PROLOGUE
Paano ba ang umasa ng hindi mo kailangang lumuha?
Paano ba ang maghintay ng hindi mo kailangang mapagod?
Paano ba ang muling magtiwala ng hindi mo kailangang masaktan?
Ako ang asawa, pero ako ang nakikihati. Ako ang nagmamahal, pero iba ang nagpaparamdam. At ako ang pinangakuan ngunit sa iba tinutupad.
"Masakit? Oo, sobrang sakit, na sa sobrang sakit ay para bang ultimong paghinga ko'y pinipigilan nito, pero hindi ko kailangang mapagod. Kailangang paulit-ulit akong umasa at maghintay, dahil mahal ko ang asawa ko. Mahal ko si Jeff, at maghihintay ako hanggang sa tuluyan na s'yang bumalik sa akin."
Ako si Erica Amida, 24 years old. Isang abogada at may sariling pangalang iniingatan at pinangangalagaan.
Nasa mataas at matayog na kinatatayuan, matalino, mahusay at iniilagan ng mga katunggali sa loob ng hukuman pagdating sa mga batas na ipinaglalaban at kahit ang minsan ay wala pang nangahas na kalabanin ako, at walang natalong mga kaso ang aking hinawakan. Lahat ay nagbubunyi sa tuwing naiipanalo ko ang mga kasong iyon.
Subalit ang isang kasong hindi ko nagawang ipanalo ay ang relasyon naming mag-asawa, sa kabila ng aking katanyagan, hindi alam ng mga taong nakapalibot sa amin ang sakit at hirap na aking kinakaharap at pilit nilalabanan. Ang pagmamahal para sa aking asawa at sa pagsasama naming patuloy nang humihina ang pundasyon.
Noon sabay kaming nangarap at bumuo ng sariling mga pangalan, kahit pa sabihing hindi na kailangan ni Jeff dahil sabi nga nila, ipinanganak na itong may gintong kutsara sa bibig, ganoon pa man hindi ako nito iniwan nito patuloy pa ring sinamahan hanggang dulo.
Hanggang sa dumating ang araw na nahulog ang aming mga damdamin sa isa't-isa, at sinubukang palayin at pagbigyan ang aming mga damdamin.
Minahal at nagmahal, iyon kami. Nagsimula sa pagkakaibigan na nauwi sa pagmamahalan.
Lumipas ang mga taon na nanatiling maayos at masaya ang aming relasyon, kaya't ninais na naming lumagay sa tahimik na buhay, nagpakasal at bumuo ng sariling pamilya.
Nagkaroon kami ng isang anak, ngunit sa isang iglap bigla itong kinuha sa amin ng Panginoon, at walang araw na hindi ko sinisi ang aking sarili, dahil alam kong ako ang dahilan kung bakit nawala sa amin ang aming anak.
Naipon ang sakit at galit sa aking dibdib, at ang mga damdaming iyon rin ang tuluyan nang sumira sa pagsasama naming mag-asawa na matagal na panahon ko ring iningatan.
Galit at pagkamuhi.
Paano ko nga ba maaalis sa aking sarili kung mismong ang aking sarili ay hindi ko kayang patawarin. At Paano ko pa nga ba maayos ang pagsasama naming mag-asawa kung ang sarili ko mismo'y hindi ko kayang ayusin.
Kalayaan nga ba ang nararapat, para tuluyan na ring makawala sa sakit at galit na naipon sa aking puso? O ang pagpapatawad? Pagpapatawad na kahit kailan ay waring hindi ko kayang ibigay lalo na sa aking sarili.