Episode 1
Halos hindi ko na maimulat ang aking mga mata sa sobrang pagod ng aking katawang lupa.
Sino ba ang hindi mapapagod?
Ikaw ba naman ang pag linisin sa loob at labas ng bahay buong maghapon at idagdag pa ang walang hanggang utos dito at utos doon ng aking Tita Claire at ng pinsan kong si Cianna.
Pakiramdam ko nga ay para bang may mabigat na bato na nakadagan sa aking dibdib habang ako ay nakahiga dito sa malamig na sahig na sinapinan ko lang ng manipis na karton.
Labing-anim na taon lamang ako ng maulila ako sa aking mga magulang. Sabay silang binawian ng buhay matapos mabangga ang kanilang sinasakyang dyip.
Nasa malayong probinsya ang mga kamag anak ko kay Papa na kahit kailan ay hindi ko pa nakita o nakasama.
Dahil si Tito Hernan lamang ang nag-iisang kamag-anak ng aking Mama. Kaya naman sa kanya ako napunta. Magkapatid si Mama at Tito Hernan.
Simula ng kanila akong kupkupin ay wala na akong matinong tulog, kain at pahinga. Kahit may sakit ako ay walang pakialam at panay ang mga utos sa akin lalo na ng aking tiyahin si Tita Claire at ang nag-iisa ko rin na pinsan na babae, si Cianna. Madalas akong makatanggap ng mga kung anu-anong mga panunumbat kapag hindi ako agad tumalima sa kanilang mga pinag-uutos.
Sa akin lahat ang trabaho. Mula sa paglalaba, pagluluto, pamamalantsa, paglilinis ng loob at labas ng bahay, pamamalengke at marami pang iba.
Ang masaklap pa, kahit konting pagkakamali lamang ang aking nagawa ay kanila na akong agad sasaktan.
Katulad ng aksidente kong mabasag ang isang piraso ng babasaging baso ay sabunot at sampal ang inabot ko kay Tita Claire at Cianna.
Si Tito Hernan naman ay walang pakialam kahit pa minamaltrato na ako ng kanyang mag- ina. Mahal na mahal ni Tito ang kanyang asawa at nag-iisang anak. Lahat din ng luho ay ibinigay ni Tito Hernan sa kanyang mag-ina. Mula sa mamahaling damit na kung tutuusin ay libo ang halaga, hanggang sa mamahaling alahas at kung anu-ano pa na mga mamahaling gamit. Sa bangko ang trabaho ni Tito Hernan ngunit hindi ko lamang alam kung ano ang kanyang posisyon. Marahil ay maganda ang kanyang posisyon kaya afford niyang ibigay ang lahat ng mga gustuhin nina Tita Claire at Cianna.
Marami nga ang nagtatanong sa akin tulad ng mga kapitbahay na kung bakit pinag titiisin ko ang klase ng pagtrato sa akin ng aking mga kamag-anak. Ngunit ngiti na lang ang aking sinasagot at hindi na nagkokomento. Mahirap na at baka makarating sa aking tiyahin at pinsan.
Sino ba ang ayaw maka-alis sa ganitong klaseng buhay? Sino ba ang nais na lagi na lang nasasaktan at nagugutom?
Sinubukan ko nang mag-paalam sa kanila para magsimula ng sariling buhay. Ngunit sumbat, mura , sabunot at sampal ang natanggap ko sa aking Tiyahin at pinsan.
Ano raw ang karapatan kong iwan sila? Sila raw ang kumupkop sa akin at nagpalamon simula ng maulila ako.
Wala raw akong utang na loob.
Basta ko na lamang daw silang lalayasan pagkatapos nila akong pasilungin sa kanilang bahay.
Kaya wala raw akong karapatan na layasan sila.
Wala naman din akong ibang pupuntahan na kamag-anak o kahit kakilala. Kaya halos apat na taon na akong nagtitiis na lamang sa pagtrato nila sa akin kahit ang totoo ay pagod na ang katawan ko.
"Kaya naman pala tawag ako ng tawag sayo at hindi ka sumasagot. Natutulog ka na pala!"
Narinig ko ang pa barumbadong pagbukas ng pinto ng aking silid kasunod ang pa-asik na boses ng pinsan kong si Cianna.
"Ano Ana Joy? Hihilata ka na lang ba riyan? Plantsahin mo 'tong damit ko dahil isusuot ko ito mamaya sa Party!"
Sabay balibag sa mukha ko ng damit na pinapa-plantsa ni Cianna. Sanay na ako sa ugali ng pinsan ko. Kaya para wala nang mahabang usapan at baka masaktan pa ako ay dahan-dahan na akong umupo mula sa pagkakahiga.
"Oo, pa-plantsahin ko na," sagot ko kay Cianna na waring aburidong-aburido pa dahil sa nakikita na mabagal kong kilos. Pinilit ko na lamang talagang ibangon ang sarili ko. Pilit akong nangunyapit sa pader sa gilid ko upang makatayo lamang kahit wala ng lakas ang mga kalamnan ko.
"Ayusin mo ang pag plantsa sa damit ko dahil napaka-mahal niyan. Ayokong may gusot kahit konti dahil puro mayayaman ang mga naroroon sa party." Madiin niya pang bilin at saka ako hinagis sa mukha ko ang damit niya.
"Ana Joy! Bakit mo sinunog ang damit ko?!" nanlalaki ang mga mata ni Cianna habang hawak-hawak ang blusang pinlantsa ko.
"Ang tanga-tanga mo talagang babae ka!" hiyaw niya ulit at saka ako sinugod.
Naramdaman ko ang mahigpit na pag sabunot sa akin ni Cianna. Halos mabunot na ang aking anit sa higpit ng kanyang pagkakahawak.
Dahil sa sobrang pagod at antok ay hindi ko namalayan na nasunog na ang laylayan ng blusang aking pina-plantsa. Kulay rosas ang blusa kaya naman halatang-halata ang itim na kulay sanhi ng pagkasunog.
"Napaka-tanga mo talaga! Alam mo ba kung magkano to? Palibhasa wala kang alam! Napaka boba mo!" patuloy na pang-iinsulto sa akin ni Cianna habang walang habas akong sinasabunutan at sinasampal.
"Hindi ko naman sinasadya Cianna. Pagod na pagod na kasi ako at nanghihina na. Kaya naman hindi ko napansin na nasunog ko na ang damit mo." Katwiran ko habang pilit inaalis ang mga kamay niya na patuloy ang pananakit sa akin.
"Gaga ka talaga! Anong susuotin ko ngayon? Napaka-tanga mo talaga!!" galit na galit ang boses niya.
"Aray! Tama na." Patuloy ko rin namang pagmamakaawa sa kanya at pilit kong inaalis ang kamay niyang mahigpit na nakakapit sa aking buhok.
"Ano na namang katangahan ang ginawa ng babaeng iyan?" tanong ni Tita Claire na kararating lamang.
"Sinunog lang naman ng tangang babae na ito ang bagong bili kong blouse na susuotin ko sa party mamaya! Ang mahal pa naman ng bili ko rito, Mama."
Sumbong ni Cianna sa kanyang Mama na kakauwi lamang at malamang na galing sa pag shoe-shopping. Base sa dami ng mga bitbit na malamang ay puro branded na damit, pabango, bags at kung anu-ano pa.
"Wala ka ng magagawa sa katangahan ng babaeng 'yan. Mabuti na lamang at binilhan kita ng bagong dress na malamang ay bagay na bagay sayo, anak," wika ni Tita Claire.
Nagningning naman ang mga mata ni Cianna sa narinig at mabilis binitawan ang aking mga buhok na naging dahilan ng pagbagsak ko sahig. Napa-igik pa ako sa sakit. Pakiramdam ko ay nabali ang balakang ko.
"Mabuti na lamang at may dala ka na pagkain Mama. Sawang-sawa na rin kasi ako sa luto ni Ana Joy."
Narinig ko pa na komento ni Cianna habang hawak ang isang styro na naglalaman ng pagkaing dala-dala ng kanyang Mama.
Malamang nito ay tubig lamang ang magiging laman ng aking sikmura.
Dahil hindi ako magluluto ng hapunan ay walang sobrang pagkain para sa akin. Bawal kumuha ng pagkain sa refrigerator ng walang pahintulot ni Tita Claire. Kaya naman kapag walang tirang pagkain ay umiinom na lang ako ng tubig at matutulog ng nararamdaman ang hapdi ng sikmura.
Madalas ko rin na tanong sa aking sarili kung hanggang kailan ako magtitiis dito sa poder nila. Gustong-gusto ko na silang layasan ngunit hindi ko magawa dahil kahit hindi nila ko pinapakitaan ng maganda ay hindi ko pa rin sila matiis.
"Ano pa ba ang tina tanga-tanga mo diyan, Ana Joy?" asik na tanong sa akin ni Tita Claire habang sinusukat ang damit na bagong bili.
"Umalis ka na nga sa harapan kong babae ka at baka sabunutan kita ulit. Bwisit ka umalis ka nga at naiinis ako sa pagmumukha mo!" pagtaboy naman sa akin ni Cianna.
"Anak, huwag mong masyadong i-stress ang sarili mo. Remember you need to look fresh and beautiful mamaya sa party na pupuntahan mo." Paalala ni Tita Claire sa kanyang anak.
"Ma, ang mahal naman kasi ng pagkaka bili ko sa blouse na 'yun na minsan lang sinunog ng babaeng 'yan!" sabay duro sa akin ng aking pinsan. At saka ako binigyan pa ng nakamamatay na tingin.
"Huwag mo ng isipin. Don't worry, once na may pumapansin sayo na isang mayaman na binata sa party. Mabibili mo na lahat ng naisin mo. Kaya magpa ganda ka na." Utos ni Tita Claire kay Cianna na hindi makapag move on sa nasunog kong blouse.
Madalas kasing ummattend ng mga pang mayaman na party si Cianna. Pangarap kasi nilang mag-ina na makabingwit siya ng mayaman na mapapangasawa at hindi naman siguro malayong mangyari ang bagay na 'yon.
Matangkad at maputi ang pinsan ko. Napaka sexy din lalo at mahilig magsuot ng damit na halos litaw na ang buong kaluluwa. Mahusay rin maglagay ng make-up sa kanyang mukha. Nagtatrabaho kasi si Cianna sa isang kilalang sikat na beauty salon na puntahan ng mga celebrities at ng mayayaman. Kaya naman hindi na nakapagtataka na maka kilala siya ng mga sikat at ang mga kilala sa alta syudad.
Pero sabi ni Aling Biding ang matandang kaibigan ko sa tapat bahay. Maganda pa raw ako kay Cianna kung tutuusin. Kaya raw siguro ganun akong tratuhin ay dahil hindi matanggap na mas maganda ako sa kanila ni Tita Claire.
Maputi din naman ako pero mas makinis nga lang sa akin si Cianna at mas matangkad pa siya.
Laging fresh ang aking pinsan samantalang ako hindi pa sumisikat ang araw ay pawisan na sa kakalinis ng loob at labas ng bahay. Amoy pawis na kahit katatapos ko lang maligo dahil bawal magpahinga. Kailangan lagi akong may ginagawa na gawaing-bahay lalo kapag narito si Tita Claire.
Naglakad na lamang ako ng tahimik papunta sa silid ko. Nanalangin na sana may matira man sila kahit konting pagkain dahil sa talagang gutom na ako. Wala naman akong pera na pambili kahit pisong kendi na pamatid ng gutom dahil konti pa lamang ang naipon kong bote at lata. Kapag naman bibili ako sa palengke ay ultimong sentimo na nawawala ay kailangan ko paliwanag ng mabuti kay Tita.
Nag buntong-hininga na lang ako.
"Totoo kaya ang prince charming? Kung totoo man ay meron kayang para sa akin? At kailan kaya niya ako ililigtas sa madilim na palasyo na 'to?"