CHAPTER 1

1185 Words
“MIYA!” Sunud-sunod na katok sa pinto ang nagpagising sa akin. Pupungas-pungas akong nagmulat ng mga mata saka marahang bumangon. “Miya!” tawag na naman sa pangalan ko. Antok na antok pa ako pero heto at ayaw talaga akong tigilan ng kakatawag at kakakatok sa pinto. “What is it, Manang Carlota?” “Miya, hinihintay ka na sa hapag-kainan ng Daddy mo! Alam mo naman na ayaw niyang kumain kung hindi ka kasabay! Bumangon ka na riyan at bumaba ka na. May bisita rin na naghihintay sa iyo.” Nilingon ko ang orasan sa mesa. Alas siyete pa lang ng umaga pero kung makakatok si Manang Carlota na kasambahay namin ay tila mayroong sunog sa loob ng bahay. Sanay naman na ako na mabilis mataranta ang matanda kaya ikinibit balikat ko na lang. “Sino po ba ang bisita na naman ni Daddy?” Tumayo na ako at hinanap ang tsinelas na nasa ilalim ng kama. “Business partner niya yata pero batang-bata pa.” Pagdating sa tsismisan, hindi pahuhuli si Manang Carlota. “In fairness, ang gwapo niya!” Nagsalubong ang dalawa kong kilay sa narinig. Si Manang talaga. “Maghihilamos lang po ako saka bababa na ako. Pakisabi na lang po kay Daddy.” “Sige, bilisan mo dahil ayaw na ayaw ng Daddy mo na pinaghihintay ang pagkain.” “Opo.” Akala ko pa naman ay matagal akong makakatulog dahil araw ng Sabado at wala namang pasok sa opisina. Nanood pa naman ako isang drama series kaya madaling araw na ako natulog. Kung walang bisita si Daddy ay hindi ako bababa dahil antok na antok pa talaga ako. Mabilis akong nagsepilyo at naghilamos ng mukha. Isang pulang shorts at puting t-shirt ang napili kong suotin. Sunod kong sinuklay ang mahaba kong buhok na malapit ng umabot sa baywang ko. Ngumiti ako sa harap ng salamin. Kahit papaano ay nagising na ang diwa ko. Babalik na lang ulit ako sa pagtulog kapag nakaalis na ang bisita ni Daddy. “Miya, bilisan mo na at naiinip na ang Daddy mo!” salubong na sabi sa akin ni Manang Carlota. “Heto na nga po. Pababa na nga po ako.” “Sabihin mo sa akin mamaya ang pangalan ng bisita ng Daddy mo ha? Para sa susunod na bumisita siya rito ay alam ko na ang itatawag ko sa kanya.” Sinabayan niya ako sa paghakbang sa hagdan. Pinandilatan ko ang matanda. “Bakit hindi ninyo na lang itanong sa Daddy?” “Naku, nakakahiya naman!” “Sige po, sasabihin ko sa inyo agad mamaya.” Lumuwang ang pagkakangiti ni Manang Carlota saka sunud-sunod niya akong tinapik sa balikat. “Sige, sinabi mo iyan, Miya. Aasahan ko iyan.” Kinindatan pa niya ako. Dumiretso na ako sa dining kung saan maganang nakikipagkwentuhan si Daddy sa lalaking nakatalikod sa direksiyon ko. Mukhang tama nga si Manang. Mukhang bata pa ang lalaki. “Good morning, Daddy!” bati ko saka agad na nilapitan at hinagkan sa pisngi. “I’m sorry to keep you waiting.” Agad na bumalatay ang saya sa mukha ni Daddy nang makita ako. Kamukha ko raw kasi ang Mommy ko na matagal nang namatay. Madalas sa akin ikwento ni Manang na mahal na mahal ni Daddy ang Mommy ko kaya sa tuwing nakikita ako ay parang nakikita niyang buhay si Mommy. “It’s fine, anak. Alam ko naman na puyat ka kagabi kaya lang may bisita tayo ngayon at gusto kong makilala mo siya.” Tumangu-tango ako kasunod ng paglingon sa lalaking tahimik na sumisimsim ng laman ng tasa. Tila malalim ang iniisip nito dahil hindi man lang ako nagawang sulyapan. Nabaling na lang ang atensiyon ko nang ipaghila ako ng upuan ni Manang na nasa likod ko na pala. “Miya, anak, siya si Lionel. Nag-iisa siyang anak ng matalik kong kaibigan. May mga pinag-usapan lang kami tungkol sa negosyo.” Bigla akong nakaramdam ng kakaibang kaba. Hindi ko maintindihan kung bakit naiilang ako sa presensiya niya. “Lionel, ipinakikilala ko sa iyo ang nag-iisa kong anak na si Miya.” Saka lang ang lalaki nag-angat ng tingin diretso sa aking mga mata. May kung anong bumundol sa dibdib ko. Pakiwari ko ay nanuot sa bawat himaymay ng katawan ko ang mga titig niya sa akin. Marahan itong tumayo saka inilahad ang kamay sa akin. “It’s nice to finally meet you, Miya.” Komportable niya agad na tinawag ang pangalan ko. May kakaiba akong nararamdaman pero hindi ko mahiwatigan kung ano iyon. Nakita ko kung paano umangat ang labi niya. Ang tipid niyang ngiti ay may hatid na kakaibang saya sa mukha niya. Napalitan ng kakaibang ningning ang mga mata niyang tila nanghuhusga kani-kanina lang. “Nice to meet you too, Lionel.” Inabot ko ang kamay niya. Ilang libong boltahe ng kuryente ang tumulay sa akin lalo pa nang bahagya pa niyang pisilin ang palad ko. Kung hindi pa tumikhim si Daddy ay hindi pa niya nais bitiwan ang kamay kong hawak niya nang mahigpit. “Masaya ako na nagkakilala na kayong dalawa. Ngayon, kumain na muna tayo. Kanina pa ako nagugutom,” dagdag pa na sabi ni Daddy. Itinuon ko ang buong pansin ko sa pagkain. Nais kong iwaksi ang ano mang nasa aking isipan. Wala lang iyon. Marahil ay nagkataon lang na ganoon ang naramdaman ko sa isang bagong kakilala. Tahimik lang akong kumakain habang nag-uusap sina Daddy at Lionel. Alam kong tungkol sa negosyo ang mga topic nila kaya hinayaan ko lang. Mainam na rin ang ganoon upang hindi na maibaling pa sa akin ni Lionel ang nakaka-intimidate na titig. Pakiramdam ko kasi para akong matutunaw. “Anak, alam mo bang si Lionel ang isa sa batang successful businessman sa henerasyong ito?” Nilingon ko si Daddy na labis na ipinagmamalaki ang lalaking nasa harap ko. “Pinipilahan siya ng mga investors dahil sa husay niyang magpatakbo ng negosyo. Hindi na ako magtataka kung kasunod naman na pumila sa kanya ang mga kababaihan. Walang babae ang hindi siya gugustuhing mapangasawa dahil wala ka ng hahanapin pang iba.” Sukat sa huling sinabi ni Daddy ay bigla akong napaubo. Hindi ako makapaniwala na ganoon ang takbo ng isip ng ama ko tungkol kay Lionel. Bakit napunta ang usapan sa pag-aasawa ng lalaki? Ibig sabihin ay binata pa nga ito. Sang-ayon ang pipi niyang isipan na magkakandarapa nga ang mga babae kay Lionel dahil sa itsura pa lang nito, tiyak na pipilahan na. Tama si Manang Carlota. Gwapo nga ito pero marami rin namang gwapo sa mundo. “Ayos ka lang ba, Miya?” tanong ni Daddy nang abutin ko ang baso na may tubig. “Yes, Dad. Pasensiya na at naabala ko kayo sa pag-uusap. Epekto lang po ito ng pagpupuyat ko.” “Dahan-dahan ka sa pagpupuyat, anak. Baka magkasakit ka niyan,” paalala ni Daddy kasunod ng marahang paghaplos sa likod ko. Tumango lang ako nang maramdaman kong may tila mainit na nakahawak sa kamay ko. “Ikukuha kita ng tubig,” ani ni Lionel kasabay ng marahang pagpisil sa kamay ko saka kinuha ang baso at nilagyan ng tubig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD