Kabanata 1

1573 Words
“Adriana!” Napalingon naman ang dalaga sa tumatawag sa kaniya at nasilayan ang ina niyang hindi niya nakita ng halos isang dekada. Nakatayo lang siya at nakatitig dito. Ilang saglit pa ay dumating naman si Sister Teresa. “Nakita mo na ba si, Adriana?” aniya. Ngumiti ito at nilapitan siya. “Anak, bumalik na ang mama mo. Lapitan mo na, sige na. Alam kong matagal mo na siyang gustong makita,” saad nito. Nanatiling nakatayo lamang siya at pinakatitigan ang ina. Nakasuot ito ng dress na sa tingin niya ay mamahalin at may bag sa kanang braso na may tatak pang LV. Nakasuot ng shades at napakaputi ng balat. Hindi na ito ang ina niyang kilala noon. Ang laki ng ipinagbago nito. Nilapitan niya ito at tiningnan lamang. “Bakit? Hindi mo na ako nakikilala ano? Sobrang ganda na ba ng Mommy mo?” wika nito. “Ano po ang ginagawa niyo rito?” tanong niya. Hinawakan naman ng ina niya ang kaniyang kamay at kaagad na nagpagpag nang makitang may lupa pa ang kamay niya gawa nga na nag-aayos siya ng mga halaman kanina. “Puwede bang doon tayo sa loob mag-usap? Ang init kasi rito,” saad nito. “Sige Emma, pumasok ka muna sa loob. Adriana, maghugas ka na muna ng kamay mo,” sagot naman ng madre. Tumango naman ang dalaga at naghugas ng kamay sa malapit na poso. Hindi siya umiimik at parang napakaimposible naman na darating ang ina niya. Kung kailan bente na siya ay siya namang pagbalik nito. Labin-apat na taon siyang iniwan sa bahay ampunan. Noon ay halos araw-araw siyang nananalangin na balikan siya nito. Pero ngayon ay tila nawala ang excitement na naramdaman dahil siguro sa nawalan na siya ng pag-asa. Pumasok na siya sa loob at umupo sa katapat na upuan ng ina niya. Nakaupo naman ang madre sa tabi niya. “Sister Teresa, maraming salamat sa pag-aalaga kay, Adriana. Hayaan niyo po at magbibigay ako ng malaking donation bago kami umalis,” wika niya. Napakunot-noo naman ang dalaga. “Aalis? Kasama ako?” naguguluhan niyang tanong. Tiningnan naman siya ng ina niya at hinawakan sa kamay. “Anak, alam kong marami akong pagkakamali at pagkukulang sa ‘yo. Alam kong napabayaan kita ng ilang taon. Pero alam mo naman kung ano ang sitwasiyon natin noon ‘di ba? Hindi ko kayang isama ka sa hirap na dinanas ko noon. Hindi na bale kung ako lang ang magdusa huwag lang ikaw,” mahinang saad niya. “Kaya mas pinili mong iwan ako. Ni hindi mo man lang tinanong kung gusto ko bang sumama sa ‘yo,” mahinahong sagot niya. “Ang bata mo pa noon. Ayaw kong mamulat ka sa ganoong mundo. Natatakot akong baka mapaano ka at alam kong hindi kita mababantayan, Adriana. Lapitin ka ng disgrasiya at hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may mangyari sa ‘yong masama. Anak, patawarin mo ako. Hayaan mo akong bumawi,” saad nito at mangiyak-ngiyak pa. Napapikit naman siya at hindi na nagsalita pa. Napalingon naman siya kay Sister Teresa nang hawakan nito ang kamay niya. “Anak, alam kong masama ang loob mo sa iyong ina. Pero hindi bai to ang matagal mo ng pangarap? Gusto mong makasama ang ina mo. Ito na ‘yon, huwag mong paghariin ang sakit at poot sa puso mo. Wala iyong magandang naidudulot.” Tiningnan niya ang kaniyang ina na namumula ang mata. “Sige po,” aniya. Kahit hindi niya aminin ay mas matimbang pa rin naman ang pagmamahal niya para sa kaniyang ina. Kaagad na napangiti ito at niyakap siya. Nagulat siya sa ginawa nito pero niyakap niya na rin pabalik. Napapikit siya at hinayaan ang luhang tumulo. “Babawi ako, anak. Babawi ako,” wika nito. Tumango naman siya. “Masaya ako at binalikan mo si, Adriana. Ang tagal ka na niyang hinihintay. Sige na anak, ayusin mo na ang mga gamit mo para makaalis na kayo at malayo-layo pa ang bayan,” saad ni Sister Teresa. “Naku! Sister huwag na. Ako na ang bahala sa mga damit niya. Gusto kong maging bago ang lahat sa kaniya,” sagot ng kaniyang ina. Nagulat naman siya. Ano kaya ang trabaho ng ina niya at mukhang napakagalante nito. “Sister, bilang pasasalamat po sa pag-aaruga ng anak ko. Heto po tanggapin niyo po itong maliit na kwarta. Pasasalamat ko po sa inyong kabutihan sa amin,” wika ng ina niya. “Emma, mahal namin si, Adriana. Mabait siyang bata at matalino. Masuwerte ka sa anak mo at masuwerte rin kami.” Napatingin naman si Adriana sa cheque na ibinigay ng ina niya at nakasulat doon ang one hundred thousand pesos. Napakalaking pera iyon. Isang manikyurista ang ina niya noon at sa ayos nga nito ngayon ay mukhang naka-jackpot. “Huwag na po kayong umayaw Sister at magtatampo talaga ako,” saad nito. Ngumiti naman ang madre at nagpasalamat. “Mauuna na ako sa sasakyan. Sumunod ka na lang anak ha. Hihintayin kita,” sambit nito. Tumango naman ang dalaga. Tiningnan niya ang madre at niyakap ito nang mahigpit. Tumutulo ang kaniyang luha pero hinayaan niya lang. “Mami-miss ko po kayo, Sister. Bibisitahin ko po kayo rito,” saad niya. Naiyak naman ang madre at inayos ang buhok niya. “Anak, mag-iingat ka roon ha. Huwag kang magtitiwala sa mga taong kakikilala mo lang. Alam kong matalino ka. Pero ang anyong pisikal mo ay paniguradong marami ang mabubulag. Kaya mag-iingat ka palagi,” saad nito. Tumango naman siya at niyakap ito ulit. Pumunta siya sa eskuwelahan sa likod kung saan nag-aaral ang mga batang inaalagaan niya at nakatingin lamang sa bintana. Mabigat ang loob niya na iwanan ang mga ito pero kailangan. Ayaw niya ring personal na mamaalam sa kanila dahil alam niyang hindi na siya makakaalis pa. Pinunasan niya ang kaniyang mata at nagpaalam na sa ibang kaibigang madre. Kumaway siya sa mga madreng nagsiiyakan at pumasok na sa loob ng sasakyan. Kaagad na nilukob siya ng napakalamig na aircon ng sasakyan. Ang ina niya ay nasa harap at tila may katawag. Ibinaba nito ang cellphone at nginitian siya. “Alis na tayo?” anito. Tumango naman siya. Tumingin siya sa labas at malalim na huminga. Nakatingin lang siya sa labas at tahimik na nagmamasid sa daanan. Palabas na sila ng bayan at wala na siyang ideya kung nasaan sila. Buong buhay niya ay hanggang bayan lang ang napuntahan niyang malayo. Huminto sila saglit sa isang fast food chain at nag-order ng pagkain. Binigay naman ng ina niya ang pagkain niya. “Kumain ka muna Adriana at medyo malayo pa ang biyahe natin,” saad nito. Tumango naman siya. Nakatulog nga siya sa biyahe dahil ilang oras din ang tinagal. Pagdating nila ay nakatanga lamang ang dalaga sa napakalaking bahay. Nalula siya sa ganda at laki nito. “Mama, ito po ba ang bahay niyo?” tanong niya rito. Bumaba na sila at tinabihan siya ng ina. “Bahay mo na rin ‘to, Adriana. Oo nga pala, may asawa na ako. Governor siya sa probinsiyang ‘to. Naghihintay siya sa loob at huwag kang mag-alala bagamat istrikto, may kabaitan naman,” saad niya. Hindi naman siya makapagsalita. Pagpasok nila sa loob ay nakita niya ang pagsipat ng tingin ng mga trabahador sa kaniya. Namamangha ito sa gandang taglay niya. Napatingin naman siya sa paligid at napanganga sa sobrang ganda ng loob. “Nandito na kami,” wika ng ina niya at umupo sa living room. Natigilan naman ang dalaga at napatingin sa lalaking nakaupo sa malaking upuan. Ang iniisip niya ay matandang lalaking may malaking tiyan dahil iyon naman ang nakikita niya kadalasan sa mga politician subalit iba ito. Tumayo ito at nilingon siya. Matangkad, maganda ang pisikal na pangangatawan, at napakaguwapo ng mukha. Para itong Brazilian model sa sobrang guwapo. Sa tantiya nga niya ay hindi pa ito lumalagpas sa kalendaryo. Ang mata nitong abuhin ay sinlamig ng yelo at matamang nakatitig sa kaniya. “Adriana, bumati ka sa step-father mo. Simula ngayon siya na ang tatayong ama mo. He’s Yoaquin Valter Baltazar,” saad ng ina niya. Napalunok naman siya at inabot ang kamay nito. “H-Hello po, ako po si, Adriana,” saad niya. Tinanggap naman ni Yoa ang kamay niya. Kaagad na hinablot ito ng dalaga dahil nakaramdam siya ng parang boltahe ng kuryenteng sumugod sa kaniyang kaibuturan. Kita niya pa ang pagkunot ng noo nito at namulsa. “Call me whatever you want. Ikaw na ang bahala sa anak mo, Emma. Marami pa akong gagawin,” wika nito at umalis na. Naiwan naman silang dalawa ng ina niya. Ang mama niya ay maagang nabuntis. Sa edad na desi-otso ay ipinagbuntis na siya. “Alam kong nagtataka ka kung paano ko nakuha ang loob niya. Napakaguwapo niya ‘di ba? Maliban sa anyong pisikal niya ay sobrang yaman niya. Siyempre sa angking ganda ng Mommy mo sino ba naman ang makakahindi sa ‘kin? Manang-mana ka nga sa ‘kin eh parang birhen sa ganda. Mas bata siya sa akin ng ilang taon. Bente-nuwebe pa lang ‘yon kaya huwag kang magtaka. Pareho naming kailangan ang isa’t-isa lalo pa at malapit na ang eleksiyon. Huwag kang magdalawang-isip na sabihan ako kung ano ang gusto mo, Adriana at bibilhin natin. Feel at home ka lang dito, okay?” saad nito. “Sandali tawagin ko muna si, Aling Bulma para mahatid ka sa magiging kuwarto mo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD