Chapter 01
Jaicy's POV
Halos manigas na ako sa sobrang lamig dito sa terminal ng bus. Mataas ang tirik ng araw pero malamig ang klima sa bayan namin. Maraming usok na rin mula sa mga tambutso ng pampublikong sasakyan ang nasinghot ko.
Mahigit tatlong oras na 'ata kaming nakaupo rito ni Mama at naghihintay sa pagdating ng Tito Joseph ko. Siya ang malapit na kaibigan ni Mama. Siya rin ang tatay ng dalawang taong sobrang excited akong makita ngayon.
Ang mga kababata ko.
"Iyan na 'ata ang bus ng Tito Joseph mo," nakangiting sabi ni Mama habang nakatingin sa papasok na bus.
Binasa ko ang signage sa harapan at napangiti ako nang makita ko ang Maynila. Agad akong napatayo at sinilip ang mga lumalabas na pasahero sa kulay pulang bus. Halos maubos na't lahat ang tao sa loob ng bus pero hindi namin nakita ni anino ng Tito ko.
Pang-ilang bus na namin ito. Bigo akong bumalik sa pagkakaupo at sumimangot kay Mama.
"Tawagan n'yo na po kaya si Tito. Kanina pa po tayo rito pero hindi pa rin sila dumadating," naiinip na reklamo ko kay Mama. Inayos niya ang magulo ko ng buhok at ngumiti.
"Malapit na ang mga iyon. Hayaan mo't pagkarating na pagkarating nila ay kakain tayo sa paborito mong kainan."
Pumalakpak ang tainga ko sa narinig. Minsan lang kasi kami kumain sa kainan ng kulay pulang bubuyog kaya labis ang tuwa ko. Ilang minuto pa kami naghintay bago muling pumarada ang isang bus galing Maynila.
Hindi na ako nag-aksya ng panahong tumayo at pinanood na lang ang pagbaba ng mga pasahero sa bus.
"Iyan na ang Tito Joseph mo!"
Napatingin ako sa matangkad na lalaking bumaba ng bus. Suot ang mamahaling damit ay pinanood ko s'yang bumaba ng sasakyan hila ang isang malaking maleta at bag. Napaawang ang bibig ko dahil sa laki ng pinagbago ng Tito ko.
"Wow," bulong ko.
"Halika at tulungan natin ang Tito mo." Napatingin ako sa nagmamadali kong ina. Agad akong sumunod kay Mama at nakangiti naming sinalubong ang mayaman kong Tito.
"Naku! Kumusta ka na Otep?" masayang sambit ni Mama at niyakap ang lalaki. Agad naman itong tinugon ni Tito. Nagmano ako sa kanya at natutuwa naman n'yang ginulo ang buhok ko.
"Ang laki na ni Jaicy, ah?" saad n'ya. Kinuha n'ya ang bitbit n'yang bag at inabot sa akin. Nagtataka ko 'yong kinuha. "Pasalubong ko sa iyo 'yan." Lumiwanag ang mukha ko sa sinabi n'ya.
"Salamat po!"
Tumingin ako sa bus at sa mga lumalabas na pasahero. Nasaan na sila?
"Nasaan na po sin—" Hindi ko na natuloy ay sasabihin ko nang bigla na lang akong lumutang sa sahig at sunod ko na lang naramdaman ay ang mahigpit na yakap sa'kin ng kababata kong si Lei.
"I missed you!" malambing na sabi n'ya habang pinipiga ako sa mga braso n'ya. Ramdam ko ang mainit na hininga n'ya sa batok ko.
"Na-miss rin kita," nakangiting sabi ko. Pilit kong inaabot ang mga paa ko sa sahig pero mas'yado s'yang matangkad. "Ibaba mo na 'ko Lei!" nagbibirong reklamo ko sa kanya. Agad naman n'ya kong sinunod.
Nang tuluyan na akong makababa ay saka ako lumingon upang tingnan s'ya pero leeg n'ya lang ang nakita ko. Tumingala ako at doon ko nakita ang g'wapo n'yang mukha.
Ang laki na ng pinagbago n'ya.
"Ang liit mo pa rin bansot," pang-aasar n'ya. Napanguso naman ako dahil bata pa lang kami ay 'di hamak na mas mataas na talaga sila sa 'kin ni... Nasaan na nga pala s'ya?
"Ang kapatid mo?" tanong ko. Tumingin s'ya sa gilid at doon ko nakita ang isa ko pang kababata. Napaawang ang bibig ko sa itsura n'ya.
Ang dami n'yang tattoo sa katawan.
Nagtama ang mata naming dalawa kaya tinaas ko ang kamay ko para kuwayan s'ya.
"Hello Ryu!" nakangiting bati ko. Nawala ang ngiti ko nang hindi n'ya ako pinansin.
Luh...
Anim na taon kaming hindi nagkita tapos hindi n'ya ako papansinin? Humaba ang nguso ko dahil sa inasta n'ya. Pagod siguro s'ya sa b'yahe.
"Kumain na ba kayo?" tanong ni Tito.
"Hindi pa nga eh. Tumigil kaya muna tayo riyan sa sikat na kainan sa palengke?" suhestiyon ni Mama na agad kong sinang ayunan. Paborito ko 'ata ang kainan na 'yon.
Napatingin ako sa kamay ko nang maramdaman ko ang pagsakop ng isang mainit na bagay roon.
"Ang liit ng kamay mo," puna ni Lei. Napangiti naman ako at pinakita sa kanya ang maliit kong kamao.
"Kaya pa rin kitang patulugin gamit 'to!" biro ko. Napatawa ako nang kurutin n'ya ang ilong ko. Ang kulit n'ya pa rin.
"Hindi sumama si kuya Prince?" tanong ko. Umiling naman s'ya kaya napanguso ako. Balita ko nga at abala ang panganay ni Tito Joseph. Isa kasi itong sikat na artist.
Kaming dalawa ni Lei ang nagdaldalan nang nagdaldalan habang tahimik lang na nakabuntot sa amin si Ryu. Hindi pa rin nagbabago ang pagiging masungit n'ya.
Nang makarating kami sa fastfood chain ay agad kong napansin na puno ang lahat ng lamesa. Tanghali na kasi kaya maraming customer ngayon.
"Walang bakanteng upuan. Doon na lang tayo kumain." Tinuro ni Tito ang kaharap na restaurant ng fastfood chain.
Pero mas'yadong mahal ang pagkain doon. Baka hindi namin kayanin ang presyo ng mga pagkain. Baka ako pa ang ibayad ni Mama. Ayoko nga maging pambayad!
"Don't worry. It's my treat," nakangiting sabi ni Tito kay Mama dahil halata na sa amin ang pag-aalangan. Pumalakpak ang tainga ko sa narinig.
Mas masarap kasi ang pagkain doon!
"Hey..." Rinig kong bulong ni Lei.
Kaming tatlo na lang ang nasa table dahil umo-order si Mama at Tito. Ayaw pa nga ni Tito pasamahin si Mama pero ang kulit kasi talaga ng nanay ko.
"Jaicy..." bulong n'ya ulit sa kanang tenga ko. Humarap ako sa kanya at muntik nang magtama ang ilong namin dahil sa sobrang lapit ng mukha n'ya sa 'kin.
"Bakit mo 'ko tinatawag?" nagtatakang tanong ko. Ilang segundo pa n'ya akong tinitigan bago bumaba ang tingin n'ya sa mga labi ko.
"Wala naman. Can you hand me that napkin?" tanong n'ya habang nakatingin pa rin sa labi ko. Tumango na lang ako at inabot sa kanya ang malaking tissue sa lamesa.
"You celebrated your 18th birthday last month 'di ba?" nakangiting sabi n'ya habang pinupunasan ang bibig n'ya. Masaya akong tumango.
Naaalala ko pa kung gaano kasaya ang birthday kong iyon. Nagkantahan kami hanggang madaling araw. Halos lahat ng kapitbahay ko ay naroon at nakikisaya.
"I have a gift for you." Ngumiti s'ya sa 'kin at nginuso ang loob ng bag n'ya. Nakagat ko ang labi ko sa sobrang tuwa. Hindi n'ya nakalimutan ang birthday ko.
"Mamaya ko na lang ibibigay sa 'yo pag-uwi."
Tumango ako sa sinabi n'ya. Nakita ko pa ang makahulugang tingin na binigay n'ya kay Ryu pero hindi naman s'ya pinansin nito.
Ang sungit talaga.
Nang dumating ang order ay agad na naming nilantakan ang chinese food sa harapan namin. Abala sa pagkukwentuhan si Mama at Tito habang ako naman ay pilit na iniintindi kung paano ba gamitin ang dalawang stick na nasa kamay ko.
Pinagmasdan ko kung paano gamitin ni Ryu ang tinatawag nilang chopsticks. Sinubukan ko s'yang gayahin pero nabigo ako. Bakit kasi ako nakigaya ng order sa magkapatid na ito. 'Buti pa si Mama at Tito may kutsara at tinidor.
"Ahhh!"
Napatingin ako kay Lei ng itapat n'ya sa akin ang chopsticks n'ya na may noodles.
"Isubo mo." Makahulugan s'yang ngumiti sa'kin. Binuka ko ang bibig ko at sinubo n'ya ang pagkain sa'kin.
Napangiti ako nang malasahan ang noodles. Ang sarap!
"Masarap?" nakangiting tanong ni Lei. Masaya akong tumango. Nagtataka akong napatingin sa kanya nang magpigil s'ya ng tawa.
Napatingin ako kay Ryu nang padabog n'yang binitawan ang chopsticks n'ya. Mabuti na lamang at hindi nakuha nito ang atensyon ni Mama at Tito.
"Gusto mo palang sinusubuan ka," natatawang saad ni Lei.