“ZOIE! NASAAN ka bang batang ka!”
Bigla akong napabalikwas ng bangon dahil sa lakas ng sigaw ni Tita Mariel. Kailanman ay hindi ko maipagkakamali ang boses nito. Ano na naman ba ang nakain ng magaling kong Tita at hinahanap na naman ako. Parang kailan lang ng itakwil niya ako at pinalayas sa bahay niyang malaki kaya naman nasa isang kubo lang ako naninirahan ngayon. Ito ang lugar kung saan pinalaki ako ng namayapa kong Lolo at Lola. May malapit na sakahan sa kubo kung saan ako tumutulong sa pagtatanim upang magkaroon ako ng makakain sa araw-araw. Graduating na ako sa high school at pinagbubuti ko ang pag-aaral ko dahil hinahabol ko ang scholarship para sa pagpasok sa college.
“Zoie, nariyan ka ba?”
Tiyak na may kailangan na naman ang magaling kong Tita kaya narito siya sa maliit na kubong pinandidirihan nitong puntahan. Ayaw ko sanang bumangon at harapin ito ngunit mas dahil mabait ako ay haharapin ko siya kahit na naistorbo niya ang tulog ko.
“Mabuti na lang at araw ng Sabado ngayon.”
Sigurado naman akong hindi magtatagal si Tita Mariel. Ugaling mayaman kasi ito. Ayaw man lang maalikabukan ang damit na suot nitong stateside.
“Tita, naligaw po yata kayo.” Saka niya lang ako nakita pababa ng maliit na hagdanan. May maliit na silid sa itaas na kasya sa pandalawang tao lang at doon ako natutulog dahil makalat sa ibaba. Puno ng mga kahoy na pinupulot ko at iniipon upang pangluto ko.
“Kanina pa kita tinatawag Zoie, bakit ngayon ka lang sumagot. Bingi ka ba?” Nanlilisik ang mga mata niya na tinitigan ako. “Huwag mong sabihin na natutulog ka pa sa oras na ito?”
“Opo. Wala naman po akong pasok ngayon sa eskwela kaya gusto ko po sanang matulog ng matagal.” Napakamot ako sa ulo. “Mamaya po kasi ay tutulong ako sa pag-aani ng palay diyan sa kabilang taniman.”
“So, kasalanan ko pa na naistorbo ko ang tulog mo. Ganoon ba?” Nakapamaywang siyang lumapit sa akin at akmang hahawakan ako sa braso ngunit biglang natigilan. “Naku, baka madumihan ako kapag hinawakan kita!” Agad na may kinuha sa loob ng dalang bag at pinahid sa kamay.
“Bakit po ba kayo napadalaw dito, Tita? May kailangan po ba kayo?” Tinalunton ko ang maliit na mesa upang magtimpla ng kape. May maliit na termos akong nabili noong medyo malaki ang ibinayad sa akin sa pagtatanim. May laman pa naman ang lagayan ng kape at asukal kaya kampante akong nagtimpla.
“Gusto ko lang ipaalam sa iyo na gusto ng Tito mo na bumalik ka na sa bahay pagkatapos ng graduation mo sa high school. Tutulungan ka niyang makapasok sa kolehiyo kaya huwag ka ng mag-inarte pa.”
“Tita hindi na po kailangan. May mapapasukan na po ako sa kolehiyo. Ako na po ang bahala roon. Hindi ninyo na po kailangan pang mamoroblema sa akin. Kaya ko naman ang sarili ko. Kape po?”
“Hindi ako nagkakape, Zoie lalo na kung ganyan ang ititimpla mo.”
Napakamot na naman ako ng ulo. “Sorry, Tita. Ito lang kasi ang mayroon ako.”
“Kaya nga tutulungan ka namin sa kolehiyo! Mahirap bang intindihin iyon, Zoie? Ha?”
“Hihintayin ko na lang po ang result ng inaplayan kong scholarship, Tita. Sabi ko nga po sa inyo, kaya ko na po ang sarili ko. Salamat na lang po sa inyo.”
“Aba’t nagmamalaki ka na ngayon, a!”
“Hindi naman po sa ganoon, Tita. Ayaw ko lang po na masira ang imahe ng pamilya ninyo ni Tito kaya mas gusto kong tumayo sa sarili kong papa. Tingnan ninyo nga po, halos dalawang taon na akong nakatira sa kubo na ito na mag-isa. Buhay pa naman ako.”
“Napakatigas talaga ng ulo mong bata ka! Ikaw na nga itong gusto naming tulungan pero ikaw pa itong mayabang. Pagsisisihan mo ang araw na ito, Zoie dahil simula ngayon ay hindi na kita ituturing pa na kadugo!” Labas na ang mga ugat nito sa leeg dahil sa galit. “Huwag na huwag kang magpapakita sa akin dahil hindi ka na makakahingi pa ng tulong mula sa amin!” Halos masira na ang kahoy na pinto nang lumabas ito.
Mahina akong natawa. Ilang beses ko na bang narinig na sinabi niya iyon? Hindi ko na mabilang. Pilit niya akong pinababalik sa pamamahay nila na sa ubod ng laki ay mapagkakamalang walang taong nakatira. May mga sariling mundo ba naman ang iyon, e.
“Zoie! Zoie! Gising ka na ba?” Humahangos na pumasok si Anika. “A-akala ko tulog ka pa, e.”
“Bakit? May humahabol ba sa iyo?” Napatayo pa ako saka nilapitan siya at hinimas-himas ang likod.
“Wala!”
“E, bakit ka humahangos na pumunta rito?” Hinintay ko munang bumalik sa normal ang kanyang paghinga bago igiya siyang maupo. “Ano ba ang mayroon?”
“Pinapunta ako rito ni Tatay kasi may mga bisitang darating mamaya!” excited na wika ni Anika. “Ang sabi ni Tatay, kailangan nating pumunta upang makakuha ng form kasi maaari raw tayong makakuha ng financial assistance sa pag-aaral natin sa kolehiyo. Malay mo, mapili tayo!”
“Oo naman! Siyempre, pupunta tayo. May ideya ka ba kung magkano ang financial assistance na ibibigay nila?”
“Ang sabi ni Tatay, malaki raw. Baka nga isang taon na nating pag-aaral sa kolehiyo ang halaga niyon! Ang laking tulong sa atin ‘yon!”
“Talaga? Wow, ang laki nga!”
“Hindi tayo mamomoroblema ng pambayad sa tutuluyan natin sa college. Makakapag-concentrate tayo sa pag-aaral lalo ka na, Zoie. Matalino ka pa naman.”
“Matalino ka naman, a.”
“Mas lamang ka nga lang.” Mariin niya akong tinitigan kasunod ng sabay naming tawanan. “At saka alam mo ba, marami raw pogi na naroon mamaya!”
“Kinilig ka naman agad. Malay mo, joke lang ‘yon.”
Inismiran ako ni Anika kasabay ng pagkurot sa braso ko. “Ang killjoy mo talaga. Paano kung totoo ngang may mga pogi roon? Ililibre mo ako?”
“Sige. Pero kapag wala, doble ang libre mo sa akin.”
“Deal,” ngingiti niyang sabi. “Ihanda mo na ang panglibre mo sa akin. Sigurado ako na ang mananalo.”
“Kahit pa-kopyahin pa kita ng assignment ko, e.”
“Talaga? Uy, Zoie, sinabi mo ‘yan. Ang hirap pa naman ng assignment sa Trigonometry.”
“Ako ang bahala sa iyo…kung mananalo ka sa deal natin.”
Makahulugan niya akong tiningnan. “Ako ang mananalo, Zoie. Itaga mo pa ‘yan sa bato.”