Masayang mukha ng asawa ni Evangeline ang kanyang nasilayan habang inaanunsyo ng doktor na three months old na ang ipinagbubuntis ng babaeng kasama nito sa loob ng silid. Habang siya ay hilam ang mga mata sa luha, hindi niya matanggap ang natuklasan. Pakiramdam niya ng mga sandaling iyon ay pinagsakluban siya ng langit at lupa.
Kitang-kita niya sa mga mata ng kanyang asawa na si Audrix ang kasiyahan. Nakangiti pa ito sa babaeng hindi niya mapagsino dahil nakasilip lamang siya sa siwang ng sliding door na hindi maayos naisara kanina pagpasok ng kanyang mahal na asawa.
Lumuluhang nakatingin siya sa maliit na box na hawak-hawak na naglalaman ng fetus. Anak nila ni Audrix na hindi na nito nalaman dahil halos ilang linggo na itong hindi umuuwi sa kanilang bahay.
Parang may nag-uudyok sa kanya na mag-eskandalo sa loob ng ospital na iyon. Komprontahin ang kanyang asawa pati na ang babae nitong kinahuhumalingan pero wala na siyang lakas ng mga sandaling iyon.
Nakunan siya, at sa mismong araw din na iyon mas ninais niyang lumabas ng ospital matapos niyang raspahin dahil pakiramdam niya ay mas mamamatay siya kapag nasa loob ng ospital. Pero hindi niya akaling makikita doon ang pinakamamahal niyang asawa. Habang naghihitay siya sa waiting area ng ospital kay Dianne, ang kaibigan niyang nagdala sa kanya sa ospital. Nakita niya ni Audrix, iiwas sana siya pero huli na dahil nakita na din siya nito.
Lumabas ito ng silid na iyon, akala niya napansin manlang nito ang itsura niya. Namumutla, nangangalumata at higit sa lahat halatang may sakit siya pero halos ikadurog ng kanyang puso ng sa paglapit nito sa kanya. Naniningkit ang mata nito sa galit, animo nagbabanta at tila inis na inis ng makita siya. Mahigpit siyang napakapit sa kinalalagyan ng fetus na anak nila. Tila doon siya kumukuha ng lakas para hindi siya bumigay.
"Anong ginagawa mo dito?! Kaya pala nagtungo ako sa bahay walang tao doon dahil nandito ka! Sino may sabi sayong pwede kang maglamyerda ng hindi ko nalalaman ha?!" galit na wika nito sa kanya. Mahina iyon pero madiin ang bawat pagbigkas nito.
Lumikot din ang mga mata nito at tila natatakot na makita ng kung sinong kasama nito sa loob ng silid na iyon na kausap siya nito. Gusto niyang magtanong dito, nais niyang alamin bakit nasa loob ito ng ob-gyne?At sino ang sinamahan nito doon? Nais din niyang itanong dito kung bakit bigla-bigla na lamang itong hindi umuwi sa bahay nila? Pero ang lahat ng iyon ay hindi niya kayang itanong dito, nasa kanyang isipan lamang niya ang lahat ng katanungang iyon.
"S-Sinamahan ko lang si Dianne na magpa-check up," sagot niya dito. Pero ang totoo, kaya hindi rin siya makapagsalita ng maayos dahil pinipigilan niya ang maiyak sa harapan nito.
"Dami mong kaartehan! Umuwi ka na! Pati mga kasambahay pinaalis mo! Praning ka na talaga!" singhal pa nito sa kanya.
Sa bawat katagang binibitiwan nito, parang punyal na tumatarak iyon sa kanyang puso. Pinaalis lamang naman niya ang mga kasambahay dahil ayaw niyang malaman ng mga ito at kumalat pa ang tungkol sa sitwasyon nilang mag-asawa. Hindi nga niya alam kung ano na nga ba ang estado ng pagsasama nilang dalawa. Wala itong sinasabi basta na lamang ito nanlamig sa kanya, nauwi sa palaging away at tampuhan hanggang sa palagi na itong sa opisina nito natutulog. Umabot pa nga sa puntong hindi na ito umuwi ng tuluyan sa kanilang bahay.
Gusto niyang tanungin ito, komprontahin dahil sa mga pinaparanas nito sa kanya. Nais niya ng closure, iyon bang kahit manlang malaman niya kung ano ba talagang ang nais nito. Pero wala, kapag kaharap niya ito palagi lamang siyang natatameme. Nauunahan siya ng takot na baka magalit ito. Lalo na at palagi ng mainit ang ulo nito sa kanya. Hindi na niya ito kilala, parang hindi na ito ang Audrix na minahal niya ng sobra-sobra. Halos ginawa niya itong mundo tapos ganito lang pala ang mangyayari sa kanila. Gusto manlang sana niyang malaman kung totoo bang may babae ito pero wala, talagang iniwan siya nito sa ere.
At ngayon nakita nga niya ito dito sa ospital, sa ob-gyne, ayaw niyang mag-isip ng negative. Hindi kayang tanggapin ng kanyang isipan ang malinaw na kahulugan niyon.
Tumalikod na sa kanya ang kanyang mahal na asawa at bago pa ito muling pumasok sa loob ng ob-gyne room ay pinukol pa siya nito ng galit na tingin. Nang makapasok ito, tila tinutulak siya ng paa na sundan ito kaya naman ngayon nasa may sliding door na siya ng silid na iyon. Kitang-kita niya ang asawa dahil hindi nito gaanong naisara ang pinto at doon na nga niya narinig ang anunsyo ng Doktor na, tatlong buwan na nga daw ang nasa sinapupunan ng babae na tinawag pa nga ng doktor na asawa ng kanyang asawa. Halos madurog ang kanyang puso sa narinig.
"B-Baby, a-anak ko..." aniya habang nakatitig sa karton na kanyang hawak-hawak. Three months na din ang baby nila, pano iyon nagawa sa kanya ni Audrix? Minahal naman niya ito, pinaglingkuran at ibinigay ang lahat, papano nito nagawang magloko pa na halos ito na nga lang ang ginawa niyang mundo. Ngayon nagbubunyi ito dahil sa anak sa kabet nito na hindi niya makita dahil natatakpan ng kurtina ang kinahihigaan nito sa loob ng silid. Nasisiyahan ito sa balita ng doktor pero hindi nito alam na ito rin ang araw na nawala ang kanilang panganay.
Napakasakit isipin na hindi manlang siya nito nagawang tingnan, ni hindi nito napansin ang itsura niya, hindi nito napansin na may dinadamdam siya. Hindi manlang nito nagawang tanungin kung ano ang laman ng karton na kanyang hawak-hawak. Gano'n na ba ito kamanhid? Ito pa ba ang lalaking sinamba niya at ginawa niyang mundo sa loob ng tatlong taon? Ito pa ang galit dahil nasa ospital siya. Pakiramdam niya ay may libo-libong punyal ngayon ang paulit-ulit na tumutusok sa kanyang puso. Patuloy lamang sa pag-agos ang kanyang luha, pinagtitinginan na siya ng mga taong nandoroon pero hindi na niya alintana iyon.
Mahigpit niyang niyakap ang karton na naglalaman ng kanyang baby. Kahit tila walang lakas ang kanyang tuhod pinilit niyang lumayo sa lugar na iyon. Hindi na niya hinintay ang kanyang kaibigang si Dianne, ang nasa isipan na lamang niya ng mga sandaling iyon ay makalayo sa lugar na iyon. Ang lugar kung saan tuluyang gumuho ang kanyang mundo.
END OF PROLOGUE