“Alam mo po? May manliligaw si Mama doon sa amin. May búngal tapos kalbo. Tapos iyong isa payat na parang langaw. Alam mo po ba? Ikaw lang iyong gwapo sa lahat. Hindi ko talaga alam kung bakit lapitin ng pangít si Mama. Siguro isinumpa siya.” Tapos sinundan ng tawa ng lalaki. Ang aga-aga iyong boses ng anak ko ang maririnig ko. Nakakapagtaka kasi tahimik ito sa ibang tao. Pero ang daldal niya ngayon. Sino naman kaya ang kausap niya? Lumabas ako. Kagigising ko lang. Pagod ako kagabi. Nag-overtime ako sa pag-a-arrange ng mga gamit. Nilinisan ko pa ang buong bahay dahil parang haunted house ito nang dumating kami. Sana lang walang multo dito. Kaya ko pang makisama sa tsismosa kaysa naman multo. Tapos ngayon may kakausap sa anak ko ng ganitong oras? Sana naman tao iyong kausap niya, 'no?