Eviane Elaine's P. O. V
Nagising ako nang maramdaman ko ang mainit na hangin sa aking leeg. Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko at laking gulat ko nang mapagtanto kong nasa hindi pamilyar na lugar ako. Higit pa doon, nanlaki ang mga mata ko nang makitang katabi ko sa kama ang isang estranghero. Naramdaman ko ang mukha nito sa aking leeg. Damang-dama ko ang mainit na hininga nito sa aking leeg.
May halong kaba at takot ang aking nararamdaman, una sa lahat ay hindi ko maalala ang mga nangyare. Huling natatandaan ko ay nasa Night Ball Party ako. Umiiyak akong tumakbo sa elevator dahil kay Solomon at Krizhel pagkatapos sa elevator ay sinundan ako ng lalake... Mabilis akong napabangon nang makita ko ang mukha ng aking katabi. Iyon ang lalakeng hinalikan ko sa Ball.
Napatingin ako sa aking suot. Isang white polo na long sleeves. Mabilis akong napahawak sa maselang parte ng katawan ko.
May nangyare ba sa amin!?
Gusto kong sumigaw, magwala at sampalin ang lalakeng nasa harapan ko pero naalala kong ako ang unang nagka-atraso sa kaniya. Hinalikan ko siya nang walang permiso, tapos ito ang igaganti niya? Pinagsamantalahan niya ang kahinaan ko! Paanong nalasing ako sa isang basong wine? Anong klaseng wine ba 'yon?
Nang makita ko ang dress ko sa sahig, agad ko itong pinulot at hinubad ang suot kong polo. Tahimik ngunit mabilis ang aking pagbibihis para hindi magising ang lalakeng nasa harapan ko. Napansin ko naman ang benda sa aking binti. Tila ba ginamot ang mga hiwa ko mula sa wine glass kagabi.
"Ikaw kaya ang naggamot sa akin?" bulong ko.
Napatingin ako sa lalakeng mahimbing ang tulog. Hindi ko akalain na gwapo pala siya, hindi ko naman masyado pinansin ang mukha niya kagabi, lalo na at nakala Solomon ang atensyon ko noon. Maputi siya, makapal ang kilay, matangos ang ilong at may katamtamang laki ng mata. Napaatras ako nang bigla itong bumaling ng pwesto.
Nilibot ko ang aking mga mata upang hanapin ang aking hand bag. Binitbit ko ang heels ko at nang makita ko ang bag ko sa isang lamesa tumakbo ako doon. Nakita kong walang pinto ngunit may elevator. Tumakbo ako doon at mabilis na pinindot ang down button.
"Kailangan ko makaalis dito!"
Puno ng kaba ang aking dibdib. Nang bumukas ang elevator ay pumasok ako doon kaagad at pinindot ang ground floor. Habang pababa ang elevator ay sinuot ko ang aking heels.
"Ano bang ginagawa mo sa buhay mo, Eviane Elaine! Una, you kissed a freaking stranger then you slept with him!" binatukan ko ang sarili ko. Pakiramdam ko ay isa lamang itong bangungot.
Napakamot ako sa aking ulo. Nang bumukas ang elevator ay mabilis akong tumakbo papalabas. Isang lalake ang nakasalubong ko at napatingin sa akin. Hindi ko siya pinansin at mabilis akong nagtungo sa exit.
Hinanap ko ang cellphone ko sa aking hand bag, isang kamalasan na naman nang makita kong deadbat na ito. Bigla kong naalala na ngayon nga pala ang birthday ng kapatid ko. Kailangan ko umuwi sa amin!
"Taxi!" sigaw ko.
**********************
Nakasuot ako ng maayos na blouse at pantalon. Sukbit ko ang aking sling bag nang sumakay ako sa jeep.
"Bayad po, isang SM North," sambit ko.
Sumandal ako sa kinauupuan ko at napatingin sa isang babae at isang lalakeng estudyante sa tapat ko. Ang babae ay nakasuot ng uniporme pang-nurse samantalang ang suot naman ng lalake ay uniporme ng criminology. Napatitig ako sa kanila, natutulog lang ang babae sa balikat ng lalake.
Muli kong naalala kung paano kami ni Solomon noong fourth year college kami, graduating students kami noong pareho kami ng schedule. Lagi kami magkasabay pumasok, at magkasabay din umuwi. Siya din ang nagiging unan ko sa jeep tuwing dinadapuan ako ng antok dahil sa pagod. He was a good man, but now? Hindi ko alam kung anong nangyare sa kaniya. Hindi na kaya niya naalala ang mga pinagsamahan namin noon?
"SM North!" sigaw ng driver ng jeepney.
Bumaba ako ng jeep at lumakad patungo sa ATM machines. Nilabas ko ang card sa aking wallet at nag-withdraw ng cash.
"Sh*t, huling thirty thousand ko na pala 'to, wala na akong pera?" bulong ko.
Kailangan ko na makahanap ng trabaho sa lalong madaling panahon.
Pagka-withdraw ko ay bumili ako ng bus ticket patungong Plaridel, Bulacan. Ang lugar na aking kinalakihan. Sumakay ako ng bus at tumabi ako sa isang babae na nakasuot ng headphones.
"Boss, okay na, larga na," sabi ng kundoktor.
Napatingin ako sa oras. It's already 11 am. Pagdating ko ng Plaridel ay saktong tanghalian na. Kinuha ko ang aking sling bag at tinignan ang social media accounts ko. Nakita ko ang message sa akin ng aking kapatid.
/Victa/ : ate nasan ka na daw sabi ni Mama
Ni-reply-an ko ito.
/Eviane/ : bus na ako
Binuksan ko naman ang sim messages ko. Umaasang may text back ang mga company na in-apply-an ko. Mayroon akong natanggap na isang mensahe. Agad ko itong binasa.
"Dear Eviane Elaine, Thank you for interviewing for production management on March 4, 2023. After careful consideration, we have decided to move forward with another candidate. We thank you for your interest in the company and we wish you the best of luck in your job search."
Pinatay ko ang aking phone at tumingin sa bintana ng bus. Hindi ako pwede sumuko, mayroon akong pamilya na umaasa sa akin. Ang apat kong kapatid, sina Victa, Ezekiel, Donna at Stephen. Ako ang panganay at ako ang unang nakapagtapos, matagal na akong tumutulong sa pagpapa-aral sa kanila. Si Victa na nasa Second Year college na, si Ezekiel na Grade 12 na, si Donna na Grade 10 at si Stephen na Grade 7 pa lang. Lahat sila ay nag-aaral sa public schools kaya wala kaming problema sa tuition, pero sa pagdating sa baon, sa akin sila humihingi.
Isang oras ang naging byahe ko, ibinaba ako ng bus sa terminal ng P2P kung saan isang maliit na Mall na tinatawag na Primark. Sumakay ako ng trycicle patungo sa mismong bahay namin, dahil looban ito.
"Manong, dyaan lang sa tindahan na 'yan." Tinuro ko ang tindahan ni Mama. Inabot ko ang bayad.
"MAMA, NANDITO NA SI ATE EVE!"
Pababa pa lang ako ng trycicle ay narinig ko na ang boses ni Stephen, ang pinakamalambing kong kapatid, ang aming bunso.
"Ate!" Sinalubong ako ni Donna.
"Happy birthday!" niyakap ko siya sabay lagay ng isang libong pera sa kaniyang kamay.
"Hala! Thank you, ate!" Masaya niyang sabi.
"Wala bang bisita?" tanong ko.
"Mamaya pang 3 pm sila pupunta, ate. Nagluluto pa si Mama nasa kusina." Hinila na nila ako papasok ng bahay.
"Ate, buti nandito ka na. Papatulong sana ako sa accounting. Alam mo ba sawang-sawa na ako manood ng tutorial sa youtube tapos hindi ko pa rin maintindihan. Yung professor ko naman tamad magturo!" Reklamo ang bungad sa akin ni Victa.
Mahina akong natawa sa sinabi nito, nilapitan ko siya at biglang nag-flashback sa akin ang paghihirap ko rin sa pag-aaral. Business Administration ang kinuha ko noong college samantalang siya naman ay Accounting ang kinukuha ngayon. Gusto niya raw maging CPA. Naging plano pa namin ni Solomon na kukuhanin naming CPA si Victa sa company na binuo ni Solomon noon.
"Okay ka lang, ate?" tanong ni Donna.
"H-Huh, oo naman. Teka lang, Victa. Tutulungan kita dyan mamaya. Puntahan ko lang si Mama."
Nagtungo ako sa kusina at nakita kong abala si Mama sa paghahalo ng spaghetti sauce.
"Mama, bless po," sabi ko at kinuha ang kamay ni Mama.
"Kanina pa kita hinihintay. Kamusta ka na ba? Ilang linggo ka ring walang paramdam. Hindi ka pa nagbibigay ng pambaon ng mga kapatid mo," ani Mama.
Napayuko ako, wala akong nagawa kundi kuhanin na lamang ang aking pitaka.
"Pasensya na, Ma. Ito po yung fifteen thousand, pambaon nila ngayong buwan," sabi ko.
Napangiti si Mama nang ilagay ko sa palad niya ang pera.
"Salamat, anak. Buti na lang nandyaan ka. Maswerte talaga kami sa 'yo. Paniguradong matutuwa ang Papa mo kung nabubuhay pa siya," sabi ni Mama at hinawakan ang kamay ko.
Pitong taon nang wala si Papa, ikinamatay niya ay heatstroke mula sa pamamasada ng trycicle. Pinangako ko rin kay Papa na ako ang bahala sa mga kapatid ko dahil wala na siya.
"Hindi ko naman po kayo papabayaan, Mama."
"Eh, anak... Baka may pasobra ka diyaan, hindi pa ako nakakapamili ng paninda sa tindahan ko. Tumaas kasi singil sa kuryente, pati sa tubig."
Napatitig ako sa mga mata ni Mama. Tila ba nakikiusap ito.
"Sorry, Ma. Wala pa rin kasi akong trabaho."
"Ha!? Kelan mo ba balak humanap ng trabaho?" Biglang nag-iba ang reaksyon nito. Binitawan niya ang kamay ko at muling hinawakan ang niluluto niya.
"Nag-apply naman po ako."
"Isang buwan ka na ba walang trabaho?"
"Opo."
"Hindi ba't isang buwan na rin magmula nang lokohin ka ni Solomon."
"O-Opo."
"Hay nako, dapat hindi ka na umalis sa kumpanya ni Solomon. Ang ganda ng business ninyo noon palago ng palago, ganda din ng buhay natin noong kayo pa ni Solomon. Palagi tayo may bagong gamit, bagong appliances, bagong damit. Nakakakain pa tayo sa labas, ni-hindi natapos yung pagpaparenovate ng CR. Yung pinto ako ang nagpakabit niyan." Tinuro ni Mama ang banyo.
Napabuntong hininga ako. Inaamin kong masyado kaming umasa kay Solomon noon, pero lahat ng pera na nakuha ko at binigay ni Solomon, sahod ko naman 'yon sa pagtatrabaho ko sa kaniya.
"Ma, hindi ko naman kaya makasama sa trabaho si Solomon. Niloko niya ako."
"Sana nagbulag-bulagan ka muna. Padalos-dalos ka. Iniwan mo yung tao tapos ikaw pa nawalan. Niloko ka na nga, naubos pa lahat sayo!" sermon ni Mama.
"Ma, ayoko na rin tumanggap ng kahit ano sa kaniya."
"Wala ka man lang bang nakuha sa ari-arian ng lalakeng 'yon. Yung sasakyan niyo, kanino ba naka-pangalan 'yon."
"S-Sa kaniya."
"Yung bahay!?"
"Sa kaniya rin."
"Tarantado talagang lalakeng 'yon. Nung walang-wala pa siya, dito pa nakiki-kain 'yon. Nung wala pa kayong bahay, sa maliit na apartment kayo tumira. Nagkapera lang yung gag*ng 'yon, nagbago na."
Napayuko ako. Biglang bumalik ang lahat ng sakit na tila ba sariwa pa. Parang kahapon lang niya ako niloko.
Ako ang nasa tabi niya noong nag-uumpisa pa lang siya. Noong hindi pa siya kumikita ng malaking pera. Fishball at eggball lang ang inuulam namin noon, sinamahan ko siya kahit lakarin lang namin ang workplace hanggang apartment. Ako ang nasa tabi niya noong wala siyang kahit ano, pero ngayon nasa kaniya na lahat... Iniwan niya ako.
"Mama! May tao sa labas!" sigaw ni Ezekiel.
"May manliligaw ata si Ate Victa o si Donna," tumatawang sabi Ezekiel.
Sabay kaming lumabas ni Mama. Isang pamilyar na lalake ang nakasuot ng formal suit ang may dalang malaking bouquet of roses.
"Para kanino 'yan? Sino ka ba?" mataray na sabi ni Mama.
"Magandang araw po, ipinapabigay ito ni Mr. Garrison kay Ms. Eviane Elaine."
Nanlaki ang mga mata ko.
"G-Garrison?"
Pamilyar ang pangalan, parang narinig ko na kung saan---sa elevator! Bigla kong naalala ang babaeng nasa gilid ko sa loob ng elevator sa night ball party.
"He wants to meet you, Ms. Eviane. We will pick you up tomorrow morning at exactly 7 am, Mr. Garrison wants a breakfast with you."
Napaawang ang labi ko.
************