Kabanata V

2055 Words
Kabanata V PAUNAWA: Ang sumusunod na mga eksena ay naglalaman ng maseselang tagpo at sekswal na konteksto na hindi angkop sa mga mambabasang may edad 18-pababa at mga mambabasang hindi sanay sa erotica. MARTHA NANG SABIHIN NIYA ang mga bagay na iyon sa aking likuran ay labis akong kinilabutan. Hindi ko alam ang gagawin ko sapagkat ngayon ay nasa bahay niya ako. Maaari niya lamang gawin sa akin ang lahat ng bagay na naisin niya ano mang oras kaya naman namumuo ang takot at ang papalakas at papalakas na kaba sa aking dibdib ngayon. Nang umatras siya at umikot para maupo sa tapat ko ay nakahinga ako ng maluwag. Hindi ako makatingin ng deretso sa kanyang mga mata sapagkat sa tuwing titingin ako doon ay natatagpuan ko ang sarili kong nahuhumaling din sa kanya. Hindi iyon maaari dahil una sa lahat ay mayroon na siyang asawa, pangalawa ay boss ko siya at ang panghuli ay hindi ako maaaring makipagrelasyon sa ngayon. "Martha, kumain ka na," aniya. Nanginginig ang mga daliri kong sumunod sa kanya. Alam kong kapag hindi ako kumain ay hindi rin ako makakaalis dito. Kaya naman pinilit ko ang sarili kong sumunod na lang sa kung ano ang gusto niyang mangyari. "S-sir, bakit mo po ginagawa ang bagay na ito?" Naglakas loob na akong magtanong ng bagay na ito sa kanya. Hindi ko kasi alam kung bakit. Nadarama ko namang mayroon siyang balak ngunit ano ang dahilan? "Martha, hindi pa panahon para malaman mo. Masyado pang maaga upang makumbinsi ko ang sarili ko sa mga bagay na nadarama ko. Kaya't sumunod ka na lang sa sinabi kong magsisimula pa lang tayo," sagot niya sa aking katanungan. Mas lalong naging hindi maliwanag sa isip ko ang mga sinabi niya sa aking iyon. "S-sir, gabi na po masyado. B-baka po pwedeng ihatid niyo na ako?" Gusto ko na talagang umuwi. Gusto ko na ring makaalis sa bahay niya. Natatakot ako. "Martha," ibinaba niya ang hawak niyang kutsara at tinidor saka tumingin sa akin ng deretso. Sobra sobra ang kaba ko nang magtama ang mga mata naming dalawa. Ngunit nagbago ang lahat nang makita ko ang malamlam niyang mga matang nakatitig lang sa akin. Nakita ko ang lungkot at pananabik niya mula doon. Hindi ko mawari kung ano ang dahilan ngunit iyon ang nakikita ko. Hindi ko rin alam kung sinasadya niya bang makita ko ang mga bagay na iyon o talagang iyon lang ang nakikita ko sa kanyang mga mata. "S-sir, uuwi na po ako," tumayo na ako na kasunod ng pag-urong ng aking kinauupuan na silya. Tumunog iyon at kasunod ay ang pagtayo rin niya sa kanyang kinauupuan. Napakaliit ko kung tutuusin kumpara sa laki niya. Hindi ko alam kung katapusan ko na ba ngayon o kaya naman ay mayroong mawawala sa aking pagkatao. "Martha, kahit ubusin mo lang ang pagkain mo. Gusto ko lang na mayroon akong kasalong kumain," nakikiusap ang mga mata niya. Nakita ko doon ang sinseridad niya at ang kanyang tunay na layunin. Nawala ang kaba sa dibdib ko nang iyon na ang makita ko mula sa kanya. Kaya naman dahan-dahan akong umupo at nakita ko ang kaligayahan sa kanyang mga mata nang gawin ko iyon. Naupo na rin siya at nagpatuloy sa pagkain. Nais kong malaman kung bakit niya gustong mayroong kasalo ngayon, ngunit pinangungunahan ako ng hiya. "Alam kong natatakot ka sa akin o nawe-weirdohan sa mga ginagawa ko. Pero ito talaga ako, Martha," aniya. Hindi ako kumibo. Imbes ay kumain ako ng nasa plato ko. Masarap ang niluto niyang nilagang baboy. Sa totoo lang. "Matagal na akong hindi nakakain ng maayos dahil sa mga bagay na hindi ko alam kung paano ko bibigyan ng solusyon," aniya. Napahinto naman ako sa pagnguya dahil sa sinabi niya. Matagal na siyang hindi nakakakain ng maayos? Bakit naman? "W-wala pa po ba kayong anak ni Ma'am?" Maya maya ay tanong ko. Gusto kong magsisi sa aking tanong dahil hindi yata iyon tama. Natahimik siya sa aking tanong saka uminom ng alak na nasa tabi lang ng kanyang pinggan. "Sorry sir," napayuko ako. "Maaari bang huwag mo na akong tawaging Sir kapag tayo lang dalawa?" "Bakit naman po?" "At huwag mo na akong i-po at opo kapag tayo lang ding dalawa," dagdag niya. "Bakit?" Napangiti siya nang sundin ko iyon. Napaka-aliwalas ng mukha niya sa tuwing ngumingiti siya. At nabuhayan ako ng loob nang masilayan ang ngiti na iyon. "Dahil kaunting taon lang ang agwat nating dalawa. Pitong taon lang at hindi pa ako mukhang may apo para i-sir at i-po at opo mo," aniya. Bawat banggit niya ng salita ay pinagmamasdan ko ang kanyang labi at ang paggalaw ng kanyang adam's apple na sumasabay sa kanyang pagsasalita. Kahit papaano ay nakaka-relax siyang tingnan. "Boss kita, kaya't bakit hindi kita igagalang?" Tanong ko pa bago ako uminom ng tubig. "Dahil wala tayo sa opisina," "May magbabago ba kung wala po tayo sa loob ng opisina? Hindi ba't boss pa rin kita?" Ibinaba niya ang hawak niyang kutsara at tinidor saka niya ako tiningnan sa mga mata. Muli ay nanumbalik ang kaba sa dibdib ko nang magtagpo ang aming mga mata. "Maaari bang simula ngayon, bilang boss mo ay susundin mo lahat ng gusto ko?" Pakiusap niya. "Depende po kung ano ang ipinag-utos mo, kung related sa trabaho ay susundin ko po," yumuko ako at nagpatuloy sa pagkain. "You are one tough woman, huh," napatangu-tango siya sa akin sabay ngiti. Napangiti rin naman ako ngunit hindi ako tumingin sa kanya. "Sir, sorry pero hindi ko kasi talaga gustong magka-issue. Lalo na at pinangangalagaan ko ang pangalan ko para sa hangad kong posisyon," pagtatapat ko sa kanya. "Bakit, magkakaroon ka ba ng issue kung magiging magkaibigan tayo?" Tanong niya. Natahimik ako. Wala naman, pero sa mata kasi ng tao. "Sa tingin ko ay iniisip mong napaka-imposible na maging magkaibigan tayo sapagkat bago pa lang ako at isa pa ay lalaki ako at may asawa na. Martha, tao pa rin naman ako," aniya saka uminom ng tubig. Napatitig ako sa kanyang pamamaraan ng pag-inom at bawat paglagok niya ng tubig ay nakapagbibigay ng kakaibang epekto sa aking damdamin. "Ano na, payag ka ba, Martha?" Pukaw niya sa akin. Nag-isip ako. Wala rin namang masama kung makipagkaibigan ako sa kanya. Kaya't pumayag ako. "Sige, boss, payag ako," sabi ko pa. "Boss?" Aniya. "Papayag ako basta't boss ang tawag ko sa'yo. Sapagkat hindi ako dapat mag-cross sa gap natin sir," paalala ko sa kanya. Napangiti siya at sumilay sa akin ang napakagwapo niyang aura. "Sige, deal," aniya. So, we are friends now. NASA MAY TAPAT na kami ng bahay niya at ihahatid niya ako nang biglang bumuhos ang malakas na ulan at panay ang kulog at kidlat. Halos wala na ring makita sa labas dahil sa lakas ng ulan. "Maghapon na yatang umuulan," aniya habang nakatingala. Napalingon ako sa kanya. "M-magcocommute na lang po ako, boss," sabi ko pa upang hindi siya maabala. "Hindi. Ihahatid kita pagtila ng ulan," anito. Natahimik ako dahil puno ng autoridad ng kanyang boses. Ngunit mag-iisang oras na ay wala pa ring tigil ang buhos ng ulan. "Baka gusto mo munang magtsaa," alok niya sa akin. Delikado rin naman ang daanan kaya't pumayag na ako. "Sige boss, itetext ko na lang si nanay na gagabihin ako dahil sa ulan," sabi ko pa. Ang kaninang pangamba ko sa kanyang presensya ay napalitan na ng comfort at kakaibang pakiramdam na para bang napakatagal na naming magkasama. Kaya't wala na rin sa akin ang kaisipan na baka nga mayroon siyang masamang balak sa akin. Pumasok kaming muli sa bahay niya. Pagpasok ay nagtanggal siya bigla ng suot niyang longsleeves shirt kaya naman nailang ako. Agad na lang akong naupo sa sofa sa tapat ng malaking flatscreen TV at hinintay siya. Pagbalik niya ay may dala na siyang dalang tasa ng tsaa. Nakasuot na rin siya ng pambahay na t-shirt. Iyong big size shirt na kulay puti at tinernuhan ng shorts na itim. "Manood muna tayo," aniya sabay bukas ng tv. "Nanonood ka ba ng mga pelikula?" Aniya. Anong klaseng tanong iyon? Syempre naman, oo. "Oo naman, boss. Bakit?" "Wala, minsan lang kasi ako manood ng pelikula at isa lang ang nagustuhan ko sa lahat ng romance na pinanood ko," dagdag pa niya habang tila may hinahanap sa files na nasa smart TV. "Ano iyon Boss?" Tanong ko. "The Best of Me," sagot niya. "Nabasa ko na po iyon, boss," sabad ko. Napalingon siya sa akin. "Totoo?" Tila ba nag-glow ang mukha niya nang malaman iyon sa akin. "Opo. Mahilig kasi ako magbasa noong college," "Nabasa ko na rin iyon. At nalaman kong ang pag-ibig pala ay hindi basta bastang nabubura sa puso ng tao, kahit pa paghiwalayin o kaya naman ay magkahiwalay ang bawat isa," aniya sabay tingin sa telebisyon. Sa totoo lang ay iniyakan ko ang kwento ni Amanda at Dawson dahil tila ba pinagtagpo lang sila ngunit hindi itinadhana. Sa buhay, maaaring may pagkakataon na akala natin ay siya na, ngunit hindi pala. At sa huli, mare-realize ninyong dapat pala ay ipinaglaban ninyo ang dati para sa inyong dalawa. Kaso huli na. "Ikaw pa lang boss ang lalaking nalaman kong nagbabasa ng romance," mangha kong sabi. "Wala lang kasi akong magawa dati dahil taong bahay ako kapag wala ang misis ko. May mga libro siya na ipinasa ng mga estudyante niya kaya naman isang araw habang nasa seminar siya sa Davao ay binasa ko iyon. Kaya nahilig ako," aniya. Cool din pala itong si sir. Hindi mahirap paki-bagayan. "B-bakit pala wala pa kayong anak boss?" Tanong ko. Napatahimik siya sabay lingon sa akin. Ngumiti siya ng bahagya at saka nag-play ng isang movie sa TV. "Tara, nood muna tayo. Alam kong napanood mo na rin o nabasa ito, ngunit gusto ko lang ulitin," aniya. Halatang ayaw niyang pag-usapan ang bagay na tungkol sa pagkakaroon nila ng anak ng kanyang asawa kaya naman pinili ko na lang na manahimik. Isang metro ang layo ko mula sa kinauupuan niya. Yakap ko ang isang throw pillow habang nanonood. "Dear John," sabi ko pa. "Oo, isa rin sa mga sad ending novels ni Sparks," aniya. At alam niya rin ang tungkol doon. Amazing. "Lalamig na ang tsaa," aniya. Inabot niya sa akin ang isang tasa at sinimsim ko iyon. Nadala na ako sa panonood ng pelikula at hindi ko na rin namalayan ang oras. Tumila na rin ang ulan at kasabay nito ang pagbagsak ng talukap ng mga mata ko. Inaantok na ako. Bahala na. NAGISING AKO nang marinig ko ang mahinang hilik mula sa kung saan. Medyo mdilim ang paligid at pilit kong pinapamilyar ang mata ko sa kung nasaan ako. Inilibot ko ang paningin ko. Teka, bakit iba ang kumot ko? Bakit mayroon ding kamay na nakapatong sa aking balikat at hawak ko pa iyon? Napatingala ako. Nabigla ako ngunit pilit kong hindi ipahalata sapagkat tulog na tulog si Sir Hector habang nakaupo sa sofa at ako naman ay nakaunan sa isang unan na nakapatong sa kanyang hita. Shems. Dito na ako nakatulog. Anong oras na ba? Bumangon ako at nagalaw ang kamay niya kaya naman nagising din siya. "Oh, gising ka na pala," aniya sabay kusot ng mata. "Boss, bakit hindi mo ako ginising?" "Tulog ka na e, nahihiya na akong gisingin ka," sabi pa nito habang tinitiklop ang kumot na ginamit ko. "Anong oras na po?" Tumingin siya sa kanyang orasan at saka tumingin sa akin. "Alas singko pa lang. Dito ka na mag-almusal. Magluluto ako," aniya sabay lakad papunta sa kusina. "Hindi na boss, magtataka na si nanay nito," "Hayaan mong ako ang kumausap sa kanya pagkahatid ko sa'yo. Isasabay na rin kita sa pagpasok mamaya," aniya. Bakit ayaw tumanggi ng isipan ko? Bakit sa puntong ito ay hindi nag-aaway ang puso at isip ko? Bakit nagugustuhan ko na agad ang ganito? "Magkape ka muna, ipagtitimpla kita," aniya. Kaya't natagpuan ko na lang ang sarili kong nakatingin sa kanyang likuran at iniisip kung gaano kaswerte ang asawa niya sa kanya. Maginoo, masipag, maasikaso at makisig. Huli na nang mapagtanto kong nahuli niya akong nakatitig lang sa kanya. "Ako ba ang laman ng isip mo?" Patay! Pagtatapos ng Ikalimang Kabanata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD