Nakaupo si Jeff sa harapang bahagi ng court, kung saan gaganapin ang liga ngayong taon. Bilang Barangay Captain, isa siya sa mga nangunguna sa mga ganitong patimpalak. Tahimik lang siyang nagmamasid habang hinihintay ang pagbubukas ng liga. Nagpapalinga-linga siya nang biglang matutok ang kaniyang paningin, ‘di kalayuan mula sa kaniyang kinauupuan.
Ilang beses siyang kumurap-kurap upang makasigurong hindi siya namamalik-mata lang. Bigla ang pagbilis ng t***k ng kaniyang puso, nang makita ang magandang mukha ng nag-iisang babaeng bumihag ng kaniyang puso.
Agad siyang tumayo mula sa kaniyang kinauupuan at naglakad upang lapitan ang dalaga. Hindi niya maaaring palampasin ang pagkakataong iyon. Kailangan niyang makausap ito bago pa siya maunahan ng iba. Kailangan niyang makasigurong walang ibang makalapit sa dalaga.
“Hi,” nakangiting bati niya sa dalaga nang tuluyan na siyang makalapit dito.
“He-hello.” Tila nagulat naman ito sa bigla niyang pagsulpot sa harapan nito.
“Kumusta na? Kailan ka pa dumating?” magkasunod na tanong niya rito.
“Ahm, kahapon lang. Ikaw kumusta? Congrats nga pala, look at you. Captain Jeffrey Santos!” nakangiting bati nito sa kaniya.
“Thank you,” nahihiyang saad naman niya rito, sabay hawak niya sa kaniyang batok. Magsasalita sana siyang muli, nang may tumawag sa kaniya mula sa kaniyang likuran.
“Kapitan, magsisimula na tayo! Mamaya na ang ligaw!” anang nagsalita.
Nang lingunin niya iyon ay ang nakangising si Rex ang bumungad sa kaniya. Kasama nito sina Lester at Chino, na kagaya ni Rex ay nakangisi rin ang dalawang kaibigan sa kaniya. Kakamot-kamot lang siya ng ulong bumaling kay Kristine.
“Ahm, mag-uumpisa na ang palaro. Gusto mo bang doon na lang maupo?” tanong niya sa dalaga sabay turo sa bandang harapan ng court, kung saan siya nakapuwesto kanina.
“Are you sure? Hindi ko tatanggihan iyan,” nakangiti pa ring tugon nito sa kaniya.
Ikinatuwa naman ng kaniyang puso ang kaniyang narinig. “Oo naman sure na sure. Tara?” Sabay lahad niya ng kaniyang kamay sa dalaga.
Agad niyang binawi iyon nang titigan lang iyon ni Kristine. Ang awkward nga namang feeling niya, okay na okay sila ng dalaga. Maglalakad na sana siya palayo nang humawak ito sa kaniyang braso. Sinulyapan niya ang dalaga dahil hindi siya makapaniwala sa ginawa nito.
“Let’s go!” Tiningala pa siya nito saka ngumiti nang ubod nang tamis.
“Yown! Mukhang may magbabalik.” Narinig pa niyang kantiyaw ni Rex mula sa kanilang likuran.
Napangisi na lang siya sa sinabi ng kaibigan saka sila naglakad ni Kristine sa harapang bahagi ng court. Inalalayan pa niya ang dalagang makaupo bago siya naupo sa tabi nito. Hindi pa rin siya makapaniwalang kasama niya ngayon ang babaeng kaniyang iniibig. Ang babaeng nagmamay-ari pa rin ng kaniyang puso.
‘Hindi matatapos ang gabing ito, na hindi tayo nakakapag-usap at hindi ko naaamin ang damdamin ko para sa iyo Kristine,’ determinadong saad ni Jeff sa kaniyang sarili.
Ito na nga kaya ang matagal na niyang hinintay na pagkakataon? Pareho pa rin kaya ang kanilang nararamdaman ni Kristine para sa isa’t isa?