sa harapan ng flat screen TV. Para ba’y may pumipigil sa kanyang mga nanginginig na mga kamay. Tumataas-baba ang kanyang dibdib sa galit na nagsisimulang umahon sa kanyang buong pagkatao. Lumalaki-laki ang bilog ng kanyang ilong at kumikibot-kibot ang kanyang labi. Bakit? Bakit binigyan ni Ryver ng kuwintas si Jella? At hindi pa ordinaryong kuwintas, kuwintas na sa tingin niya ay mamahalin. Kung gaano kamahal ay iyon ang hindi niya alam dahil hindi naman siya gaano karunong sa mga alahas. Gayunpaman, kahit mura pa ang kwinta, ay hindi niya gusto ang ginawa ni Ryver. Sa wakas ay nadampot niya rin ang kuwintas.