Narrator
Hindi alam ni Maribel ang kanyang gagawin. Lumabas siya dahil nagtataka siya sa ingay na kanyang naririnig kahit sinabi ng pinuno na huwag siyang lalabas.
Nagmadali siya na bumalik sa kanyang kwarto ngunit ano ang kanyang nakita. Nakaramdam siya ng awa sa babaeng pinaparusahan ng kanilang pinuno.
Isa lamang ang nasa isip ni Maribel ay ang tumakas sa impyernong kinapapasukan nila ngayon ngunit paano?
Paano nga ba siya makakaalis? Paano siya makakatakas sa masalimuot na hirap na mararanasan niya dapat.
"Maribel, magkita tayo sa kabilang pinto. Tatakas tayo rito, sa pagsapit ng alas-tres ng umaga. Magpanggap ka na natutulog ka dahil baka tingnan ka ni pinuno," narinig ni Maribel ang boses ng kanyang ate Rosa kaya kumatok siya ng isang beses sa pinto upang ipaalam na sasama siya rito.
Hindi lubos maunaawan ni Maribel ang nangyayari. Pakiramdam niya ay pinaglalaruan lamang sila.
Lumipas ang ilang minuto ay nagpanggap si Maribel. Tama nga ang kanyang ate na titingnan ng kanilang pinuno siya sa kanyang kwarto.
"Hmm.. Maribel, hindi ako makapaghintay na ikaw naman ang iaalay ko," bulong ng pinuno sa pag-aakalang tulog siya.
Biglang napatayo ang pinuno ng nakarinig ito ng katok. Narinig ni Maribel ang pagbukas ng pinto.
''Pinuno, masyadong nasisiyahan ang mga kalalakihan ngayon. Ayaw niyo po ba makisali sa palaro?" tanong ng lalaki.
"Sasali ako, alam mo naman na binisita ko lang ang batang ito," sagot ng pinuno. Mabilis ang t***k ng puso ni Maribel.
"Maganda si Maribel pinuno, marami siyang mahihikayat na sumapi sa atin,"
"Aasawahin ko siya agad. Siya ang magiging tagadala ng aking mga supling," sagot ng pinuno nila.
Nakaramdam ng takot si Maribel. Hindi niya akalain na iyon pala ang plano ng pinuno sa kanya. Pakiramdam niya ay gusto na niyang tumakbo papalayo rito. Ngunit papaano nga ba siya makakalis sa lugar na ito kung mismong alam ng kanilang pinuno kung saan sila nakatira.
Supling? Ano ang ibig sabihin ng kanyang pinuno?
Pinilit ni Maribel na huwag igalaw ang kanyang mga mata upang hindi mapansin ng kanyang pinuno at ng kasama nito na siya'y gising. Alam niya na sa oras na malaman ng mga ito na siya'y nagkukunwari lamang sa kanyang pagtulog ay baka 'yon na rin ang huling pagdilat ng kanyang mga mata.
"Kami po ay labis na nagagalak para sa'yo, aming pinuno. Alam ko na si Ama ay labis nasisiyahan din sa iyong pagiging tapat sa mga turo niya."
"Hindi ako ang magiging pinuno kung hindi ako tapat at masunurin sa mga kautusan niya. Mas magandang magparami tayo upang makikilala ng lahat kung sino nga ba ang ating 'Ama'. Walang tutumbas sa kanya." Sagot ng pinuno habang hinahawakan ang ulo ni Maribel. May munting ngiti sa labi nito na para bang siya'y labis na nasisiyahan sa mga ginagawa nito.
"Mangyari nawa iyan. Marami na ang mga taong pumupunta sa kapilya. Maraming lumuluhod sa mga rebultong gawa lamang sa mga kahoy. Mga inukit ng mga bulag. Ayaw ni Ama sa ganitong gawain. Isa lamang ang gusto ng ating Ama at 'yon ang maging isa lamang ang diyos na sasambahin ng mga tao. Siya lamang at alam ko na mangyayari iyon."
"Kung gayon ay humayo ka at sabihin mo sa ating ibang kaanib ang tungkol dito. Darating ang araw na kasama silang mamamatay ng mga rebultong 'yon. Darating ang araw na hindi nila malalaman na sila'y patay na dahil sa bawat pagsabog ng mga kumbento."
"May tradisyon sila pinuno. Bukas ay maraming tao ang magmimisa upang ipakita nila ang pag-alala sa kanilang Diyos. Hindi ko mawari dahil may hawak silang mga dahon nilang ipabendisyunan sa mga pari."
"Kung ganoon nga ay mas magandang isama na lamang sila bukas. Pasabugin ang bawat simbahan na mga makikita ninyo. Huwag kayong matakot na isakripisyo ang inyong buhay dahil sa bawat sakripisyo ay siyang malaking gantimpala sa kaharian ng ama."
Nang umalis ang dalawa lalaki sa silid ni Maribel. Bigla siyang nakaramdam ng takot dahil ang tinutukoy ng kanyang pinuno ay ang mga simbahan na pinagsasambahan mismo ng kanyang mga kaklase. Mahigpit na nilamukot ni Maribel ang kanyang kumot.
'Kung totoo nga na may Diyos ay sana matulungan mo ako na masabihan ang mga taong iyong upang malaman nila na ikakamatay nila ang pagpunta sa Parokya.'
Labis na nabahala si Maribel dahil sa kanyang mga nalaman. Alam niya na napaimposible na siya'y makalabas sa kanilang lugar ngunit kung totoo nga na may Diyos, Siya na ang bahalang gumawa ng bagay na 'yon.
"Maribel, hindi ka raw kumakain." Nagulat si Maribel ng nagsalita ang kanilang pinuno sa kanya. Bakas sa mukha nito ang pagiging inosente na naging dahilan upang mas marami ang maniwala rito.
"Ipagpaumanhin mo pinuno. Wala po akong ganang kumain dahil ako'y lubos na nalulungkot ngayon." sagot ni Maribel ngunit hindi niya ipinahalata na siya'y walang tulog.
"Ito ang unang beses na malalayo ka sa iyong pamilya ngunit dahil naiisip kita kanina pa ay ano nga ba ang gusto mo?"
Nagulat si Maribel ng narinig niya ang mga salita ng lalaking kaharap niya. Ganoon na lamang ba makapangyarihan ang Diyos na kahit ang kanyang pinuno na kanilang nirerespeto ay makontrol nito?
Napalunok siya ngunit hindi nag-atubiling sabihin na, "Pinuno, nalulungkot po ako ngayon dito. Maari po ba na makipaglaro muna ako sa aking mga kaklase?"
Napakagat ng labi si Maribel ngunit mas lalo siyang namangha ng pumayag ang kanilang pinuno sa kanyang kagustuhan. Pinalabas nga si Maribel sa kanilang Banal na lungsod at mabilis siyang tumakbo upang masabihan ang mga taong nagsasamba sa isang malaking simbahan sa kanilang lugar.
"Ate! Umalis po kayo rito. Papasabugin ang simbahan na ito!" malakas na sigaw ni Maribel ngunit dahil sa dami ng tao ay hindi naririnig ang kanyang munting tinig.
"Maraming simbahan ang sasabog ngayon! Umalis na po kayo rito." Tila nababaliw na si Maribel ng tila hindi nakikinig sa kanya ang mga tao. Nakita niya ang kanyang kaklase na si Juancho na tumatakbo papunta sa kanya.
"Maribel! Itigil mo ang iyong ginagawa dahil tinatakot mo lamang sila. Kasama namin ang Diyos sa kanyang sambahan kaya alam namin na hindi mangyayari ang iyong mga sinasabi. Isa kang baliw!" malakas na sigaw ni Juancho sa kanya na labis na ikinasakit ng kanyang puso.
"Ikaw ang baliw! Ang Diyos ay makapangyarihan kaya bakit siya pipirme lamang sa bawat simbahan na mayroon kayo. Ginagamit mo ba ang utak mo, Juancho!"
"Maribel, kaya ka ganyan dahil parti ka ng isang kulto. Hindi mo ba alam na ayaw ng Diyos sa mga makasalanan. Alam namin na poprotektahin kami ng Diyos namin. May sapi ka na yata!"
Papasok na sana si Juancho sa simbahan upang makipagsiksikan sa mga maninimba ngunit pinigilan siya ni Maribel. Hinila siya ni Maribel papalayo sa simbahan. Galit na galit si Juancho dahil iniisip niya na baka siya'y hanapin ng kanyang ina ngunit nawala ang kanyang pag-aalala ng nakita niya na hinahabol siya ng kanyang ina.
"Juancho, lintek ka talagang bata ka! Mapapalo kita!" galit na sigaw ng ina ni Juancho habang hinahabol silang dalawa ni Maribel. Nang sila'y nakalayo ay napatalsik sila ng isang malakas na pagsabog ang nangyari sa loob ng simbahan. Nagkalat ang mga laman ng bawat maninimba. Ang kanilang rebulto na sinasamba ay tila hindi sila natulungan. Isang malakas na iyakan ang maririnig na lamang sa simbahan.